“Ang linis-linis ng balat mo tapos dudumihan mo lang. Iyong linis at kinis nga ng balat mo ang nagustuhan ko sa ‘yo, e,” mahinang pag-amin niya. “Tattoo, hindi dumi. Tattoo!” paglilinaw ko.

Ni Mellodine A. Antonio

“ANO ang nakain mo’t naisip mo ‘yan?” Pailing-iling siya habang nakatingin sa papel na ibinigay ko sa kanya. “Maganda,” bahagyang napatango. “Pero hindi pa rin!” matigas pang bitaw.

“Kailangan ba may nakain ako para maisip ko ‘yang gawin?” Pinantayan ko ang tono niya.

“Kasi para kang sinaniban.”

Umangat ang isang kilay ko.

“Ang linis-linis ng balat mo tapos dudumihan mo lang. Iyong linis at kinis nga ng balat mo ang nagustuhan ko sa ‘yo, e,” mahinang pag-amin niya.
Tattoo, hindi dumi. Tattoo!” paglilinaw ko.

Tattoo, ink, dutdot, anuman ang tawag mo ro’n, dumi pa rin ‘yon. Nakatatak na sa balat mo. Hindi na mabubura. Hindi na maaalis.”
“May laser na ngayon, puwede na ring ipatanggal kapag hindi na gusto,” pabalewala kong sagot sa pagngakngak niya.
“O, di hindi ka gano’n kadesidido sa pagpapa-tattoo kung naiisip mong ipatanggal din naman balang-araw.”

Gusto ko na siyang kotongan sa totoo lang. Kuhang-kuha niya ang pagkaubos ng pasensiya ko. Sa lahat ng lalaking nakarelasyon ko, siya ang pinakamadaldal. Daig ko pa ang may inang bungangera kapag nagsimula na siyang maglitanya.

“Wala akong sinabing ipatatanggal ko,” yamot na paliwanag ko. “Sinagot ko lang ang sinabi mo na di na iyon matatanggal – na pamhabambuhay. Kasi wala namang pamhabambuhay sa mundo. Lahat puwedeng mabago. Lahat puwedeng mag-iba. Iyon lang ang constant, di ba … Change!

Precisely my point!” Kumumpas pa siya sa hangin. “Kung sigurado ka kasi sa iniisip mong gawin, ang sasabihin mo, hinding-hindi mo ‘yon buburahin.”
Bigla akong naging soprano. Iyong tonong iniiwasan ko dahil kasabay ng pagtaas ng tono ko ang pag-akyat din ng dugo ko sa ulo. “Hindi ko naman alam na dapat pala iyong iniisip mong sagot ang dapat kong isagot,” sarkastiko kong bitaw. “Saka hindi naman ako nagpapaalam sa iyo sa gagawin ko. Ipinakita ko lang ‘yang design na ipadudutdot ko para itanong sa ‘yo kung saan magandang ilagay. Sa braso ba o sa binti? Sa hita ba o sa puwet?”

“Bakit hindi mo ipalagay sa noo o kaya sa pisngi para mas maganda – para mas makita?” Hindi rin itinago ang panggigigil.

Hinaltak ko sa kanya ang papel na may naka-print na mukha ng tigre. Iyong design na gustong-gusto ko. Patay na patay ako.

“Okey na! Salamat sa opinyon! Hindi iyon ang tinatanong ko. Hindi iyon ang hinihingi ko sa ‘yo!” May kasama iyong irap at konting dabog. “And just to clarify, ha,” kandahaba ang ngusong nameywang pa ako.  “Ipinaaalam ko lang sa ‘yong gagawin ko at hindi ko ipinagpapaalam sa ‘yo!” Sinabayan ko iyon ng pagtayo at pagtalikod.

Try to reconsider, will you!” nanggagalaiting habol.

Deadma!

Iniwan ko siyang nanggagalaiti.

Inis na inis.

Gigil na gigil.

