Ni Noji Bajet

“Nauunawaan niyo ba?” bunghalit ng bisor sa pangkat. Pinigil ng mga ilustrador ang panginginig. Walang kumibo. Hugong lang ng aircon ang maririnig. Subalit, nang mahagip ng paningin ng pinuno ang isang katrabaho, marahas nitong dinaklot ang stylus pen mula sa kamay ng baguhan. Iminuwestra nito ang wastong pagguhit ng higanbana sa malaking screen.

Tumutok lahat ng mga mata sa harapan.

“Poesiya! Dapat kasi madama ng manonood ang poesiya sa hagod ng inyong brush. Ang bulaklak ay dapat buhay na buhay sa frame! Nauunawaan niyo ba talaga?”

Sa antok ng lahat, mahirap nang makaapuhap ng itutugon sa bisor.

Sa katunayan, magtatatlong buwan na silang nagkukumahog sa pagtapos sa huling season ng seryeng animated na kinomisyon pa sa kanila ng isang streaming service sa Estados Unidos. Mistula na nga silang mga patay na lubog na ang mga mata sa kaguguhit ngunit heto’t gusto ng bisor na buhayin pa ang pulang bulaklak na sansaglit lang naman kung lilitaw sa screen.

Sikat ang kliyente at ang mas sumusubok sa kanila ay ang huling episode na siyang itinoka sa pangkat. Ibig sabihin, pinakamaganda. Nauunawaan naman nila iyon ngunit pihikan talaga ang bisor. Isang maliit na detalye lang naman sa eksena iyong bulaklak. Nakalagay sa plorera sa tabi ng nakahigang bida ngunit napansin pa rin nito dahil ganoon nga talaga, madetalye.

Wala naman pala siyang napala nang gaygayin ang mga flower shop upang makabili ng ganoong pambihirang klase ng bulaklak. Bilang isang ilustrador, hindi niya kasi gusto ang imahe lang na mula sa internet. Gusto niya, pisikal. Iyong nadadalipirot, iyong nasasalat ng kamay ang gaspang o lambot ng bagay. Marahil, ganoon ang gusto ng bisor.

Muling inulit ng pangkat ang bulaklak sa frame at sa bisa ng kanyang gabay, nakuha rin nila ang gusto nitong realistang istilo sa obra.

Sa tabing ng mahinang ulan at hangin, nahagip pa rin ng kanyang paningin ang mukha ng kaibigan. May kung anong nagbago rito. Kung ano, mahirap mawari. Parang awra. Basta, may naiba. Nakatayo ito at nakatingin sa kanya. Si Jimmy ngunit hindi si Jimmy.

Nang matiyak ngang kuntento na ito, bumiloy ang kanyang mga pisngi, kasabay ng pagtagos ng nakasisilaw na mga silahis ng araw sa salamin ng palapag.

Hangos siyang lumabas ng kanilang gusali kipkip ang tablet. Dala-dala niya ito palagi dahil bukod sa silbi nitong pangkontak sa kanya, ito rin ang kanyang sketch pad. Nakakapagguhit siya kahit kailan niya gusto.

Tinungo niya ang kalapit na Uncle John’s upang bumili ng pakete ng sigarilyo. Sa gilid ng convenience store, sinindihan niya ang isang istik. Salibayan sila ng iba pang trabahante mula sa gusali sa paghithit-buga, sabik sa kimika na muling magpapabuhay sa kanilang dugong tila nanigas sa lamig ng magdamag.

Lumapit sa kanya ang isang lalaki. Ang bisor na naman. Kapansin-pansin ang pagkaamo na ng mukha nito. Nahimasmasan na ‘ata. Tila hindi nagsadragon kanina.

Inalok niyang sindihan ang yosi nito.

Pagdaka’y nagkuwentuhan sila tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa kanilang propesyon.

Habang nagkukuwentuhan, hindi niya mapigil na pangingibabawan ng pagtataka ang kakatwang pagbabagong-asal ng kausap. Dala nga siguro ng istres. Nauunawaan niya iyon. Gayunpaman, may umahong alaala sa kanyang isipan dahil ang pagkalitong iyon ay nadama na niya rati.

