Enkantado

Ni J. Corazon de Jesus

                           I

             Ang plautang kristal,

             Ay aking hinipan,

At ang mga ada ay nangaglapitan,

May mga pakpak pa’t nangagsasayawan,

May tungkod na gintong nangagkikisapan;

Sa adang dumating sa aking harapan,

Na nagsisipaggaling sa kung saansaan,

Ang di ko nakita’y tanging ikaw lamang!

                            II

            Ang nakor kong singsing

             Ay aking sinaling,

At ang mga “ninfa” ay nangagsirating,

May mga koronang liryo, rosa’t hasmin,

Sapot ng gagamba ang damit na angkin…

Sa “ninfang” dumulo’t bumati sa akin,

Tanging ikaw lamang ang di napansin,

                            III

          Sa lungkot ko’y agad

          Na kita’y hinanap!

Sandalyas kong gintong sa dulo’y may pakpak,

Ay isinuut ko nang ako’y ilipad…

Aking kinabayo ang hanging Habagat,

At ginawang titik at kidlat!

Natawid ko naman ang lawak ng dagat,

At aking narating ang pusod ng gubat!

                             IV

          Ang espadang apoy,

          Ay tangan ko noon!

At tinataga ko ang boong maghapon,

At hinawi ko ang bagyo’t daluyong!

Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,

Biniyak ang langit, di ka rin natunton!

Wala kahi’t saan, saan man magtanong,

Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

                            V

         Subali’t sa isang

         Madilim na kueba

Ng bruha’t demonyong nagsasayawan pa

Naron ka; may gapos… Sa apoy, naron ka!

Ang singsing ko’y biglang kiniskis pagdaka’t

Ang boong impierno sa sangkisap-mata

Ay naging Palasyong rubi’t esmeralda;

Niyakap mo ako at hinagkan kita!