Ni Andres Cristobal Cruz
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 19, 1959)
NARATING ko ang makasaysayang lunsod ng Sebu. Nakalikutan kong isipin si Magallanes nang siya’y lumunsad, mahigpit na apat na dantaon na ang nakalilipas, sa pook na hindi marahil kalayuan sa piyer na nilunsaran ko noon lamang 1956.
Nakarating si Magallanes sa Sebu sa paghahanap ng bagong daang patungong Silangan. Nakarating naman ako sa lunsod na iyon sa paghahanap ng kapanatagan sa aking pagtahak sa buhay may asawa, at ng pagtitiwala sa isang matatag na hinaharap.
Ang nakakatuwaan kong isip-isipin ay sinabi ko kay Vi. Napalingon ang kutsero ng tartanilyang sinasakyan namin dahil sa masayang tawa ni Vi. Tinugis-tugis ng kanyang maliliit na kurot ang aking bisig.
—Baka ako mahulog! — wika ko sa kanya. Sa pakiwari ko’y titikwas ang tarantanilya, kasama ang kabayo.
—Ganyang talaga ang tarantanilya, — paliwanag ni Vi, —kaya kailangang magkasundo kayong mabuti ng mga kasakay mo upang hindi tumikwas. Nguni’t huwag kang mangamba. Hindi kita pababayaang mahulog. Ibig kong makarating ka nang buung-buo sa Mandawe.
Ngumiti ako nang kunwari’y maasim. Alam kong ibig niyang ipaalaala ang mga daratnan namin sa Mandawe, nguni’t binigyan ko ng ibang kahulugan ang sinabi niya. Kinindatan ko si Vi.
Kay-hapdi ng maliit na kurot na umabot sa aking hita. Talagang masamang matuwa si Vi. Lubayan ko raw ang kalokohan ko’t baka niya ako ihulog sa tarantanilya.
Ihahatid daw kami ng tarantanilya sa Karbon, ang pinaka-Dibisorya ng Sebu. Doon naman kami sasakay ng jeepney patungong Mandawe. Itinuro sa akin ni Vi ang Kuta ng San Pedro na siya namang pinaka-Intramuros nila, gayundin ang kinaroroonan ng City Hall, kapitolyo, ang Krus ni Magallanes, ang mga bagay-bagay na aming nararaanan.
Matao sa Karbon. Kahit daw hindi Lunes ay ganoong talaga sa Karbon. Kagaya ng Maynila, may mga jeepney rin pala sa Sebu. Pinag-aagaw-agawan kami ng mga taga-kuha ng pasahero. Sumakay kami sa isang jeepney. Dala namin ang kaunting dala-dalahan at mga pasalubong.
Sa aking pandinig ay nagbago ang lahat : ang salitaan, tanungan, usap-usapan, sigawan, at tawanan sa wikang Sebuwano. Ang kaibhanng iyon ay warig nagpadagdag sa aking pakiramdam na ako’y nag-iisa. Nakapatong ang kanang palad ni Vi sa aking tuhod, at waring isang pagpapatatag niya iyon sa akin na pinagkakatiwalaan niya sa anumang haharapin namin.
Ang pagpapatatag niyang iyon sa akin ay may dalang gunita ng iba pa, ng maraming iba pa, nang kami’y nasa Maynila. Kasama na rito ang gunita ng isang takipsilim nang siya’y tanungin ko kung hindi niya pinangangambahang ang kalabuan ng aking kinabukasan ay makapagpalabo rin sa kanyang kinabukasan.
Matagal niyang nilimi ang aking itinanong. Ang kanyang kasagutan ay nadama ko sa pagkuyom at pagpisil ng kanyang kamay sa aking kamay na kumuyom at pumisil din bilang pagpapasalamat ko sa kanyang pagtitiwala.
At isang umaga ng Nobyembre, sinundo ko siya sa estresuwelong inuupahan nila ng kanyang kapatid na babaing bata sa kanya’t kapapanganak lamang, hindi pumasok si Vi sa tanggapang pinapasukan niya. May kaunti siyang sinat. Tumutubo raw ang kanyang wisdom tooth. Hindi niya nalalaman ay naihanda na ng isa kong kaibigan ang lahat ng kailangang papeles.
Halos tanghali na nang matapos ang lahat. Kami ang tumestigo sa kasal ng aming mga kaibigang Vering at Peping, at pagkatapos nila’y kami naman ang kanilang tinestiguhan sa iba namang huwes sa lunsod ng Pasay. Nagbatian kami at nagkanya-kanyang lakad na.
