ANG SUMPA NG KATOTOHANAN

Napaunat siya. Ang dila sa utak niya ay muling humaplit: Alang-alang man lang sa 'king pamilya, Lucio? "Oy, ano ba'ng talagang nangyayari sa ' yo?" bakas-luha na ang tinig ni Chayong.

Ni LEVY BALGOS DELA CRUZ

HUMAHANGOS na pinuntahan siya ng isang batang-batang manggagawa niya sa kanyang kubakob na pahingahan. Humihingal na ibinalita nito na si Andoy ay lumura ng dugo. Ilang sandali ring natilihan siya sa narinig.

Muling nagsalita ang batang-batang manggagawa na may hatid ng balita. “Kelangang makapagpahinga si Mang Andoy. Pinagsabihan na namin siya, ayaw makinig. Kaya pa raw niya ang katawan. Kayo lang ang makapagpapauwi sa kanya.”

Saka pa lamang gumana ang isip niya. Matagal na nga niyang napupuna ang malaking inihuhulog ng katawan ni Andoy. Ang matingkad na pamumutla nito. Ang pag-ubo-ubo. A, si Andoy nga pala ay may sakit!

“Sabihin mong ‘pinapatawag ko s’ya,” nulas na mga kataga nang umawang ang mga labi niya. “Ngayon din ‘kamo’y ibig ko s’yang makausap.”

May sakit si Andoy. Si Andoy ay may sakit at lumura ng dugo. A, kailangan nang magpahinga ni Andoy. Si Andoy ay wala nang silbi, isa nang inutil. Hindi na niya kailangan si Andoy. Sagutin pa niya nang malaki kung sa patrabaho niya tuluyang malintikan si Andoy.

Susukut-sukot na sumungaw sa kubakob si Andoy. Dinukot ni Lucio sa bulsa ng polosert ang kanyang salaming may-kulay at isinuot.

“Tuloy ka, Andoy. Ibig kitang makausap nang masinsinan.” Sa tinig niya ay walang damdamin.

“Matindi lang ang ubo ko, Lucio.” Piyaos, bahagyang katal ang tinig ni Andoy nang magsalita habang mrahan, tila nag-aatubiling palapit sa kanya. “Pero…kaya ko pa’ng katawan ko, Lucio. Ma…maniwala ka.” Ang iba pang mga kataga’y sinalansan ng masasal, dalahit na pag-ubo; natutop ni Andoy ng isang palad ang bibig.

“May sakit ka, Andoy. Di maikakailang may sakit ka. At malala. Kailangan nang magpahinga ka.”

Ang pagkagimbal ay bumadha sa kabuuan ni Andoy; nagpakatal sa yayat na kabuuang iyon. “L-Lucio…h-hindi! A-ako’ng me katawan…at…at a-alam ko. M-maniwala ka…kaya ko pang magtrabaho!”

“Dinaramdam ko, Andoy,” at nagtindig siya at lumapit sa nakatayong si Andoy; saglit na pinisil ito sa isang butuhang balikat; pagkuwa’y tinalikuran. “Magpahinga ka, Andoy. Magpagaling ka. Kung magaling ka na’y saka ka bumalik. Hamo’t ibibigay ko na lang sa ‘yo ang kabuuang sahod mo sa linggong ‘to…kahit Martes pa lang ngayon.” Kinapa ang maumbok na pitaka sa panlikod na bulsa ng pantalon niya.

Ang isang palad ni Andoy ay gumagap sa balikat niya. Naudlot siya sa pagdukot sa pitaka niya. Ang tinig ni Andoy ay sumasamo, nanikluhod, “k-kaya ko pang…p-pagtrabahuhan ang kikitain ko sa lo’b ng linggong ‘to, Lucio. M-maging ang sa…sa s-susunod na mga linggo. P-pabaya’n mong m-magtrabaho pa ‘ko, Lucio?”

Ang palad ni Andoy sa balikat niya ay tila mabigat na pataw. Na ibig niyang alisin, kung bakit hindi niya magawa. Pinabayaan na lamang niyang mamalagi iyon sa balikat niya. “Ayokong sa trabaho ko malintikan kang tuluyan.”

