Ni Roy V. Aragon

Talos mo ang namagitan.
Ang lahat ng dilim
na hindi ipinaliwanag

dahil hindi naman natin
inasam na susuong tayo
sa liwanag.

Disyembre noon,
gunita itong nanunuot
sa balat,

marahang-marahan
ang dampi
tila himig

na nauulinig mula
sa malayong-malayo,
minsa’y buong-buo,

minsa’y pira-piraso,
madalas ay mahabang patlang
lamang ang dumaratal na awit,

malamyos ngunit tahimik.
Tahimik ngunit kung bakit
sumisiksik, naninikit,

katulad ng ginaw
na itong di na bumitaw
dumaan man ang mga tag-araw.

Disyembre na namang muli
at ito ang hindi
na natin maisasatinig,

na batid natin ang lahat
sa pamamagitan
ng sinusuong nating taglamig.