Ni Efren R. Abueg
SINO ang unang babaing kagawad ng Photo News noong hindi pa ito ang babasahing Liwayway? Sino ang unang babaing kontribyutor sa nasabingbabasahin? Ang Photo News na itinatag noong mga unang buwan ng1922 ay naging Liwayway noong dumating ang Nobyembre. Naglalaman ito hanggang ngayon ng mga nobela sa Tagalog (Filipino ngayon), maiikling kuwento, mga tula, mga kuwentong pambata, dagli, artikulong pampaaralan, komiks, artikulong pampotograpiya at ibang babasahing panlibangan.
Sinabi ni Dr. Fausto Galauran na mgalalaki ang unang nabungaran niya sa pasulatan ng Liwayway noong Photo News pa ito. Ayon pa sa kanya, “walang kaayusang opisina” noon ang tanggapan ng Liwayway sa Carriedo, Quiapo, Maynila. Nakita niya roon sina Don Ramon Roces, publisista at Severino Reyes, ang may-akda ng kilalang Mga Kuwento ni Lola Basyang at ilan pang lalaki na nag-aayos ng mga makinang panlimbagan. Isang estudyante sa medisina si Galauran noon, nakatagpo niya sa tren si Deogracias A. Rosario na taga-Caloocan din at kababayan niya. Kagawad pala ito ng Photo News at ibig siyang imbitahan nito na gawing kagawad sa editoryal. Ngunit nagsabi si Galauran na “estudyante po ako ng medisina sa U.P.” na nasa Padre Faura noon. Malaon, naging kontribyutor na muna ng tula si Galauran bago naging nobelista pagkaraang “makaangkop” sa kaniyang pag-aaral.
Ilang buwan lamang na naging isang magasing maraming larawan at caption sa tatlong wika ang Photo News bago inilunsad ito bilang Liwayway nang sumapit ang Nobyembre ng taon din na iyon. Sumabay na ang magasing Liwayway sa maraming pahayagan (tulad ng Taliba at ang Ang Mithi) na naglipana na ng mga panahong iyon. Naglalathala na ng dugtungan ng maraming nobelang ito na kinaaliwan ng di-iilang mambabasa—mga nobelang pampamilya at mapanghimagsik (di pa natatagalan noon ang panahon ng Katipunan at ng rebolusyon). Bukod pa riyan, bukas din sa paglalathala ng mga nobela ang maraming limbagan at litograpiya, tulad ng Limbagang P. Sayo, Limbagang Cultura Filipina, Imprenta at Litograpiya Tolentino, Limbagang Noli at maraming imprenta noon na nagkakatusak at naglalatha ng mga rebista at mga nobela. Kaya hindi kataka-takang sa mga pahayagang Taliba atAng Mithiunang lumabas ang mga nobela sa pagdating ng mga Amerikano.
Sino-sino nga ba ang mga babaing naging manunulat ng Liwayway na naging tanyag at nag-iwan ng malalim na muhon sa kasaysayan ng panitikan?
Si Rosalia Aguinaldo at Ang Kanyang mga Akda
Hindi sinasabing nagsulat sa Liwayway si Rosalia Aguinaldo, ngunit ayon sa mga sumusulat ng tesis, hinango sa mga lumang isyu ng Liwayway ang mga katha niya. Aktibo at tinatangkilik na mabuti ang Liwayway pagkaraang magbago ito ng format mula sa orihinal na Photo News. Isa pa, sa isang kuwento ni Rosalia Aguinaldo, may isang karakter doon na taga-Imus, Cavite na may pakikipagtalastasan sa Bataan, kaya masasabing ang asawa ni Rosalia Aguinaldo ay may kaugnayan din sa mga Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Alam nating si Emilio Aguinaldo ang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas at marami itong kamag-anak sa Bataan. Tubong Orani, Bataan naman ang manunulat na si Aguinaldo at naging asawa siya ng ika-10 gobernador ng Bataan noong panahon ni Magsaysay. Nahirang din siya noon ni Presidente Ramon Magsaysay bilang technical adviser sa wikang Pilipino. Kilala siya sa mga nobelang Mutyang Itinapon (1922) na nasa pag-iingat ngayon ng University of Michigan,USA; Tanikala ng Pagtitiis, Higanti ng Pag-ibig, Ang Babaing Mahiwaga at Pag-ibig ng Isang Ina. Bukod sa rito, tiniyak ng Nat’l Library of the Philippines na maraming akda niya ang nasa kanilang pag-iingat.