“ANG pinakamagandang canvas kasi – balat ng tao!” Tiyak ang pagkakabitaw – naroon ang sinseridad – nakapalaman ang paninindigan.

Parang alingawngaw sa isip ko ang sinabi ni Mang Doming, paborito kong propesor. Mabilis na dumaloy sa gunita ko ang pag-uusap namin noon.

Ewan ba, lampas isang dekada ang pangyayaring iyon pero sariwa parati sa memorya ko ang tagpong iyon sa pagitan naming dalawa.

“Bakit po iyan ang ipinadutdot niyo?” Inginuso ko ang tatak na iyon sa braso niya.

Napangiti siya.

Mapait.

“Mahalaga ang petsang ito.” Bahagya niyang pinasadahan ng daliri ang nakaukit sa balat niya.

“Dahil…”

“Petsa ‘to ng paglaya ko sa maraming opinyon ng tao.”
“Nabilanggo po kayo?”

Natawa siya sa tanong ko.

“Hindi! Hindi bakal na rehas. Bilanggo sa kasal ng dati kong asawa.”

Kumunot ang noo ko.

“Hiwalay na kayo ni Ma’m Beth?”

Natawa siya ulit.

“Hindi! Hindi siya! Iba. Iyong una. Iyong nanay ng una kong tatlong anak.”

“A, anim po’ng anak ninyo?”

Tumango siya

“A-anim. Oo. Anim nga’ng mga anak ko.” Tila may bara sa lalamunan niya. Hirap lumabas ang salita. Tila may pagpipigil – may pumipigil!

Iyong tatlong huli lang ang alam ko.

Nakilala.

Ipinakilala niya noon. Ipinakilala nang may pagmamalaki dahil lahat, taglay ang hilig niya – pagsulat – lalo na iyong bunso – iyong batang kamukhang-kamukha niya.

“Iyong sa una, di ko na nakikita. Wala na ‘kong balita. Itinuring na yata akong patay,” pagpapatuloy niya. “Kunsabagay, mas mainam na iyon kaysa nagkikita-kita pero may sama ng loob sa bawat isa.”

“Hindi na rin po ba ninyo hinanap?”

“Alam ko naman kung nasaan sila. Nagkasama-sama naman kami ro’n noon. Masyadong malamig do’n. Di ko kaya ro’n. Di iyon ang lugar ko. Di iyon ang buhay ko.”

“Kaya iniwan ninyo? Naghanap kayo ng bago?”

Umiling siya. Sunod-sunod.

“Hindi ko basta iniwan. Tinanong ko kung sasama sila sa akin. Kung gusto ba nilang bumalik dito.” Huminto siya sa pagsasalita tila may inaalala.

Ako, matamang naghihintay sa mga sasabihin pa niya.

“Ayaw nila, e. Naroon daw ang asenso. Oportunidad. Mas gaganda raw ng buhay doon.”

Sinalubong niya ang mga mata ko.

“Gusto ko silang kasama. Dito. Hindi doon. Ayaw nila rito. Gusto nila doon.”

Dama ko ang pait.

Ramdam ko ang matinding sakit.

Iyon ang kauna-unahang gabing tahimik kaming kumain.

Walang kibuan.

Tila di magkakilala.

Parehong may malalim na iniisip.

“ANO, tuloy pa ba’ng kahibangan mo?”

Nag-angat ako ng ulo mula sa mga ginagawa ko sa mesa.

“’Kako, tuloy pa ba’ng kahibangan mo? Kasi kung itutuloy mo, ipagpaliban muna natin ang kasal.”

“Alin sa maraming kahibangan ko sa turing mo ang tinutukoy mo?” inis kong sagot sa tono niyang nananakot. Higit ang asar ko sa sinabi niyang ‘kahibangan’ kaysa sa bantang ipagpapaliban muna ang kasal.

“Iyong pagpapadumi sa balat mo,” nakangising sabi.

“Baka pagdidesenyo ang ibig mong sabihin?”

