Ni U Z. Eliserio

PINAGMASDAN ni Joseph ang katatapos lang na larawan. Anim na buwan niya itong binuno, pero sa unang pagkakataon, pakiramdam niya ay tunay na siyang pintor. Ang canvas: 4×4. Ang medium, acrylic. Ang larawan: si Nana Rosa, si Lorena Barros, at si Taylor Sheesh. Ang ikatlong pigura ang pinakamahirap, kahit sa brainstorming stage pa lang. Noong una, naisip niyang si Ate Gay ang gawin, pero baka hindi na ito makilala ng mga mas batang tagapagtangkilik ng sining. Ito naman si Taylor Sheesh, ang pangamba niya, laos na bago pa man niya matapos ang gawa. Pero dahil habang pinipinta si Lorena Barros ay 1989 ang naka-loop na playlist niya sa Spotify, pinakapaborito niya ang “New Romantics,” si Taylor Sheesh na talaga ang napagdesisyunan niyang ipinta.

Iniwan niya ang kanyang “studio,” na sa totoo’y bahagi lang ng kanyang kuwarto na hinarangan niya ng pinagtagping divider mula sa junk shop at hardiflex. Kumakalam na ang kanyang sikmura. Tatlong oras din ang inabot ng huling buga niya sa larawan, tatlumpong minuto rito’y pagdedesisyon lang sa magiging hitsura ng kanyang pagmarka rito, kung initials ba o pirma. Sa ibaba, natagpuan niya ang peanut butter at tasty na alam niyang tatlong araw nang expired. Sinipat muna niya ito, at nang masiguradong wala namang amag, naghanap ng kutsara. Kumakain na siya bago siya maghugas ng kamay.

Nobyembre pa lang noong nakaraang taon ay pinaghahandaan na niya ang patimpalak. Sponsor nito ang lokal na gobyerno ng Marilao, at ilang prominenteng negosyante. Kababaihan ang tema ng patimpalak, pero sa Mother’s Day, imbes na noong Women’s Month, ang idineklarang deadline. Mainam na rin, may ilang linggo pa para makasama niya ang kanyang gawa. Hindi na naman niya itong puwedeng baguhin, hindi tulad ng oleo mahirap magrebisa ng pintang acrylic. Dalawa na lang ang nais niya mula sa kanyang gawa: ang bigyan ito ng nararapat na pangalan, at makasama ito nang ilang araw pa.

Malaking bagay para kay Joseph ang patimpalak na ito. Kahit na 3rd place lang ay magiging masaya na siya. Pero mas mahalaga ang makilala bilang pintor. Bagaman, siyempre, hindi niya tatanggihan ang pera. Kailangan din namang kumain ng mga alagad ng sining.

Tuwing nadaaan siya sa Plaza sa tabi ng Divine, kahit na wala siyang bibilhin sa mga shop sa itaas ay umaakyat siya sa ikalawang palapag. Paano’y naroon ang naglalakihang painting na kanyang hinahangaan. Amorsolo ang estilo ng mga ito, ang paksa’y buhay sa kanayunan. Hindi niya malaman kung sino ang nagpinta sa mga ito, walang initial o pirma sa kahit saan sa canvas. Hindi naman niya matsek sa likod, at ilang beses na nga siyang sinisita ng security guard dahil hindi sa kanyang pagtitiyagang makalapit sa mga ito. Nakasabit kasi ang tatlong larawan, tatlong 6×6 na pinta, sa pader ng Plaza. Kung aakyat ka papunta sa ikalawang palapag, hindi mo magagawang hindi tingnan ang mga ito. Hindi sa gugustuhin mong umiwas ng tingin. Parang talon ang mga ito, o kabundukan. Ubod ng gandang mga likha. Nanginginig si Joseph sa tuwing pinagmamasdan ang mga ito.

May kumatok sa pinto. Sa dahas ng pagtayo niya mula sa silya, natabig ni Joseph ang kutsara, na nahulog sa sahig. Pero hindi niya ito pinulot, pinagbuksan niya agad ang kumakatok, dahil alam niya kung sino ito.

“Kuya,” sabi niya.

Ang kanyang Kuya Daniel ang nagpalaki sa kanya. Ito ang nagpapaaral sa kanya, at ito rin ang nagbabayad ng renta niya rito sa bahay. Abogado ito, at tumayong kanyang ama, at ina, mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang noong walo pa lang si Joseph. Labinlimang taon ang pagitan nila, pero halos sambahin na ni Joseph ang kanyang kapatid. Lalo na’t napakagalante nito sa kanya, at lahat ng kapritso niya’y pinagbibigyan. Para rito kaya gusto niyang manalo sa patimpalak. Para naman mapatunayan niya sa kuya niya na hindi niya sinasayang ang kabaitan nito.

