Ni Dominic Dayta
SI Loisa ang unang nakapansin ng maliit na tindahang iyon sa basement ng mall. Napadaan sila rito ng kaklase niyang si Colet isang hapon ng Biyernes galing sa tindahan ng mga gamit sa eskuwela. Paglabas, bitbit ang kani-kaniyang paper bag ng mga biniling mga kuwaderno, ballpen, at papel, agad itinuro ni Loisa ang kakaibang karatula ng katapat na puwesto.
“Alaala, Anik-Anik,” binasa niya.
“Gusto mo bang tingnan?”
Tumango si Loisa.
Maluwag ang loob nito, walang laman maliban sa ilang mga istanteng nakagilid sa mga pader, at isa pang malawak na lamesa naman sa gitna, sa bawat isa naka-display ang samot saring mga keychain, stickers, bonete, at mga pang-ipit ng buhok. Ang ilan ay may disenyo ng mga cartoon na hayop: may pusang malalaki ang mga mata, asong labas-dila ang ngiti, tigreng sobra ang laki ng ulo kumpara sa maliliit nitong katawan. Nagtatawanang inisa-isa ng magkaibigan ang mga anik-anik na binebenta, isa-isang pupulutin ang bawat kakaibang disenyong matatagpuan para ipakita sa kasama.
“Loi, tingnan mo ito.”
“Ang cute! E, ito?”
Hawak ni Loisa ang isang keychain na may kulay abong pusa na galit na galit ang mukha, ngunit may sunflower na nakabalot sa mukha. Sinipat ni Colet ang istante kung saan iyon nakita ni Loisa, nais sanang makahanap ng kaparis. Pero walang nakita si Colet. Lumipat sila sa kabilang istante papasok pa sa tindahan, at doon nila napansin ang dalagang nakauniporme at nakangiti sa kanila mula sa counter. Binati sila ng magandang hapon, at nagtanong kung may nakita na ba silang gusto nilang bilhin.
“A, tumitingin lang po,” paumanhin ni Loisa.
Tinanong nito kung ito ang unang beses nila sa tindahan. Nang sabay silang sumagot ng oo ay umalis ang dalaga mula sa puwesto nito sa likod ng counter para lumapit sa kanilang dalawa. Nagsimula naman itong magpaliwanag tungkol sa mga produkto. “Hindi lang ito basta mga anik-anik, ma’am. Mga alaala ang binebenta namin.”
“Alaala?” tanong ni Loisa. “Nino?”
“Ninyo!”
Ganito pala ang sistema: mula sa mga anik-anik na naka-display sa lamesa at mga istante ay pipili sila ng isa. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa espesyalistang may opisina sa looban pa ng tindahan. Itinuro ng dalaga ang salamin na pinto sa likod ng counter, kung saan makikitang abala ang isang lalaking namumuti ang buhok at nakagayak na parang doktor. Doon, magpapa-scan sila ng kanilang mga mata para makuha ang pinili nilang alaala, na siya namang maiimprenta sa anik-anik.
“Para puwede n’yo nang dalhin ang mga magaganda ninyong alaala kahit saan. Isabit sa bag, kaysa kalimutan.”
At, suwerte, naka-sale ngayon.
Isang gabi sa sunken garden ang alaalang pinili ni Loisa. Pinanood niya ang gabing iyon na muling dumaan sa kaniyang isip habang nakatitig sa eyepiece ng instrumento, ang baba at noo niya ay nakaipit sa mga de-bakal na bracket. Para siyang nagpapasukat ng grado ng mata. Itim lang ang nakikita niya sa mga eyepiece, ngunit paminsan-minsan ay may masisilayan siyang ilang mabilis na pulso ng puti at dilaw, minsan pula at bughaw. Dalawang minuto ang itinagal ng proseso. Pagkatapos, kinuha naman ng lalaki ang hawak niyang anik-anik at ipinasok ito sa loob ng maliit na pinto sa kabilang panig ng parehong instrumento. Ilang segundong umugong nang malalim ang instrumento, at pagkatapos ay kinuha muli ng lalaki ang anik-anik mula sa loob nito at iniabot kay Loisa.
“Please come again,” nakangiting sabi nito sa kaniya.
Kalaunan ng hapon na iyon, habang magkatabi sa loob ng coffee shop, hindi nagpapansinan ang magkaibigan habang abala sa paghipo sa tig-isa nilang anik-anik. Isang bonete na kulay dilaw at may simpleng disenyong smiley ang napili ni Colet, habang ang keychain ng galit na pusa naman ang kay Loisa.
