Wala Nang Lawin sa Bukid ni Tata Felipe

“Ngayon ay hindi lawin lamang ang kalaban ko. Pati ang maiitim na usok na iyon na madalas ding bumaba sa mga pananim ko!”

Ni Benigno R. Juan

(Nagkamit ang kuwentong ito ng Pangatlong Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1974)

WARING nakalutang sa hangin ang lawin. Nakabuka ang dalawang pakpak nito, ngunit hindi kumakampay. Kaipala’y walang kurap ang tila may teleskopyong mga mata nito sa pagmamasid ng madadagit na mga sisiw na nagsisipanginain sa bukid. At ilang saglit pa’y sumisid ang lawin. Pababa, parang saranggolang pabulusok sa isang akayang manok na nanginginain sa bunton ng giniikan sa gitna ng bukid. Nataranta ang inahing manok. Nagsisiyapan at walang masulingan ang mga sisiw. Ngunit sa gayong kagipitan, nananaig ang likas na kakaniyahan ng ano mang hayop na ipagtanggol ang kanyang mga inakay. At ang inahin ay humanda sa anumang mangyayari; pumuputak at kahit nangangalisag ang mga balahibo’y hinarap nito ang matutulis na kuko ng lawin. Pupulukin niya ito, tatagain ng kanyang tahid, puputakan upang mailigtas ang kaniyang mga inakay. Ngunit tuso ang lawin sapagkat sa halip na makipagsagupa sa inahin, ang tinugis nito’y ang napaligaw na inakay. Sinaklot ang kaniyang matutulis na kuko, saka mabilis na pumaimbulog sa papawirin na tangay ang kawawa’t sisiyap-siyap na sisiw.

Maraming lawin sa Pinagbuhatan; sa bukid ni Tata Felipe sa partikular.

Huli na nang makita ni Tata Felipe ang sumalakay sa lawin nang umagang iyon. Malabo na kasi ang kaniyang mga mata. Kung hindi pa nagputakan ang nabulabog na mga manok ay hindi pa siya mapapabiling sa kaniyang ginagawa. May tatlumpung metro lamang ang layo niya sa bunton ng giniikang pinanginginainan ng mga manok. Nasa lilim siya ng malabay na puno ng banaba at buong tiyagang nilalabra ng palataw ang gagawing baras ng kareta. Hawak pa rin ang palataw, napatayo siya’t binulas ang lumalayong lawin, kinurukya ang mga manok at sinipulan si Tagpi.

“Kuuu, Tagpi! Hiyaaa! Hiyaaa!”

Pupungas-pungas ang payat na aso na lumabas mula sa ilalim ng sirang karetang nasa di kalayuan sa tabi ng matanda. Matanda na rin si Tagpi. Kung bakit ang asong ito’y may ugaling matulog sa tabi ng matanda saan man siya naroon. Gusto ni Tata Felipe na takutin ang lawin upang hindi na magbalik kaya’t muling inupatan si Tagpi kahit alam niyang hindi na aabutan ng lawin. Ngunit ang hinabol ni Tagpi’y ang nabulabog na mga manok at hindi ang namamayagpag at waring nagdiriwang na lawin sa itaas. Lalong nabulabog ang mga manok. Nakailang saway ang matanda bago parang nagmamalaki pa ang aso na nagbalik sa lilim ng punong banaba at kumiyakiya pa ito’t dinila-dilaan ang binti ng nagngingitngit na panginoon.

Sa biglang bugso ng yamot ni Tandang Felipe ay inasbaran niya nang malakas na sipa ang likod ng aso, na bahag ang buntot, umaalulong na nagsuot na muli sa ilalim ng kaniyang kareta.

