Ni John Michael Salvador
Umiikot pa rin naman
ang mundo, sa sariling
espasyong ginawa,
para lamang sa kanya
at kinakain pa rin naman
ng mga araw ang papel na
kalendaryo
Ngunit bakit hindi kayang
punan ng oras at mga segundo
ang pagkainip sa muling pagdapo
ng agpang na linya
ng ating palad sa isa’t isa.
Alam kong umuusad pa rin
ang mga araw at taon
—natatapos ang gabi
at bukas, makikita kitang
muli, ngunit bakit
kapag hindi ka kapiling
ang isang araw ay parang
kay tagal bilangin