HINDI NA ‘KO MAKAUUWI!

"Teka, Indo... h'wag ka munang papara ng trak," at muling yumugyog ang balikat ni Aning.

Ni PELAGIO S. CRUZ

ANG nilalagnat na isip ni Indo ay biglang ginisawan nang mamukahan ang babaing nagtatago sa likod ng punong kamatsile. Nakapindong at may dalang bitbiting bag.

“Aning!” Nasa tinig niya ang munting pagtataka.

Isang mailap na sulyap ang ipinukol ni Aning sa kanya at sinabayan ng talikod.

“Bakit nar’yan ka? Tila nag-aabang ka ng trak? Gabi na…”

Nagpahid ng mukha si Aning. Nang yumugyog ang balikat ay natiyak niyang umiiyak ito. Alam na kaya? Nguni’t bakit naririto? Maglalayas din kayang tulad ng iniisip niya? Hindi sinasadya, nasalat niya ang sulat na nasa kanyang bulsa.

“Alam mo ba?”

“Alin?” Gulilat ang tinig ni Aning. “Alin, Indo?”

Sumilay ang mapait na ngiti sa labi ni Indo. “Hindi mo pa alam kung gano’n. Baka ‘kako alam mo na e hindi mainam na sabihin ko pa at saka hindi naman ako dapat magtanong pa.”

“Ano ba ‘yon? Sabihin mo sa ‘kin, Indo!”

“Hindi na dapat…makabubuting hindi mo alam…makatutulong sa ‘yo. Umuwi ka na, Aning…gabi na! H’wag mo lang ipamamalitang nakita mo ‘ko rito sa abangan ng trak. Me balak akong umalis, e. Ke Inang…pakibulong mong ako’y sa Menila nagpunta. Magluluwat-luwat ‘kamo…doon kina Tening pinsan ko sa Divisoria…kilala mo ‘yon.”

“Teka, Indo…h’wag ka munang papara ng trak. Marami pa namang daraan…” at muling yumugyog ang balikat ni Aning. “Ano ba’ng ‘kahih’ya ko sa ‘yo…tutal, alam mo naman…Kaya lang, baka matulungan mo ‘ko.”

Nakita ni Indo ang pagmamakaawa sa mga mata ni Aning. Saglit niyang napagmasdan si Aning. Mapula na ang mga mata nito. “Sa tingin ko nga e me problema lang, sabihin mo’t baka ako’y makatulong kahit pa’no.”

“Ako ma’y aalis…” parang nahihirinang wika, “kaya lang hindi pa dumarating ang aking kasama. Dal’wang oras na ‘kong narito e hindi pa sumisipot!”

“Sino ba?” napaangla si Indo.

Suminghut-singhot si Aning. “Bakit ba ‘ko mahih’ya? Tutal, malalaman mo rin lang…Tinipan ako ni… ni Julian ngayo, e. Magkikita kami rito kangina pang alas-kuwatro. Ang hirap, hanggang ngayon e ‘ala pa…Diyos ko! Pag ako’y inabutan ni Inang dito e laking iskandalo! Hindi mo ba magagawan ng paraang hanapin mo sandali si Julian at sabihin mong ako’y narito at kangina pa naghihintay, ha, Indo?”

Muntik nang masamid si Indo sa nilulong laway. Si Julian! Hahanapin niya si Julian! Saan niya hahanapin si Julian!

“Aning…ipagpasens’ya mo sana’ng sasabihin ko, tutal, magkapitbahay naman tayo. Magkababata tayo. Kababata rin natin si Julian. ‘Alang makapagtatago sa atin ng lihim…E kung hindi siya dumating e h’wag mong piliting dumating. Ang pinakamainam n’yan e umuwi ka na hanggang hindi nabubulgar na ikaw ay namanghal nang kahihintay ke Julian. Siguro naman e hindi pa alam, sa inyong kayo e magtatanan ngayon? Me panahon pa para maitago ang kahihiyan mo.”

