Ni Andre Ramirez Gutierrez
Napupuno ang gabi ng mga hilik
mula sa mga pagod na asawa, anak,
at mga kaanak na kanina pang hapon
nakabantay sa pangangailangan
ng kanilang mga mahal sa buhay.
Napupuno ang gabi ng mga hikab
at yapak ng mga guwardiyang labas-
masok sa pinto; mga nars na damagang
nakatoka sa mga pasyenteng sa apelyido
at sakit lamang nila kilala.
Napupuno ang gabi ng mga pagyanig
ng lupa mula sa mga dumaraang trak
sa labas—yaring binubuhay ng barakong
kape ang mga pahinanteng naatasang
sa madaling araw magtrabaho’t bumiyahe.
Napupuno ang gabi ng mga dasal na hindi
masambit-sambit, iba’t ibang hiling, at mga samot-
saring pakiusap. Sa himig ng kaba at pagod, lahat
kaming narito’y sang-ayon sa taimtim na ritmo. Binabasag
ng garalgal ng bentilador ang himbing ng bangungot.