PUSTAHAN SA PAG-IBIG

“Hindi tayo nagbibiruan,” ang pakli ni Raul, na tumayo pa at hinarap si Fidel, “Sampalan ang ating pustahan.”

Ni Nemesio E. Caravana

(Unang nalathala: Abril 28, 1952)

HINDI malimut-limot ni Fidel Mirasol, ang nakita niyang nagtagumpay na kagandahan sa Fiesta Pavillon ng Manila Hotel, na may kinalaman sa paghirang ng babaing may pinakamagandang pangangatawan, na binuksan ng “Saga Pictures”, upang siyang gawing pangunahing babae sa pelikulang may pamagat na “Kariktan.” Limang hurado ang nagkaisa ng palagay at hatol na si Carlota Salome ang tumutugon sa alindog na hinihingi ng patakaran: limang talampakan at anim na daling taas, buhok na lampas baywang, hawas at karaniwang ganda ng mukha, dibdib na punung-puno ng pag-ibig, baywang na hatik, saka timbang na sukat ng mga hita at binti. Sa may limandaang sumali ay si Carlota Salome ang namukod.

Talagang hindi makatkat sa balintataw ng mga mata ni Fidel ang nagtagumpay na kagandahan. Ang totoo’y niligalig siya ng alindog ni Carlota Salome. Magdamag na hindi siya nakatulog. Ipikit at idilat niya ang kanyang mga mata nang sinundang gabi ay si Carlota ang kanyang nakikita.

“Hum,” ang naibulong sa sarili ni Fidel, “huwag kang ulol, Mirasol. Para kang bagong singki sa mga babae.”

At dinampot sa mesitang kinapapatungan ang larawan ni Ester de Villa, ang babaing pinagsanlaang una ng kanyang pa-ibig. Itinaas nang pantay-mata ang larawan ni Ester. Parang panaginip na nanumbalik sa kanyang guniguni ang sumpang binitiwan sa may larawan: “Ipinareremata ko na sa iyo ang aking puso”.

“Ano bang rematado na,” ang sagot na rin niya sa sariling parang nahihibang sa lagnat, at ibinabang dahan-dahang ang larawan. “Kay Carlota Salome ko ipareremata.”

Tinapunan ng tingin ni Fidel ang unti-unti nang namamaalam na liwanag ng araw sa nakabukas na durungawan. Para siyang pinapasong kung napapaano. Maging sa liwanag na namamaalam ay buhay na buhay niyang nakita ang larawan ni Carlota. Baliw na tumayo si Fidel. Kinuha ang kanyang “sport coat” at isinuot, saka tinungo ang garahe at inilabas ang kanyang mangingislap na “run-about”.

Takip-silim na nang dumating siya sa kanilang “club-house”. Inabtan niya ang mga kaibigang si Carlota Salome rin ang paksa ng salitaan.

“Talaga… talagang huwaran sa kagandahan si Carlota Salome,” ang may himig pagmamalaki niyang sabad. “Lilimutin ko na ang aking mga kahibangan kung maiibig nya ako.”

“Hoy… “ ang patuksong hadlang sa kanya ni Raul Lucero, “mahirap na mangyari ang sinasabi mo. Kilala ko si Carlota. Sa biglang tingi’y isang babaing madaling siklutin ang puso, ngunit subukin mong paibigin at magbibilang ka ng panahon.”

Namula ang mga pisngi ni Fidel sa sinabi ni Raul. Nilapitan niya ang kaibigang binata at tinapik-tapik sa balikat, saka…

“Hindi ako naghahambog, si Carlota ay mapaiibig ko sa loob ng tatlong linggo lamang.”

“Buwan man ang sabihin mo’y masisira ka pa rin,” ang tugon ni Raul.

“Pustahan tayo!” ang hamon ni Fidel sa kanyang kaibigan.

“Oo, pustahan tayo,” ang walang gatol na tugon ni Raul.

“Magkano ang gusto mo?” ang totohanan nang salo ni Fidel.

“Huwag tayong magpustahan ng salapi,” ani Raul, “sampalan tayo. Pag napaibig mo si Carlota sa loob ng tatlong buwan ay masasampal mo ako sa harap ng ating mga kaibigan sa klub na ito, at kung ikaw naman ang matalo’y sasampalin naman kita.”

