Ni Jenny Salazar Peregrin
pag-uwi galing trabaho
sinalubong kita ng yakap at halik,
pagod kang umupo at nagpahinga
kaya’t tinimplahan kita ng mainit na kape.
sa pag-abot ko ng tasa
nahuli ko ang iyong pilit na ngiti
pansin ko,
ang pag-aalinlangan at ang pagkailang
masyado yatang mainit kaya ika’y napaso
pero kung pinalitan man ng maligamgam
ay baka ‘di sumakto sa iyong panlasa
maaaring lumamig o tumabang
ang pagsasama
sabay abot mo sa dalang supot ng tinapay
marahang hinigop ang kape
saka idinampi ang iyong labi sa ‘king noo
ako’y iyong hinagkan, pero ‘di ko nakaligtaan
ang pagbuntong-hininga
‘di nga gininaw pero ramdam ko ang panlalamig
saglit lamang nawawala sa tahanan
pero sa bawat pag-uwi, at sa muling pag-alis
pinipilit na lamang pasiglahin
ang bawat pagkumusta
at ang bawat pamamaalam.