Letrang N-Nanay

Ni Al Joseph Lumen

SABAY kong natutuhan umawit at bumasa dahil sa aking Mama. Sa maliit na bahay namin sa Dalahican, Cavite ay nakadikit sa pader at kabinet na kahoy ang mga alpabeto. Ituturo ni Mama ang A, sasagot ako ng A-aso. Sa pader naman nakadikit ang isa pang papel, ituturo rin niya ang kaparehas na letra, sasagot ako ng A-apple. Ang “B” naman ay ba-ba-basa o “B” bi-bi-big. Pagkatapos ay sabay kaming kakanta.Kaya kinder pa lang, alam ko na ang pagkakaiba ng awit Alpabeto sa Ingles at Filipino. Sa Filipino may Ng at Ñ, sa Ingles wala. Kakanta kami isang beses sa Ingles at isang beses sa Filipino. Sa eskuwela, nakakapanibago dahil iba ang tono ng awit ni Titser kaysa kay Mama.

Sa bahay ko rin unang inawit ang Bahay Kubo kahit wala akong ideya kung anong itsura ng kundol at linga. Ang mga lumang libro naman na hinihingi ni Mama sa kapatid niyang titser ang ginagamit namin para matutong magsulat. Para masagutan ang mga pahina ay binubura ni Mama ang mga nakasulat. Pagdudugtong-dugtungin ko ang mga tuldok hanggang makabuo ng letra. Sabi ni Mama na ang A ay parang triangle, ang B naman ay buntis na babae, ang C ay kalahating bilog, at ang D ay busog na lalaki. Sa lahat ng letra, Z ang aking paborito dahil para akong nagdo-drowing. Ang Z ay Zipper at Zigzag sa Ingles, sa Filipino ay Zipper at Zigzag pa rin? Litong-lito ako noon dahil hindi ko alam kung bakit walang pinag-iba. Mas nalito pa, I-Inay at N-Nanay, bakit parehas lang ang ibig sabihin?Isang araw, may dumating na bisita sa aming eskuwela, binigyan kami ng papel. Sa papel nakalista ang mga title ng libro at presyo. Pinakita ko kay Mama, sabi niya, “Huwag na ‘yan, ‘nak iba na lang.” Inggit na inggit ako sa aking mga classmate habang tinatawag ang kanilang pangalan para kunin ang in-order nilang libro. Pasilip-silip ako sa hawak na libro ng aking katabi, Alamat ng Ampalaya. Sa isip ko, “Ang ganda-ganda naman, sana pahiramin ako.”Noong pauwi kami galing sa opisina ni Papa sa Sangley Point ay huminto kami sa isang tindahan na katabi ng sakayan ng jeepney. Doon, may matandang nagtitinda ng komiks. Pumili na raw ako sabi ni Mama. Abot-tainga ang aking ngiti habang binabasa sa loob ng jeep ang mga bagong biling komiks. Matanda na ako nang maisip na hindi namin afford ang libro ng Adarna books, presyong komiks lang ang kaya nina Mama at Papa. Gayunpaman, sobrang na-appreciate ko sila.Hindi lang komiks ang binili namin ni Mama, nag-uwi rin kami ng songhits. Sa songhits ko nakilala si Baleleng. Kinakanta noon nina Mama at ng kanyang mga kapatid sa Dumaguete. Kaya kahit hindi ko pa naririnig sa radyo ang kanta ay alam ko na itong kantahin.Ang Baleleng ay awit ng isang lalaki sa isang babae na malayo sa kanya. Nang marinig ko ang kanta sa telenobela na Sahaya ay tinawagan ko si Mama. Kuwento ni Mama, “Pampatulog ko sa ‘yo ‘yan, hindi ka matutulog nang hindi ko ‘yan kantahin sa ‘yo.” Hindi ko alam kung totoo dahil hindi ko na maalala. Ang tanging alam ko, na kahit 35 na, ay alam ko pa rin kantahin ang Baleleng, saulo ko pa rin ang lyrics nito.Nang unang beses nakatuntong ng entablado para umawit ay nandoon si Mama. Sa aking unang booklaunch ay nandoon din si Mama. Palaging siyang nakasuporta sa akin. Kaya kahit hindi niya sabihin alam kong proud siya. Kaya hanggang ngayon hindi ko ma-imagine kung ano ang naramdaman niya nang ipatawag siya sa Pakiramdameskuwela. Grade 6 ako noon, kabilang sa star section. Limot ko na ang pangalan ng aking babaeng titser at kanyang itsura, pero nakatatak pa rin sa akin ang mga sinabi niya. Nakatingin ako sa mukha ni Mama nang sabihin ng kausap niya na baka kailangan ako ilipat ng school. May alam daw silang eskuwelahan na baka puwede ako roon, at may mga doktor na puwede naming lapitan. Kung minsan napagkukuwentuhan naming pamilya sa hapag-kainan, “Loko-loko ‘yung titser na ‘yun, balak pa ako ilipat sa special school, akala ‘ata may ADHD ako,” tinatawanan lang naming pamilya.Sagot ni Mama, “Hindi ka raw kasi nakikinig, puro ka laro, takbo ka nang takbo, at lumalabas ka ng classroom at napasok sa ibang classroom.”Sabi naman ng asawa kong nurse, “Baka mayroon ka naman talaga, hindi mo lang alam kasi hindi ka-diagnose.”