Itinanong ko kay Vi kung ano ang kanyang naramdaman nang nasa harap na kami ng hukom na nagkasal sa amin. Para raw isang kawan ng nagliliparang mumunting paruparo sa kanyang tiyan. Sapagka’t wikang Tagalog ang ginamit ng hukom sa pagkakasal sa amin at dahil sa hindi pa gaanong naiintindihan ito ni Vi, wala raw siyang maisip isagot kundi “Opo, Opo”, na may kasabay pang pagtango. Pinauwi ko na siya. Baka lagnatin pa siya, wika ko. Nang hapong iyon ay may tipanan kami ng isa kong kamanunulat ng nagrerekomenda sa akin sa isang pasulatan.
—Saka na kita iuuwi sa Tundo, — sabi ko sa kanya.
Pinuntahan ko si Vi at ibinalita ko sa kanya ang tungkol sa marahil ay makukuha kong trabaho. Nang gabi ring iyon ay sumulat kami sa kanyang mga matatanda sa Sebu.
Wala pang isang linggo ang nakaraan, napasok ako sa isang kilalang pasulatan sa Maynila. Saka pa lamang natalos ng aking mga magulang ang ukol sa amin ni Vi. Hindi naman sila tumutol o nagdamdam.
—Uuwi tayo sa Sebu, — sabi ko kay Vi.
Ang luma kong makinilya’y nagkambabara sa aking pagsusulat sa gabi. Isang kamalig ng mga karanasan at pagkaunawa ang tila natagpuan ko at nang buksan ko ay naghandog sa akin ng maraming bungang-isip, mga bagong tuwa at pangarap, bagong paniniwala at pagtitiwala sa buhay.
Ang pag-aasawa’y hindi talagang paglagay sa tahimik kundi pagtugon sa hamon ng pananagutan.
Napinid ang pinapasukang bahay-kalakal ni Vi, at kung saan siya nahinto sa kanyang mga sariling tuwa at pangarap, doon siya nagsimula uli, sa sarili niyang wika. Kaya’t naghahalinhinan kami sa makinilyang luma.
ANG kamay ni Vi na nakapatong sa aking tuhod ay naramdaman kong humawak, pagkatapos ay pumisil. Malapit na raw kami. Wireless na raw ang aming kinaroroonan. Ito ang unang nayon sa labas ng lunsod ng Sebu, na nasakop ng Mandawe. Sa Wireless naroroon ang kina Vi.
Napagaya ako sa pagsilip-silip sa labas ng sasakyan. Sa wikang Tagalog at itinanong ko uli kay Vi kung ano ang anyo ng bahay. May tindahang munti raw iyon sa harap, may puno ng mangga sa sulok ng bakuran na may poultry.
Pasigaw pang pinatigil ni Vi ang aming sinasakyan. Lumampas kami sa kanilang bahay.
—Ano ba? — wika ko sa Tagalog uli. —Kasama mo lamang ako’y nakalimutan mo na ang inyo?
—Paano’y tanong ka nang tanong, —nagbibirong kunwa’y naninising wika ni Vi. At nagmamadali siyang bumaba.
Tinulungan pa ako ng isang matandang babaing pasahero sa pag-aabot ng aming maleta, ng aking porpolyo, at ng isang di kalakihang kahon ng kung anu-anong pasalubong.
—Maayo, maayo, — wika ko sa tumulong na babae. Ang salitang yaon ay naituro sa akin ni Vi, ngunit hindi ko na matiyak ang kahulugan. Nakangiti pa ako. Nagtawanan na lamang at sukat ang mga pasahero. Pinamulahanan ako ng mukha.
Tawa nang tawa si Vi nang lumakad na ang jeepney.
—Nagpapasalamat lang ako e pinagtatawanan na ako, — wika ko kay Vi.
Hindi raw “salamat” ang ibig sabihin ng “maayo” kundi mabuti. Itinanong ko kung ano ang katumbas ng “salamat”. “Salamat” din pala.
Tinawag nang malakas ni Vi ang kung sinu-sinong dinatnan namin. Akala ko’y nakalimutan na niya ako ng makilala siya ng kanyang mga tinawag at salubungin ng mga ito. May sumigaw pa ng Ay si Toyang! Si Toyang man diay! Noon ko lamang nalaman na si Vi ay Toyang lamang sa kanila.
“Ang iyang bana! Ang iyong bana!” sigaw pa ng isa. Hinagilap ng aking paningin si Tasi, ang kilala kong kapatid ni Vi na matagal nang nauna sa pag-uwi. Narinig ko uli ang iyong bana at sa tunog ay napagwari kong ako ang tinutukoy. Sa kanila, ako’y isang “bana” lamang.
Ang aking maleta’t porpolyo ay kinuhang pilit ng binatilyong matangkad at sunog sa araw ang balat. —Ikaw si Babuko? — tanong ko.
Tumango ito. Ang lalaking kulot naman na sumalubong din ay si Dabing. Si Tasi ay nakita kong dumarating na may kilik na anak. Siya ang kasama ni Vi sa Maynila. Si ‘Noy Tikyo ay sumalubong din. Hinagilap ng aking paningin ang matatanda na alam kong itinatanong ni Vi sapagka’t narinig ko ang salitang Papa at Mama na siyang karaniwang tawag ng mga taga-Sebu sa ama’t ina.
