Ni Luis P. Gatmaitan
(Ang kuwentong ito ay alay sa alaala ni Araceli Policarpio-Mallari (1920-2020), naging miyembro ng Kilusang HUKBALAHAP noong Panahon ng Hapon)
MADALAS, nahihiwagaan ako sa Lola Nene ko. Bukambibig niya ang Panahon ng Pananakop ng mga Hapon. Tapos, sa gitna ng pakikipagkuwentuhan niya sa amin, bigla na lang siyang titigil, parang may naaalala. Nakasuntok ang kamay niya, nakataas sa ere, at ubod-lakas na kakanta…
“Hayo, gerilyerong sandatahan
Pasanin ang riple’t garan, otomatik, at masinggan
Gaygayin ang bundok, bukid, kaparangan
Tambangan natin ang pasistang Hapones na tulisan!”
Kapag natapos ang pagkanta, ihihiyaw niya ang ‘Patirin ang mga Hapon!’ Saka siya malutong na hahalakhak na parang nakaisa.
“Hay naku, buhay na buhay na naman ang lola mong gerilya!” sabi ni Nanay.
Pero bakit parang galit si Lola sa mga Hapon? Sabi sa akin ng isang kaklase ko, maganda raw naman sa Japan. Malamig. Ubod ng linis. Kay gaganda raw ng mga bulaklak na cherry blossoms. Magagalang din daw ang mga Hapones. Tapos, may Disneyland, may Doraemon, may Pokemon, at ang daming anime. May mga robot din. Hi-tech talaga! Saka, paborito ko ang tempura, sushi, at takoyaki.
“Ikaw si Miss Japan!” Sinuotan ako ni Nanay ng kulay-melon na kimono na may unan sa likod nang sumali ako sa selebrasyon ng iskul namin sa United Nations Week. “Maputi ka kasi at may pagka-tsinita ang mata,” sabi ni Nanay.
“Talaga po ba?” paniniyak ko pa. Panay ang tango niya habang patuloy niya akong nilalagyan ng make-up.
“Ladies and gentlemen, taadaaaa…please welcome…Miss Japan!” hiyaw ni Nanay na parang nasa beauty contest.
“Asan? Asan sila? Sinugod ba tayo ng mga Hapon?” biglang hiyaw ni Lola. Naalimpungatan ito sa pagkakaidlip. Napatayo ito sa kinauupuang tumba-tumba. Iwinasiwas sa ere ang hawak niyang tungkod.
Kung titingnan mo ang lola ko, parang katulad lang din siya ng iba pang lola. Laging naka-daster ng bulaklakin, nakapusod ang buhok, may suot na antipara sa mata. Mahilig magluto, lalo na ng aming paboritong adobong pusit. Tuwing umaga, nandoon siya sa kaniyang hardin, du’n sa piling ng mga halaman niya. Pinupunasan ang bawat dahon, kinakausap, kinukutuhan, at kinakantahan ang mga ito.
“Parang tao rin ang mga halaman, apo,” paliwanag niya sa akin. “Kailangang kausapin para hindi malungkot…”
“E, paano po kung sumagot?” pabiro kong sagot sa kanya. Agad niyang pipisilin ang aking pisngi. At paliliguan ng halik.
Pero habang nagtatagal, napansin ko, parang may itinatagong lihim si Lola Nene. Noong minsan kasi, may dumalaw sa aming matandang lalaki na parang kaedad niya. Kagalang-galang ang hitsura nito. At biglang-bigla, nabago ang pangalan ng lola ko.
“Kumusta ka na ba, Ka Lita?” sabi nito.
Ka Lita ang dinig kong tawag niya sa lola ko. Paanong naging Lita ang pangalan ng Lola Nene ko? Saka, wala namang tumatawag sa kanya ng Lola Lita, o Mareng Lita, o Aling Lita. Sa loob ng palengke, at maski sa aming kalye, kilala siya bilang si Lola Nene, Mareng Nene, o Aling Nene.
Sobrang saya ang naging kuwentuhan nila. Binalikan nila ang kanilang kabataan. Habang naglalaro nang di-kalayuan sa kanila, narinig kong may pinag-uusapan silang Bundok Arayat. Narinig ko rin ang sakit daw na ma-lar-ya. Nakukuha raw ‘yun sa mga bundok. At sa kagat ng lamok. Tapos, sobrang nagkasundo sila nang Panahon na ng Hapon ang kanilang napag-usapan. Maya-maya pa’y narinig ko naman ang pamilyar na kanta. Pero sa pagkakataong ito, kasabay niyang kumakanta ang kaniyang bisita –
“Tayo ay lahing Hukbalahap
Sa paglaban hindi natitigil hanggang paglaya’y makamtan
Nais namin ay lumaya itong bayang aba
Bayan nati’y giginhawa kung mapalayas ang pasista!”
“Ang talas pa ng memorya mo, Ka Lita…” sabi nitong muli kay Lola.
