Muling tumunog ang kanyang cellphone. Isa na namang text message. Salubungin ang araw nang may saya at pag-asa!

Ni Marito Cases Tabbada

KAPAPASOK lang ni Josie sa opisina nang tumunog ang kanyang cellphone. Isang text message iyon base sa ringtone. Sandali niya itong sinulyapan habang kumakaway sa ilang kaopisinang nakita siyang parating.

Gandang umaga, Ganda.

Walang pangalan kung kanino ito nanggaling, tanging numero lang ang kalakip ng mensahe. Sandaling sumulak ang dugo niya nang maalala ang huling taong tumawag sa kanya nito: ang kanyang dating nobyo na si Brando. Isang buwan pa lang ang nakararaan nang magdesisyon silang maghiwalay. Sariwa pa ang sugat na iniwan ng pangyayari sa kanya. Ngunit ayaw niyang masira ang kanyang umaga kaya pinilit niyang iwaksi ang isiping iyon. Ngumiti siya sa mga kaopisinang abala na sa pagtatrabaho.

Muling tumunog ang kanyang cellphone. Isa na namang text message.

Salubungin ang araw nang may saya at pag-asa!

Napaismid siya sa mensahe, talagang sinasagad yata ang kanyang pasensiya. Saya? Paano siya magiging masaya kung puro sakit ng kalooban ang nararamdaman niya ngayon? At pag-asa? Paano pa siyang aasa kung ang taong pinagkatiwalaan niya ng kanyang buhay at kinabukasan ay bigla na lamang siyang iiwang luhaan?

Pinigilan niya ang sarili na sagutin ang text message ng maaanghang na mga salita. Hindi niya ugaling sumagot sa mga text ng kung sino-sino. Kung wala sa phonebook niya ang nag-text, hindi niya ito sasagutin kung hindi ito magpapakilala. Isa pa, bihira na sa mga kakilala niya ang gumagamit ng text message, madalas ay nagcha-chat ang mga kaibigan niya gamit ang iba’t ibang chat platform. Marami ang nagkalat na mga manloloko at naloko na siya sa pag-ibig, hindi na siya papayag na maging biktima rin siya ng mga scammers.

Iginala niya ang paningin sa opisina. Mangilan-ngilang empleyado pa lamang ang naroon. Bukod sa kanyang mga kaibigan at ilang kaopisina, wala na siyang ibang maisip na nabigyan niya ng kanyang numero na maaaring mag-text sa kanya.

Napakunot ang kanyang noo nang maisip na pakana ni Brando ang mga text na ito. Ibinigay kaya nito ang kanyang numero sa isa nitong kaibigan? At ano ang pakay? Muli siyang paibigin at sa huli ay iwan na parang isang laruan? Nagngingitngit din siya sa isiping inaakala ng dating nobyo na kailangan niya ng tulong upang makatagpo ng ibang lalaki na magmamahal sa kanya ng totoo. Maganda siya hindi lang sa palayaw kundi sa totoong kahulugan nito.

Nakilala niya si Brando noong nasa kolehiyo sila. Pareho silang laking probinsiya na lumuwas ng Maynila upang mag-aral. Magiliw at palabiro ang lalaki kaya’t nakapalagayan niya ito ng loob. Ito ang naging karamay niya sa mga problema habang nasa kolehiyo kaya’t noong magtapat ito ng pag-ibig noong nasa ikalawang taon na sila, tinanggap niya ito. Naging maayos ang kanilang relasyon sa mahabang panahon. Ito ang naging hingahan niya ng lahat ng sama ng loob. Alam nito ang lahat ng kanyang mga takot, pangamba at mga mumunting lihim.

Tumagal ang kanilang pagsasama ng pitong taon. Napatunayan niyang hindi gaya ng ibang lalaki si Brando. Wala siyang nakitang senyales na ipagpapalit siya nito sa ibang babae. Kaya niyang iwan ito sa loob ng isang silid na puno ng magagandang babae nang walang pangamba. Oo, palakaibigan ito ngunit hindi babaero. Ito ang nasiguro niya.

So, anong nangyari? Ba’t kayo naghiwalay?” tanong ni Mercy na kasingtaas ng tono ng boses ang kilay. Kaibigan niya ito at katabi niya ng mesa sa opisina.

“Hindi raw siya sigurado sa kanyang sarili.”

Napamura si Mercy. “Anong ibig niyang sabihin?”