“Hindi na siguro ‘ko makababalik sa ‘min. Pihong nabasa na ni Inang ang iniwan kong sulat. Si Tatang lang ang maaaring hindi pa…nasa pinak kasi at naghahakot ng pakwan. Kangina nga’y tila si Inang ‘yong sakay ng karitela ni Mang Istong na pumasok diyan sa ating sa Paliwasan. Hindi ko kasi masyadong nasundan ng tingin dahil sa panliliit ko sa pagtatago sa likod ng puno ng kamatsile. Pero, pihong si Inang na nga ‘yon. Gano’ng oras kung umuwi si Inang…mga bandang alas-singko’y media nang dumaan. ‘Ala nang tao sa palengke no’n. Pag gano’ng oras e ‘ala nang bumibili ng pakwan sa aming puwesto.”

“Kung bakit dito ka pa kasi nag-abang…me tatlong kilometro ‘to mula sa ‘tin a! ‘Tsaka…meron bang gano’ng…kalalaking tao e siya pa’ng aabangan? Umupo si Indo sa nakausling ugat ng kamatsile. “Kung ganyan ngang nagkaro’n ng aberya? Ikaw ang kahiya-h’ya n’yan!”

“Me katwiran s’yang dito ‘ko pag-abangin…hindi siya gusto sa ‘min, e, alam mo naman…galit na lahat ang aliporis ko sa taong ‘yan. E sino namang magulang at kamag-anak ang makagugusto ke Julian, hale nga? Talaga lang gusto ko ‘yan! E hindi naman nakapapan’ik sa ‘min ‘yan. Paabut-abot lang ng sulat. Pasabat-sabat sa daan. Kung sabagay, nakahihiyang sabihin ko ‘to pagka’t kasintahan mo si Ines…Hindi ba katakut-takot na luha ang nilagok ni Ines sa taong ‘yan? Palibhasa’y talagang matinong babae, kaya me isa pang matinong taong nagkagusto ke Ines…ikaw nga! Kaya, ayaw ni Inang at ni Tatang ke Julian…kahit nagpakatino na e iniisip nilang susumpong pa rin ang pagkaaliwaswas…Hindi ba kaya nagkagano’n e nagtangay ng kung sinong baylarina ‘ata ‘yon no’ng kagagaling sa Menila, at itinira pa sa kubo sa bukid nang kung ilang linggo at pagkatapos e isin’oli ‘ata sa bahay-aliwang pinagkunan? Kaya si Ines e nagpakatanggi-tanggi kahit anong pagsusumamo ang gawin ni Julian. Ako namang ‘sang tanga’t kalahati’ng nakahita-hitang tumango. ‘Ala kasi sa ‘kin ‘yon. Sabi ko nga, ang mahalaga’y iniibig ko siya, tama na!”

May ilang sandaling napatda ang dila ni Indo. Muli niyang sinalat ang sulat na nasa kanyang bulsa. Ang sigabo ng kalungkutan ay nagpasikip ng kanyang hininga. Kawawang Aning! Naghihintay nang walang hinihintay!

“Halos magkamuk’a kita ng ugali,” sabi ni Indo nang lumuwag-luwag ang dibdib. “Alam mo namang sa ating nayon e isa nang kapintasan ng isang babae’ng hindi tuluyan ng kasintahan…kamuk’a ni Ines. Pero gusto ko rin si Ines kahit sino pa s’ya. Pero, alam mo, me mga pagkakataong dapat patibayin ng karanasan ang puso ng tao upang hindi maging sentimental na mas’yado.”

“Bakit…nagkasira ba kayo ni Ines?”

“H’wag natin pag-usapan si Ines…Umuwi ka na, Aning…gabi na!”

“Ikaw naman e…hindi mo kasi nararamdaman ang nararamdaman ko…Pakihanap mo si Julian, sige na!”

Napangiti nang maasim si Indo. “Kung sabihin ko sa ‘yong hindi ko makikita si Julian? Alam mo bang umalis si Julian kangina pang mag-aalas-dos?”

“Ano ‘kamo! Umalis si Julian? Hindi tutoo ‘yan, Indo, h’wag mo ‘kong biruin!”

“Kung ayaw mong maniwala…hindi kita pinipilit. Pero umalis na si Julian kangina…at hindi na darating!”

Umagting ang tinig ni Aning. “Papa’no mong mapatutunayan ‘yan?”

