Ni Kian H. Sanchez
Kung darating ang puntong iyon
papawiin niya ang laksang luha
sa ating mga mata:
hindi na tayo mamamatay nang sanlibong ulit
hindi na muling gagapang ang dalamhati
at ang mga paghihirap ay maapuhap ng langit;
magtatapos ang pananambitan
at ang ating pagluluksa’y mapaparam.
Kung darating ang puntong iyon
Mamatay man sa kamay ng mga saserdote
Ang mga gaya nating makasalanan
Buong-puso ko itong tatanggapin.
At kung magkagayunman,
Manunumbalik sa bayang-ampunan
Habang tumatangis ng banal na langis.
Sapagkat alam kong muli akong kakanlungin
Ng mahal na Inang Birhen:
Ang bisig niya’y muli akong patatahanin.
Kung darating ang puntong iyon
Aawit ako ng papuri, magpupugay sa hari
Maghuhugas ng aking kasalanan
Dadalisay mula sa kahungkagan.
Magbabalik sa aking pagkaalabok
Babangon at lalaya gaya ng gabok.