Ang gagap ng palad ni Andoy sa balikat niya ay lalong humigpit. “U-utang na lo’b, Lucio. K-kailangan ko’ng trabao. P-pa’no…pa’no ang pamilya ko kung…”

“Wala akong magagawa, Andoy!” umigting ang tinig niyang nulas sa pagitan ng nakatiim niyang mga ngipin.

“I-istik ako sa ‘yo, Lucio. Di…di kita iniwan, di ba? Pag-pag ‘pinatawag mo ‘ko…s-sabak ako nang husto. H-hanggang ngayon, Lucio!”

Sa narinig ay nagpuyos ang kalooban niya. Sinusumbatan ba siya ni Andoy? “Pinasasahod kita, Andoy, ng halagang pinagkakasunduan natin! Ni minsa’y di kita pinakaon upang pagtrabahuhin nang libre!”

“Di… di ‘yun, Lucio. Ang…ang m-mahalaga’y nag…nag-istik ako sa ‘yo, di ba? M-mahal kita, Lucio! Ang…ang p-pinagsamahan natin…m-mula’t sapol…a-ang t-tinitingnan ko lagi…k-kaya istik ako sa ‘yo! Di…di ko p-pinakikialaman ang napupunta sa ‘yo. B-basta…m-magkasama tayo…a-ayos sa ‘kin!”

Aywan kung bakit sa narinig na iyon kay Andoy ay lalo lamang nag-ulol ang pagpupuyos ng kalooban niya. Bumaling siya at sa lalong maagting na tinig ay, “Ayoko ng drama, Andoy. May sakit ka, at ‘yun ‘yon. Gusto ko ma’y di kita mapagbibigyan pa. Ibibigay ko sa ‘yo ang kabuuan ng sahod mo sa linggong ‘to.”

“L-Lucio…” dalawang kamay ni Andoy ang nakahawak sa isang balikat niya. “A-alang-alang man lang sa p-pamilya…” at si Andoy ay dinalahit na muli ng masasal na ubo; lalong humigpit ang mga kamay nito sa balikat niya; wari bang umaamot doon ng lakas, ng tatag.

Dama niya ang pagyanig ng kabuuan ni Andoy. Subali’t sa pagkakatayo ay nakaunat siyang tila tuod.

“L-Lucio…” si Andoy ay napasubsob na sa mahigpit na gagap na balikat niya sanhi ng ayaw magtantang dalahit ng ubo.

Napakislot siya at niyakap ng malupit na lamig nang maramdaman ang pagbalatay ng malamig na bagay na iyon sa bisig niya. Na maagap na pinahiran ng isang magaspang na katal na palad ni Andoy. Na biglang napaurong ding palayo sa kanya na tutop ng mga palad ang bibig. Ang mukha ay lalong hawas at maputla sa kabila ng salaming may kulay sa mga mata niya. Ang mga mata ay mulagat na nakatitig sa kanya; luhaan.

Naaasiwang mabilis siyang kumilos. Dinukot ang pitaka niya at hinugot ang katumbas na halaga ng isang linggong pagtatrabaho sa kanya ni Andoy.

“Kunin mo, Andoy,” halos ay hindi niya narinig ang sariling tinig nang iangat kay Andoy ang isang kamay na may hawak sa mga salaping-papel.

Nakatutok pa rin sa mukha niya ang mulagat, malalalim na luhaang mga paningin ay mabilis na inabot ni Andoy ang salapi. Inangat sa mga paninging waring binibilang. At nalaglag sa katal na mga palad na iyon ang ilan sa salaping-papel na hawak. At si Andoy ay mabilis nang tumalikod. At naiwan sa kanya ang magkahalong tunog ng halak at iyak na iniimpit sa lalamunan nito.

Tigagal, tila wala sa sariling bumaba ang mga paningin niya sa lupang kinatatayuan. Sa paanan niya’y nasumpungan ng mga paningin niya ang mga salaping-papel na hindi tinanggap ni Andoy. Sa ilong niya’y naiwang naninigid ang samyo ng karamdaman (at ng kamatayan?) ng katawan ni Andoy na hindi ganap na dinala nito sa paglisan. Pinakilos siya ng kilabot na napukaw sa kabuuan niya at mariing-mariing pinahiran ang bisig na hanggang ngayo’y basa pa ng laway ni Andoy na may lahid ng pulang dugo!

