Ni Al Ryanne Gatcho
ALAS siyete pa lang ng umaga ngunit maingay na sa labas. Nagkukumpulan na ang mga tsismosa. Habang kumakain ng malutong na pandesal at humihigop ng mainit na kape, dumungaw ako sa bintana. Nagmamasid at nagpapakabusog. Tatlong dalagita ang nakatawag ng aking pansin. Sa halip na sa paaralan, laman sila ng kalye. Kakaiba ang kanilang anyo. Mas busog sila kumpara sa mga tsismosa at sa akin.
Iyong una, kinse anyos at laging kinakamot ang busog na tiyan. May allergy siguro. Sa hapon, madalas siyang naka-backride sa jowa niyang tricycle driver, na walang pakialam sa sinasabi ng iba. Iyong pangalawa, dise siyete, parating nakaupo at mukhang laging pagod. Sabi ng mga tsismosa, pabaya raw ang mga magulang niya. At iyong pangatlo, hindi ko matiyak ang edad, pero mukhang katorse. Palagi ang pamamaga ng mga paa niya. Kilala ang nanay niya sa pagiging relihiyosa, pero may mga bagay talaga na ‘di inaasahan. Nakakaawa sila at ang kanilang mga magulang, naiisip ko habang pinapanood sila.
Habang patuloy akong nagmamasid, isang boses ang gumambala sa aking pagmumuni-muni, “’Tay?” Si Carmela, ang aking unica hija, dise sais anyos. Nasa pintuan siya, nakasuot ng school uniform. “Kailangan po nating mag-usap,” nanginginig ang kanyang tinig.
“Ano ‘yon?”
Lumapit siya, hinaplos ang tiyan. “Tungkol po sa future ko.”
Naluha siya. At doon ko napansin, hindi na kasya ang uniporme niya.
Nanlamig ang aking mga kamay. Sa dami ng pandesal na aking nakain, pero parang bigla akong nagutom. Nawala rin ang init ng kape.