Itinabing ni Tandang Felipe ang isang kamay sa itaas ng kaniyang mga mata at tinanaw ang papalayong lawin na nakasila ng isa sa kaniyang sisiw at humantong ang kaniyang paningin sa tsiminea ng pabrika ng kemikal na animo’y isang palalong tore sa gawing kanluran. Muling napahinga nang malalim si Tata Felipe. Gumalaw ang kaniyang pilipisan at kumibot ang kulubot na mga labi sa isang piping nagmumura.

“Ngayon ay hindi lawin lamang ang kalaban ko. Pati ang maiitim na usok na iyon na madalas ding bumaba sa mga pananim ko!” aniya at sinundan ng malulutong na mura.

ANG pabrika ng kemikal ay nagbubunga ng masasamang usok na nakapipinsala sa kalusugan ng tao at gayon din sa mga halaman. Madalas, kapag bumaba ang hihip ng hangin o kaya’y nagkakaroon ng kapinsalaan ang tsiminea ng pabrika ng kemikal na nasa gawing kanluran ng bukid ni Tata Felipe, ang nakakaubong usok ay nagpapasakit ng lalamunan at nagpapaluha sa mga taga-Pinagbuhatan. Hindi lamang sa tao, malubha rin ang kapinsalaang idinudulot nito sa mga halamang pinagkukunan ng ikabubuhay sa mga tagabaryo. Nagsisipamula ang dahon ng palay; umuudlot ang paglaki at kung sumasapaw naman, nananatili na lamang na nangagtingala sa langit ang sunog, matulyapis na mga uhay. Nagsisipanguluntoy ang mga halamang gulay, at maging ang mayayabong na punongkahoy ay parang sinilaban ang dahon kapag nagbabaan ang usok mula sa pabrika ng kemikal ay napatayo sa isang lumang panahon na ang madalas makapamayani’y ang lakas at salapi. Ang mga petisyon ay hindi pinakinggan at ang mga karaingan ay parang sa tainga ng kawali ibinulalas kaya’t nangatikom na lamang ang bibig ng buong baryo at iniagpang na lamang ang kanilang sarili sa kasaliwaang-palad na dumating sa kanila. Isa pa, maraming lalaki sa baryo ang nangapasok na trabahador sa naturang pabrika. Mga payak na tagabaryong mapagmahal sa katahimikan, ­itinuturing na lamang nilang “isang masamang suwerte” na para bang dulot ng kalikasan at tulad ng bagyo at tagtuyot ang paminsan-minsan lamang, isang konsolasyon. Paris din ng mga lawin. Paminsan-minsan lamang kung sumalakay. Tinanggap na nga nila na walang kahihinatnan ang ano mang sumbong nila laban sa pabrika ng kemikal sapagkat iyon nga ay noon pang lumang panahon na laganap ang kabulukanmulang kalunsuran hanggang kabukiran at kagubatan!

ANG bukid ni Tata Felipe ay minana pa niya sa kaniyang mga ninuno. Alam niya, ikinukuwento ng kaniyang ama noong nabubuhay pa, na halos dugo ang ibinubo ng kaniyang mga ninuno sa paghahawan at pagpapatatag ng dating burol-burol at napakadawag na lupaing iyon. Maganda na ang bukid nang ipamana sa kaniya.

Noong malakas-lakas pa ang kaniyang katawan, si Tata Felipe ay nagtatanim ng pakwan at milon sa mga pinitak pagkatapos anihin ang palay. Mayroon din siyang tumana—sitaw, ampalaya, kamatis, talong, okra at iba pa. Subalit hindi na magagawa pa ni Tata Felipe na magtanim ng mga prutas at gulay ngayon. Hindi dahil sa siya ay matanda na, kundi ang ilog na pinagkukunan niya ng pandilig ay nasaklaw na ng pabrika at napaderan nang mataas.

At ang tubig sa Ilog Pinagbuhatan ay kulay-pusali at mabaho na ngayon.