“Umuwi ka na, Aning…” malayo ang kanyang sagot, “at pakisabi mo na lang sa ‘min ‘yong pinasasabi ko sa ‘yo ke Inang…”

“Sinasabi ko naman sa ‘yong hindi na ‘ko makababalik sa ‘min…” matulis ang tunog ng tinig ni Aning. “Sa’n nagpunta si Julian? A…Indo…h’wag mo ‘kong biruin nang ganyan!”

“Alam mo bang kung malaki ang pagnanais mong makita si Julian e lalo ako? Kaya…kung maniniwala ka sa akin, ang pinakamabuting gawin mo ay umuwi habang me panahon  at habang hindi kumakalat ang balita. Kapag naghanapan na do’n sa ‘tin…kakalat na ‘yan…na ikaw ay sumamang magtanan ke Julian gayong hindi dumating si Julian, kaya hindi natuloy ang pagtatanan n’yo. Umuwi ka na habang me panahon!”

“Indo, hindi ako nakikipagbiruan sa ‘yo. H’wag mo ‘kong biruin nang ganyan. Alam mong nakasasalalay dito ang buhay ko. Magpapakamatay ako pag hindi s’ya dumting ngayon!” Suminghut-singhot muna si Aning at saka nagkatinig ang isang hikbi. “Ikaw man e umibig din, Indo. Hindi gawang biro ang umibig. Ang pag-ibig ay katumbas ng buhay. Magpapakamatay ako pag hindi s’ya dumating!”

“Kung ako sa ‘yo, hindi ako magpapakamatay. Hindi na uso ngayon ‘yan. Humanap ka ng iba.”

“Sa himig ng pagsasalita mo e parang me nalalaman kang di-pangkaraniwan. Kagina pa ‘ko duda sa ‘yo, Indo. Magderetsahan nga kita…ano ba’ng ibig mong sabihin?”

“Hindi ko sana dapat gawin ito. At sa ganang akin e mainam na nga sanang mapili mo ang pag-uwi muna bago mo malaman ang lahat ng ito. Pero kung ganyang tila pinaghihinalaan mo pa ‘ata ako e mainam na ngang malamam mo ang kahulugan ng aking sinabi. At nang noon…malaman mo ring hindi lang pala ikaw ang umiiyak.” Dinukot ni Indo sa panlikod na bulsa ng kanyang pantalon ang isang sobre. “Maliwa-liwanag pa rin lang e basahin mo ‘tong sulat para ‘ala na ‘kong ipaliwanag sa ‘yo at tuloy makumbinsi kang umuwi na nang parang ‘alang anuman…Iniabot sa ‘kin ‘to kangina ng kung sinong bata. Hayan…basahin mo!”

Kumikinig ang kamay ni Aning nang abutin ang liham. Ibinaba ang bitbit na bag ng damit. Nagmamadaling hinugot sa bukas na sobre ang liham. Anito:

Sa iyo, Indo,

Ito marahil ang pinakamahabang liham na ipinadala ko sa iyo, at ito na rin marahil ang pinakahuling liham na matatanggap mo sa akin sapagkat sa sandaling binabasa mo ito ay malayo na ako. Magdamag ko halos ginawa ang liham na ito bilang pahimakas sa ating pag-ibig.

Kung ako’y asin, malulusaw ako sa kahihiyan sa iyo. At marahil ay isusumpa mo ako pagka’t isang kaasalan sa ating nayon ang pagiging matapat ng mga babae sa binitiwang oo. Nguni’t ako’y nagkulang dito sanhi sa mabibigat na dahilang nalalaman mo at hindi ko naman ipinagkakaila. Katunayan, sinabi ko sa iyo ang lahat ng lihim na bumabalot sa aking katauhan. ‘Kako pa nga sa iyo, e kung maaatim mong angkinin ang isang babaing nakatango na sa isang lalaki. ‘Ika mo naman e hindi mahalaga iyon. Ang mahalaga, ‘ika mo, ang matapat mong pag-ibig. At nang ako ay tumango sa iyo ay talagang nadama kong tunay mo akong iniibig. Hindi pa ba sapat na patunay ang lagi nang nakaalalay mong kamay sa mga trabaho ni Tatang sa bukid na para bang talagang kabahay ka namin? Mula sa pagsasabog ng punla, pag-aararo, pagsusuyod, pagtatanim, at maging sa pagtutulak ng weeder ay lagi kang katulong ni Tatang. Gusto ka kasi ni Tatang. Sino naman ang hindi makagugusto sa iyo? Sa lahat ng binata rito sa atin—nilalahat ko na—ay ikaw ang pinakamagaling. Uliran kang magsasaka. Kaya, hindi lamang ako nahihiya…nanghihinayang pa rin. Si Inang at si Tatang ay tiyak na mahihiya sa iyo oras na malaman ang nangyari. At kagaya mo—isusumpa nila ako!

