(Muling nailathala sa Liwayway noong Hunyo 18, 1962)
Ang Hilong Ginto ng Isang Taling
Ni Severino Reyes
PANAHON noon ng kasikatan ng kahariang Grecia, at ang mga tagaroon ay nagpapahigitan sa pagandahan ng mga babae. Noo’y lumalaban ng patayan ang mga lalaki dahil sa kani-kanilang asawa. Ikinararangal ng isang lalaki na masabing ang kanyang asawa ang pinakamaganda at pinakamabait sa lahat ng babae.
At nang panahong iyo’y napakapanibughuin ng mga lalaki; kaya sa pagdalo sa mga pulong o pistahan kaya ay nag-iisa ang mga lalaki. Ang kani-kanilang asawa’y halos hindi pahipan sa hangin, ang wika nga.
Sa siyudad ng Atenas, noong buwan ng Hulyo, 1827, nang nagsimula na ang paglasap ng ganap na kalayaan, na pinagkasunduan ng Inglatera, Rusya at Pransiya pagkatapos ng digmaang Turko-Griyego, ay may naganap na isang pangyayari. Iginuhit ng dakilang pintor na si Greco (na ang tunay na pangalan, alinsunod sa kasaysayan, ay Domingo Theatocopuli) ang larawan ng isang ginang. Iyon ay tumawag ng pansin ng madla dahil sa kagandahan ng nakalarawang ginang.
Ang asawa ng napakagandang ginang na iyon ay ang bantog na si Leonidas ng Grecia. At nagsimulang kumalat sa klab ng mararangal na Griyego ang balitang ang asawa ni Leonidas ay wala pang katulad sa kagandahan, hindi lamang sa Grecia kundi sa buong daigdig, at umano pa, ang naturang ginang ay may isang lihim na taglay sa katawan na walang nakaaalam kundi si Leonidas lamang. Ang pangalan daw ng ginang ay Florentina. Ito’y hindi nananaog ng bahay, at ni hindi dumurungaw kaya hindi nakikita ng mga nagdaraan.
MINSAN, sa pagpaparangalan ni Leonidas tungkol sa kanyang asawa ay nainis si Aristides.
“Leonidas, magtigil ka at mapapahiya ka,” ani Aristides.
“At bakit ako mapapahiya?”
“Nakilala ko ang asawa mo, at hindi siya matatawag na reyna ng kagandahan.”
“Nakilala mo?”
“Talagang nakilala ko.”
“Alam mo rin kung gayon ang iniingatang lihim sa katawan ng aking asawa?”
“Alam ko!” At tumawa nang ubos-lakas si Aaristides, bagay na ikinagalit ni Leonidas.
“Ipinupusta ko ang buhay ko,” ani Leonidas, “kabulaanan ang sinabi mo.”
“Ipinangangako kong sa ikasampung araw, buhat ngayon, ipakikita ko sa mga ginoong nakaririnig ng ating pagtatalo ang katunayang alam ko ang lihim ng iyong pinakamamahal at ipinagmamalaking asawa.”
“Kapag nagawa mo iyan, magpapatiwakal ako. Subali’t kapag hindi, ay ikaw naman ang magpapatiwakal. Saksi natin ang mga ginoong narito.”
“Oo.”
Nagkamayan ang dalawa sa harap nina Temistokles, Eurbiades at Milciades.
“Kaming lahat ang bubuo ng hukuman ng karangalan,” ani Temistokles. “Sa loob ng sampung araw buhat ngayon ay magkikita tayong lahat dito. At aabutan na ninyo sa ibabaw nitong mesa ang isang matulis na balaraw, na itatarak sa dibdib sa tapat ng puso ng sino mang matatalo sa pustahan.”
“Hindi ganoon, hindi sa oras ding iyo’y magpapatiwakal ang matatalo, hindi!” ani Milciades. “Bibigyan siya ng taning na sampung araw upang mapasinungalingan niya ang paratang.”
Ang sinabi ni Milciades ay sinang-ayunan ng mga kaharap .
“Humanda ka,” ani Aristides.
“Ikaw ang humanda. Sayang din ang buhay mo,” tugon ni Leonidas.
“Mababalo agad ang asawa mong ubod ng ganda at may mahiwagang lihim sa katawan. At walang salang mapapasaakin siya, pagka’t pagkamatay mo’y pakakasal ako sa iyong magandang balo yamang ako’y binata pa hanggang ngayon.”
Nakataya pati ang karangalan ng maybahay ni Leonidas sa natatanging pustahan nila ni Aristides.
ANG pangyayaring iyon ay naging paksa ng mga pag-uusap sa klab.
“Talagang napakapangahas ni Aristides,” ang sabi ni Euribiades.