Napapagitna sa dalawang malaking pabrika ang bukid ni Tata Felipe—pabrika nga ng kemikal sa hanggahan ng kaniyang banus sa gawing kanluran at pabrika naman ng papel sa gawing ilaya, sa kaniyang pinakamatabang sulang. Bukid din dati ang kinatatayuan ng dalawang pabrikang iyon—noong hindi pa ipinagbibili nina Tata Imong Bayawak at Da Nenang Peles sa mga korporasyong nagsipagtayo ng dalawang pabrika.

Mula nang mapatayo ang dalawang pabrika, laging pagas ang ani ni Tata Felipe kaya’t maraming nagpapayo sa matanda na ipagbili na rin niya ang kaniyang bukid. Tinatawaran na iyon ng mga may-ari ng pabrika ng kemikal at ang katiwala naman ng pabrika ng papel, si Ka Dama, ang tau-tauhan ng mga Intsik, ay panay rin ang pasyal kay Tata Felipe. Para silang masusugid na manliligaw na laging may dalang pasalubong at magagandang pabalitang hatid kay Tata Felipe upang mahimok nila ang matanda na ipagbili nito ang kaniyang bukid.

Ngunit laging matigas si Tata Felipe.

“Ang lupang ito’y mahalaga para sa akin. Dito ko naitaguyod ang pag-aaral ng aking mga anak. Kahit galot na ipa na lamang ang anihin ko ngayon, hindi ko pa rin ito iaaalis sa akin.”

At si Ka Dama o sino mang tagapamagitan ng korporasyon ay bigong magpapaalam sa matanda.

Kung sa katulad ng ibang tagabaryo, maaaring taas noo na nga at makapagmamalaki kahit na kangino si Tata Felipe. Papaano’y siya lamang ang taga-Pinagbuhatan na pinalad magkaroon ng apat na matatalinong anak na pawang may ambisyon sa buhay. Ang kaniyang panganay, si Kanor, ay isang inhinyero na’t may magandang trabaho at maayos ang pamumuhay sa Maynila. May asawa na’t mga anak.

Ang sumunod kay Kanor, si Rosa, ay isang nars at naglilingkod sa isang ospital sa Estados Unidos. Ang pangatlo, si Danilo, ay tapos ng komersiyo at nasa ibang bansa rin, sa Canada. Ang bunsong si David na lamang ang tanging nag-aaral ng pagsasaka sa Los Banos, Laguna.

Bawat isang nakakakilala kay Tandang Felipe ay lihim o hayagang pumupuri sa matanda. “Tingnan ninyo si Tata Felipe, kahit gaganiyan-ganiyan iyan, e, de-titulo na’ng mga anak! Ba, pambihira ang mga anak niyan! Me nasa Istet na’t limpak-limpak na dolyar ang kinikita!”

Ngunit kapag napag-uusapan, mahinahon lamang na sinasabi ni Tata Felipe: “Ginawa ko lang ang tungkulin ko sa kanila. Kung anong buhay ang ginusto nila noon, iyon ang natamo nila. Doon sila dapat magpakatatag.”

Subalit sa kaibuturan ng kaniyang puso, hindi gayong buhay ang gusto niya para sa mga anak. Gusto ni Tata Felipe na may magpatuloy ng pagbubungkal ng kaniyang bukid. Para sa kaniya, hindi maipagmamalaki ang pagkakaroon ng magandang buhay ng kaniyang mga anak na nakatapos ng pag-aaral. Pagkat nasasabi niya sa kaniyang pag-iisa:

“Anong kahibangan ito? Bakit ang mga anak ko’y kailangang dumukal ng dunong upang pagkatapos ay pabusabos lamang sa mga dayuhan? Kung trabaho ang kailangan, bakit dapat pang umalis sa bukid? Dito’y hindi natatapos ang trabaho, pero malaya ang katawan. Sila’y hindi malaya. Alipin ng walong oras na paggawa. Sa bukid, hindi nagmamadali at kay-laya. Kay-laya pati ng hangin. At mabagal ang takbo ng mga oras sa bukid. Hindi nagkukumagkag, hindi bilang ang bawat sandaling magdaan…”

“Ang kawawa kong mga anak!”