Ka Lita? Nang nakita ko siyang pumirma minsan sa isang papeles, Araceli ang nakita kong buong pangalan niya. Tama kaya ang dinig kong tinawag siyang Ka Lita? Kung Araceli ang tunay na pangalan niya at Nene ang palayaw niya, sino si Ka Lita?
“Alyas ng lola mo ang Ka Lita,” paliwanag ni Nanay nang mag-usisa ako.
“Alyas?” ulit ko. “Para saan po ang alyas?”
“Ang alyas ay isa pang pangalang ibinibigay para itago ang tunay na katauhan ng isang tao…”
“A, e, bakit po kailangang itago ang tunay na pangalan ni Lola? May nagawa po ba siyang mali?”
“Wala. Wala siyang ginawang mali…” At tinapos na ni Nanay ang usapan.
Sobra akong nagtaka sa pagkakaroon ng alyas ni Lola. Ang alam ko dati, mga ‘goons’ lang sa pelikula ang may “alyas.” Biruin mo, ang Lola Nene ko pala at si Ka Lita ay iisa! Ako kaya, ano ang magandang maging ‘alyas’? Chinita? Shakira? Mahuhulaan kaya ni Teacher Ani na ako ‘yun kapag ang ipinirma ko sa test paper ko ay Sailor Moon?
Nang minsang nanonood ako ng TV, may nakita akong nagra-rally sa programa. Parang galit sila. O mataas lang ang boses? Pahiyaw kasi silang magsalita. May hawak pa silang mga tela at karton na may nakasulat na mga salita.
“Itaas ang sahod ng mga titser!”
“Katarungan para sa mga pinalayas na guro!”
“Tanggalin sa tungkulin ang abusadong pulis!”
Nang nakita ko siyang pumirma minsan sa isang papeles, Araceli ang nakita kong buong pangalan niya. Tama kaya ang dinig kong tinawag siyang Ka Lita? Kung Araceli ang tunay na pangalan niya at Nene ang palayaw niya, sino si Ka Lita?
Kapag minasdan mo sila, makikita mong seryoso talaga sila. Nakakunot ang noo. Nakabilad sa init at pawisang totoo. Parang nakasuntok ang kamay. Kagaya sila ng lola ko kapag sumasagi sa kaniyang isip ang panahon ng Hapon.
“Aktibista ang tawag sa kanila,” sabi ng Nanay ko. “Kapag may mga bagay o isyu na sa tingin nila ay hindi katanggap-tanggap, hindi nila ito mapapalampas.”
“A, kaya po pala parang nagrereklamo sila…”
“Oo, anak, hindi sila tatahimik lamang at hahayaan na lang ang lahat. Ipapahayag nila ito. Magmamartsa sa lansangan. Mag-iingay para mapansin!”
“Kaya po ba nasa kalsada sila?”
Tumango si Nanay.
“Kaya po ba kahit nauulanan ay tuloy-tuloy lang sila?” At muli kong minasdan ang mga nagra-rally sa kalsada. May lalaki, may babae, may kabataan, may senior citizens na rin!
“Ganu’n nga, anak. May mga bagay na kaya mong tanggapin nang tahimik. Pero may mga bagay na kakailanganin mong magsalita…o humiyaw…para ka marinig.”
Hindi kaya kagaya si Lola Nene ng mga aktibista na napapanood ko sa TV? Hindi kaya puwedeng manganib ang buhay ng Lola kaya dapat baguhin ang pangalan niya? Magkapareho ba ang aktibista at ang gerilya?
Minsan, habang natutulog, biglang humiyaw si Lola. Napasugod tuloy kami ni Nanay sa kuwarto niya.
“Hayan na ang mga Hapon! Parating na. Magtago na kayo!” Hindi siya nagbibiro. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pinaghalong takot at galit.
Napagkamalan niyang mga Hapon ang mga gumagalaw na anino ng sanga at dahon na masisilip sa kanyang bintana!
Agad siyang niyapos ni Nanay at masuyong sinabihan, “Ssshhh…Mama, wala na ang mga Hapones sa bansa. Umalis na sila. Matagal na. Matagal na matagal na…”
Tumingin si Lola Nene sa paligid. Waring sinisiguro na wala na nga ang mga Hapones. “Natakot siguro sa malarya! Alam mo ba, takot ang mga Hapon sa sakit na malarya?”
“Palagay ko nga. Sige na, Ka Lita, matulog ka na ulit…”
Matapos kumutan si Lola, niyaya ako ni Nanay sa sala.
“Anak, may kailangan kang malaman tungkol sa Lola mo at sa kasaysayan ng ating bansa,” sabi ni Nanay. Binanggit niya na maraming taon na ang nakararaan nang sumiklab ang World War II at dumating dito sa ating bansa ang mga Hapones.