Pinanlakihan ng mga mata si Fidel. Nahalata niyang may malaking pagmamalasakit si Raul kay Carlota. Naramdaman niyang nag-init ang mga dugong nananalaytay sa kanyang mga ugat. Ang masakit na paghahamon ni Raul ay hindi mapararaan.

“Narinig ninyo, mga kasama,” ang baling ni Fidel sa mga kaharap, “sampalan ang aming pustahan.”

“Hindi tayo nagbibiruan,” ang pakli ni Raul, na tumayo pa at hinarap si Fidel, saka idiniin ang pananalita: “Sampalan ang ating pustahan.”

Hindi na sumagot si Fidel. Iniabot ang kanyang kamay kay Raul, tanda ng kanilang pagkakasundo sa pustahan, saka…

“Tamang-tama,” ang wikang ngingiti-ngiti ni Fidel, “a primero ngayon ng Enero, sa makatuwid ay matatapos ang kasunduan natin sa unang araw ng Abril”

Tumango lamang si Raul, saka tinalikuran na si Fidel. Kuyom ni Raul ang sampung daliri ng kanyang mga kamay dahil sa malaking pagngingitngit. Paano’y kasintahan niya si Carlota Salome. Magkapitbahay sila sa lalawigan. Kilalang-kilala niya ang dalaga mula pa sa pagkabata. Dalagita pa lamang ito’y pinagtapatan na niya ng pag-ibig ngunit nang tugunin siya ng “oo” ay nang gabing bago humarap ito sa mga huradong humatol sa timpalak kagandahan. Gayunma’y minabuti niya ang kanilang pustahan. Aniya’y masusubok ang tibay ng kanyang kasintahan.

“Masusubok ko ang kahambugan ng Fidel na ito,” ang bulong sa sarili ni Raul, habang pinagkikiskis ang mga palad ng kamay. “Mangangapal ang kanyang walang-hiyang mukha sa sampal na ibibigay ko sa kanya.” At mula nang hapong yao’y pinangatawanan na ni Fidel Mirasol ang pamimintuho kay Carlota Salome. Sa pasimula’y ginabi-gabi niya ang pagdalaw rito. Magaang niyang naanyayahan ang magandang si Carlota sa mga pagkain, hanggang sa maakit niyang maipagsama sa mga “night club”. Lingid sa kaalaman ng dalawa’y lihim na sumusubaybay si Raul. Napilitan tuloy siyang magbitiw sa kanyang tungkulin sa bahay-kalakal na kanyang pinaglilingkuran upang matugaygayan lamang ang dalaga.

Kahit hindi man maningil

Ang nanalo sa pustahan,

Sulit naman ang pag-ibig

Na dalisay na dalisay.

Wala naman siyang nakikitang lampas sa hinihingi ng pangyayari: may kasamang lagi si Carlota sa mga pagsama kay Fidel, ang mahigpit na tanod nitong dalagita.

“Hep,” ang sansalang nasabi ni Carlota, nang mapuna niyang nagiging malikot ang kamay nito nang minsang magkasama-sama sila sa awto ni Fidel, “huwag ka sanang lalampas sa guhit.”

At tinabig ni Carlota ang malikot na kamay ni Fidel, saka idinugtong: “Kung ibig mong makasama pa ako sa iyong mga anyaya ay huwag ka sanang maglililikot.” Daig pa ni Fidel ang sinampal. Gumiti sa kanyang noo ang malamig na butil ng pawis.

Nagbago ng paraan si Fidel sa kanyang pamimintuho sa dalaga. Talos niyang hindi makukuha ito sa kanyang dating bilis. Dinaan niya sa panalangin, hinimok niya sa pakiusap at pinaliguan niya ng mga dasalin ng puso. Ngunit pagkabigo rin ang kanyang natamo. Walang isinasagot sa kanya si Carlota kundi: “Hinahangaan ko ang iyong pangalan, kinagigiliwan ko ang iyong tikas, ngunit hindi kita iniibig, at hindi kita maaaring ibigin kailanman.”