Parang si Jimmy.

Sa totoo lang, kahit pa man isang prebilehiyo ang maging isang kawani ng kanilang estudyo dahil sa katayuan nito sa industriya ng animasyon, may mga pagkakataong nakikipagtunggali siya sa existential crisis. Minsan nga sa pantry, habang hinahalo ang kape, napapamaang na lang siya sa dingding at natatanong kung paano o bakit siya napadpad sa trabahong nagpapabuhay ng mga bagay-bagay sa screen.

Si Jimmy nga. Si Jimmy kasi ang dahilan.

Dati, noong nag-aaral pa siya ng kursong Fine Arts sa UP, naging kapitbahay niya si Jimmy sa isang paupahang gusali sa Daang Krus. Karamihan sa mga nag-aaral doon ay nangungupahan sa mga dormitoryo o studio apartment sa nasabing barangay na kanugnog lang ng pamantasan. Ang gusali nila, may mga beranda. Solo ng nangungupahan ang bawat palapag. Siya sa ikalawang palapag at si Jimmy naman sa ikaanim, sa pinakamataas.

Sa ilalim ng dagat, naroon siyang lumalangoy. Kita niya ang makukulay na isda at korales dahil sa liwanag ng araw. Biglabigla, nilambungan ang paligid ng karimlan. Natuklasan niyang ang dilim ay galing sa itim na tinta ng malaking pugita. Dinukwang siya ng mga galamay nito.

Noon, dadalawa lang sila sa gusali. Iyon ang pagkakaalam niya.

Dalawang taon nang gradweyt si Jimmy sa
Fine Arts kaya nagkaroon siya ng masasandigan
tungkol sa mga pasikot-sikot ng kurso.

Kay Jimmy niya nalaman ang mahahalagang artista at iba pang makasining na dapat niyang
pag-aralan nang maaga. May kaalaman na rin siya pagdating sa mga propesor na terror. Ang mga taunang patimpalak na puwedeng lahukan. Kontak ng mga nagmomodelo para sa mga nude painting. Iyong mga negosyong nangangailangan ng mga manlilikha para sa disenyo ng kanilang establisyimento. Iyong mga okasyon o pagtatanghal na kailangan ng art installation. Pati iyong mga paaralang nagtatawag ng mga manlilikha para magpinta ng mga gulay, prutas, hayop, o mga planeta sa solar system sa mga pader. Nakatulong sa kanya ang ilan sa mga suhestiyong ito upang may iba pa siyang gawin bukod sa pagiging ilustrador sa isang bagong tayong estudyo, ang una niyang trabaho noon. Sa umaga, aral. Sa hapon, animasyon.

Hindi ang pagiging makasining ni Jimmy at ang kaalaman nito sa sirkulo ng mga manlilikha at kliyente ang hindi niya malilimutan.

Hindi niya palaging natitiyempuhan ang kapitbahay sa paupahang gusali. Madalas daw itong stay-in sa trabaho, sabi sa kanya ng landlady na noo’y naglilinis ng silid sa ibang mga palapag upang maayos na datnan ng mga naghahanap ng matitirhan.

Isang araw kung kailan iskedyul ng pahinga nito, nakadaupang-palad niya ito sa may hagdanan at inimbita siyang magminindal sa Maginhawa St.

Takoyaki ang natripan nilang kainin sa isang kainang parke na bukas lagi sa publiko.

Tulad niya, may biloy sa pisngi si Jimmy na bahagyang lumilitaw kapag nginunguya ang malilinggit na bola-bola. Kuwento nito, nagtatrabaho ito sa isang pribadong museo, sa dibisyong pang-artsibo. Nang malaman ni Jimmy na gamay niya ang animasyon, noon nito inirekomenda ang estudyo na pinagtatrabahuan na niya ngayon. Nakapagpagawa raw kasi sina Jimmy sa estudyo ng magandang patalastas para sa isang okasyon ng museo na nagtampok ng mga makasaysayang likhang sining na tinitipon ng dibisyon. Alok ni Jimmy, puwede raw siyang magbakasakali sa kumpanyang ito kung tapos na siya ng Fine Arts at ayaw na niya sa bagong-tayong estudyo.

