Ni Andre Ramirez Gutierrez
1
Tuwing kinukuhanan ako ng litrato, muhi
kong tinitingnan ang sarili pagkatapos
ipakita ang hitsura ng ngiting hindi matimpla.
Sa mga lumang klas piktiyur at matatandang
larawan ng aking pagkabata, walang matinong
mukha ang mga dating ako na dumaa’t nagdaan na.
Sabi ng mga pilosopo, taksil daw ang mga alaala,
’pagkat madali nitong malimot ang sayá’t lungkot
na nais at ninanais gunitahin ng panahon.
Mungkahi naman ng mga siyentipiko, mapanlinlang
ang pagkawing sa mga ito, ’pagkat pinupunan natin
ng mga bula ang puwang sa gunitang nais at ninanais balikan.
2
Nang magregalo ka ng kamera sa kaarawan
ng aking pagtanda, sinuway ko ang kumpas
ng mga dati kong gawi’t kinamumuhian.
Sinubok ko na intindihin ang silaw sa bawat pagpitik—
sa walang katapusang pagkuha’t pagngiti. Balewala ngayon
sa akin ang kupas kong damit, ang buhaghag kong buhok,
at ang bitak-bitak na ngipi’t ngiting sa galak ay alanganin.
Kahit hindi ako potograpo’t kahit hindi marunong sumipat
ng tamang anggulo, sinubok kong palinawin ang malabo’t
lumalabong mga kuha. Sa likod nitong kamera’y mayroong
kuwadro ang bawat kanto ng iyong mukha. Dito sa isang banda,
kahit taksil at mapanlinlang ang mga alaala’y nais ko pa ring makatanda.