Lagi na lamang lasing kung dumalaw sa tahanan ni Carlota si Fidel. Nakita ng dalagang nawawala na ito sa dating kahusayan ng pag-iisip. Mistulang hibang, na pati na pagsusuklay ng buhok ay nalilimot, hindi na katulad ng dating matikas, na wala na ang pagkamagilas.

Minsa’y nagkita sila ni Raul sa “club house”. Lasing na lasing si Fidel sa harap ng isang mesang parisukat.

“Kumusta ang bohemyo?” ang pakutyang bati ni Raul, “ipinagugunita ko sa iyong limang araw na lamang ang kulang sa ating kasunduan.”

Naramdaman ni Fidel na parang dinuduro ng karayom ang kanyang puso. Isang tinging nangungusap ang kanyang ipinako kay Raul, saka…

“Habang may isang sandaling nalalabi ay hindi ka nakakatiyak na masasayaran mo ng sampal ang mukhang ito,” ang wikang sabay tungga sa mga huling patak ng alak na nasa kanyang baso. “Sa loob ng limang araw ay maaaring maging akin siya.”

Isinugal nang pangatawanan ni Fidel ang kanyang huling baraha. Pinangakuan niyang pakakasalan si Carlota Salome.

“Ibibigay ko sa iyo ang aking pangalan,” ang dugtong pa ng lasing na lasing na si Fidel.

Nahabag nang gayon na lamang si Carlota kay Fidel. Hindi niya mapapayagan itong ganap na mapalungi. Hindi niya matitiis si Fidel na maghirap nang gayon na lamang.

“Tandaan mo ang aking sasabihin,” ang tahasang salita ni Fidel, at inilabas ang rebolber sa kanyang bulsa, “Sa sandaling hindi mo ako ibigin sa loob ng limang araw ay magpapakamatay ako.”

Kinilabutan si Carlota. Sari-saring pangitain ang naglalaro sa kanyang isipan. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin. Talagang tukol na hanggang langit ang kanyang pagkahabag kay Fidel. May isang suliranin lagi na lamang naglalaro sa kanyang isipan, may tinig na sumisigaw na para niyang naririnig sa tuwina: “Kasalanan mo pag namatay si Fidel. Nasa mga kamay mo ang kanyang kaligtasan.”

“Kaululang magpakamatay ka dahil lamang sa isang babae,” ang katwirang naisip ni Carlotang sabihin kay Fidel.

“Kaululan,” ang tugon naman ng kausap. “Mamatamisin ko at pipiliin ang kamatayan, kaysa matampal ako ni Raul.”

At isa-isang ipinagtapat ni Fidel kay Carlota ang kanilang pustahan sa “club house”. Wala siyang ipinaglilihim sa dalaga, saka winakasan sa ganitong sumpa: “Uubusin ko ang mga punlo ng aking… 38 sa tapat ng aking puso pag hindi mo ako inibig at napakasal ka sa akin.”

Nakagat ni Carlota ang kanyang labi sa malaking pagkaawa kay Fidel. Nabasa niya sa mga mata ng kausap ang katotohanan ng mga sinasabi nito.

“Kung gayon,” ang wika ni Carlota, “tatapatin kitang hindi ako maaaring pakasal sa iyo, ngunit pagbibigyan ko ang nauuhaw mong puso.”

Nawala ang pagkalasing ni Fidel. Nahawakan niya nang di sinasadya ang kamay ng dalaga.

“Pagbibigyan mo ang nauuhaw kong puso?” ang wikang sabay sa paghinga nang maluwag. “Sa paanong paraan?”

“Sa paraang… “ ang napabiting salita ng dalaga.

“Huwag mo sana akong sabikin,” ang agarang sambot ni Fidel, “sa paraang paano?”

“Maipagsasama mo akong mag-isa ngayong gabi…” ang wala nang pagpapatumpik-tumpik na salita ni Carlota.

“Ang ibig mong sabihi’y… ipauubaya mong pitasin ko ang iyong puso.”