Hindi ako humiwalay kay Vi na nagmamadaling tumungo sa may likod-bahay, sa bakuran ng poultry. Naningkit pa ang mga mata ng matandang babae sa pagkilala kay Vi. Naghalikan sa pisngi ang dalawa. Lumapit ako’t inabot ko kaagad ang kamay ng biyenan kong babae. Nagmano ako, gayundin sa mataas at may malaking katawang matandang lalaki na siya ko namang biyenang lalaki.
Hanggang sa magtatanghali na ay pangiti-ngiti na lamang ako. Makailan ko nang hinagod ng tingin ang kabahayan, hindi dahil sa ano pa mang dahilan kundi upang huwag naman akong maging tapulan ng mga lihim na tingin ng mga matang sa pakiwari ko’y nanunuri, at ng mga pagsasalitang sa palagay ko’y iniuukol sa akin. Nakadama ako tuloy ng pag-iisa at paninibago at ng isang pangamba na ako’y hindi nila “matatanggap”, na ako’y hindi magiging isa sa kanila at hindi nila makakagaanan ng loob.
Nang lumapit sa akin ang aking biyenang lalaki sa isang sopa sa salas na kinauupuan ko habang nagpapakilala sa mga apong nagtingin-tingin sa akin, wari’y isang malaking parupro ang nabalisa sa loob ng aking dibdib.
Mahina’t namimili ng salita ang tinig ng aking biyenan. Nagpasalamat ako nang lihim nang siya’y magsalita sa maingat na Tagalog. Nagpatahimik iyon sa tila balisang paruparo sa loob ng aking dibdib. Ang aking palayaw ang unang salitang kanyang sinambit. At natalos ko ang damdaming naghahari sa isang nilalang na buong pagtitiwalang pinaghahabilinan ng isang mahal sa buhay, paghahabiling may pagpapakumbaba at paghingi ng pang-unawa sa ano mang kakulangan ng inihahabilin, paghahabiling punung-puno ng pagtitiwalang sa mabuting pagsasamahan ay makakamtan ang kasiyahan at ligaya sa mabiyaya at mahiwagang buhay.
Ang paghahabiling yaong may pagpapakumbaba ay inulit sa akin ng biyenang babae sa pamamagitan ng pagpapaalaala hindi sa akin kundi sa kanyang Toyang. Lalong naging makahulugan at mabisa ang kanyang pabaku-bakong Tagalog nang kanyang paalalahanan ito. Putulin na raw ni Toyang ang mga nakagawiang katamaran, at ngayong siya’y nasa estado na ay dapat siyang magpakatuto, at dapat niyang alisin ang pagka-delikado at pagka-bugnutin. Ako na raw ang magpasensiya kay Toyang. Sa kanyang mga anak na babae ay si Toyang daw ang pinaka-pangit. Parang batang tumututol na may kasamang padyak si Vi. Nagkatawanan kami.
Ang una kong tanghalian kasabay ng aking mga hipag at bayaw at mga pamangkin ay nakabusog sa akin, lalung-lalo na ang aking kalooban. Naging maingay sa hindi magkantututong balitaan sa magkahalong wikang Sebuwano at Tagalog. Nasa pagbabalitaang iyon, usapan at pagsasalitaan ang mga alamat at paniniwala na isinasalaysay ng bawa’t isa sa amin. At nadama kong nanunumbalik ang aking sariling kapanatagan, ang aking pagtitiwala’t paniniwala sa buhay at sa mga biyaya nitong ligaya, tuwa’t pangarap.
MALALIM na ang gabi nang iutos ng aking biyenang babae kay Vi na ayusin ang silid na inihanda para sa amin.
Nang mahiga na kami ni Vi, sa unang gabi namin sa Sebu, nabanggit niya sa paanas na tinig na siya raw ay maligayang-maligaya. Salamat daw at siya’y aking iniuwi sa Sebu upang makita namin ang mga matatanda. Sabi ko’y nais ko silang makita’t makilala, na ang pagkakauwi namin ay hindi para sa kanya lamang kundi higit sa lahat ay para sa akin.
Naging malikot na naman ang aking isip nang sabihin ni Vi na sa kinabuksan ay magpapasyal at tatawid kami sa makasaysayang Maktan.
Sabi ko kay Vi: —Katulad ni Magallanes, ako ay nabuwal ding nakangiti sa Sebu. Ikaw ang bagong Lapu-lapu, — biro ko pa.
Sa dilim ay tinugis-tugis ng kanyang maliliit na kurot ang aking katawan. Sabi ko’y huwag siyang maingay. Tiniis ko ang masakit, malalim, at maliit na kurot. Hindi ako maka-aray. Baka akalain ng aking mga biyenan na kayang-kaya ako ng kanilang anak.