Kahit inhinyero na ang kaniyang si Kanor, batid ni Tata Felipe na laging gahol na gahol din ito sa panahon at naghuhumaling di mawari sa bawat saglit. Kahit hatinggabi, si Kanor ay sinusundo kapag may aberya ang mga makina sa planta ng kompanyang pinaglilingkuran. Si Kanor ay mekanikal na alipin ng malalangis, maiinit na makina. Naitatanong ni Tata Felipe sa sarili kung katumbas na nga iyon ng kasaganaang tinatamasa ng kaniyang anak at buong pamilya nito.

Alam iyon ni Tata Felipe sapagkat nang mamatay ang kaniyang asawang si Nana Tale tatlong taon na ang nakalilipas, sa paghimok ni Kanor ay sinubok niyang tumira sa magarang bahay ng panganay na anak. Nahimok siya ni Kanor sapagkat nang panahong iyon ay may gusto siyang malimot—ang pagkamatay ni Nana Tale. Nailibing na si Nana Tale ay hindi pa rin niya matanggap na patay na nga ang kaniyang asawa. Apatnapu’t walong taong kasalo niya si Nana Tale sa waring walang katapusang hirap sa pagpapalaki at pagpapaaral ng mga anak at paminsan-minsan ay sa kakapurit na ginhawa. Kaya nga’t napahinuhod si Tata Felipe na magbakasyon sa bahay ng panganay na anak sa Maynila. Baka siya makalimot.

Nguni’t ilang araw lamang ay sabik na sabik na siyang magbalik sa Pinagbuhatan.

Parang hindi makahinga si Tata Felipe sa saradong-saradong silid. Parang naliliyo, nauulaw siya sa ganoong lugar. Unang gabi pa lamang ay nadama na niya ang malaking pagkakaiba ng buhay niya sa mga ito sa kanilang baryo sa gitna ng malawak na kabukiran. Nang hindi na niya matagalan ang lamig na ibinubuga ng erkondisyuner, si Tata Felipe ay lumabas ng silid at nagtungo sa terasa at doon natulog. Kahit papaano’y malaya ang hangin sa terasa.

Nang umaga’y mangha si Sonya, ang asawa ni Kanor, nang mabuglawan ang biyenan sa terasa. “Ay, Tatang! Bakit diyan kayo natulog?”

“Gusto ko rito. Mas presko rito!”

“Pero mas presko sa inyong tinutulugang guest room. Bagong-bago at bihirang gamitin ang erkondisyuner doon.”

Pati si Kanor ay nagtatawa sa kaniya. “Ang Tatang. Hindi pala sanay sa lamig ang Tatang.”

Gusto niyang sabihin kay Kanor: Sanay siya sa lamig. Kay-lamig din sa bukid kung buwan ng Disyembre, Enero at Pebrero! Ang hindi niya kinasanayan ay ang artipisyalidad ng paligid. Parang nasa isang kahon siya na kulob na kulob at artipisyal ang hanging pumapasok sa hininga. Artipisyal, tama, artipisyal nga ang ganda ng lahat ng bagay na iyon. Mula sa bulaklak na plastic sa plorera at hanggang sa damong Bermuda sa harapan ng bahay. Napapailing si Tata Felipe. “Sinasayang ang lupa. Kung iyon ba’y tinatamnan ng talong, kamatis o kahit na anong gulay, sana’y may karakang maipapanahog at hindi magtitiyaga sa mga nabibiling lantang gulay sa palengke!”

Tatlong araw nga lamang ay bagot na bagot na si Tata Felipe at pakiramdam niya ay kay-laki na ng ipinanghina ng katawan niya. Kaya’t anumang pagpigil ang gawin ng kaniyang anak at manugang, hindi pinakinggan ng matanda at siya’y nagbalik sa Pinagbuhatan.

