Ni Layeta P. Bucoy
IPINAPAKITA ng Kuwentong Butsero — koleksiyon ng sampung maikling kuwento ni J.L. Chua — ang mga maaaring pagmulan ng lagim sa ating kasalukuyang panahon. Bilang estado ng matinding takot, pangamba, o hilakbot, sari-sari ang maaaring makapagbulwak ng lagim mula sa mga bagay o kaganapang nababalot sa kababalaghan hanggang sa mga manipestasyon ng karahasang yumayanig sa atin.
Sa kasalukuyang panahon, ano-ano nga ba ang mga maaaring pagmulan ng matinding takot? Ano-ano ang mga bagay o pangyayaring maaaring magdulot ng pangamba? At sa panahong ang iba’t ibang imahen ng rimarim ay kalat na sa Internet, may mga bagay pa rin bang magdadala sa atin ng hilakbot?
Para sa Kuwentong Butsero, matinding takot ang dulot ng tsismis sa mga tao sa palengke ukol sa isang misteryosang matandang babaeng pumapatay daw ng mga bata upang gamiting sahog sa dinuguang kaniyang inilalako. Matinding takot din ang gumapang sa isang reporter na hinahanap ang biglang naglahong pinakasikat na chef ng bansa nu’ng mapagtantong kaya pala ito nawala ay dahil binasag ng isang matiising babae ang bungo nito, pinagpira-piraso ang katawan, at pinakain sa mga baboy na sa kalauna’y itininda bilang crispy pata.
Katakot-takot na pangamba naman ang bumuhos kay Volunteer#1 nu’ng muling mapanood sa live streaming na nakikipagtalik ang kinikilalang hari ng mga online adult show matapos nitong personal na masaksihan ang pagsabog ng utak ng hari sanhi ng pagkakabaril sa sentido. Pangamba naman sa mga pinaniniwalaang nakaambang kamalasan ang nagpataranta kay Auntie Aurora sa libing ng kaniyang pamangkin dahil sa kaniyang paniwalang pinili ng pamangking sumakabilang-buhay sa isang malas na petsa kahit na pumanaw naman ito dahil sa isang aksidente.
Sa kasalukuyang panahon, ano-ano nga ba ang mga maaaring pagmulan ng matinding takot? Ano-ano ang mga bagay o pangyayaring maaaring magdulot ng pangamba?


Pangamba rin ang kumukubabaw kay “ikapitong Jun” nu’ng marinig ang bulong na “¿Qué sentirías si ganaras la corona?” ng konteserang naudlot ang “full gender reassignment surgery” na si Minorka habang paulit-ulit na sinasaksak ng icepick ang dibdib nito bilang kasangkapan ng paghihiganti ng mga kaibigang pulis sa kinikilalang demonyong konteserang naghahasik ng lagim sa lupa matapos ihawin sa crematorium ang “naunang Jun.”
Hilakbot ang nadama ng isang embalsamador nu’ng tumambad sa kanya ang bangkay ng isang kilalang babaeng plastic surgeon na may sangkaterbang hiwa at tadtad sa katawan na ang sabi’y ginawa nito sa kaniyang sarili. Hilakbot din ang nadama ni Daisy nu’ng makita sa salamin ang hitsurang dambuhala matapos inumin ang likidong mula sa hinigop na taba ng mga katawang gustong magpapayat na siyang naging pamatid-uhaw sa mundong naging salat sa tubig na maaaring inumin. Naroon din ang hilakbot ng makapangyarihang si Don Openg dahil sa kabila ng kabatirang sa gulang na 119 ay wala siyang kamatayan, biglang hinila ang mga paa niya ng mga braso at kamay ng mga biktima ng kaniyang kalupitan patungong madilim na kailaliman ng sahig na biniyak ng lindol.
Itinatali ng Kuwentong Butsero ang lagim sa kalupitan. Para sa koleksiyon, naroon ang kalupitan mula sa pinakakalat na tsismis, sa pagwasak sa katawan, isipan, at damdamin ng iba, sa opresyon sa sarili sa pagsunod sa mga tradisyon at pamantayang panlipunan, sa mga sistemang nagbibigay ng pribilehiyo sa iilan habang pinahihirapan ang nakararami, at maging sa maaaring mga bunga ng agham at teknolohiya sa loob ng mga hindi patas na kalakarang nagagawang diktahan ng mga pansariling interes.
Sa madaling-salita, para sa Kuwentong Butsero, ang lagim ng kasalukuyang panahon ay mula sa pagkatantong malupit ang buhay sa mga hindi binibigyan ng pagkakataong lumaban ng patas.