“Kung disenyo sa ‘yo ang paglalagay ng dumi sa balat mo, e di, sige, disenyo kung disenyo. Maruming disenyo!”

“Ano ba’ng malaking isyu mo samantalang balat ko at hindi naman ang sa iyo ang pabuburdahan ko?” Di ko na itinago ang yamot sa sagot ko.

“Ano ba kasing nakain mo para maisip mong gawin ‘yon?”

“Kapag may gustong gawin na kakaiba sa gusto’t hilig mo, may nakain? Hindi ba puwedeng naramdaman, natuklasan o kaya, naranasan?”

Wow! At ikaw pa ang mainit ng ulo?”

“Nakakainit ka kasi ng ulo.”

Kita ko ang pamumula ng punong tainga niya.

Inunahan ko ang ang pagbuka ng kaniyang bibig. “Hindi ko maintindihan kung bakit napakalaking isyu sa ‘yo ng pagpapa-tattoo ko. Kung sakaling dumi ang tingin mo ro’n, so what? Balat ko naman ‘to, di iyo! Kung sakaling kahibangan, so be it! E, di, hibang ako.”

“Hindi ko kasi maintindihan kung ano ang ipinagsisintir mo para gawin ‘yang napakagandang idea mo na pagsira sa balat mo.”

Tumayo ako.

Nawalan na ako ng focus sa ginagawa ko.

Mas gusto kong magbanyo kaysa makipag-usap sa kanya.

“O, sa’n ka pupunta? Magpapadutdot ka na ba? Gaano ba karumi ang gusto mong kalabasan ng balat mo?” nang-aasar na tanong niya.

Nilingon ko siya.

“Sa banyo, magbabawas ng toxin sa katawan.” Masama na ang tingin ko sa kanya. “Sama ka?”  Pinaningkitan ko siya. “Kaya lang baka pati ikaw, mai-flush sa kubeta.”

Kita ko ang pagkabigla’t pagkadismaya niya sa sinabi ko.

The hell I care!

“NAG-IBA ba ang tingin no’ng makita mo ‘to?” Mataman siyang nakatingin sa akin habang nakaturo ang daliri sa disenyo ng balat niya.

Umiling ako.

“Ayos lang naman, kung sakali. Hindi naman lahat ng tao, nakauunawa sa pinagdaraanan ng tulad ko. Tulad din ng di ko mauunawaan kung bakit kapag di natin kapareho ng pananaw at paniniwala, iba ang tingin natin. Kadalasan, mababa.”

Umiling ako.
“Hindi po, sir. Nagtaka lang.”

“Nagtaka ka dahil hindi pala ako ang inakala mong ako?”
Nahihiya akong tumango.

“Bakit ano ba ang inaakala mong ako?”

Hindi ako agad nakasagot.

“Na sa sobrang tino, walang gagawing hindi akma sa itinakda ng norms ninyo? Na pasok na pasok sa standard ng mga taong limitado ang alam sa buhay ko? Na dahil umalis ako sa lugar kung sa’n naro’n ang unang pamilya ko, masama na akong tao? Pabayang ama? Walang kuwentang asawa?”

Nabasag ang boses niya.

“Pero kailan ba matino at hindi ang isang tao? Ang isang lalaki? Ang isang kagaya ko?”

Unang pagkakataong nakita kong ganoon siya ka-vulnerable.

“Kung lahat ng gusto ng iba ang susundin ko, sa palagay mo, ano ang magiging buhay ko? Maligaya sa mata nila pero miserable kapag nag-iisa?”

Wala akong makuhang isagot sa kanya.

“Responsable ako sa sarili kong kaligayahan. Ako rin ang mananagot sa mga desisyon ko sa buhay, tama o mali man.”

“ITO na ba’ng design na ‘to, Ma’am?”

Tumango ako.

“Gusto mo bang mas dark dito?” Itinuro niya ang dala kong larawan. “Mas may dating kapag mas maitim ang linya rito. Mas fierce,” may kasama iyong ngiti.

Ngiting nakakaintindi hindi nangungumbinse.