Nag-iisa siyang namuhay sa kubo na ang tanging kasama ay ang asong si Tagpi. At si Damulag, ang matsorang bali ang isang sungay. At ang marami niyang manok Tagalog na kung araw ay naglaboy lamang sa bukid at sa kaniyang maluwang na looban.

Kahit hindi niya kailangan ang salapi, tuwing ikalawang buwan ay nagpapadala rin sina Rosa at Danilo na kapuwa nasa ibang bansa. “Aanhin ko ba ng pera rito?” naibubulong niya sa sarili habang ipinaiilalim sa kaniyang lumang baul ang mga dolyar na padala ng dalawang anak. Aanhin pa nga niya ang pera ngayon? Wala na nga siyang pinapag-aaral sapagkat si David, na pinakamatalino sa apat na magkakapatid, ay isang iskolar ng pamahalaan.

SI David ang tanging pag-asa ni Tata Felipe ngayon. Agrikultura ang kinukuha nito. Kaipala’y ito ang makakahalili niya sa pagpapala sa kapirasong lupang iyon.

Kailangang may pumalit sa kaniya, naisip ni Tata Felipe. Si David. Sa pamamagitan ni David, nakikinita-kinita ni Tata Felipe na muling gaganda ang panannim sa kanilang bukid. Nararamdaman niyang higit kailan man, ngayon niya kailangan ang makakahalili sa pagsasaka. Matanda na siya. Sa kailan na lamang ba ang buhay niya?

At sa mga huling sandali, parang isang pag-asam, waring isang obsesyon, gusto ni Tata Felipe na makitang ang payat nang lupa’y muling mapataba sa pamamagitan ng makabagong kaalaman sa pagsasaka ng kaniyang bunso.

Ha, pansamantala lamang ang pagas na palay na ito, pampalubag loob niya sa sarili. Makikita nila pagkatapos ng pag-aaral ni David ko!

Naririnig na ni Tata Felipe ang tungkol sa mga makabagong paraan ng pagtatanim ng palay, ang matataas umaning binhi, ang mga wastong pagpapataba, ang mga makabagong makinarya.

Ngunit si Tata Felipe ay matanda na para sa mga iyon.

Bahala nang si David ang magpatuloy ng mga pagbabagong hindi na magagawa ng kaniyang katawang tinakasan na ng sigla at lakas.

IBINABA ni Tata Felipe ang palataw at pinahid ng laylayan ng maluwang niyang kamiseta ang pawisang mukha.

“Matanda na mga ako ngayon,” usal niya sa sarili. “Dati, kalahating araw lang, e, nakakayari ako ng isang kareta. Ngayon, tatlong araw na’y iisang baras pa lamang ang nagagawa ko.”

At kay-dali niyang mahapo ngayon. Humingal.

Kay-lungkot nga ng tanawing iyon para sa isang katulad niyang nauubos na ang pinakamabubuting taon ng kaniyang buhay.

Ngayon, nakapaniin si Tata Felipe sa lumang palataw, tumaas-bumaba ang butuhang balikat at ang hungkag na dibdib sa abot-abot na panghingal. Ang katawan niya ay halos nakabaluktot na’t ang walang ngiping bibig ay bahagyang nakabuka. Sa pagkakayuko’t paniniin sa palataw na parang ginagawa niyang tungkod, ang waring sa kalansay na niyang mga daliri’y humihimas sa humpak na mga pisngi, sa butuhang baba, habang minamasdan ang may hugis nang baras ng kareta na kaniyang nilalabra. Para siyang isang mahinang mandirigma na matamang nag-iisip kung papaano mapupuksa ang matigas na kaaway. Parang wala sa loob niyang nahimas ang ubaning buhok na madadalang na, sinalat ang mga gatla ng panahon sa kaniyang humpak na mukha, luyloy na ang balat ng kaniyang pisngi, dibdib, braso at tumakas na ang dagadagaan sa kabuuan ng kaniyang katawan.