Ikinuwento sa kanya ni Jimmy ang tungkol sa pamilya nito. Taga-Makati raw, sa isang tagong subdibisyon na may kalayuan sa maingay na distritong pangkomersiyo. Nilihim daw nito ang pag-aaral sa UP. Akala ng mga magulang, sa Ateneo ito nag-aaral ng pangangasiwa ng negosyo. Gusto ng mga magulang ni Jimmy na sumunod sa yapak nila at maging alumnus ng pamantasan.

Tinutukso si Jimmy ng mga kaklase dahil sa lihim nito na alam nila. Masasabi mang burgis, sumasama pa rin naman ito kung yayain siya ng ilang mga kaklase na magpinta ng mga plakard o gumawa ng effigy para sa mga protesta sa lansangan.

Sa pagkukuwentuhang iyon, nang tila wala nang puwedeng mapag-usapan, dumako sila sa
disenyo ng kainang parke.

“Tingnan mo ‘yang mural. We painted that,” sabi ni Jimmy habang nilalantakan ang pagkain. “I know someone,” pagpapatuloy nito. “Kasama ko siya nang ipinta ‘yan. Alam mo kung ano ang ginagawa niya sa octopus?”

Namilog ang kanyang mga mata, hiwatig ay interesado siyang malaman.

“Dude, hinahayaan niyang pagapangin sa kanyang—”

Napatda si Jimmy sa pagsasalita ngunit narinig niya sa isipan ang kasunod niyon.

“And then, naramdaman niya raw ang maliliit na ngipin…” sabi nito.

Mas lalong namilog ang kanyang mga mata.

Napatikhim si Jimmy. “I also dream about octopus. Ano bang zodiac sign mo? Aquarius ako. May binabasa akong horoscope sa dyaryo at nagkakatotoo nga
lahat.”

“Nagkataon lang. Hindi ako naniniwala diyan,” tugon niya.

“No, Dude. Every day! Since malaman ko iyong kuwentong ‘yon tungkol sa octopus, napapanaginipan ko na rin. Nag-e-mail nga ako sa columnist ng horoscope. Sabi niya, mapanakop.”

Sinabihan niya si Jimmy na baka nanloloko lang ang kolumnista upang patuloy nitong subaybayan ang horoscope sa dyaryo. Haka niya, natural lang sa Aquarius ang mga panaginip tungkol sa tubig at mga laman-dagat.

“Or hindi kaya ako si Poseidon? Reincarnated?” seryosong tanong ni Jimmy.

“Gago, Griyego ka?”

Pareho silang napahagalpak. Sa gigil, naitalsik niya palabas ng bunganga ang tapyas ng galamay ng pugita mula sa kinakaing takoyaki.

Muli niyang tinitigan ang mural. Naroon ang isang dambuhalang pugita, pulang-pula. Sunod siyang napatitig kay Jimmy. May kung anong kawirduhan ang bagong kakilala, naisaloob niya.

Nanatiling balani ang kapitbahay sa ilang mga kadahilanan.

Minsan, nakita niya ito sa may dulo ng kalye habang nagkakape sa isang pondahan sa
kabilang dulo.

Nakapayong si Jimmy. Nakasuot pa ng botas na kulay dilaw.

Sa tabing ng mahinang ulan at hangin, nahagip pa rin ng kanyang paningin ang mukha ng kaibigan. May kung anong nagbago rito. Kung ano, mahirap mawari. Parang awra. Basta, may naiba. Nakatayo ito at nakatingin sa kanya. Si Jimmy ngunit hindi si Jimmy.

Pagkuwa’y biglang nahihiyang lumiko ito sa eskinita sa unahan. Baka pinagtitripan siya ng lintik.