SI Andoy ay isa sa mga dating kasama niya. Siya, tulad ni Andoy at ng iba pang dating mga kasama, ay dating karaniwang manggagawa lamang. Nagsimulang karaniwang piyon sa isang konstruksiyon. Naging kantero, latero, karpintero, pintor, steelman, aaaa, lahat na ng sangay na mahalaga sa pagtatayo ng isang gusali ay napasukan iya. Sa magkakasama ay siya lamang yata ang may utak; ang iba pa’y pulos katawan lamang. Siya, habang nagtatrabaho, ay nag-iisip at nag-aaral ng tungkol sa lahat ng pakaliwa’t pakanan sa pagtitindig ng isang gusali. At sa tinagal-tagal nga’y natutuhan niyang lahat ang mga iyon. Pati ang pagsuma ng kakailanganing mga kahoy sa ganoon laking bahay. Nang lumao’y pati na ng pagtaya ng kabuuang magugugol sa ganoong laking gusali. Iyon, kalakip ang pambihirang lakas ng loob, ang nag-udyok sa kanya upang mangontrata na sa sarili niya. Nagsimula siya sa karaniwan lamang ang laking mga bahay-tirahan na ipinatatayo.

Ngayon, siya’y isa nang matatag na kontratista sa pagtatayo ng mga gusali, di man iyon totoo nang malalaking gusali. Inut-inot, nakapagpundar na rin siya ng sariling mga kagamitan sa konstruksiyon. At marami na ang mga tauhang manggagawa niya na umaasa ng ikabubuhay sa pangongontrata niya. Sa lahat ng ito, ang naging puhunan lamang niya’y karanasang nilakipan ng sariling pag-aaral at sapat na lakas ng loob.

Ngayon, hindi na siya ang karaniwang manggagawang minamanduhan; siya na ang nag-uutos. Hindi na siya ang karaniwang manggagawang yuko ang ulo at walang tinig; siya ngayo’y may angkin nang malakas at makapangyarihang tinig, na maaaring sumigaw at magalit.

Si Andoy ang kahuli-hulihan sa mga dating kasamahang nagsilisan sa buhay niya.

UMUWI siyang mabigat ang pakiramdam nang hapong iyon. Tila may namumuong magkahalong asim at pait sa sikmura niya at sa kanyang bibig. Sa salas ay hindi niya pinansin ang mga anak na magkakaumpok at nagkakaingay sa harap ng telebisyon. Sa malaking pagtataka ng mga iyon kaipala. Tuluy-tuloy siya sa silid nila ng asawang si Chayong at ipininid ang pintuan.

Mabilis siyang naghubad ng suot na damit. Pati ng panloob na sando. A, masidhi ang kaalinsanganang yaong nakayakap wari sa kanya. Kaalinsanganang may kalangkap na lamig na tila ba naglulunoy naman sa ubod ng sarili niya.

Pabagsak siyang nahiga sa malapad na kama nila ni Chayong at tumanga sa langit-langitan ng silid. A, tila hungkag ang ulo niya!

Mga katok sa pintuan; napakislot pa siya nang maulinigan.

“O?” bugnot na malakas na ungol niya.

“Ako, Oy,” tinig ni Chayong iyon. “Sinabi sa ‘kin ng mga batang dumating ka na nga raw. Para daw…me sakit ka!”

“Ano bang me sakit ang pinagsasabi ng mga lokong ‘yon!”

“Buksan mo nga ‘tong pinto, Oy,” masidhi pa rin ang pag-aalala sa tinig ni Chayong.

“Haya’n mo nga muna ‘kong mag-isa, Chayong. Pagod ako at ibig ko lang magpahinga.”
“Baka…baka me kailangan ka, Oy?”

“A…pakipag-init mo na lang ako ng tubig. Palagay ko’y gagaan ang katawan ko pag nakapaligo. Maliligo ako bago maghapunan.”

Nawala na ang tinig ni Chayong. Ni hindi niya narinig ang mga yabag nito sa paglayo.