Ang dating mabulas na puno’y isang tuod na ngayon. Isang pangit na tuod na iginupo na ng panahon at kung nakakapit man sa lupa ang mga ugat, hindi na iyon dinadaluyan ng mga katas ng lupa sapagkat hindi na makatanggap. At ang mga ugat, sa pagdaraan ng mga taon ay mabubulok at sasanib sa lupang pinagmulan.

Napailing si Tata Felipe sa alalahaning iyon.

Huminga siya nang malalim.

“Si David na lamang ang tanging pag-asa ko.” At parang nagkaroon uli siya ng kakaibang lakas. Tumayo si Tata Felipe at iginala ang paningin sa kabuuan ng kaniyang bukirin. Hindi mga lantang dayami at mga payat at tuyong pasiyok ang nakikita niya, kundi ang mabubulas na palay na malapit nang mahinog. Datig-datig at kulay-ginto ang hutok na hitok na butil ng mga uhay.

HAPON. Buong kasiyahang pinagmamasdan ni Tata Felipe ang kayayaring kareta nang dumating si Alfon, ang kartero. May dalang telegrama para sa kaniya.

“Pakibasa mo nga’t malabo na’ng mata ko,” sabi ni Tata Felipe kay Alfon.

Binuksan ni Alfon ang sobrang plastik at inulat ang kapirasong papel na nasa loob niyon.

“Uuwi pala ang anak ninyong si David, Tata Felipe!” sabi.

“Kelan daw?”

“Bukas ho.”

“Salamat, Alfon. Salamat. Tapos na siguro’ng pag-aaral ng bunso ko.”

Talagang iba si David kaysa sa mga kapatid niya, bulong uli niya sa sarili nang makatalikod na si Alfong kartero. Ang walang utang na loob niyang mga kapatid! Pagkatapos ng pag-aaral, kung saan-saang lupalop na nagsitungo. Hindi na nilingon ang bukid na pinag-ugatan nila…

Iba si David. Mula sa pagkabata nito at hanggang sa makatapos ng hay-iskul at katu-katulong ni Tata Felipe sa bukid. Noon pa’y hinuhulaan niyang mapapaiba si David.

Nang gabing iyon, maagang nagluto ng kaniyang hapunan si Tata Felipe at pagkakain, nag-unat-unat siya sa papag na nasa lilim ng punong duhat. Alinsangan at tigil ang hangin. Ang papag ay malapit sa kural ni Damulag, ang kaniyang matandang matsora na pingkil nang pingkil ng iisang sungay sa mga lamok sa gulugod nito. Si Tagpi’y payapa namang nakahiga sa ilalim ng papag, namamahinga rin ang payat na aso.

Naidlip si Tata Felipe. At siya’y nanaginip. Sa simula’y kung ano-anong panaginip, malalabo’t hindi makintal sa kaniyang isip. Hanggang sa luminaw, luminaw, parang totoong-totoo. Nakita niya sa panaginip na siya raw ay masayang-masaya pagkat nagtagumpay si David na mapaunlad ang kaniyang payat na bukid. “Siyento nuwebe sang ektarya’ng  ani natin ngayon, Tatang!” pagmamalaki pa raw ni David sa kaniya. At siya raw ay naging malakas, matipuno at masigla. Nangisda siya sa kalapit nilang ilog na malinaw na malinaw ang tubig at saganang-sagana sa pantat, dalag at gurami. Ang dami ng nahuli niya sa pandadala at napuno ng iba’t ibang isda ang kaniyang malaking suwike. Tuwang-tuwa siya pagkat pulos itlugan ang mga dalag at gurami na kaniyang maiihaw para kay David.