Dapat sana ay naipagtapat ko sa iyo agad na si Julian ay patuloy na namimintuho sa akin kahit na tinapat kong ang kanyang pagkakasala sa akin nang magtangay siya ng baylarina ay hindi mapatatawad. Naisip ko naman na bakit ko pa sasabihin sa iyo kung ako naman ay walang ginagawang kataksilan sa iyo? Subali’t kailan lang ay nakita kong tumulo ang luha ni Julian samantalang ipinagtatapat niya sa akin na baka si Aning ay itanan na niya kapag ako’y namarating malupit at hindi na magkabalik ang aming dating pag-iibigan. Si Aning daw ay niligawan niya upang ako’y kanyang pasakitan. Hindi raw niya iniibig si Aning. Ako raw ang talagang iniibig niya. Marahil, ako’y nakarating sa sukatan ng pagpapasiya. Nagbalik sa akin ang alaala ng aming suyuan. At nadama kong nasa aking dibdib pa rin ang pag-ibig ko kay Julian, na ang ginagawa kong pakikipagmabutihan sa iyo ay paghihiganti lamang sa kanya. At ngayong mawawala siya sa akin ay nahubdan ako ng pagbabalatkayo. Nadama kong hindi ipahihintulot ng aking pusong mawala sa akin si Julian. Kaya, ipinasiya kong sumama sa kanya, bukas, ikadalawa ng hapon. Patawarin mo ako, yayamang hindi rin naman magiging makatarungan sa iyo na magkatuluyan tayo nang hindi kita iniibig.

Kung makikita mo si Aning, pakisabi mong humihingi ako ng tawad.

Paalam,

INES

Nalaglag sa kamay ni Aning ang sulat. Mula sa pagkakaupo ni Indo sa puno ng kamatsile ay sinilip si Aning. Humawak ang dalawang kamay nito sa puno. Parang mabubuwal na iniyupyop ang ulo sa isang kamay. Kumikinig ang buong katawan ni Aning. Ang malakas na pagyugyog ng balikat ay nagpapahiwatig ng walang tinig ng panangis.

“Aning…” Tumindig siya. Ang awa niya sa sarili ay saglit na nalimot. “Aning…pasens’ya ka…anhin ko mang isipin e talagang ayaw mong umuwi kaya ko ipinakita sa ‘yo ang liham. Kangina pa kasi kita pinauuwi, e…Hindi sana naging nakapabigat ang pagtanggap mo ng katotohanan. Pareho tayo, Aning…anhin ko na lang ako…lalaki ‘ko. Napagtatakpan ko ng tigas ng loob ang kapighatiang ito. Tayo na…sasamahan kitang umuwi.”

“Lalong hindi na ‘ko makauuwi, Indo. Iwan mo na ‘ko rito…Umalis ka na!” Inalis ni Aning ang kanyang pindong. Nahantad ang mukha ng dalaga. Sa papalubog na araw ay hindi naitago ang mga pisnging tigmak sa luha. “Wala akong muk’ang ipakikiharap sa aking mga magulang. Sige na…iwan mo na ko!”

Pinulot ni Indo ang sulat sa paanan ni Aning. Inayos ang pagkakalupi. Inilagay na muli sa sobre. “Magiging sagutin ko rin namang iwan ka sa ganitong ilang na pook at sa ganitong alanganing oras. Aning…nakikiusap ako sa ‘yo, umuwi ka na…sasamahan kita!”

“Iwan mo na ‘ko! Sinabi ko naman sa iyong hindi na ‘ko makauuwi. Sulong na…lumakad ka na!”

“Nasabi ko nga sa ‘yong aalis ako. Kaya lang gano’n e nahihiya akong maging tampulan ng usapan sa atin…kaya magpapalipas ako ng mga isa o dal’wang buwan sa Menila…at saka ako babalik d’yan sa ‘tin…maaaring hindi na ‘ko lubhang masaktan kung pag-usapan man ako.”