“Parang nabanggit nga po ni Teacher Ani sa klase namin ‘yung tungkol sa World War II. ‘Yun po ba’ng sinasabi ni Lola Nene na Panahon ng mga Hapon?”
“Oo, anak, tatlong taon ‘yun,” kuwento ni Nanay. “At ang malungkot, marami silang winasak na mga bahay at gusali. Talagang nakakatakot ng panahong ‘yun!”
“Marami rin po ba silang napatay na kababayan natin?”
Malungkot na tumango si Nanay. “Kasi’y ayaw nating magpailalim sa kanila…”
Dahil sa pangyayaring ‘yun, nagdesisyon daw na umalis ng bahay si Lola Nene. At sumali sa isang lihim na samahan ng mga Pilipinong lumaban sa pagmamalabis ng mga Hapones.
Kinailangan daw niyang mamundok para di sila agad matunton ng mga sundalong Hapones. Dalaga pa siya noon. At sobra raw ang naging galit ng kanyang mga magulang nang mamundok si Lola! Halos isumpa siya. Pero nanatiling buo ang kaniyang loob.
“Ang tapang pala ni Lola Nene! Kakabilib!” sabi ko kay Nanay.
“Talaga naman. Alam mo, mahirap ang naging buhay nila sa Bundok Arayat,” kuwento ni Nanay. “Pero kinaya ito ng Lola mo.”
“E, paano po ba ang buhay sa bundok?” usisa ko.
“Naku, anak, hindi kumportable doon. Hindi mo gugustuhing manirahan doon. Malamok, masukal, malanggam, at sobrang lamig daw ‘pag gabi,” ani Nanay. “Pero kinaya ito ng Lola mo.”
Naisip ko, paano kaya ito natagalan ni Lola?
Sa kalagitnaan ng kuwentuhan namin, may nakakatuwang ibinahagi si Nanay. “Alam mo bang doon sa bundok na ‘yun nakilala ni Ka Lita si Ka Godo, ang…”
“Si Lolo?”
Tango ang naging sagot ni Nanay. “At doon din sila ikinasal ni Ka Godo sa bundok!”
“Ay, ganu’n? May tao palang ikinakasal sa bundok?” pagwawari ko. Tapos, sinundan ko ito ng isa pang tanong. “Ibig sabihin, pareho po silang… aktibista?”
Marahang tumango si Nanay. “Oo, anak, pati ang namayapa mong lolo, gerilya rin.” Ikinuwento niyang ‘gerilya’ ang tawag sa kagaya nina Ka Lita at Ka Godo nang panahong ‘yun. Hindi aktibista.
Dapat ko bang ikahiya ang pamumundok ng aking Lola Nene?
“Narinig ko, gerilya raw ang Lola mo,” minsa’y nabanggit ng isa kong kaklase. “War freak siguro siya…”
“Mali ka naman du’n, klasmeyt. Hindi war freak ang mga gerilya. Ayaw talaga ng giyera ng mga gerilya,” pagtatama ng isa pa. “Wala kasi silang pagpipilian noon kung hindi lumaban. Sige nga, kung may Japanese soldier ba na gustong maghari-harian sa bayan natin, di ba tayo lalaban?” pagtatanggol pa niya.
May nag-interbyu kasi dati kay Lola Nene. Bahagi ‘yun ng kanyang assignment sa klase. Dito’y inamin ni Lola Nene na naging kabahagi siya ng isang lihim na kilusang lumalaban sa mga mapang-aping sundalong Hapones. Malinaw pa ang isip ni Lola Nene noon.
Huk-ba-la-hap. Ganu’n ang sabi ni Nanay. Pinaigsing Hukbo ng Bayan Laban sa mga Hapon. ‘Huk’ daw kung tawagin sila ng mga karaniwang tao.
“Namundok pa raw sila!” sabat ng isa ko pang kaklase.
“At sabi, doon raw sila ikinasal sa bundok noong lolo mo?” segunda pa.
Sunod-sunod na tango ang naging sagot ko sa kanila. Aba, ang dami nilang alam sa buhay ng lola ko!
Sumabad sa usapan namin si Teacher Ani na kanina pa pala nakikinig. “Naku, si Ka Lita pala ang pinag-uusapan n’yo,” sabi niya, “ang mga babaeng kagaya ni Ka Lita ang dahilan kung bakit may tinatamasang kalayaan ang ating bansa. Dapat nating ipagmalaki ang mga kababaihang gaya ng lola ni Laya.”
“Naku, ang galing pala ng lola mo! Tunay na lodi!” bawi ng kaklase ko.
“Sana, may lola rin kaming kagaya ng lola mo,” sang-ayon ng isa pa.
Nang mga sandaling ‘yun, lalong tumindi ang pagkabilib ko sa lola kong Huk. Akalain mo, kasa-kasama ko lang pala sa bahay namin ang isang tunay na bayani ng kasaysayan.
At hindi ko siya kailangang tawagin sa alyas niyang Ka Lita.