Sa panaginip na iyon ay hindi dumalaw ang ganid na lawin at gayon din ang nakasusulasok na usok mula sa pabrika ng kemikal.

Nang maghahatinggabi na’t magising si Tata Felipe dahil sa kagat ng malalaking lamok, parang nasa alangaang pa siya nang magtungo sa kaniyang higaan sa kubo. Magaan na magaan ang pakiramdam niya sa sarili at nakadama siya ng panibagong sigla at lakas.

“Sana’y totoo,” usal.

PANTAY-TIKIN na ang araw at luto na ang sinampalukang manok, na umaga pa lamang ay pinalambot niya, nang mabuglawan ni Tata Felipe sa may tarangkahan ang hinihintay niya—si David, may bitbit na isang maliit na maleta. Humalik ng kamay sa kaniya ang anak at maluhaluhang binendisyunan niya. “Kaawaan ka ng Diyos!”

Ang laki raw ng itinanda niya, napuna agad ni David. At kaipala’y kay-labo na rin ng mga mata at mahina na pati pandinig.

“Malakas pa ako,” tutol niya. “Kaya lang, e, di paris noong araw o kahit na noong kamamatay pa lang ng Inang mo.”

Napansin ni Tata Felipe, kay-laki rin ng ipinagbago ni David. Tumaba ito at pumuti ang kutis. Akala ni Tata Felipe ay masusunog sa araw ang balat ni David, ngunit nagkamali siya. A, nakaputing polo barong ito at pantalong makapal, nakasapatos pa at makintab na balat. May tanong na gumitaw sa isip ni Tata Felipe: Ganito ba ang makabagong magsasaka?

Nang makapananghali at namamahinga sila sa papag sa lilim ng punong duhat, si David ang nagbukas ng kanilang usapan.

“Tatang, alam ko kung gaano kahalaga sa inyo ang bukid na iyan. Pero matay ko mang isipin, hindi na natin aanihin ang ibabayad sa buwis. Ang sa ati’y hindi na lugar na pang-agrikultura, kundi pang-industriya.”

Sinasabi ng kaniyang mata nang walang kibong bumaling sa anak: Sino’ng may sabi sa iyo?”

“Nakita ko ang plano sa munisipyo kangina. Nagdaan ako roon. At isa pa’y imposible na ngang sakahin pa ang ating bukid dahil napakalapit sa pabrika ng kemikal. Kahit mataas ang kanilang tsiminea at kung ano-ano pang kagamitan ang ikabit laban sa polusyon, dumarating ang pagkakataong nagkakaroon iyon ng depekto.”

Bigla ang pagluwal ng alinlangan kay Tata Felipe. Sa pandinig niya’y parang luminaw ang tsug-tsug ng mga makina mula sa pabrika ng kemikal at pabrika ng papel. Ano ang gustong mangyari ni David? Huwag! Huwag! Sana’y

“Tatang, ipagbili na natin ang lupang ito.”

Ipagbili na natin ang lupang ito! Parang bumibingi iyon sa pandinig ni Tata Felipe. Ipagbili na natin ang lupang ito! Yanig siya.

“M-madaling sabihin, pero…” malalim ang kaniyang buntong-hininga. Tigagal. Sumalimbay sa isip niya ang lawin. At ang tuod na kaipala’y di na dinadaluyan ng katas ng lupa ang mga ugat…

“Mas maluwang ang mabibili ninyong lupain sa ibang lugar sa mapagbibilhan ninyo rito. Maging praktikal sana kayo, Tatang. Napakalaki ng tawad sa ating lupa pagkat kailangang-kailangan ng may-ari ang pabrika ng papel para pagtayuan ng mga karagdagang makina. Pang-industriya na ito at hindi pang-agrikultura.”

“Papaano mo nalaman?” Narinig niya ang kaniyang magalas na boses na nangingibabaw sa namiminging ingay sa kaniyang magkabilang tainga.