Hindi makapaniwala ang dalawa sa talab ng prosesong pinagdaanan ng kanina’y simpleng bonete at keychain lang. Ngayon, tuwing hahawakan ni Colet ang mga hibla ng bonete, tuwing idadalisdis ni Loisa ang daliri niya sa dilaw na sunflower na nakapaligid sa galit na mukha ng pusa, nagbabalik sa kanila ang bawat amoy at ginaw, ang bawat himig at hinga, ng mga alaalang nakaimprenta rito. Humahagikgik si Colet habang hawak ang bonete, binabalikan ang unang araw sa kolehiyo, at kung papaano naligaw sa daan papunta sa unang klase nila sa Math building. At naipon naman ang mga luha sa mata ni Loisa na muling maibalik sa huling gabing iyon sa sunken garden, habang tumutugtog ang paborito nilang idol group sa entablado ng UP Fair, ngunit wala siyang maulinigang mga liriko maliban sa masasakit na salitang binibitiwan ng kaharap niyang binata.
Malamig na ang latte na inorder niya nang bumitaw si Loisa mula sa keychain niya. Bahagyang tumatawa pa rin si Colet habang humihigop sa tasa ng tsaa. Nang mapansin na tapos na siya sa paggunita, ibinaba ni Colet ang tasa at kinumusta siya.
Pinunasan ni Loisa ng tissue ang mga mata niya. Pinilit na ngumiti.
“Hindi ko alam bakit iyan ang pinili mo,” sabi ni Colet. “Bakit hindi na lang ‘yong masaya?”
Umiling si Loisa. “Ewan ko ba. Hindi naman kasi ako naniniwala no’ng una. Akala ko scam.”
“Ako din! ‘Kako, ‘di bale isang daan lang naman, at ang cute din naman ng design.”
Napahagikgik na naman si Colet. Habang iniiwasan na mahawakan ang pusa at sa gayon muling maibalik sa gunita, isinabit ni Loisa ang keychain sa zipper ng bag niya.

“Ang cute! E, ito?”
Miyerkules, late si Loisa sa klase nila sa Statistics. Iyon ang unang klase nilang magkasama noong linggong iyon, at agad na napansin ni Colet ang ikalawang keychain na nakasukbit sa bag ni Loisa, kasama ng galit na pusa. Ngayo’y isang dilaw na tigre naman ang disenyo, may dalawang maliit na tuldok na kulay itim bilang mga mata sa malaking ulo nito, mas malaki pa kaysa sa bilugang katawan.
“Bumalik ka?” tanong ni Colet pagkaupo ng kaibigan sa katabing desk.
Namula si Loisa. “Noong weekend. Sinamahan ko kasi si Mama magbayad ng ilaw.” Inilapit niya ang bag nang mas makita pa ni Colet ang disenyo. “Ang cute, ‘di ba?”
“Naisip ko kasi, tama ka,” patuloy pa ni Loisa habang kinukuha sa bag ang notebook at ballpen niya. May tatlong mga problemang nakasulat sa whiteboard sa harapan na kailangan nilang sagutan bago bumalik ang propesor. Ngunit katulad ng dalawa ay tila nasa ibang mga bagay ang atensiyon ng mga estudyante, kani-kaniyang daldalan. “Pipili na lang ako ng alaalang itatago, ‘yong masakit pa. E, sinamahan ko nga si Mama kaya nando’n ulit ako. Kumuha na lang ako ng isa pa.”
“Ano’ng pinili mo?”
Napangiti lang si Loisa sa kaibigan.
“Secret.”
“Hala, ang daya. Dali na.”
“Nakakahiya.”
“Ikuwento mo na.”
Tinapik siya ni Colet sa balikat.
“Aray! Sige na,” sabi ni Loisa habang nagsisimulang kopyahin ang mga problema sa whiteboard. Agad din siyang nahinto sa pagsusulat pagkatapos ng ikaapat na salita pa lang, at nagsimulang ikuwento kay Colet ang piniling alaala para sa ikalawang keychain. Ang katatapos lang nilang summer vacation. Nagpunta sa La Union ang pamilya ni Colet, at naanyayahang sumama si Loisa.
Nalilito ang tingin ni Colet. “Ano naman ang special do’n?”
“Wala,” ibinalik ni Loisa ang tingin sa mga problemang kokopyahin sa whiteboard, nang hindi makita ng kaibigan ang bahagya niyang pamumula. “Masaya lang.”
Habang nagsusulat ay napansin niyang naubusan na ng tinta ang gamit niyang ballpen. Hinanap niya sa bag ang binili nila noong nakaraang linggo lang. Habang kinakalikot ang mga laman ng bag ay sandali niyang nahawakan ang mukha ng dilaw na tigre, at sandali rin bumalik ang maalat na amoy ng dagat, ang kinang ng tubig na kulay kahel at dilaw katulad ng langit, habang magkatabi sila ni Colet na nakaupo sa baybayin at kinikiliti ng atras-sulong ng mga alon.
Hindi lamang basta mga anik-anik ang kinokolekta ni Loisa, kundi ang mga mahahalagang alaala sa kanyang buhay.
