Nabuhay sa Sariling Mundo

Naroon pa rin siya at nakatayong paharap sa aking lapida. Ang batang babaing may kulot na buhok at ang babaing nakaluksa ay iisa.

Ni Pedro S. Dandan

NAINO ko na ang babaing iyon noon pa mang nakaraang Araw ng mga Patay. Kung di ako nagmamadali at nangangambang may makakilala sa akin, talagang lalapitan ko siya upang mapagsino. Waring hindi naiiba sa akin ang kanyang kaanyuan, bagama’t hindi ko siya mamukhaan sa pindong na sutlang tumatabing sa noo at sa kasuutang luksa: bestido, abrigo, sinturon at sapatos. Samantalang kararating ko sa libingan noong nakaraang Todos Los Santos upang dumalaw sa puntod ng aking asawa, na kaagapay ng aking puntod, ay papaalis naman ang babae nang magkasalubong kami. Ngayon, ako naman ang papaalis at siya ang kararating. Luksang-luksa rin siya; nguni’t ang tanging napakintal sa aking kamalayan sa kabuuang anyo ng babae ay ang kulot na buhok na nakasilay sa pindong na sutla at nangakaikom sa ibaba ng magkabilang pilipisan.

Mula sa paglikwad-likwad sa makitid na landas sa pagitan ng mga libing na naiilawan ng mga kandilang ang naghuhumindig na mga ningas ay nakikitalad sa hangin at sa liwanag ng mga nakasinding bombilya, ay nadagil ako ng dalawang batang lalaking nag-aagawan sa ilang bolang pagkit na unti-unting binilog mula sa mga tulo ng kandila. Papaibis na ako sa kalsadang pinagputik ng tikatik na pag-ulan, at naisaisantabi ko sa kamalayan ang pag-ukilkil sa akin ng kulot na buhok at ng babae. Tinalaktak ko rin ang daan kahi’t na ako maputikan upang makaabot sa huling biyahe ng eroplanong sasakyan ko sa pagbabalik sa Mindanaw, sa pataniman ng mga goma ng aking kaibigang si Martin. Dalawandaang metro ang kailangang lakarin hanggang sa labasan upang makatawag ng taksi. Sa loob ng mga sandali ng aking sarili at papaniwalaing hindi pa ako namamatay.

Totoo na kadadalaw ko pa lamang sa aking sariling libing. Noel ang aking pangalan at humihinga pa naman ako. Kung hindi’y…

Napatutop ako sa aking mukha. Gumapang ang aking mga daliri sa mga pilat na magaspang at tadtad ng tahi, na bahagi ng aking baba at mga pisnging labi ng matinding paso. Bumaba ang aking kamay, humagod sa kaliwang braso at napalamukos sa ibaba ng siko ng manggas na walang laman.

Ako na rin ang nagpalubag sa aking kalooban. Sa pagkamatay ko ay nakilala ko naman si Melinda. Lalong masakit kung buhay ako at saka mangyayari sa akin ang gayon.

BAOG ang aking unang asawa, si Mirla. Hindi kami nabiyayaan ng kahit isang supling sa loob ng dalawampung taong pagsasama. Pagkamatay ni Mirla, sa kabila ng aming nakaiigayang pagmamahalan, ay kung bakit hindi ko napigilan ang mag-asawa agad. Maaaring naghahanap ng panibagong init ang aking katawan. Maaaring natangay ako ng paniniwalang kanluranin na panahon ng pagkahumaling ng mga kasibulang babae sa kalalakihang mula sa apatnapung taon pataas. Maaaring may sentimentalismo ako sa mga pangalang-babae na nagsisimula sa “M” at katunog ng sa aking unang asawa.

Oo, ang huli sa mga sapantaha ko ang totoo. Noong gagapin ko ang malambot na palad ni Melinda sa isang piknikang idinaos sa Buena Vista Receation Center sa San Rafael, Bulakan ay si Mirla ang sumasaisip ko.

“M” din ang umpisa ng pangalan ng aking yumaong asawa. Sa palagay ko’y nagbabadya ang titik na ‘yan ng tatlong katangian: mabait, maganda at masintahin. Isang karangalan ko ang makilala kayo, Aling Melinda.