“Paano niya nalaman ang lihim ng asawa ni Leonidas?” ani Temistokles. “Pag nagkataon ay ibabayad niya ang kanyang buhay.”
Sa wakas ay dumating ang ikasampung araw. Ang klab ay tigib ng tao. Maging ang mga tagaibang bansa’y naroon.
Naroon na rin si Leonidas, kaharap ng hukumang binubuo ng kanya ring mga kaibigan, na tinatawag na hukuman ng karangalan. Napuna ng mga kaibigan ni Leonidas na ito’y nangangatal, balisang tila ninenerbiyos, hindi maupo at hindi matayo. Nagtaka sila.
“Kung uliran ang kanyang asawa; ano ang ikatatakot niya?” pabulong na wika ng isa sa katabi. “Nangangatal si Leonidas, nahahalata mo ba?”
“Oo, pati pangungusap ay pautal-utal.”
Dumating si Aristides. Nagsimula ang pulong. Si Temistokles, ang tagapangulo ng hukuman.
Lahat ay nagpipigil halos ng paghinga. Nang magtindig si Aristides ay nahalata ng madla na lalong nangatal ang katawan ni Leonidas.
“Kagalang-galang na tagapangulo, mga giliw na kasama,” ang simula ni Aristides, “ang lihim ng magandang maybahay ng kaibigang Leonidas…”
“Hindi mo ako kaibigan!” putol ni Leonidas sa bahaw na tinig.
“Ang lihim ng asawa ni Leonidas, na hindi ko kaibigan,” at ikinindat ni Aristides ang matang kaliwa,— ay katulad ng sa Reyna Seba, na nakita ng Haring Solomon, sa pamamagitan ng salaming may asogeng pinalakaran sa tinurang reyna. Subali’t hindi ako nangailangan ng salamin upang palakaran pa sa asawa ni Leonidas. Ang lihim na ito: isang hilong ginto, isang tumbaga at isang pilak, ang nagsitubo sa tatlong mapupulang taling sa magandang dibdib ng maybahay ni Leonidas.
Dinukot ni Aristides sa bulsa ang isang maliit na tubong kristal at iniabot kay Temistokles.
“Nariyan sa loob ng tubo ang balahibong ginto ng magandang asawa ni Leonidas.”
Si Leonidas ay biglang nagtindig. Anaki’y langong sumusuray. Sinunggaban niya ang punyal sa ibabaw ng mesa ng tagapangulo. Dadaluhungin niya si Aristides, nguni’t mabilis na ipinalo ng tagapangulo ang malyete sa mesa.
“Leonidas,” hadlang ni Temistokles, “tayong lahat ay kabalyero. Huwag kang gumawa ng ganyan!”
Napatigil si Leonidas. Napahandusay, at nawalan ng malay-tao. Inihatid si Leonidas sa bahay.
NANG idating ng bahay si Leonidas, na anaki’y sutla sa panlalambot, ay gayon na lamang ang pagkakabigla ng kanyang asawang si Florentina. Dalawang manggagamot ang tinawag upang tumingin kay Leonidas.
Nang makaalis ang lahat ng panauhin at ang mag-asawang Leonidas at Florentina ay mapag-isa na, iniutos ni Leonidas sa asawa na ipinid ang lahat ng pinto.
“Tayo’y may pag-uusapang napakahalagang bagay,” ani Leonidas “Kapag hindi ko napasinungalingan ang mga pinagsabi ni Aristodes, ay mapipilitan akong magpatiwakal pagka’t iyan ang kasunduan.”
Napaiyak si Florentina. “Bakit ka magpapatiwakal? Dahil ba sa akin?”
“Oo, dahil sa iyo! Pagka’t dinadaya mo pala ako!”
Isinalaysay ni Leonidas sa asawa ang mga pangyayarig namagitan sa kanila ni Aristides.
“Leonidas, talagang dapat mong ipusta di lamang ang buhay mo, kundi sampu ng buhay ko!” umiiyak na wika ni Florentina. “Ang puri ko’y malinis. Ni sa isip ay hindi ako nagkakasala laban sa iyo.”
“Bago tayo ikinasal, nakilala mo na ba si Aristides?”
“Hindi! Hindi ko pa siya nakikita, hanggang sa oras na ito.”
“Totoo ba?”
“At ngayon ko lamang narinig sa iyo ang kanyang pangalan.”
“Nguni’t… bakit mo ipinagkaloob sa kanya ang balahibong ginto ng isa sa tatlong taling na pula sa gitna ng iyong dibdib?”
“At bakit ko ipagkakaloob sa kanya?”