Nagtamo ng gintong agnos (1935) si Rosalia Aguinaldo dahil sa kanyang kuwentong Ay! Ay! na ipinagkaloob ng Kalipunan ng mga Kuwentista. May mga gintong agnos din si Amado Hernandez (1932) para sa kuwento nitongWalang Lunas,si Deogracias Rosario (1933) man dahil sa kuwentong Aloha at si Fausto Galauran (1934) para kuwentong Sugat ng Alaala.
Nagsimulang magsulat si Aguinaldo noong 1922, ngunit nasunog sa munisipyo ng Orani at sa parokya nito ang ilan sa kanyang mga manuskrito. Kung ano man sa mga akda niya ang mababasa pa ngayon, hango iyon sa ilang kumakalat sa mga unibersidad na gumagawa ng tesis ukol sa kanya. Ayon sa mga nakabasa ng mga akda ni Aguinaldo, maihahambing ang kanyang mga obra ng Kastilang manunulat na si Carlota Braeme at ng nobelistang Italyanong si Carolina Invernisio.
Unang Feministang Manunulat
Ayon sa historyan na si Teodoro Agoncillo, hindi maitatatwang feministang manunulat ng Liwayway si Hilaria Labog. May isang daang kuwento ang kanyang naisulat, karaniwang tungkol sa mga babae. Kung inilathala ng Silahis, Ilang-ilang at Alitaptap ang ilan niyang kuwento, ang karamihan naman nito ay inilathala niya sa Liwayway.
Nang malaon, puting tabing naman ang inatupag niya na inilabas muna ng Liwayway sa anyong nobela. Isang feministang tulad nina Pilar Hidalgo Lim, Josefa Llanes Escoda, Minerva Laudico, Nieves Tuason at Asuncion Perez, isinapelikula niya ang kanyang mga nobelang Lihim ng Lumang Simbahan, Tinangay ng Apoy, Bagong Sinderela, Damit Pangkasal, Ulilang Kalapati at Bulaklak na Walang Pangalan. Karamihan sa mga akda niya ay nagtatampok ng kulturang kumbensiyonal ng Espanya, ng komersiyalisadong kultura ng Amerika at ng kalupitan sa kababaihan ng mga Hapones. Matagal din na nagsulat sa Liwayway, nakatipon siya ng may isang daang maikling kuwento mula 1920 hanggang 1950 na ang iba’y nilimbag ng Silahis, Ilang-Ilang at Alitaptap.
Tulad ng mga kuwento at nobela niya sa Liwayway, matatag na babae si Labog at hinarap niya ang “buhay”. Nagpakasal siya kay Benigno Zialcita, awditor noon ng Public Service Commission. Nang mabalo, nakipag-isang dibdib naman siya kay Dr. Jose Morales ng Insular Life. Hindi niya ipinalagay na ideyal ang mga pangyayaring ito sa kanyang buhay. Patuloy niyang inilarawan ang malagim na aspekto ng buhay, tulad ng pagkabilanggo sa kanyang mga “tauhan” sa Fort Santiago, walang batayang pagpaparusa at pagkagutom na hindi naman dapat mangyari, halimbawa, dahil sa kapabayaan sa Welfareville. Paksa rin niya ang bigat ng damdamin sa pagdating ng mga Amerikano dahil lamang sa pagpapabaya ng isang anak na babaing nabaliw sa pag-ibig sa isang Amerikano.