Napangiti siya. Sumilip ang kaniyang maliit at pantay-pantay na ngipin. Nabasa ang kanyang labing likas na maputla at bigla akong nauhaw, na waring naharap ako sa isang kopitang tsampan, pagkatapos na hindi makatikim ng alak sa loob ng dalawang taon.

Sa makabagong palanguyan ng Buena Vista, nang maamuki niya akong sumabay sa kanya  sa pagsisid sa tapat ng tabling talunan, natiyak ko sa sariling bata pa rin ako sa aking ika-apatnapu’t lima. Napairugan ko ang yaya ng isang lalabinsiyaming dalaga at naipakilala kong maging sa ilalim ng tubig ay maaari akong tumikim ng tsampan na gaya ng ibang kabinataan.

Kaipala, bukod sa aking titulo sa pagkamanananggol, ang ipinamalas kong kapusukan kay Melinda ang higit na nakaaakit sa kanya upang makataling-puso ng isang may karanasan at halos ama na niya.

Subali’t tila nangangapa ako sa isang kahungkagan sa pangunang mithiin ko sa pakikipag-isang-buhay sa kanya. Kabiyak ko na siya at hindi ako makapayag sa katotohanang habang lumalaon ay nawawalan naman siya ng kasiyahan sa aking piling. May sanlibo’t isa siyang kapritso, na tila isang musmos sa isang mapagpalayaw na ama. Lubha akong maunawaan, pagbibigay-katwiran kaipala sa kusa kong pakikipag-ibigan sa isang hindi pa lumalampas sa kasibulan. Ninais niyang makapagpatuloy ng dalawang taon sa kolehiyo at saka magpakahusay pa sa sining ng pananahi at pagtabas. Naitaguyod ko siya. Wala akong hinihiling sa kanya matangi sa pahinuhod na siyang magkaanak kami at sinsayin na ang nauusong likas o di-likas na kontrol sa pagdadalangtao.

“Si Noel naman… sa’n ba patutungo ‘yan kundi roon din. Mga…” kumunot ang kanyang noo, “i-isa na lang. Sa pagtuntong ko sa ikadalawampu’t apat, de-kontrol na sa halip na sa halip na kontrol. Pero… sa ‘sang kondisyon, susuhulan mo ‘ko ng isang kotseng “Impala”.

Napatawa ako, “Naku, napakapilya mo, Mel… kahi’t ilabas kong lahat ang naiimpok ko sa banko?”

Kumandong sa akin si Melinda at hinagkan ako nang hinagkan sa mga mata, sa pisngi at sa baba. Napatango rin niya ako.

HINDI ko nga akalaing magkakagayon, na lumitaw na patay na ako kay Melinda at sa lipunan na aming ginagalawan. Nang magkabisa sa amin ang de-kontrol sa halip na kontrol sa pag-aanak, tinotoo ko ang pangakong pagbili ng isang magarang kotse. Isang kalalabisan iyon kung isasaalang-alang ang patakaran sa pagtitipid sa isang pag-asawahang katamtaman pa lamang ang pamumuhay, bagama’t nagagamit niya ang kotse sa pagyayao’t dito sa kanyang patahian sa Kiyapo at sa paghahatid-pagsundo naman sa akin sa pinaglilingkurang bupete sa Escolta.

Sakay ako ng eroplanong PAL upang katawanin ang aking kaibigang si Martin sa pagharap-harap sa paglilitis sa usapin nitong may kinalaman sa pagkamkam ng isang masalaping mestisong Hapones sa bahagi ng kanyang rantso. Nasiraan ang sasakyan at bumagsak sa isang makahoy na bulubundukin. Naging pangmukhang balita iyon sa mga pahayagan. Walang nakaligtas isa man. Limang bangkay ang natupok at isa ang natitiyak na sumabog at nagkawalat-walat ang katawan at inubos ng mga hayop. Umano’y kabilang ako at ang isang mamamahayag sa nangatupok na mga bangkay.

