Ni ANGEL FERNANDEZ
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Agosto 11, 1958)
BUMALIK si Pekto sa sariling bayan upang malutas ang isang suliranin sa kanyang isip. Ang pagkalutas ng suliraning iyon ang magpapasiya kung itutuloy niya o hindi ang balak ipagtapat kay Teresa.
Huminto sa crossing ang trak na kanyang sinasakyan. Bumaba si Pekto, si Pektong anak ni Karyas na hingi. Naalaala ni Pekto ang bansag sa kanyang ama nang nabubuhay pa. Binubuhay lamang ng kanyang ama ang sarili at ang anak sa pahingi-hingi. Kaya Karyas na hingi ang naging bansag sa kanyang ama.
Tiniyak ni Pekto na dumating siya sa crossing sa orass na iyon. Matao roon sa oras na iyon. Sapagka’t ang crossing na tinatawag sa kanilang bayan ay yaong pinagkurusan ng dalawang daan: ang panlalawigan at pambansa. Mula sa Malulos ang panlalawigan at pambansa. Mula sa Malulos ang panlalawigan at humantong sa Garay. Mula sa Maynila ang pambansang daan at patungong Kataasan. Nagkurus ang dalawang daang iyan sa kanilang bayan.
Maluwat siyang tumayo sa kanyang binabaan at pinagala ang kanyang paningin. Naroon ang mga karihan. Nakita niya ang ilang tindahang-bayan. Ang dalawang barberya. Ang sastrerya. Ang patahian ng mga damit ng babae. Ang mga palamigan.
Matao na ang mga tindahan at maraming nagsisipaghunta gaya ng inaasahan niya. May umpukan sa labas ng mga karihan, lalo na sa harap ng dalawang barberya. Marami sa mga ito, natitiyak niya ay makakakilala sa kanya. Labingwalong taon na siya nang umalis doon at may mahigit lamang namang limang taon na siya ay nakaaalis.
May labing-apat na taon lamang ang edad niya nang mamatay ang kanyang ama. Dapat sana niyang ipagpasalamat ang pagkatapos ng paghihirap ng kanyang ama. Paghihirap sa kanyang karamdaman. Paghihirap sa mga kutyang hinaharap niya araw-araw.
Ipinagtataka ni Pekto noon kung bakit hindi naisipan ng kanyang ama na umalis sa bayang iyon. Ngayon niya nauunawaan kung bakit. At ito ang dahilan kung bakit naroon siya ngayon.
“Bakit hindi kayo lumuwas na mag-ama,” minsan ay narinig niyang sabi ni Mang Ilyas na may-ari ng isang tindahan sa crossing. “Malakas ang pagpapalimos doon.”
“Dito ko na gustong mamatay, Ka Ilyas,” narinig niyang sabi ng kanyang ama. “Kung doon ako mamatay, hindi ko malaman kung ano mangyayari kay Pekto ko. Mabuti na rito at kilala niya ang mga tao rito. Kilala siya.”
Naalaala niya ngayon na nang lumakad na silang mag-ama matapos makipag-usap kay Mang Ilyas, napansin niyang dinamdam ng kanyang ama ang sinabi ni Mang Ilyas.
“Hindi naman siya pinipilit na magbigay. Kung ayaw niya’y di huwag. Bakit pa ako pangangaralan?”
Maliit pa man siya noon ay nadama na niya ang kapaitan ng kanilang katayuang mag-ama. Natatandaan niyang hindi naman ganoon ang kinagisnan niyang buhay. Anluwage ang kanyang ama. Mabuting anluwage. Pero humina nang humina ang katawan. Habang nakakaya ay hindi nagtigil ito sa pag-aanluwage. Hanggang sa manigas ang mga daliri at hindi makahawak ng mga kasangkapan.
Halos hindi pa niya matandaan ang mukha ng kanyang ina. Maliit pa siya nang mamatay ito. Kaya matagal na sila lamang mag-ama ang magkasama. Hanggang sa mamatay nga ito. Kahit na walang kasaganaang naibigay sa kanya ang ama, mahal niya ito. Iginagalang niya. Alam niyang ginawa ng kanyang ama ang lahat ng makakaya upang buhayin ang anak.