Pumunta si Joseph sa kusina at nagtimpla ng kape. 3-in-1 ang ginamit niya, wala naman siyang ibang kape sa bahay. Ritwal na nila ito. Humigop ang Kuya Daniel niya, isang beses, at nagpasalamat. Pagkatapos ay ibinaba nito ang tasa at umupo. “Kumusta ang proyekto mo?”

“Tapos ko na po, Kuya.”

“Mabuti.”

Hindi na inalok ni Joseph ang kanyang kapatid na tingnan ang kanyang larawan. Bagaman pinopondohan nito ang kanyang buhay bilang pintor, wala talaga itong interes sa sining. Noong mas bata ay nagtatampo pa siya dahil tila ba wala itong pakialam sa pinakamahalaga sa buhay niya. (Well, sunod na pinakamahalaga. Siyempre ang kanyang kuya ang pinakamahalaga.) Pero nang lumaon ay naintindihan niya na iba-iba lang talaga ang tao. Hindi puwedeng mahal na nga siya ng kuya niya ay mahal pa nito ang mga larawan niya. Mas gugustuhin naman niya ang kasalukuyan nilang sitwasyon kaysa ang kabaliktaran, iyon bang numero uno itong fan ng kanyang pagpipinta pero hindi siya maabutan ng kahit singkong duling pambili ng brotsa.

“Anong plano mong hapunan?” Senyales itong pauwi na ang kanyang Kuya.

“Baka bumili ako ng pares d’yan sa may court, Kuya.”

Inabutan siya nito ng limang daan. “Dumaan ka sa carinderia sa may gate. O, kaya tumingin ka sa page n’yo. Maraming nagbebenta ng lutong bahay.” Hinawakan siya nitong sa may pulso. “Sabagay, hindi ka pa naman sobrang payat.” Pag hindi nag-aabot ang mga daliri ng kanyang kapatid, sinasabi nitong hindi sobrang payat si Joseph. Ito ang panukat ng kanyang kuya sa kanyang kalusugan.

Inabutan siya nito ng sobre.

“Opo, Kuya. Salamat po, Kuya.” Inihatid niya ito sa may pinto.

Bumusina ang kuya niya mula sa Mazda nito. Sa Metrogate nakatira ang kanyang kuya, sa Mahabang Parang sa Sta. Maria, kasama ang asawa nito at tatlong anak. Gusto sanang bumisita ni Joseph doon, mahal niya ang kanyang mga pamangkin, pero buwisit sa kanya ang kanyang hipag. Ang tingin nito sa kanya’y parasite, para bang bulate siya sa tiyan ng kanyang kuya.

Kinuha niya ang kanyang susi. Lampas alasais na, pero maliwanag pa rin, at mainit. Dapat ba siyang humirit ng pang-aircon sa kanyang kapatid? Umiling siya, natawa sa kanyang sarili. Kaya siguro siya kinamumuhian ng kanyang hipag.

Sa may gate, bago pumunta sa carinderia, kumatok siya sa bahay ni Vilma. Para bang sinasadya, binuksan nito ang pinto nang nakatapis lang. Ngumiti ito sa kanya. “Pasok ka?” tanong nito.

Napalunok si Joseph. Mas bata ng dalawang taon sa kanya si Vilma, at hindi siya manhid para magpanggap na hindi ito kaakit-akit. Umiling siya at inabot dito ang sobre.

“Ikaw naman, nakapaseryoso.” Sinilip nito ang laman ng sobre, saka inamoy. “Ang bango ng pera, ano?”

Hindi bango ng pera ang nasa isip niya. “Paano, sa susunod na linggo na lang.” Hindi na niya hinintay ang sagot ni Vilma. Nagmamadali niyang nilisan ang bahay nito, dumiretso siya sa carinderia.

“Anong problema?”
Nakapambahay si Vilma. “Samahan mo ako sa ospital, may nangyari kay Daniel.”

Limang taon na ring babae ng kanyang kuya si Vilma, dalawang taon nang ibinabahay. Schoolmate niya ito dati. Siya ang naging tulay ng kanyang kuya. Hindi na niya kinukuwestiyon kung bakit hindi na lang gumamit ng Gcash o kahit anong online banking ang kanyang kapatid para iabot kay Vilma ang pera. Posible naman kasing minamatyagan ng kanyang hipag ang cellphone nito.