Gayon ang lumilitaw na nangyari sa mga sakay ng bumagsak na eroplano. Nguni’t ang totoo’y isang pasahero ang nakaligtas. Nahati sa gitna ang eroplano at natangay ito ng puwitang umilandang nang malayo at sumalalak sa isang malabay at madahong punungkahoy. Kinalinga ito ng mga taong-gubat na unang nakasaklolo at iniuwi ang kanilang tribo. Natauhan ang mapalad na sakay makalipas ang ilang linggong pagtapal-tapal ng dinikdik na samut-samot na mga ugat ng damo at mga dahon at balat ng mga punungkahoy. Nang magunitang kung sino siya at makilalang niloob ng Diyos na iligtas siya sa mga taong-gubat ay halos nahagkan niya ang kamay ng matandang puno ng tribong nakakausap niya sa pamamagitan ng senyas. Pagkatapos ng mga pangakong muli siyang dadalaw sa kagubatang iyon ay saka pa lamang niya napapayag na ihimlay siya sa isang hamaka at pasanin hanggang sa rantso ng kanyang kaibigang si Martin.

Ako ang pasaherong nakaligtas. Nguni’t sa naging anyo ko, mistulang labi ng isang bangkay na agnas na ang balat ng mukha at naputulan ng isang kamay mula sa siko, wala sino man sa aking kapalagayang-loob na makakakilala pa sa akin. Matagal kong pinag-aralan kung ano ang mabuting gawin sa harap ng gayong pangyayari sa tulong ng butihing si Martin. Ang balak kong magpakitang kagyat sa aking asawa ay sinansala niya.

“Hindi na ikaw ang dating si Noel. Namatay ka na sa ‘yong asawa, sa ‘yong mga kaibigan, sa inyong lipunan. Kung kapritsosa at batambata siya na gaya ng ‘yong sabi, baka lubha mong damdamin kung magbago siya. Naging interesado ‘ko sa mga balita sa pahayagan nang mabasa kong kabilang ka sa mga nasawi. Nasubaybayan ko ang ilang mahalagang nangyari sa inyo pagkatapos ng sakuna. Natunton ang ‘yong bangkay sa pamamagitan ng ‘yong relos na gintong nakasilid sa bulsa ng ‘yong luper. Ang ‘yong abo’t mga buto’y iniuwi sa inyo, ibinurol, pinaglamayan at pinarangalan at inihatid sa libingan at kasama ako sa mga nakipaglibing. Hindi naman nalaon at nabalita rin sa pitak na panlipunan na ang dating nobyo ni Melinda ay nakasulit sa bar at umano’y nanariwa ang kanilang palagayan. Dumito ka muna sa ‘kin. Kukuha tayo ng isang imbestigador na bayaran upang magsiyasat pa bago tayo kumilos,” ani Martin.

“Pero, hindi ako ang kanilang iniibig. Si Mat Castro ‘yon na nakaiskuwela natin sa U.P. Nginingiki siya’t nilalagnat sa kabilang upuan kaya ipinasuot ko muna sa kanya ang aking luper. Di ko naman alam na madidisgrasya ang aming eroplano,” pagmamatuwid ko.

Pinaiyanan ko man si Martin sa paglutas ng aking suliranin ay hindi ko rin napaglabanan ang udyok ng sariling umasa laban sa kawalang-pag-asa. Patanan akong sumakay ng eroplano isang gabi upang umabot sa palaglag-luksa ni Melinda alang-alang sa aking pagyao. Wala akong sandatang taglay matangi sa pamamantungan sa “bahala na” at sa katotohanang ako si Noel, at si Noel ay buhay.

Nguni’t bigung-bigo ako. Kinakailangan pang makita ng aking mga mata upang mapatunayan ko ang katotohanan. Nabalam ang sinakyan kong eroplano at kauuwi pa lamang ng naging mga panauhin nang pasilip-silip akong kumatok sa nakatarangkang pinto ng harding kailangang bagtasin sa pagpasok sa solong bahay na paupahan at dati kong tirahan. Hindi nila ako napapansin. Nakaupo sila sa batong pahingahan sa ilalim ng balag ng kadena de amor, sina Melinda at Mat. Waring pinulikat ang aking kamay at napipi ang aking kamao sa marahang-marahang pagsayad ng pinto. Marahil, upang matiyak ang susunod na mga pangyayari…Magkatipan na nga sila. Sa gabi ng paglaglag-luksa sa aking pagkamatay ay naiuwi ni Mat ang pagsang-ayon ni Melinda na magpakasal sila sa buwang hahalili gaya ng ipinangako ng aking “balo”.