Kawanggawa ang nagpalibing sa kanyang ama. Noon lamang na ilibing ito narinig ni Pekto sa ilang nakipaglibing na mabuting karpintero ang kanyang ama noong hindi pa nagkakasakit. Matapat sa kanyang pinagkakarpinteruhan.
“Kapag si Karyas ang gumawa ng bahay mo,” sabi ng isa, “makasisiguro kang matibay. At pulido kung magtrabaho.”
Sumilid kahit na sa murang isip niya noon kung bakit kung kailan patay na ang kanyang ama, saka naalaala nila iyon. Bakit kung kailan patay na ay saka lamang kinikilala ang kabutihan ng isang tao.
Tinangka ni Pekto na buhayin ang sarili niya. Huminto na siya sa pagpasok sa iskuwela. Kung sabagay, noon man namang nabubuhay ang kanyang ama ay marami pang araw ang ipinagpapalya niya kaysa ipinapasok. Nagtitinda siya sa mga pumaparadang trak sa crossing. Naglalako siya ng balot. Ng suman. Ng pinipig. Kahit na anong ipinatitinda sa kanya ng mga may-ari ng tindahan sa crossing.
Maluwat bago siya nakapangahas na lumapit kay Mang Duni na siyang may-ari ng maliit na talyer sa malayu-layo sa crossing. Pero tinanggap naman siya ni Mang Duni nang lumapit siya rito. Walang siyang sinasahod. Pinakakain lamang siya ni Mang Duni. At nang tuluyan nang bumagsak ang kanilang bahay na maluwat nang butas-butas at nakagiri ay pinatira na tuloy siya ni Mang Duni sa maliit na talyer.
Subali’t nang maglalabing-walong taon na siya ay namatay si Mang Duni. Hindi pa siya sana aalis sa bayang iyon kundi sa isang pangyayaring lubos niyang dinamdam.
Maluwat na niyang nagugustuhan si Denang. At sapagka’t noon ay naabutan na siya ni Mang Duni, panaka-naka nang nakauupo siya sa mga tindahan. Maluwat ding umupu-upo siya sa tindahan nina Denang bago napalakas niya ang kanyang loob na magsabi kay Denang. Tandang-tanda pa niya hangga ngayon ang nangyari. At nadama niya ngayon na nag-iinit ang kanyang punong-tainga.
“Me sasabihin sana ako sa iyo, Denang,” sabi niya noon nang siya ay magkaroon ng pagkakataong magkasarilinan sila ni Denang.
Nag-ihit ng katatawa si Denang. Tigas na katatawa. At malayo na siya sa tindahan, matapos ang pagmamadali niyang makalabas, ay naririnig pa niya ang halakhak ni Denang. Hindi na siya nagpaumaga sa bayang iyon.
Lumuwas nga si Pekto. Hinanap niya ang talyer na madalas mabanggit sa kanya ni Mang Duni. Maluwat na siyang pinaluluwas ni Mang Duni bago ito namatay. Kumpare raw nito ang may-ari ng talyer.
“Sinabi ko na sa kumpare ko, na pupunta ka roon,” sabi ni Mang Duni.
Subali’t malaki ang utang na loob niya kay Mang Duni. At ang isa pa nga ay may nasa loob siya kay Denang.
Sa wakas ay lumapit siya sa isa sa dalawang barberya. Tumayo siya sa harap nito, sa harap ng mga taong nakaupo sa harap ng pagupitan. Walang umiino sa kanya. Pero napansin niya na siya ay pinagmamasdan ng isang matandang lalaking nakataas pa ang isang paa sa bangkong kinauupan. Si Tandang Kando iyon. Tumawa si Pekto.
“Si Pekto ho ako, Mang Kando.”
“Sinasabi ko na nga ba, e,” sabi ni Tandang Kando. “Sabi ko na nga bang ikaw ang anak ng nasirang Karyas na hingi.