Isa pang taga-Bataan si del Rosario
Ayon sa apo nitong gumawa ng tesis sa Unibersidad ng Pilipinas, si Nieves Baens del Rosario ay nakapagbabasa na ng awit at corrido at naisapuso na ang Pasyong Mahal sa edad na walo. Sa edad namang labing-isa, nakasulat na rin si del Rosario ng tatlong tula at isang dula. Nagtapos na salutatorian sa Bataan National High School, nanirahan siya sa Maynila at naging naging kasapi ng Samahang Bataan atSta. Ana Womens Club hanggang makapagtapos sa kolehiyo at pumasa sa eksamen ng serbisyo sibil. Pumasok na empleyado sa Departamento ng Paggawa, naging pinuno siya ng Division of Womens Compensationpagkaraan ng ilang taon. Ang may-akda nito ang saksi (noong kontribyutor ito) na madalas si Nieves Baens del Rosario sa Liwayway upang dalawin ang mga kaibigan sa pamunuan ng editoryal, saka magsumite rin ng kaniyang mga kuwento sa Liwayway. Marahil, hindi na magkapagnobela sa Liwayway si NBdR noon dahil sa dami ng trabaho nito sa Dept. of Labor.
Nakapagsulat si del Rosario ng may 240 maikling kuwento, nagsalin ng mga akda ni Rizal, lalo na ng tungkol sa nasyonalismo nito at ng mga artikulo tungkol sa popularisasyon ng wikang pambansa, ang Pilipino! Noong 1970, naglathala siya ng isang aklat, ang Erlinda ng Bataan, isang nobela tungkol sa pagkatiwalag niya sa kasintahan at nag-anyong lalaking gerilya at nakidigma nang panahong salakayin ng mga Hapones ang Bataan!
Tumanggap si del Rosario ng mga pagkilala, tulad ng Award of Merit mula sa National Federation of Women’s Clubs (1950) dahil sa kanyang mga tula, Commonwealth Literary Awards dahil sa kanyang maiikling kuwento at Surian ng Wikang Pambansa dahil sa kanyang sanaysay na “Si Valeriano Hernandez Pena at ang kanyang (libro) Nena at Neneng”. Kasama ang kanyang maikling kuwentong “Ang Mangingisda” sa 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista na pinamatnugutan ni Pedrito Reyes, anak ni Severino Reyes, may-akda ng “Lola Basyang”.

Direktor Na, Nobelista Pa Rin
Kabilang sa mga nobelista ng Liwayway ang direktor na si Susana C. de Guzman. Isinilang noong Mayo 24, 1912, yumao siya sa edad na walumpu at nakasulat ng 54 na istorya at iskrip at naging editor ng 40 pelikula sa ilalim ng LVN Pictures ng kilalang si Donya Sisang. Pamangkin siya ng kilalang manunulat na si Lope K. Santos at ng pamosong si Don Severino Reyes, ang may-akda ng “Lola Basyang”. Walang datos tungkol sa kanyang naging buhay, napangasawa niya ang direktor-aktor na si Tony Arnaldo.

Kamakailan lamang, nagkaroon ng isang diskusyon sa buhay ng mga artista sa gradwadong paaralan ng Unibersidad ng Pilipinas at nilingon ang kaloob-pagkilala kay Susana C. de Guzman bilang “Natatanging Gawad Urian* –isang tinatawag na “Lifetime Achievement Award” . Ayon sa isang kritiko sa pelikula, mahilig si de Guzman sa paglikha ng “nakatatawang mga sitwasyon” sa pelikula kahit nadidiktahan ang karamihan sa kanyang mga pelikula ng “iyakan at sigawan”.
Kabilang sa mga natunton niyang akda sa Liwayway ang “Pamana ng Tulisan”, nalathala sa Liwayway Extra noong 1938; “Intramuros”, Aliwan Blg. 14, 1945; “Pag-ibig na Walang Kasal”, Aliwan Blg. 40” at sa “Puso ng Bathala”, Liwayway, 1961.
(Susunod: Liwayway Arceo)