Hindi na sumagi sa akin na sayang din ang kotseng naiwan ko kay Melinda. Nang mangyari ang sakuna sa eroplano’y hindi ko pa naman naihahanda ang testamento ng iba ko pang mga ari-arian. Namaibabaw sa akin ang pag-aalaalang baka lalo akong upasalain nina Melinda at Mat kung makikita nila ang aking anyo na buhay nga’y mistula namang isang katatakutan.

Nagbalik ako sa rantso ni Martin sa Mindanaw. Kinuha niya akong isang kasangguniang mamananggol at katiwala sa kanyang pataniman ng goma. Nalibang naman ako. At sa kauna-unahang pagkakataon, sapul noong mangyari ang sakunang pumatay sa aking dangal at kaligayahan, ay noon lamang isang Araw ng mga Patay sumagunita kong alalahanin ang libing ng aking unang asawa, si Mirla. Sa mga sandaling dinadalaw ako ng mga panimdim ay nabubuhay sa akin an gaming lumipas. Waring pinagsisisihan ko ang madaling paglimot sa kanya. Maaari naman na nagkakanlong ako sa piling ng mga alaala ni Mirla upang mapagtaguan ang anino ni Melinda.

Halos wala nang katau-tao sa libingan sa dalawang sunod na pagdalaw ko sa puntod ni Mirla. Iniwasan ko siya, si Melinda, lalo na kung si Mat ay kasama nitong dumalaw o nagbantay sa aking libing. At natagpuan kong isa ring mahiwagang kanlungan ang isipan ng babaing nakaluksang makalawa ko nang masalubong patungo sa aming magkatabing puntod ni Mirla upang maiwasan ang pag-ukilkil ng alaalang nakaugnay kay Melinda.

Samantalang bumubungad na ako sa labasan at hindi alumana ang nagsala-salabat na mga sasakyang maingay na nagpapailanlang ng kanilang mga busina ay saka naman nagkaroon ng kahulugan sa aking panimdim ang larawan ng kulot na buhok na nakaikom sa ibaba ng magkabilang pilipisan sa mahinhing pagsilay sa pindong na sutla…

Sumagi sa aking paningin ang munting rebulto ng isang anghel na nakalupasay sa paanan ng isang krus na nakatirik sa ulunan ng isang puntod na naraanan kong nakahanay sa mga unang libing sa pagpasok ng sementeryo. Kulot ang buhok niyon. At kulot din ang buhok niya. Nakaikom sa ibaba ng magkabilang pilipisan na paulit-ulit kong inunat. Kinatutuwaan ko ang paulit-ulit ding pag-igkas niyon na kasing-ulit ng batang babaing may-ari.

Noong huling pagbabakasyon niya sa kanyang Ate Mirla ay nahirang siyang anghel  sa isang santakrusan. Labindalawa siya noon. Ikalimang pagbabakasyon niya sa Maynila sapul noong mag-aral siya sa unang baitang ng isang mababang paaralan sa Lunsod ng Kabanatuan, sa piling ng kanyang Lola na “Lola” ko rin kay Mirla. Magdamag siyang umiyak. Walang kabagay-bagay iyon. Hindi ako nakarating nang maaga sa bahay sapagka’t abala ako sa isang mahalagang asunto, kaya hindi ko siya nailawan bilang sagala sa prusisyon…

Biglang-bigla akong ipinihit ng aking mga paa. Ang tsuper ng taksing tinawag ko kangina’y bubulung-bulong nang sa halip na sumakay ako sa pumaradang sasakyan ay nagbalik akong nagtutumulin sa aming libingan. Naroon pa rin siya at nakatayong paharap sa aking lapida. Ang batang babaing may kulot na buhok at ang babaing nakaluksa ay iisa. Marami na sa mga kandilang nangakatulos sa bawa’t puntod ang namatayan na ng ningas sa hihip ng hanging mahalumigmig, sa unti-unting pagkatunaw ng sarili o sa waring pagsuko sa pakikipaghamok sa liwanag ng mga bombilyang nasa lahat ng panig ng libingan.