Hindi na kasi lingid sa kaalaman niya ang kalakaran sa looban sa likod ng paupahang gusali. May mga nagsisigaw na lang, wala namang kaaway. Kinakaladkad tuloy ng mga tanod.

Baka nga lutang ito. Baka nasa impluwensiya ng bawal na bisyo.

Noon niya naalala ang nauna nilang lakad—nang yakagin siya nitong tikman ang pinakamasarap daw na pares sa buong Kyusi.

Nanggigipalpal sa alikabok ang puwesto ng paresan sa may tapat ng isang construction site sa Quezon Avenue. Sumingit silang dalawa sa mga trabahador na sabik nang kumain. “Bok, ito ang pinakamasarap na pares sa buong Kyusi,” pagmamalaki sa kanya ni Jimmy.

Totoo naman. Naglalaway siya na parang aso nang hainan sila ng pares ng manong. Hindi nagkamali si Jimmy. Malinamnam nga ang sabaw at malambot ang karneng baka.

“Bok, kung trip mong kumain ng pares, dito ka na lang. Sa ibang p’westo kasi, may mga sahog na karneng hinahayaan na lang nila sa malaking kaldero. Iniinit nila iyon palagi at kung magtatagal na sa gayong gawi, mapapansin mo na nangangamoy na ang karne, amoy-bulok na. Hindi ‘yon napapansin ng mga kustomer na sa gutom ay manhid na ang dila sa panlasa. Kain pa rin, basta magkalaman lang ‘yong sikmura.”

Patango-tango na lang siya sa kaibigan habang pinangingibabawan ang sandali ng pagkalito dahil sa kakaibang angat ng tono nito sa mga sulok ng pananalita. Matatas na ito kung managalog na may kapansin-pansing diin na tiyak niyang buhat sa diin ng diyalekto sa Timog Katagalugan.

Natukoy niya ang diing iyon dahil sa huntahan ng mga kasama nilang mason na bagong salta sa lunsod, matatagpuan ang mismong diin na iyon sa pananalita. Ibang-iba sa tono ng tipikal na konyong burgis, na alibughang anak ng mag-asawang negosyante sa Makati. Baka nga siguro epekto iyon ng imersiyon ni Jimmy sa paresan.

Hinintay niyang tumila ang ulan. Pati ang kaibigan, hinintay niyang dumaan sa harap ng pondahan. Gusto sana niya itong yayaing magkape nang mahimasmasan naman sa trip nito. Nang dumaan na nga ito sa harap ng pondahan at kanyang sinutsutan, hindi siya pinansin. Tuloy-tuloy lang ang lakad ng loko.

Hindi lang ang tao ang palaisipan. Maging ang gusali, may kung anong katangian. Noong unang kapaskuhan niya sa Daang Krus, kung kailan kasasara lang nila ng account ng isang animated na patalastas ng bitamina para sa mga bata, inumaga na siya ng dating. Deretso siya agad sa kama upang matulog. Ilang sandali pa’y naalimpungatan siya sa mga lagitik ng sapatos. Binalewala niya iyon at bumalik sa pagtulog. Patang-pata kasi ang kanyang katawan. Pagkalabas niya ng silid sa tanghali, naamoy niya ang isang matinding amoy. Pamilyar iyon.

Tila amoy ng matandang lalaking tumatabi sa kanila ng kanyang lola kapag isinasama siya nito sa simbahan noong bata pa siya. Ang imahe ng amoy sa kanyang isipan ay isang matandang nakasalaming aviator, naka-tuck in ang polo sa pantalon, balat ang sapatos, at kumikinang ang buhok sa pomada.

Haka niya’y may pumupunta yata sa gusali upang tingnan kung may mauupahang silid. Hindi naman niya maisip si Jimmy dahil sa cologne nitong pamilyar na sa kanya kung lalabas silang
dalawa upang kumain.

Naulit pa ang hiwagang iyon ng ilang beses.

“Dude, okay ka lang ba?”