“Nagkakagusto raw siya sa iba…” nag-aalangang sabi niya.

Mas malutong na mura ang pinakawalan ni Mercy. “Akala ko ba hindi babaero?”

“Sa lalaki siya nagkakagusto, Mercy.”

“Susmaryosep!”

Hindi na niya binanggit sa kaibigan na lagi niyang nahuhuling may mga ka-chat na lalaki si Brando. Ilang beses na rin niyang tinanong ang lalaki kung may problema ba ito nang maramdaman niyang nananamlay ang kanilang relasyon ngunit hindi ito naging tapat sa kanya. Iyon ang higit na ikinagagalit niya. Wala siyang problema kung ano ang pagkakakilanlan ng kasarian nito, ang hindi niya matanggap ay ang pakiramdam na trinaydor siya ng taong kanyang pinagkatiwalaan ng kanyang buhay. Pakiramdam niya’y ginamit lamang siya nito upang maitago ang tunay na pagkatao. At paano pa maibabalik ang pitong taon na dapat sana’y iniukol niya sa ibang taong tunay na magmamahal at maninindigan sa kanya?

Napalakas ang pagbagsak niya ng mga papel na inaayos sa kanyang mesa kaya’t napatingin ang mga kaopisina sa kinaroroonan niya.

“Okey ka lang, Jo?” si Mercy na lagi ay matalas ang pandinig at minsan ay dila rin.

“Sori. Okey lang ako,” mahinang sabi niya.

“Kumusta na pala ang lolo mo?” sinserong tanong. Hindi lingid dito ang nangyari sa kanyang Lolo Berto.

Nagunita niya ang kanyang mahal na Lolo Berto na siyang tumayong ama sa kanya sa mahabang panahon mula nang siya’y maulila. Noong isang linggo lang ay naibalita sa kanyang na-stroke ito at kinailangang isugod sa ospital. Kinurot siya ng konsensiya dahil hindi pa man lamang niya ito nabibisita. Ang huling balita niya sa kanyang Lola Gorya ay nailabas na ito ng ospital. Ipinangako niya sa kanyang lola na uuwi siya agad sa kanilang probinsiya.

“Nasa bahay na daw, e. Paralyzed daw ang kalahating bahagi ng katawan sabi ni lola,” malungkot na wika niya.

“Naku, nakakalungkot naman. Kelan ka uuwi sa probins’ya niyo?”

“Mamayang hapon, nagpaalam na ako kay boss na uuwi nang maaga.”

“Sana maging maayos ang lolo mo. Isasama ko siya sa dasal ko, Jo.”

MALAMLAM ang ilaw sa kusina kung saan niya dinatnan ang kanyang Lola Gorya. Naninibago siya. Parang biglang lumiit ang lahat ng parte ng bahay na kanyang kinagisnan. Pakiramdam niya’y sumikip at dumilim ito. Maging ang kanyang lola ay parang lumiit din sa kanyang paningin.

“Si Lolo po?” tanong niya matapos na yumakap at humalik sa matandang babae.

“Nasa kanyang kuwarto, nagpapahinga. Kaaalis lang ng pinsan mong si Pido, siya ang katulong kong mag-alaga sa lolo mo.”

Pinigilan niya ang sariling maluha sa harap ng lola. Mabuti na lamang at tumunog ang kanyang cellphone kaya’t naituon niya ang pansin dito. Mabilis niyang pinahid ang luhang nagbabantang tumulo. Isang text message na naman.

Nami-miss na kita, Ganda.

Nang makita ang mensahe ay di na niya napigilan ang emosyon. Sigurado na siya kung kanino nanggagaling ang mga mensahe.

“Puntahan mo na ang lolo mo du’n, laging tinatanong kung dumating ka na. Hirap pa siyang magsalita at isang kamay lang ang gamit niya pero hayun at ilang araw na niyang binubutingting ang cellphone na bigay mo at walang tigil sa kate-text sa mga kakilala niya…”

Hindi pa natatapos magsalita ang kanyang lola ay muli niyang niyakap ito at saka halos patakbong tinungo ang silid ng lolo. Inabutan niya itong nakahiga, hawak ang telepono sa kanang kamay at suot ang antipara. Nagulat ito nang makita siya. Pinipilit nitong magsalita ngunit agad niya itong niyakap. Ginagap niya ang butuhan at magaspang na kamay ng lalaking sigurado siyang nagmamahal sa kanya ng wagas at totoo.