“Welcome back po, ma’am,” bati ng dalaga sa balisang si Loisa na pumasok sa pinto ng tindahan. Sa puntong iyon ay regular na si Loisa sa tindahang ito. Dalawang buwan, linggo-linggo, madalas isa ngunit minsan dalawa o tatlong beses sa isang araw, na siyang pabalik-balik para bumili ng paisa-isang anik-anik, paisa-isang alaala. Halos kabisado niya na rin ang laman ng bawat istante. Doon sa kanan, malapit sa counter, mabilis niyang nakuha ang bughaw na boneteng gantsilyo, unang nakita ngunit hindi kinuha noong nakaraang linggong nandito siya.
May pag-aalala sa mukha ng dalaga sa counter habang tinatanggap ang bayad ni Loisa (tatlong daan, dahil tapos na ang sale). Habang inaabot ang sukli ay pinagmamasdan ng dalaga ang apat na keychain na nakakabit sa bitbit niyang bag, ang smiley na pendant ng suot niyang kuwintas, tatlong magkakamukhang bracelet, at ang badge sa blouse niya na may cartoon na mukhang laglag-panga ang gulat.
Diretso na si Loisa sa pintuan sa likod ng kahera nang makuha ang resibo at sukli. Wala ring oras na sinayang si Loisa kasama ng espesyalista, dahil agad-agad ay narinig ng dalaga ang mababang ugong ng instrumento. Kasingbilis din ng pagpasok niya sa tindahan ay palabas na ulit siya, suot ang bago niyang bughaw na bonete.
Galit na pumasok si Colet sa boarding house na tinutuluyan ni Loisa, apat na buwan na ang nakalilipas. Hapon ng Sabado, at nag-usap ang dalawang magkikita sa sakayan ng bus papunta sa Makati para sana magmerienda at maglakad-lakad sa Rockwell. Pero hindi nakarating si Loisa sa napag-usapan nilang oras at tagpuan.
“Bakit hindi ka sumasagot sa tawag ko?” ang pasigaw na pasok ni Colet sa boarding house. Hindi nakakandado ang pinto, at hindi na rin nag-abala pang kumatok. “Sana sinabi mo sa ’kin na hindi ka makaka–”
Napahinto si Colet. Hindi nito naihanda ang sarili sa eksenang matatagpuan. Mula sa kinauupuang sahig ay lumingon si Loisa, at kumaway. Nakapatay ang ilaw, at sa kaunting liwanag ng nalalabing hapon na tumatagos mula sa bintana ay kita pa rin ni Colet ang lungkot at pagpapaumanhin sa mukha ng kaibigan.
“Ano’ng ginagawa mo diyan?” tanong ni Colet. Dahan-dahang lumapit sa kaibigan. Sa paligid ni Loisa, nagsumabog ang hindi na mabilang na mga keychain, bonete, bracelet, badge, at kuwintas. Hindi pa kasama rito ang siguro’y sampung keychain na nakasukbit ngayon sa bag na naghihintay sa higaan, ang tatlong bracelet na suot na niya sa kanang pulso, at apat naman sa kaliwa.
“Hindi kasi ako makapili kung ano ba’ng susuotin ko,” ang naiiyak na paliwanag ni Loisa. “Lahat sila mahalaga. Lahat sila special sa ‘kin.”
Lumuhod si Colet sa tabi ni Loisa.
“Kailan mo binili lahat ‘to?”
Huminga nang malalim si Loisa.
“Tuwing babalik ako sa mall, linggo-linggo.”
“Bakit?”
“Kada babalik ako, iisipin ko, napili ko na’ng alaalang gusto kong itago. Pagkatapos, may maalala na naman akong ibang alaala. Paano ‘yon? Paano ito? Ayaw ko rin silang makalimutan. Wala akong gustong makalimutan.”
Habang nagsasalita ay iniisa-isa ni Loisa ang mga anik-anik sa sahig para ipakita kay Colet. Ito, ang maliit na stuffed toy na hugis sanggol, para sa alaala ng paghatid ng pamilya nila sa kuyang lumipad para mag-aral sa Japan. Iyon, ang bag tag na may letrang Chinese, para sa gabing una niyang natanggap ang liham tungkol sa pagpasa niya sa UP. Ang bawat isa kinakatawan ang isang pirasong hinugot sa kaluluwa ni Loisa.
Napaupo na lang si Colet sa sahig, sa unang pagkakataon dama ang bigat na dinadala ng kaibigan.
“Tama pa ba ‘to? Kailangan mo ba’ng lahat ng mga iyan?” tanong ni Colet.
Umiling si Loisa. “Kaysa makalimutan, ‘di ba?” tila bulong na sabi niya.
Sinuri ni Colet ang mga anik-anik na nakapaligid sa kanilang dalawa sa sahig.
“Kaysa makalimutan,” ulit pa ni Loisa.