“Ha? Wala,” napatangang tugon niya nang makaharap niya sa inuman si Jimmy. Hindi niya pinahalata sa kasama ang pagtataka. Sinupil din niya ang umaahong takot sa kanyang kaibuturan.

“Dude, baka minumulto ka?” pahagikhik na tanong sa kanya ni Jimmy na hithit-buga ng yosi. “May kuwento sa akin ang landlady,” pananakot nito habang nakangisi.

Langhap niya ang amoy ng pinaghalong usok at cologne nito.

Nagpaalam sa kanya si Jimmy dahil magsosolo trip daw ito sa Baguio. Kinutuban siya sa sinasabi nitong trip.

“Magpapaalam pa, e, parang artifact ka na sa museo dahil sa paglagi mo roon,” tukso niya sa
kapitbahay.

Nagpaliwanag naman si Jimmy. Maniniktik daw ito ng mga karosa ng bulaklak sa Panagbenga Festival. Gustong-gusto raw nitong ipinta ang mga bulaklak, isang palasak na paksa pagdating sa mga master ng klasikong sining.

Nabanggit din lang ni Jimmy ang tungkol sa klasikong sining, naalala niya tuloy ang isang babaeng pinakiusapan niyang magmodelo para sa proyektong nude painting sa klase. “A, ‘yang si Jimmy, pagdating sa medium ng pagpipinta, parang hindi mula sa panahong ito. Ipinipinta niya ang mga bulaklak katulad kung paano ipinipinta ang mga ito sa nakaraan.”

Habang nasa Baguio ang kapitbahay at nagiisa siya sa paupahan, palagi niyang naiisip ang sinabi ng modelo. Gusto rin niyang makita ang ibang mga pinta ni Jimmy. Iyong mural lang kasi ang tanging nakita niyang likha ng kapitbahay.

Isang gabi, nanaginip siya.

Sa ilalim ng dagat, naroon siyang lumalangoy. Kita niya ang makukulay na isda at korales dahil sa liwanag ng araw. Bigla-bigla, nilambungan ang paligid ng karimlan. Natuklasan niyang ang dilim ay galing sa itim na tinta ng malaking pugita. Dinukwang siya ng mga galamay nito. Unti-unting pinuluputan ang kanyang mga paa, binti, kamay, braso, leeg, dibdib, at baywang. Pilit siyang nakipagtunggali sa laman-dagat ngunit mahigpit talaga ang kapit nito. Nagpumiglas pa rin siya at nanlaban.

Unti-unting nawala ang itim na tinta at tumambad ang anyo ng halimaw. Dahan-dahang ibinuka ng pugita ang bunganga nito at naguslian ang matutulis na ngipin. Pahaba nang pahaba.

Gayunpaman, sa pambihirang puwersang nadama sa kaibuturan ng takot, hinablot niya isa-isa ang mga galamay ng pugita. Sa higpit ng kanyang hawak, napisak ang mga galamay nito hanggang sa maabot niya ang sentro ng katawan. Buong lakas niyang winarak ang laman at nakita niya ang tatlong pusong tumitibok.

Nakaligtaan pala niyang sabihin noon kay Jimmy na may nalalaman din siya tungkol sa pugita at sa pambihirang pagkakataon na Aquarius din siya.

Naalimpungatan siya dahil sa sigaw. Dama niya ang malamig na pawis sa batok. Ang una niyang naisip ay may lutang na naman sa may looban. Hangos siyang nagtungo sa beranda upang alamin kung tama ang kanyang suspetsa ngunit nakita niyang nagtatakbuhan ang mga tao palabas ng looban.

May sunog daw.

Walang kagatol-gatol niyang inilikas ang mga gamit. Narinig niya ang pagputok ng mga kable ng kuryente sa looban, nagbabantang tupukin din ang kanilang gusali.

Nang mailikas na sa kalsada ang kanyang mga gamit, naalala niya si Jimmy.

Dali-dali niyang winasak ang pinto ng silid nito. Noon pa pala siya unang nakapunta sa silid ni Jimmy. Tumambad ang may kalinisang espasyo na may aparador, mesa, silya, at kama. Sa sulok, nakapirmi ang tatlong storage box na tila mga mumunting kabaong.