Napansin ni Pekto na hinahagod siya ng maraming tingin. Alam niyang dinudularot ng maraming mata ang kanyang lumang pantalong maong, lumang sapatos at kupas na polo. Pati ang lumang balanggot niya.
“Ano naman ang buhay-buhay, Pekto?” tanong ni Tandang Kando.
“E, paganyan-gayan ho. Mabuhay lamang…”
“Maging dito ay mahina ngayon ang talyer,” anang matanda. Nahinuha ni Pekto na ang ibig sabihin ni Tandang Kando ay wala siyang masisiksikan doon.
Nilibot ni Pekto ang paligid ng crossing. Maraming nakakilala sa kanya. Ang lumang maong, ang kupas na polo niya at lumang sapatos ang alam niyang nakita sa kanya. Anak siya ni Karyas na hingi. Iyon lamang.
Pinilit niyang pumasok sa restawran ni Denang. Sa loob-loob niya’y nang malubos na ang paghamak sa kanya sa unang pagdalaw niya sa sariling bayan.
Nakilala siya agad ni Denang. Ang kasuutan din niya ang unang sinuri nito.
“Kumusta, Denang? Wala ka pa bang asawa?”
“Naku, Pekto!” at gumuhit na naman ang halakhak ni Denang, “Pasasakitin mo na naman ang tiyan ko.”
“Ang lagay, Denang,” nakangiting sabi ni Pekto, “ay nagbabaka-sakali lang ako. Sabi’y kung di raw mag-aalasuwerte ay walang mangyayari.”
Tumawa na naman si Denang. Malayo na siya’y naririnig pa niya ang tawang iyon. Hindi ipinasiya ni Pekto na umalis sa crossing hanggang hindi siya nasisiyahan na walang ipinagbabago ang tao sa kanilang bayan. Iyon ding kawalang-habag na naalaala niyang dinamdam ng kanyang ama nang buhay pa ito. Iyon ding kalupitang humagupit sa kanilang mag-ama.
Ang katapangan at katatagan ay higit na nasusukat, hindi sa pagsisikap upang magtagumpay, kundi sa pagdadala ng tagumpay.
Pero nang siya ay sumakay na muli ng trak upang bumalik na sa Maynila ay payapang-payapa ang kanyang loob. Nakadarama siya ng malaking katahimikan.
Dumaan muna siya sa kanyang tinitirhang bahay. Umuupa siya roon. Nagbihis siya pagkapaligo. Kung ilang ulit nang tiningnan niya ang kanyang orasan habang nagbibihis. Nadarama niyang siya’y sumisigla nang sumisigla habang natatapos ang kanyang pagbibihis.
“Ginabi ka,” salubong ni Teresa nang siya ay makapasok na sa salas ng bahay ng kanyang katipan. “Inip na inip na ako sa iyo… sabi mo’y kung makapanggaling ka sa inyo sa probinsiya, may mahalaga kang sasabihin sa akin.”
“Meron nga…”
“Nagpaalam ka na ba sa kuwan mo roon?” at tumawa si Teresa.
“Nagpaalam ako,” nakatawang pakli ni Pekto, “pero hindi sa kuwan, wala akong kuwan doon.”
“Kung ganoon, ay ipagpaalam mo na ako sa Tatang,” sabi ni Teressa. “Matanda na raw siya. Ibig na raw niyang mapahinga. Hindi na raw niya kaya ang talyer… pero…”
“Pero ano?”
“Bakit ka nga ba umuwi, wala ka namang kamag-anak doon na dapat pagsabihan ng balak natin.”
“Sinabi ko na nga sa iyo,” at tumawa si Pekto. “Nagpaalam ako sa isang anino.”
“Maupo nga tayo,” sabi ni Teresa. Naupo sila kapwa. “Ano bang anino ang sinasabi mo?”