“Gano’n pala, e…bakit mo ‘ko pauuwiin? Ang ibig mong sabihin, nahihiya ka at ako’y hindi? Ikaw na lang ang umuwi kung gusto mo. Sinabi ko na sa ‘yong hindi na ‘ko makauuwi.”

“E saan ka pupunta? Meron ka bang tiyak na pupuntahan?”

“Hindi mahalaga kung saan ako pupunta. Ang mahalaga’y makalayo ako. Do’n sa ‘alang magpapaalala sa ‘kin ng kabiguang ito.”

“Aning…unawain mo sana’ng sasabihin ko sa ‘yo. Hindi magiging kapintasan ang tanggapin ang katotohanan. Isipin mo, me magagawa ka pa ba pagkatapos ng lahat?”

“Mahalaga lang ang buhay kung me nagpapahalaga sa ‘yo!” At ang tinitimping hagulhol ay biglang nabulalas. “Sige na…iwan mo na ‘ko!”

Laganap na ang dilim. Ang puslit ng liwanag ng head lights ng mga sasakyang padalang nang padalang ang daan sa lansangang panlalawigan ang tanging naghahantad sa dalawa sa lilim ng puno.

“Kung ako’ng masusunod….” Parang nagmumuni-muning wika ni Indo, “hindi kita iiwan dito. Nasabi ko na sa ‘yong ako’y aalis. Hindi na rin ako makauuwi sa amin ngayon. Ang mga ipinapayo ko sa iyo ay hindi ko rin magagawa. Kaya, kangina, bago ko binalak na umalis ay nagbili ‘ko ng sampung kabang palay…bahagi ‘yon ng sandaa’t limampung kabang itinataan ko sa balak naming pag-iisandibdib ni Ines sa darating na tag-araw. Kaya, mahigit na limang daang piso ang nasa bulsa ko. Singk’wenta’y singko ‘sang kaban ngayon…” Isang buntunghininga ang hinugot ni Indo. “Ito nama’y kung gusto mo lang…magsabay na kitang umalis!”

Walang sagot na narinig si Indo. Nilingon niya si Aning. Ang balingkinitang tindig nito ay naaaninag pa rin niya sa karimlan.

“Maaaring isa o dal’wang trak pampasahero na lang ang daraan. At sa unang trak na daraan ay sasakay tayo…” Umubo si Indo na waring may halang na inalis sa nagsisikip na dibdib. “Ayaw mo rin lang umuwi, magiging isang kawalang-dangal sa aking panig na iwan ang isang mahinang babae nang hindi natitiyak kung saan pupunta. Lalo pa kung ganitong ang nadarama mo ay nadarama ko rin.” Tumindig si Indo at kinapa ng kanyang mga mata ang kaanyuan ni Aning sa dilim. “Mamili ka sa dalawa: iuuwi kita sa inyo o sasama ka sa Menila?”

Muling nabuhay ang isang impit na hikbi. Naupo si Aning at halos isubsob ang mukha sa lupa. “Sinabi ko na naman sa ‘yo…hindi na ‘ko makauuwi!”

Nilinga ni Indo ang bitbiting bag na nabitiwan ni Aning kanginang basahin ang sulat. Binitbit niya iyon. “Sige…ayusin mong muk’a mo kung sasama ka…Matutuwa ang pinsan kong si Teni n’yan. Kung napupunta ‘ko ro’n e lagi kang itinatanong kung dalaga ka pa. Hindi ka niya nakakalimutan. Matagal din naman kasing nagbakasyon sa ating nayon si Teni noong nakaraang anihan. ‘Ala pa siyang asawa…dalaga pa rin. Natatandaan ka niya…Sa lahat ng dalaga sa ‘tin, ikaw lang ang natatandaan niya.”

Mula sa malayong kurba ng lansangan, ang sambulat ng liwanag ng head lights ng isang trak-pampasahero ay biglang nanunton sa kanilang kinalalgyan. Pinara ni Indo ang trak. Pasagadsad na huminto iyon sa tapat ng punong kamatsile. Nang dumungaw ang mga pasahero, nakita nila, may sumampa sa estribo: isang babae at lalaki.