“Tatang, dalawang beses nanag nagpunta sa akin sa Los Banos si Ka Dama, ang katiwala sa pabrika ng papel. Matanda na kayo at panahon na para kayo ay magpahinga sa pagsasaka. Hanggang nasa inyo ng bukid na iyan, hindi kayo magpapahinga.”

“I-ikaw?”

“Tatang, ako’y binigyan ng dalawang taong iskolarsip para mag-aral sa ibang bansa. Magpapakadalubhasa ako at pagbabalik ay magtuturo naman sa iba.”

May nagbangong paglalatang sa damdamin ni Tata Felipe. Bakit wala ni isang makaunawa sa kaniya? Bakit hindi nila madama ang kahalagahang pangkaluluwa ng lupang ito para sa kaniya? Kahalagahang higit pa sa salapi at sa lahat ng materyal na pangangailangan ng isang nilikha?

Dumidiin sa kaniyang utak: Siya’y bigo hanggang sa huling baraha niya.

Hindi na siya makapagsaka pagkat matanda na siya, para ano pa ngang hayaang nakatiwangwang ang bukid na ito?

Iginala ni Tata Felipe ang pananaw sa kabuuan ng kaniyang bukid.

Sa malayo, sa may taluktok ng tsiminea ng pabrika ng kemikal sa gawing kanluran, ang ga-puwing na tuldok sa langit ay unti-unting lumaki at nagkahugis—isang lawin. Patungo muli ito sa bukid ni Tata Felipe at nang mapatapat ay tumigil sa pagkampay, ngunit nanatiling nakabuka ang mga pakpak at parang nagpapahingalay. Waring sumasagap ng sariwang hangin doon sa itaas, sa di naabot ng maiitim na usok mula sa pabrika.

May nadamang pait sa bibig si Tata Felipe ay siya’y lumura sa lupa.

Nang magbalik si David sa kubo upang magpahinga, si Tata Felipe ay nagtungo sa bukana ng kaniyang bukid. At sa pagkakatayo niya sa mahabang banus, waring isang sugatang mandirigma siya na ang mahabang anino’y ibinalata’y sa mga tuyong dayami at humagkis sa pilapil. Parang pahimakas ang kaniyang pagtanaw sa bukid na iyon—pamamaalam sa bukid na nagpasalin-salin sa kaniyang mga ninuno hanggang sa lumiit nang lumiit sa kababahagi at mapunta ang ganang para sa kaniya.

Ngayon nga, ang lupa, pagkalipas ng kung ilang salinlahi’y sa tuldok na mawawala. Sapagkat siya, si Felipe de la Cruz, kapurit lamang, isang gapok na tuod, isang layak na tatangayin ng dumadagundong, rumaragasang agos ng pagbabago.

Tahimik na umiyak si Tata Felipe. At ang luha’y malayang pumatak sa tigang na lupa sa kaniyang paanan. Napatingala siya, waring dumarasal, ngunit sa itaas, ang kaniyang nakita’y ang nagpapahingalay na lawin na nagmamanman ng masisilang sisiw.

Kumilabot ang nanunuyong mga labi niya sa isang piping pagmumura. “Mangamamatay rin kayo sa gutom pag di umalis sa bukid ko!”

Magalas, bahaw, walang buhay at nakapanghihilakbot ang tawang kasunod niyon. Nakalulunos.

Nang mapagod ang nanlalabong mga mata, tinungo ni Tata Felipe ang kayayaring kareta sa lilim ng punong banaba at parang nauupos siyang naupo roon.

“Mawawala na rin sa wakas ang mga lawin sa aking bukid,” malakas niyang kinausap ang kaniyang sarili.

Sapagkat ayaw isipin ni Tata Felipe na ang papalit ay ang dagundong ng mga makina sa araw at gabi. At magluluksa ang papawirin sa maitim, bugal-bugal na usok na lumalason sa tao at sa mga halaman.