Naligo nga siya ng mainit na tubig. Nagkaskas na mabuti ng buong katawan ng maliit na tuwalyang mabula sa mabangong sabon. Nagpalit ng mga panloob at nagbihis ng bagong labas na padyama.

Subali’t di pa rin gumaan ang pakiramdam niya. Di pa rin nawala ang pangangasim at pamamait sa bibig at sikmura niya. Hindi pa rin niya nakatkat sa sarili niya ang samyo wari ng karamdamang naiwan sa kanya ni Andoy sa paglisan. Si Andoy ay di pa rin niya malimutan.

Hindi siya nakakain ng hapunan; ang pagkain ay tila tinatanggihan ng bibig at tiyan niya. Iniwan niya ang mesa at muling nasok sa silid.

NASA tabi ng bintana siya’y nakatanaw sa karimlan ng gabi sa labas nang pumasok si Chayong. Ni hindi niya nilingap ang asawa. Nanatili siyang tahimik at pandalas nakatanaw sa karimlan na wari bang may inaapuhap doong mahahalagang bagay na nawaglit sa sarili.

Mahal kita, Lucio, istik ako sa ‘yo, di ba? Ang mahalaga sa akin ay ang matagal na pinagsamahan natin mula’t sapol. Di ko pinakikialaman ang napupunta sa ‘yo. Basta istik ako sa ‘yo. Ang mga kataga ay waring inihahaplit sa kanya ng matalim na dilang nagkabuhay sa utak niya.

Si Andoy nga ang kahuli-hulihan sa mga dating kasamahang nagsilisan sa buhay niya. Ang iba’y matagal nang nangaunga!

Dati’y kasama pa rin niya ang mga iyon. Mangongontrata siya noong siya’y nagsisimula pa lamang at pasasabihan niyang lahat ang dating mga kasamahan. Sila ang gumagawa sa nakukontrata niya; siya, dahil siya ma’y gumagawa na tulad ng mga kasamahan niya. Ang kabuuang halagang kita nila’y pinaghahati-hati nila nang walang lamangan sa bawa’t isa sa kanila.

Subali’t di nagtagal ang gayon. Siya nga ang may utak lamang sa kanilang magkakasama. At hindi ba’t siya ang humahanap ng gawain para sa mga ito? At nagkainteres siya sa lalong malaking bahagi ng kita mula sa paggawa. Iyon lamang ang marapat na mangyari, sinabi niya sa sarili. At nagsimula na siyang magkaila sa mga kasamahan tungkol sa kabuuang halagang pinakipagkasunduan niya sa may-ari ng bahay o gusaling itinatayo nila.

Hindi lamang iyon. Lumalakas at lumalaki ang mga kontrata niya, lumiliit naman ang partisipasyon niya sa paggawa. Lumaon pa’y di na nga siya gumagawa pa, nagmamando na lamang siya. Itinuring niya ang kasamahang mga karaniwang manggagawa na lamang niya at siya ang panginoon na ng mga ito.

Marahil nga’y walang utak ang mga kasamahan niya. Subali’t may sapat na damdamin ang mga iyon. At isa-isa nga’y nagsilisan ang mga iyon. Na nagsipag-iwan sa kanya ng mahinanakit, nanunumbat na mga kataga:

Tapatan lang, Lucio. Okey naman sa ‘min kung kumita ka man nang mas malaki kesa sa ‘min. Gawin mo lang sanang parehas sa pamamagitan ng pagsasabi sa ‘min. E, hindi. Para tuloy lumalabas na niloloko mo kami, di ba?

Kung pareho lang ng sa iba ang trato mo sa ‘min, Lucio…buti na ‘yong sa iba na lang kami magtrabaho. Di na lang ga’nong masakit sa loob.

Puwede mo ‘kong utusan, Lucio. Ayos ‘yun! Pero iba nang usapan pag bumubulyaw ka na! Puwede kong matiis kung iba…pero ikaw, Lucio? Kung ako kayang sumigaw sa ‘yo, Lucio?

Bakit naman ganito lang, Lucio? Di naman siguro paurong ang trabaho ko!

Ang mga iyon ay hinalakhakan lamang niya: Ako’ng tatakutin ng mga ugok! Sige, magsilayas kayo!