Wala siyang numerong pangkontak kay Jimmy kaya pinakiusapan niya ang may-ari ng gusali na kontakin ito upang ipamalita ang nangyari.

Tulad nga ng inasahan, umuwi rin agad si Jimmy.

Nang lapitan siya nito sa basketball court, nadama niya iyong damdamin nang makita ito noon sa ulan. Masidhi ang tila awra nito na parang si Jimmy na nakapayong at nakabotas. Nabanaag niya sa mga mata nito ang pagkabigla sa nangyari. Parang ito pa ang may mas matinding trawma kahit hindi nasaksihan ang sunog na nangyari. Pinagmasdan nito ang mga residente na naghahakot ng mga ari-arian.

Itinuro niya sa kaibigan ang mga nailikas na gamit nito, pati na ang mga kahong plastik na pinagpatong-patong niya. Namutla ang mukha nito, parang nahiya sa pagkakahalughog niya ng
mga gamit, na tila nakita na niya ito nang hubo’t hubad.

Naupo si Jimmy sa silya at muling pinagmasdan ang mga pamilyang nakapirmi sa mga banig na kanilang inilatag, tila nagpipiknik. May kung anong lagim sa mga mata ng kaibigan na hindi niya maarok ang lalim. Hindi ito makatingin sa kanya.

Pagkatapos ng insidenteng iyon, hindi na muling bumalik ang Aquarius na si Jimmy sa gusaling paupahan na muntikan nang lamunin ng apoy.

Nang iwan siya ng kanilang bisor, bumalik siya sa loob ng Uncle John’s at bumili ng frozen na takoyaki na listong ininit ng kahera. Nagnanaknak ng butil-butil na tubig ang salamin ng convenience store dahil sa umaahong alinsangan ng lunsod.

Habang pinapainit ang pagkain, naalala niya ang laman ng mga storage box na nailikas niya
mula sa gusali.

May nakasulat na letra bawat isa na umakit sa kanya upang buksan: “P” na may guhit ng
puso, “M,” at “V.”

Sa sisidlan para kay “P” na may guhit ng puso, naroon ang folded na payong at pares ng botas na kulay dilaw. Mayroon ding panyolito, suklay, at sipit sa buhok. Sa sisidlan para kay “M,” naroon ang mga sulat at ilang mga guhit ng mga tanawin sa kanayunan. At sa kahon ni “V,” may lumang bote ng Paco Robanne at isang pares ng sapatos na balat na may kabigatan. Naroon din ang mga tuyong talulot ng mga bulaklak at pagkaganda-gandang pintang larawan ng mga ito.

Sa kahon ni “P,” nahalungkat din niya ang isang lumang kahon ng sapatos na naglalaman ng maliliit na laruan. Beyblade, trumpo, teks, kabibe, at lumang kahon ng posporo na may mga kuwadrong pambahay sa gagamba.

Naroon din sa kahon ang litrato ng tila isang angkan. May lolo, may lola, nanay, tatay, may mga tiyahin, may mga tiyuhin. May mga batang babae at nag-iisang lalaki. Isang buong angkan yata dahil nakasuot lahat ng gingham. Kapansinpansin ang nagupit na ulo ng isa sa mga mamang nakapantalon.

Lahat sila, tila nasa piknik dahil nasa likod nila ang asul na asul na karagatan.

Habang nilalantakan ang mainit-init na bola-bola sa sulok, tinitiktikan niya ang bawat taong papasok sa loob ng convenience store, napapaisip siya kung sino ito. Kung sino-sino. O, kung kaya niya talagang mapagsino.

Binalikan niya ang iginuguhit na obra sa tablet. Tinatapos niya ang isang tagpong may pugita at mga lalaki. Dambuhala ang lamandagat at naroon si Jimmy…si Jimmy na naman… si Jimmy ulit…si Jimmy pa rin…at siya…na pilit dinadaig ang halimaw na naghuhumindig.