Ni Timothy Ignacio
Ang pagkuha ng mga larawan sa kalye ang isa sa pinakamamahal kong gawain bilang photographer. Bitbit ang aking kamera, lakad lang ako nang lakad sa mga lansangan hanggang sa matagpuan ko ang mga eksenang hinahanap ng aking puso. Para sa akin kasi, nandito ang totoo at iba’t ibang mukha ng kuwento na aking binubuo. Dito ko rin nakikita ang mga imaheng nakakapagpasaya sa akin. Minsan naman ay nakakadurog ng aking puso.
Noong ika-7 ng Hunyo nitong taon lamang, nagkayayaan ang aming grupong LAGISTA o ang Laguna’s Group of Litratista na mag-photowalk. Kasama ang mga malalapit kong kaibigan sa industriya ay masaya naming nilakad ang bayan ng Sta. Cruz, Laguna kung saan dito rin kami nakatira. Dito, muli kong nasilayan ang mga eksenang pumukaw sa aking damdamin. Ang mga munting anghel na abala sa kanilang pagkain. Mga lolo at lola na hindi alintana ang edad sa paghahanapbuhay. Mga taong nililibang ang kanilang mga sarili para hindi maramdaman ang hirap at pagod ng kanilang trabaho sa kalye. Mga biyaherong umaasa na ligtas silang makakauwi sa kanilang mga tahanan.
Sa mga ganitong eksena higit na nabibigyan ko ng malalim na kuwento ang aking mga kuha. Mga imahe sa lansangan na alam kong aantig sa puso ng sinuman. At ito ang aking kuwentong kamera.