“Oo,” ang pakli ng dalaga, “mahango lamang kita sa kasalanang pagpapakamatay na ibig mong gawin. Magpapakasakit ako, alang-alang sa…”

“Totoo…”

“Oo,” ang sang-ayon ng dalaga, “ngunit ibig kong ako lamang ang pumili ng lugar na pupuntahan natin. Ayoko sa mga hayag na pook. Nais kong sa isang lihim at ilang na lugar…”

“Ikaw ang masusunod, Carlota,” ang masiglang salita ni Fidel.

At nagkayari ang dalawa sa kasalanang gagawin. Napupog nang maraming-maraming halik ni Fidel ang mabangong mga kamay ng dalaga.

Naghabulan ang mga sandali. Ang gabing pinakahihintay ni Fidel ay dumating. Sa isang bosina lamang ay nakita niyang mabilis na nanaog si Carlota sa kanilang hagdanan. Luminga-linga pa si Carlota, bago tuluyang sumakay sa awto ng bohemyong si Fidel. Lingid sa kanilang kaalaman ay nakatigil sa hindi kalayuan ang awto ni Raul. Parang sinaksak ang dibdib ng kasintahan ni Carlota.

Mahabang sandali ring naghabulan ang mga gulong ng dalawang awto.

“Iliko mo sa kaliwa,” ang utos ni Carlota kay Fidel.

Pinihit naman ni Fidel ang manibela. Naglagos sila sa isang makipot na lansangang baku-bako. Natanaw ni Fidel ang isang tsalet, na may ilaw, ngunit walang mga kalapit-bahay.

“Ang tsalet na iyon ang magiging pugad ng ating pag-ibig,” ang turo ni Carlota.

Naramdaman ni Fidel na parang kinurot ang kanyang puso. Nagkaroon siya ng masamang palagay kay Carlota. Sinapantaha niyang isang babae itong may malaking karanasan sa pakikipag-ibigan. Ang tsalet na kanyang natatanaw ay hininuha niyang isang pugad ng kasalanan. Gayunma’y hindi nagpahalata si Fidel, hanggang sa mapatapat sila sa tsalet.

“Ano pa ang hinihintay mo?” ang wika ni Carlota sa binatang natitigilan.

Bumaba ang dalawa. Naging malikot ang mga mata ni Fidel. Ilang sandali siyang nakimatyag sa may hagdanan.

“O, ano pa ang iniisip mo?” ang ulit na salita ni Carlota. Walang tao. Tayo na…”

At nanhik na magkaakbay ang dalawa. Pagpasok sa kabahayan ay sinuklay ng mga paningin ni Fidel ang buong paligid. Ginamit niyang mataman ang kanyang pang-ulinig; munti mang kaluskos ay wala siyang narinig. Hinawakan siya sa kamay ni Carlota at dahan-dahang inilapit sa pinto ng silid at binuksan.

Muntik nang mapasigaw si Fidel, nang matambad sa kanyang pangmalas si Ester de Villa, na ibininhi ng kanyang malikot na pag-ibig.

“Fidel,” ang wika ni Carlota, nang makitang natitigilan ang dalawa, “kung mayroon kang dapat pagbuhusan ng pag-ibig at paggugulan ng panahon ay ang asawa mong si Ester at ang bulaklak ng iyong pagmamahalan. Kami’y magkapatid sa ina. Sa unang sandali pa lamang na manligaw ka sa akin ay sinulatan ko na siya sa lalawigan, upang itanghal sa iyo ang wakas ng isang dulang sariling anino mo ang gumagalaw.”

Pasugod na nilapitan ni Fidel si Ester at niyapos ito, saka…

“Patawarin mo ako, Carlota!” ang wika ni Fidel sa kanyang hipag. “Hindi ko akalain.”

Muntik nang mapahalakhak si Raul, na nanunubok noon sa may hagdanan ng tsalet.

Kinabukasan. Si Fidel Mirasol ang kauna-unahang taong dumating sa kanilang “club house”. Pagkakita kay Raul ay inihanda na nito ang kanyang mukha, at…

“Hindi pa naman tapos ang taning ng ating salitaan ay maaari mo na akong sampalin.”

“Hindi na,” ang wika ni Raul, “nakahihiyang isampal ko ang aking kamay sa mukha ng aking bilas.”