Tumango ako bago pumikit.

“MASAKIT iyon lalo na no’ng bago pa. Sanay akong magkakasama kami. Sanay na may nag-aasikaso sa akin. Sanay na may kasama sa pagtulog at paggising. Labinlimang taon kaming magkasama. Tatlong batang pinangarap kong magabayan sa paglaki ang hindi ko nakikita’t nababalitaan man lang. Wala akong katabi sa gabi. Kausap sa maraming dapat pag-usapan sa buhay. Wala akong nagigisnan sa umaga maliban sa unan… Magulong higaan …. Malungkot na buhay.”

Dama ko ang kakaibang pait. Ramdam ko ang labis na sakit na noon ko lang nalaman sa mismong bibig ni Mang Doming.

“SANDAL ka, Ma’am.” Inayos niya ang sandalan ng silya. “Masakit lang nang konti, ha? Kapag di mo kaya, sabihin mo lang. Puwede namang huminto. Pahinga nang konti. Saka natin ituloy ‘pag okey na. Hindi tayo nagmamadali.”

Bagaman nagulat sa pang-aabala niya sa iniisip ko, nakuha kong tumango.

Sumandal ako. Iniangat ang binti sa katangan para higit siyang makabuwelo’t mas maayos ang anggulo.

Ipinuwesto ko ang kaliwang bahagi sa kaniyang gawi.

“DITO ko ipinalagay sa kaliwa para tuwing titingnan ko’ng oras, nakikita ko itong petsa. Petsa ng pagpili. Petsa ng pagdidesisyon. Paalala na mahalaga ang bawat oras. Parating tanda na tumatakbo ang oras. Nauubos. Lumilipas.”

“MASAKIT?”

Umiling ako.

Inabot niya sa akin ang tissue.

Sa kabila ng pagtataka, tinanggap ko.

“Halos lahat ng una kong nadudutdot, umiiyak, e.” Nakangiti siya. “Mukha ka namang matapang pero malay natin, baka maiyak ka rin. Baka habang nagmamarka ang tinta sa balat mo, unti-unti kang nagsisisi.”

“INIYAKAN ko lahat. Kasama ng mga maling desisyon – para sa iba – hindi para sa akin.”

Nakatitig ako sa kanya. Gusto kong maunawan ang mga sinasabi niya. Gusto kong maunawaan ang mga pinagdaraanan niya. Gusto kong sabihin sa kanyang hindi lang aral mula sa libro ang natutuhan ko – higit doon.

“MAMAGA ‘yan, Ma’am. Normal ‘yon. Huwag mo lang babasain. Kapag naglangib na, huwag mong piliting tanggalin. Kusa iyang matutuyo – maghihilom.”

Tumango ako bilang pagsang-ayon.

Marahan niyang pinahiran ng ointment para raw mas madaling matuyo. Mas maganda ang resulta.

“Iyong ibang babae, nagpapagupit ng buhok kapag may milestone – malaking pagbabago sa buhay. Iyong ilan, parang ikaw, Ma’am. Nagpapadutdot. Nagpapatinta. Nagpapa-tattoo. Mas pinag-isipan. Mas pangmatagalan,” sagot niya nang malamang ang napipintong kasal ang dahilan ng pagpapaganoon ko. ‘Kako kasi, panibagong buhay. Hudyat ng paghahati mula sa pagkadalaga tungo sa pagpapamilya.

“SABI ng marurunong at nagmamarunong, pinaghihilom ng panahon ang lahat ng sakit. Hindi ‘yon totoo sa akin.” Mabilis na pinalis ng likod ng palad ang pamamasa ng mga mata. “Sinanay lang ako niyon sa nararamdaman kong sakit.” Nagyuko si Mang Doming. Pilit itinatago ang sakit na nadarama.

“MAGAGAMAYAN ko rin ang sakit. Masasanay din ako.” Nagpilit ako ng isang ngiti.