“Florentina, na kay Aristides ang hilong ginto ng iyong taling na pula sa dibdib”
“Na sa kanya? At paanong…”
“Buksan mo ang iyong dibdib at nang malaman mo kung nariyan pa.”
Binuksan ni Florentina ang kanyang damit.
“Maawaing Diyos! Pinutol ang hilong ginto ng aking taling na pula! Pinutol! Hindi ko akalaing manakaw pa sa aking dibdib ang aking lihim!” At parang batang humagulgol si Florentina.
NANG dumating ang ikasampung araw, na dapat magpakamatay si Leonidas kapag hindi niya napabulaanan ang sinabi ni Aristides, ay hindi dumalo sa klab si Leonidas pagka’t siya’y sinansala ni Florentina.
“Leonidas, hindi ikaw ang dapat paroon sa klab. Ako ang may tungkuling magbigay-wakas sa usaping kinatatayaan ng iyong buhay, pagka’t ang paksa ay tungkol sa aking puri.”
Nang paalis na si Florentina ay napuna ni Leonidas na kakabiyak ang suot nitong hikaw, isang mahabang hikaw na brilyante, na anaki’y kometang nagniningning sa tainga.
“Florentina, iisa ang hikaw mong suot. Ang kaliwa mong tainga ay walang sabit.”
“Nalalaman ko, Leonidas. At sa hikaw na ito naroon ang kamatayan ni Aristides at ang iyong kaligtasan.”

NANG pumasok sa bulwagan ng klab si Florentina ay nagtindigang lahat ang mga ginoong naroon. Lahat sila’y humanga sa ganda ni Florentina. Walang sino mang nakakilala sa kanya.
“Magandang ginang,” ani Temistokles, “may sadya po ba ang inyong kamahalan sa hukumang ito ng karangalan?”
“Talaga pong may sadya ako. Kayo po yata kagalang-galang na ginoo, ang tagapangulo rito?”
“Ako nga po.”
“Ang hanap ko po’y si Ginoong Aristides.”
Si Aristides ay biglang nagtindig, at yumukod. “Mag-utos po ang magandang ginang.”
Si Aristides ay hindi sinagot ni Florentina. Humarap ito sa tagapangulo at nagturing: “Kagalang-galang na tagapangulo nitong dakilang hukuman ng karangalan, hinihiling ko pong ngayon din ay dakpin ang magnanakaw na si Aristides.”
Ang lahat ay natigagal at nagkatinginan.
Nag-aapoy ang mga matang nilapitan ni Aristides ang ginang na nagpaparatang sa kanya.
“Nagkakamali kayo, Ginang. Ano ang ninakaw ko sa iyo?”
“Ang kabiyak na pares nitong hikaw ko.” At itinuro ni Florentina ang hikaw na suot.
“Paano ko kayo mapagnanakawan, gayong hindi ko man lamang kayo namumukhaan? Ngayon ko lamang kayo nakita?”
“Kagalang-galang na tagapangulo,” baling ni Florentina kay Tomistokles. “Maliwanag na narinig ninyo na ako’y hindi niya nakikilala, at ngayon lamang niya nakita. Samakatwid ay kabulaanan ang sinasabi niyang nakuha niya sa dibdib ng asawa ni Leonidas ang hilong ginto ng isang taling.”
“At kayo ba’y sino?” ani Aristides.
“Ako’y si Florentina, ang marangal na asawa ni Leonidas.”
Si Aristides ay pinangatalan ng buong katawan.
“Nguni’t,” ani Temistokles, at inilabas ang hilong ginto na ibinigay sa kanya ni Aristides. “Bakit napapunta ito kay Aristides?”
“Pagka’t inupahan niya ng maraming salapi ang alila kong babae na nag-aalaga sa akin, upang putulin iyon habang ako’y natutulog. Ang tinuran kong alila ay nasa kamay na ng katarungan sa oras na ito.”
“Ano ang masasabi mo?” baling ni Temistokles kay Aristides.
“Wala na akong maitututol! Iniupa ko nga ang pagkuha ng hilong gintong iyan sa dibdib ng ginang! At sa harap ng madla ay pinatotohanan kong ang ginang ni Leonidas ay marangal at maalam mag-ingat ng puri ng kanyang mahal na asawa! At inaamin kong ako’y talo na ni Leonidas, pagka’t talaga palang napakaganda ng kanyang maybahay.”
Nang dumating si Leonidas, matapos na siya’y ipatawag ng hukuman, ay inihatol na sila’y magyakap ni Aristides at magpatawaran. Walang dapat magpatiwakal na sino man sa kanilang dalawa.
Si Leonidas at si Florentina ay nagyakap din naman sa gitna ng kasiyahan ng mga kaharap.