Ni Joanna Marie L. Martirez
“PAGOD na ako!”
Ang dami-dami talagang ginagawa.
Kapag Grade 3 na, ang daming dapat isulat sa paaralan.
“Tapos sa bahay, magsusulat pa rin!” pagmamaktol ko.
“Naku, di pa nga umiinit ang puwet mo d’yan!” sabi ni Nanay nang silipin ako sa kuwarto.
Pagkatapos ko raw magsulat, ligpitin ko naman daw ang mga nagkalat kong laruan.
Hindi na talaga ako naubusan ng gagawin!
“Pero ‘pag nanonood ka ng TV, hindi ka naman napapagod,” segunda ni Nanay nang nakangiti.
“At di ba ang sabi ko sa iyo, diretso sa basket ang uniporme pagkahubad mo?”
Nagkandahaba ang nguso ko sa inis.
Hinubad ko ang aking uniporme at inilagay sa basket ng maruruming damit.
Pagdating ng tanghalian, di ako agad makakakain.
Dahil marami pang iuutos si Nanay.
“Rap, kunin mo ang sitaw, kamatis at kangkong sa ref,” unang utos ni Nanay.
“Hugasan mong mabuti ang kamatis,” pangalawang utos.
“Rap, kumuha ka ng mangkok na paglalagyan ng ulam,” ikatlong utos.
“Maghahain na ako, Rap. Ilagay mo ang mga plato, kutsara at tinidor sa mesa,” ikaapat na utos.
“Rap, maghugas ka muna ng mga kamay mo. Bumilang ka hanggang dalawampu bago mo banlawan ang sabon sa kamay mo,” ikalimang utos.
“Rap, magdasal ka muna bago tayo kumain,” huling utos ni Nanay.
Hay, naku naman si Nanay! Ang ibang bata, nagpapahinga pagkatapos kumain pero ako, susunod pa sa maraming utos.
“Pagpatungin mo ang mga plato, sa ibabaw ang kutsara at tinidor. Ilagay mo sa lababo,” unang utos uli ni Nanay.
“Takpan mo ng plato ang tirang ulam at kanin tapos punusan ang mesa,” pangalawang utos.
“Habang naghuhugas ako, punasan mo muna ang kasangkapan natin puro alikabok na,” ikatlong utos.
Ayoko na!
Sa isip ko lang iyon pero kung puwede lang, iisigaw ko.
Ang tamad naman ni Nanay!
Kaya naman niyang gawin, sa akin pa niya ipinapagawa.
Hindi ko pa nga natatapos ang una niyang utos, may kasunod na agad.
Sana may kapatid ako para may iba siyang mautusan.
Hindi naman kami matutulungan ni Tatay dahil sa ibang bansa siya nagtatrabaho.
Kailan kaya matatapos mag-utos si Nanay?
Inis na inis si Rap sa kanyang nanay sa pagiging palautos nito. Hindi pa man natatapos ang unang utos, may kasunod kaagad.
Iyon ang nasa isipan ko hanggang sa makatulog ako sa gabi.
Kinabukasan, pag-uwi ko galing paaralan, tahimik sa buong bahay.
Nasaan kaya si Nanay?
Dumiretso ako sa aming kuwarto at nagpalit ng damit-pambahay.
“Tiyak, iuutos na naman ni Nanay na ilagay ito sa basket.”
Inilagay ko sa basket ng maruruming damit ang hinubad kong uniporme.
“Naku, iuutos na naman ni Nanay na gawin ang takdang-aralin ko.”
Agad kong kinuha ang aking kuwaderno at ginawa ang takdang-aralin ko.
Nasaan kaya si Nanay?
“Makapaglaro nga muna.”
Isa-isa kong inilabas ang mga laruan ko sa lalagyan.
Nang magsawa na ako sa kalalaro, isa-isa kong iniligpit ang aking mga laruan.
“Siguradong iuutos ni Nanay na iligpit ang mga ito,” sabi ko habang dinadampot ang mga laruan at ibinalik sa lalagyan.
Naisipan kong lumabas ng kuwarto baka nasa sala lang si Nanay.
Pero wala siya.
“Suwerte, wala si Nanay. Malaya akong makapanood ng tv,” naisip ko.
Nang bubuksan ko na ang tv, nakita ko ang makapal na alikabok sa ibabaw nito.
“Hay naku, iuutos na naman ni Nanay na punusan ko ang alikabok.”
Kumuha ako ng basahan at pinunasan ang tv pati ang iba pang kasangkapan.
“Saan kaya nagpunta ang Nanay? Pati ang mesa hindi pa nalilinis.”
Niligpit ko ang plato, kutsara at tinidor.
Inilagay ko ito sa lababo at pinunasan ang mesa.
Kumuha ako ng plato, tinakpan ang natirang kanin at ulam.
Napansin ko ang walis sa sahig.
“Pati pala ang pagwawalis, hindi na natapos ni Nanay.”
Kapag abala si Nanay sa paglalaba, inuutusan niya akong magwalis.
Tinapos ko ang winawalis ni Nanay at itinapon ang laman ng pandakot sa basurahan.
Hay salamat, makapagpapahinga ako kasi wala si Nanay.
Walang mag-uutos sa akin.
Uupo na sana ako nang mapatingin ako sa bintana. Naroon pa ang sinampay ni Nanay.
“Magdidilim na pala. Iuutos na naman ni Nanay na kunin ang mga sinampay.”
Sabi ni Nanay, hindi raw dapat ipinaaabot nang hapon ang mga sinampay.
Marami raw insekto sa hapon, baka mamahay sa mga damit at mangati ako kapag suot ito.
“Baka utusan na naman ako ni Nanay, tutupiin ko na ang mga damit at ilalagay sa lalagyan.”
Magdidilim na, wala pa rin si Nanay.
Magdidilim na pero ngayon ko lang naisipang magpahinga.
Ang dami ko palang nagawa kahit walang iniuutos si Nanay.
“Rap! Rap!” boses iyon ni Nanay.
Agad kong siyang sinalubong
“Pasensiya na anak, inabot na nang hapon ang nanay. Kinuha ko kasi ang padalang pera ng iyong Tatay. Akala ko, mabilis lang ako doon. Nagkaproblema kasi kaya natagalan,” paliwanag niya.
“Aba! Ang linis na ng ating bahay, ha? At ang mga naiwan kong sinampay, nakuha na.”
“Ginawa ko na po, ‘Nay habang kayo’y inaantay.”
Niyakap ako ni Nanay at pinupog ng halik.
“Ang sipag ng anak ko! Halika, inuwian kita ng pancit at paborito mong banana cue.”
“Yehey!” sigaw ko.
“Umupo ka na dito at kumain,” utos ni Nanay.
Nakangiti akong sumunod sa utos ni Nanay.