“Maraming panahong alam kong may namamahay na anino sa aking dibdib,” sabi ni Pekto. “Paminsan-minsan ay nakakalimutan ko ang aninong iyon at tila wala na. Pero may mga sandaling hindi ko maikaila na ang aninong iyon ay namamahay pa rin sa loob ko.”
“Malurit ka naman… anong anino?” at umusad sa pagkakaupo si Teresa upang lalong mapalapit kay Pekto.
“Sinabi ko na sa iyo ang buhay namin sa probinsiya, hindi ba?”
“Kabisado ko na,” ani Teresa, at hinawakan nito ang isang kamay ni Pekto. “Sinabi mo na iyon kay Tatang. Ano pang anino ang sinasabi mo?”
“Ang nasang makaganti…iyon ang anino,” sabi ni Pekto. “Maiganti ko ang aking ama. Makaganti ako dahil sa kalupitang ipinadanas sa aming mag-ama sa bayan namin.”
“Tao ito,” ani Teresa. “Hindi ko nalalamang mainit ang ulo mo. Baka pagbubuhatan mo ako ng kamay, a?”
At tumawa si Teresa sa pagka’t hindi totoo sa loob ang sinabi.
“Hindi paghihiganting ganoon ang nasa isip ko. Umuwi ako kangina upang patunayan ko sa aking sarili ang isang bagay…”
“Naku naman… ang ligoy mo…”
“Natatandaan ko, nang tila hindi na ako makatatagal sa pagkutya sa aming kahirapan,” patuloy ni Pekto, “ipinakiusap ko sa Amang ko na umalis na kami sa bayang iyon.”
“Bakit nga hindi pa kayo lumayo roon?”
“Ipakilala nating hindi tayo duwag,” sabi ng Amang ko. “Sa harap ng kabiguan, hindi dapat magpakita ng panlulumo.”
Napabuntunghininga pa si Pekto bago nagpatuloy.
“Pero, anak,” sabi pa ng Amang ko. “Hindi iyan ang lalong mahirap. Ang magdala ng mabuting kapalaran, ang pananatiling walang kapaitan sa loob, walang nanaising masama sa iba matapos ang kabiguan, ay higit na mahirap gawin.”
Tumawa si Pekto. Maluwag na tawa iyon. Masayang tawa iyon.
“Umuwi ako, Teresa,” ani Pekto, “upang patunayan kay Amang na madadala ko rin ang mabuting kapalaran. At napatunayan ko iyon kangina sa aking sarili.”
Nakalimutan na tuloy ni Teresa na magbiro. Ibig niyang mapakinggan ang sasabihin ni Pekto.
“Ang ipinasalubong sa akin kangina ng mga kanayon ay ang dating kalupitan nila. Ang dating pangmamata. Ang dating palagay nila na wala akong kakabu-kabuluhang tao.”
Biglang humarap si Teresa kay Pekto. Nag-aapoy ang mga mata nito.
“Hindi mo ba ipinamukha sa kanila na hindi ka na gaya ng dati?” tanong ni Teresa. “Bakit hindi mo sinabi kung ano ka ngayon?”
“Iyan nga ang iniuwi ko,” nakatawang sabi ni Pekto. “Sino na ako ngayon kung sa bagay? Pero malayu-layo na ako kay Pekto noong araw. Umuwi ako upang matiyak sa sarili na sa harap ng kanilang talamak na pagpapawalang-halaga sa akin…makapapanatili akong matapang, gaya ng sinabi ni Amang. Madadala ko ang mabuting kapalaran.”
Tumawa na naman si Pekto na waring ninanamnam ang kasiyahang tinamo sa pag-uwi.
“Nakuha ko, sa kabila ng malaking tukso na magpakilala ako, na itago sa kanila ang katayuan ko ngayon. Napigil ko ang sarili na magbansag… magyabang… singilin sila sa kanilang pagkutya sa aming mag-ama.”
At nadama ni Teresa ang malaking kasiyahang nadama ni Pekto. Sumiksik si Teresa kay Pekto.
“Ako,” sabi ni Teresa na halos ay nagsasalita sa sarili, “ako ang may mabuting kapalaran.”