Sa carinderia, sinuwerte siya’t may sinigang. Dalawang order ang binili niya, at tatlong kanin. Dapat doon na rin siya kumain, pero gusto niyang makabalik sa bahay para makasama ang kanyang larawan. Kailangan pa niyang bigyan ang tatlong babae ng kolektibong pangalan na makakasapol sa iba’t iba, pero iisang, esensiya nila.

Pagkauwi niya, nilalanggam na ang kutsara sa sahig. Sakto na rin at ilang linggo na niyang hindi nawawalis ang linoleum.

Pagkahapunan, bumili siya ng tsitsaron at Mountain Dew sa tindahan sa harap ng bahay niya, para naman sa kanyang midnight snack. Buong gabi, bilang pagdiriwang, wala siyang ginawa kundi manood ng YouTube at mag-scroll sa social media. Napuno ang kanyang notebook ng mga naisip niyang pamagat, pero wala siyang mapili.

Nakaisip na rin siya ng ilang alternatibong paraan para padalhan ng kuya niya ng pera si Vilma. Una, puwede itong mag-issue ng post date check, siguro anim, pero puwede ring labindalawa para sakto na sa isang taon. Pangalawa, at baka nga mas simple mas mainam, bakit hindi na lang ito magbukas ng sariling bank account? Parehas lang din kasi niya si Vilma. Palibhasa’y early 20’s pa lang, pakiramdam ay imortal. Kaya kung ano-ano ang pinaggagawa sa buhay. Mahilig itong uminom, lumabas gabi-gabi, mag-party. Sige, hindi naman mahilig si Joseph sa ganoong buhay. Mahilig makipagsosyalan si Vilma, siya naman ay anti-social. Pero pareho pa rin sila, parehong walang ipon, parehong walang naipupundar. Kaya nga napakahalaga ng patimpalak na ito para kay Joseph. Para makaramdam naman siya ng kaunting bigat sa kanyang buhay. Ayaw naman niyang umabot siya sa edad ng kuya niya pagkatapos ay nanatili siyang lutang.

Alauna ng madaling araw, magsesepilyo pa lang siya, nang gulatin siya ng balibag sa pinto. Narinig na niya ang ingay ng tricycle at ang tugon na tahol ng mga aso rito, hindi lang niya akalain na siya pala ang gagambalain ng sakay nito.

“Anong problema?”

Nakapambahay si Vilma. “Samahan mo ako sa ospital, may nangyari kay Daniel.”

“Ha?” Kinapa ni Joseph ang kanyang cellphone at susi. Sinigurado niyang naka-lock ang doorknob niya bago sundan si Vilma, na nakasakay na ulit sa tricycle.

“Ba’t ka ba hindi sumasagot kanina pa kita tinatawagan?”

Nauntog si Joseph sa arangkada ng tricycle.

“Ano bang nangyari?”

“Hindi ko rin alam. Basta nasa ospital siya.”

Kahit hindi niya gawain, napausal si Joseph ng dasal.

Girlfriend mo ako, tandaan mo. Girlfriend mo ako.”

“Ha?”

“Anong gagawin ko, Joseph? Paano kung sinaktan siya ng asawa niya?” Nanginginig ito. Baka sa lungkot. Baka sa takot.

Bumalik sa kanyang isipan ang gabing nawala ang kanilang mga magulang. May-December affair ang relasyon ng tatay at nanay niya, sampung taon ang tanda ng tatay niya sa kanyang nanay. Apatnapung taong gulang ang kanyang nanay nang ipagbuntis siya. Laking gulat ng mga ito, akala’y ang Kuya Daniel lang niya ang unico hijo. Ang kuya niya ang bantay niya nang tinawagan sila ng ospital. Masamang balita. Aksidente sa kotse. Inabutan pa nila ang kanilang tatay. “Alagaan mo,” sabi nito. Nakatingin kay Kuya Daniel. “Alagaan mo,” ulit nito, kay Joseph naman nakatingin.

Mana ang kanyang kuya sa tatay nila. Mano ba’t maging simple sa salita’t sinabing, “Alagaan n’yo ang isa’t isa”? Bakit kailangang masalimuot? Puwede pa kasing magkaproblema. Paano kung hindi nahalata ni Joseph na sa kanya ito nakatingin noong pangalawang beses? E, di inisip niya, inulit lang nito ang huling habilin sa Kuya Daniel niya na alagaan siya.

“Joseph, paano na? Paano na?” May ipinapakita sa kanya si Vilma sa cellphone. “Joseph…”