Si Andoy nga ang kahuli-hulihang lumisan. Ang hangal na si Andoy na istik sa kanya. Kahit saan niya isabak, sabak. Kahit gaano na lang ang ipagkaloob niya, tanggap kaagad nang wala nang ano mang kuskos-balungos. Hindi, hindi lumisan si Andoy. Hindi nga ba’t ayaw pang umalis ni Andoy?
“Mahiga ka na, Oy,” pinukaw siya ng tinig ni Chayong. “Pati mga bata, nag-aaalala sa ’yo kangina.”

Napaunat siya. Ang dila sa utak niya ay muling humaplit: Alang-alang man sa ‘king pamilya, Lucio?

“Oy, ano ba’ng talagang nangyayari sa ‘yo?” Bakas-luha na ang tinig ni Chayong.

“H-h’wag mo ‘kong pansinin, Chayong. Sige, matulog ka na.”

NAHIGA na rin siya nang mkatulog na si Chayong. Pinatay niya ang ilaw at pinilit na makatulog.

May mga mata ang karimlan. Nakatitig sa kanya nang walang kurap. Nakatitig sa kanya nang may hinakdal at hinanakit. Nakatitig sa kanya nang nanunumbat at nang-uusig. Nakatitig sa kanya at hinuhubdan siya ng titig na iyon. A, katulad iyon ng mga mata ni Andoy. Katulad ng mga mata ng iba pang dating mga kasamahan niya na nangaunang nasilisan kay Andoy. Hinuhubdan siya ng mga matang iyon. Ang karimlan ay sakbibi ng isanlibu’t isang mga matang walang kurap na nakatitig sa kanya, at hinuhubdan siya!

Huwad ka, Lucio, at ang karimlan ay may tinig pa rin. Masdan mo ang sarili mo. Ang kabuuan mo’y siya pa ring kabuuang kaurali ng araw. Hindi maikukubli iyon ng pinakamamaganda mang damit na iyong isuot. Ang lahat ay magiging katawa-tawang kalabisan lamang. Tulad ng iyong salaming may-kulay. Tulad ng iyong pustisong ngiping may buong mga ginto, gayunma’y nagluluwal ng huwad na ngiti. Laging huwad, Lucio, ang lahat ng bagay na kasalungat ng magagandang damdamin! Hindi mo kailan man matatalikuran ang iyong daigdig. Hindi mo kailan man matatakasan ang mga nilikhang iyong kauri. Ang bawa’t pagtatangka’y mangangahulugan lamang ng isang maskara, isang maskara ng pagbabalatkayo; ng isang hakbang sa pagkitil sa sarili.

Huwad ka, Lucio. Huwad! Huwad! Huwad!

At ang karimlan ay nangutya sa pamamagitan ng isanlibu’t isang mga mata nito. At humahalakhak sa pamamagitan ng angking tinig nito. Lucio, paano mo mabubuhay ang sarili sa pamamagitan ng pagtungga sa sariling dugo?

Pagulantang na napabalikwas siya. Hingal at pawisan. A, wari ay sinasakal siya ng karimlan!

“Oy?” si Chayong man ay napukaw sa pagkakatulog. “Oy, bakit ba?” ang mga palad ni Chayong ay humagod sa mukha niya, sa dibdib niya, sa likod niya.

“C-Chayong!” hindi na niya napigilan ang sarili at napayakap nang mahigpit sa asawa at napanangis. “M-may…may sakit si Andoy, Chayong…a-ayokong mamatay s’ya!”

Si Chayong, ang asawa niya, ay natanga sa kanya sa karimlan.

“I-ipagagamot natin si Andoy, ha, Chayong? B-bukas na bukas din ay ipagagamot natin s’ya!”

Sa karimlan, kumislap ang luha sa mga mata ni Chayong. “Di… di ba…s-sinabi ko na nga sa ‘yo nang…nang minsang mabanggit mong tila nga may sakit si Andoy?”

Lalong humigpit ang pagkakayakap niya kay Chayong, ang babaing kapilas ng kanyang dibdib. “T-tulungan mo ‘kong makabalik sa ‘king sarili, Chayong!”