“Ang lupit ng hugot, a!” natatawang sabi niya habang tinatakpan ang ointment para itabi. “That’s the spirit, Ma’am,” may panunuksong sabi. “Usually, sa unang dutdot lang ramdam ang sakit. Iyong kasunod, sisiw na. Yakang-yaka na.” Sinuklian niya ang ngiti ko. “Pero sa iyo, hanga ako. Unang dutdot hanggang huli, walang ngiwi. Parang expert, e!”

“PATULOY ang ikot ng mundo,” walang saya sa ngiti niya. “Kapag di ako sumabay, mapag-iiwanan ako.” Mas sa sarili ang paliwanag nito kaysa akin. “Ginusto kong maging masaya ulit. Mapalad lang ako na may tumugon. Nagsama kami. Nagkaroon ng mga anak. Kung masama iyon sa iba, nakabuti naman para sa akin. Nagkaroon ulit ako ng direksiyon. Dahilan para mabuhay. Rason para maghangad na magtagumpay.” Bakas ang pagmamalaki. Lantad ang kaligayahan.

“ITINULOY mo pala talaga! Hindi ka pala napigilan. Balewala pala sa iyo ang pagmamalasakit ko – ang pagpigil ko!” Litaw ang labis na pagkadismaya. “Ang dumi na ng balat mo!” Galit na galit. “Ano’ng sasabihin ng makakakita sa balat mo? Dati kang bilanggo? Patapon ang buhay? At sa akin, ano ang sasabihin?”

Tiningala ko sa siya.

Masakit pa ang balat ko. Namumula’t namamaga pa. Pero mas masakit ang katotohanang naririnig ko.

“Baka sa susunod, pabubutasan mo ng lima ang tenga mo o baka naman pati pusod mo o dila mo –”

“O, ang utong ko?” salag ko.

“Ang dumi ng bibig mo!” Namumula sa galit at pagkapahiya sa sinabi ko ang mukha niya.

“HINDI ko hahangarin ang pagsang-ayon ng mga taong walang nakikitang mabuti sa ginagawa ko. Ang pananagutan ko, hindi sa kanila kundi sa sarili at sa Diyos na kinikilala ko,” taas ang noo sa pagkakabitaw niyon.

Tinitigan ko siya. Matingkad ang pagmamalaki sa ginawa – desisyon niya.

“Hindi ko ito itinatago o itatago kaninuman.”

Matiim niya akong tiningnan.

“Maraming batas ang tao na di ko makita ang lohika. Maraming utos na di ko alam kung kanino nanggaling. Maraming tinutukoy na ‘sila’ na hanggang siguro sa oras ng kamatayan, di ko pa rin makikilala.”

Namamangha ako sa mga sinasabi niya.

“Pag-aalay ang buhay. Pagdama ng kaligayahan kahit sa mga pagkakataong di tugma sa panlasa ng iba. Hindi dikta ang pagpapasaya sa atin o magdudulot ng kapanatagan. Tanungin mo’ng puso mo. Hingan mo ng balidasyon ang isip mo. Kapag nagtugma ang dalawa dahil wala ka namang inaapakan o inaabalang iba, magdesisyon ka.”

Sa mismong oras na iyon, hinangaan at higit kong nirespeto ang paborito kong propesor.

“PUWEDENG tama ka na marumi ang bibig ko pero ayokong magpanggap na masaya dahil lang sinunod ko ang gusto ng tulad mo!” Inilapit ko ang mukha ko sa mukha niya. “Oo nga pala, hindi mo na kailangang i-postpone ang kasal.” Sa nagtatagis na ngipin, sinabi ko ang ayaw niyang marinig. “Kanselado na ang kasal! Walang magaganap na kasal!”

Iniwan ko siyang tigagal. Walang salitang lumabas sa nakaawang na bibig.

Hindi ko itinuloy ang pagpapalagay ng tigre sa binti ko. Iba ang ipinatatak ko.

Naroon sa balat ko – sa pinakamagandang canvas na mayroon ako – ang mukha ng pinakaborito kong tao.