Siguro nga, pero ang punto ko ay kung paano ako pinaglaban ni Mama na manatili ako sa eskuwela. Sabagay, saan man kukuha ng pera ang aking mga magulang pantustos ng special school.Tinawagan ako ng Tagesmutter ng aking isang taon na anak. Pinasusundo dahil walang tigil sa pag-iyak.Usap namin ng aking asawa, “Tuwing umiiyak na lang, palaging pinasusundo? E, bata ‘yan natural iiyak. At dapat alam nila kung ano ang gagawin dahil trabaho nila.””Hindi marunong mag-alaga ang Tagesmutter.””Hindi marunong mag-alaga o ayaw alagaan? Kapag anak ‘yan ng Deutsch hindi nila puwedeng gawin ‘yan baka sila pa ang pagalitan.”Nang araw na iyon nakaimpake na ang mga gamit ng anak ko. Paliwanag sa amin na sobrang stress daw ng bata at ayaw nitong makipaglaro sa ibang bata kaya palagi itong naiyak. Iuwi na raw namin ang aking anak at subuking maghanap ng ibang Daycare na compatible sa needs ng bata. Naalala ko muli ang galit ko sa aking titser nang kausapin nito si Mama. Ang mukha ni Mama na pinapaliwanag kung bakit ako dapat mag-stay at hindi dapat ilayo sa iba. Nakasimangot akong kinarga ang aking anak palabas ng Daycare. Pakiramdam ko ay na-discriminate kami dahil isa kaming Ausländer (taga-labas). Biro ko sa aking anak habang tulak-tulak ang kanyang stroller, “Na-evict ka sa bahay ni Kuya.”Kinabukasan pagkatapos nilang mag-usap ay inilipat ako ng aking titser sa huling section, sa ibang classroom.Paano na lang pala kung hindi namin puwedeng iwan ang aming mga trabaho noong araw na iyon, sino ang magbibigay ng oras para patahanin ang aking anak kung mismo ang dapat mag-aalaga sa kanya ay walang siyang ganang alagaan.Ngayong araw, excited kami. Makikita na namin muli sina Mama at Papa. Unang beses nilang mag-travel sa ibang bansa. Pagkatapos ng ilang buwan na pag-aayos ng kanilang mga papel ay sa wakas ay makakarating na rin sila ng Germany. Makikita na rin nila ang kanilang apo. Unang lumabas ng airport si Mama kasunod naman si Papa. Agad na naglakad nang mabilis si Mama papunta sa aming kinatatayuan, at sinalubungan ng yakap at halik sa unang pagkakataon ang kanyang apo. Bulong ko, “O, ‘Ma, may bago ka na namang tuturuan. “