Napaiyak ako. Hindi ako isa lang kandila na namatayan na ng ningas at ngayon ay tinatanuran ang sariling puntod. Buhay ako… buhay…

Hindi ko natimpi ang bugso ng aking damdamin. Napaluhod ako sa paanan ng babaing nakaluksang napa-inakupo nang impit.

“Hu-huwag kang matakot… A-Angela… a-ako ang ‘yong Kuya Noel… ako! Hindi ako patay…” Napatayo ako at inilantad ko sa liwanag ang aking mukha at inililis ko ang aking isang manggas upang makita niya ang kamay kong putol.

Namamalikmata siya sa pagkakatitig sa aking anyo. Sinalat niya ang aking bisig na walang pinsala at sinipat ako na tila sinisino ang aking kaluluwa mula sa aking mga mata.

“A-ako nga… Angela, ako! Naligtas ako sa aksidente sa eroplano. Pero, iibigin mo pa bang mabuhay sa mukhang ‘to? Mabuti pa ngang maniwala silang patay na ‘ko… mabuti pa nga…” Nagpahid ako ng luha at nagpatungo, “Hindi ko maunawaan ang lakas na nagtulak sa ‘kin para magpakilala sa ‘yo. Kung hindi mo na rin ako nakilala…li-limutin mong nagkita tayo sa harap ng puntod ng… ng… ‘yong Ate Mirla… Bakit pa? Patay na rin lang ako sa ‘yong akala!”

“Kuya… Kuya Noel!” Naramdaman ko na kusang pumaloob sa aking mga bisig ang katawan ni Angela. Umiiyak din siya.

“Angela, pagkatapos ng maraming taon…”

“Isa na akong doktora, Kuya Noel,” agaw niya at ginagap ang aking isang kamay at idinikit sa kabiyak ng kanyang pisnging basa ng luha. “Ang naiwang salapi ni Lola at ang huling habiling mag-aral ako sa Amerika ay aking sinunod. Namatay si Ate nang hindi man lang kami nagkita. Nang malaman kong nasawi ka rin sa isang aksidente ay lalong nalubos ang aking pangungulila. Wala, wala nang natitira sa ‘kin… malimit kong usalin sa ‘king mga pag-iisa… matangi ngayon na bigla kang nabuhay sa ‘yong sariling puntod…”

“Pero… i-isang labi na lang…”

“Hindi, Kuya Noel! May nalalaman akong nakagagamot ng malubhang paso sa mukha sa Amerika sa pamamagitan ng plastic surgery. Nasarili ko ang pamana ni Lola. Ang matuwid niya’y mabuti naman ang inyong kabuhayan ni Ate. Ngayong nagugol ko na sa pag-aaral ang isang bahagi ng dapat sanang naipamana kay Ate, tungkulin kong gumanti naman sa ‘yo ng utang na loob.”

“Anong ibig mong sabihin?” sambot ni Noel.

“Ano pa, wala… magpupunta lamang tayo sa Amerika para doon ka magpagamot. At ako na ang bahala. Naging katulong akong manggamot sa isang ospital sa California at malakas ako sa isang dalubhasang doctor na naglilingkod sa Mayo Clinic. Matutulungan niya tayo sa aking balak.” At ngumiti si Angela.

Wala nang ningas at upod na ang kahuli-hulihang kandilng nagtanod sa magkatabing puntod naming ng aking asawa nang lisanin namin ni Angela ang libingan sa Hilaga. Nakakawing pa ang kanyang isang bisig sa isang kamay kong walang pinsala, samantalang tinatalaktak namin ang maputik-putik pa ring kalsada patungo sa labasan.

Ngayon, naging kakaiba ang pagkakita ko sa mga kandila: Natutunaw sila sa sariling ningas upang makapag-alay ng liwanag sa mga namayapang kaluluwa, sa kanilang munting daigdig.

Sumaloob ko. “Si Angela’y mistula ring kandilang may hatid na liwanag sa isang namatay na upang muling mabuhay sa sariling puntod.”