HANDOG SA KASAL

Inilinga ni Eliza ang mga paningin niya sa loob ng silid, subali’t si Naty, ang ina ng batang umiiyak, ay hindi natagpuan…

Ni ANACLETO L. BUSTAMANTE

PINUKAW si Elisa ng iyak ng bata sa loob ng silid. Napilitan siyang magbangon sapagka’t mahaba nang sandali ang nakalipas ay hindi pa nagtitigil sa pagtili ang batang kung wariin niya’y tila may karamdaman.

Buhat sa sariling silid ay lumabas ang dalaga at tinungo ang kabilang silid na kinaroroonan ng batang umiiyak. Tumambad sa kanyang paningin ang kawawang anyo ng nilikhang walang malay, na para bang humihingi ng habag. Inilinga ni Elisa ang mga tingin niya sa loob ng silid, subalit si Naty, ang ina ng batang iyon ay hindi natagpuan.

“Saan kaya nagpunta si Naty?” Naitanong sa sarili habang binubuhat ang batang umiiyak. “Hindi… tahan na…”

Nang makaramdam ng init ng katawan. Ang bata’y huminto sa pag-iyak. Itinitig ang maliliit na mata sa mukha ni Elisa at mandin ay nais kilalanin kung sino ang nilalang na naglawit ng awa at habag sa kanyang pag-iisa sa loob ng silid na iyon.

Nang naghahanap ng lampin si Elisa upang itakip sa katawan ng batang tila nanlalamig, sa sahig ay isang liham ang kanyang nakita. Nakilala agad na ang mga titik niyon ay kay Naty. Binasa niya ang nilalaman:

Elisa,

Napansin kung panay ang pagdating ng mga regalo sa iyo. Tanging ako lamang, na siya pa namang maituturing mong pinakamatalik na kaibigan ang hindi nakapagbigay ng anumang handog. Ito’y malabis kong dinaramdam, subali’t upang mabatid mong lubusan, na ikaw ang siyang pinakamalapit sa aking puso ay minabuti kong ihandog sa araw ng iyong kasal ang aking anak na higit na minamahal ko kaysa aking sariling buhay.

Elisa, sa iyong piling ay pinagkakatiwala ko si Baby, ang aking bunso, sapagka’t inaakala kong hindi mo siya pababayaan. Natitiyak kong siya’y aariin mong tunay na anak. Alam mong ako’y maralita. Kundi kikilos at magpapatulo ng pawis ay hindi kakain. Nguni’t paano ako maaaring kumilos at magpatulo ng sariling pawis kung may anak na alalahanin? Paano ako makaalis ng bahay kung walang kasama si Baby ko?

Nagtatapat ako ngayon sa iyo, na ang mga sinabi ko nuong una ay pawang kabulaan. Hindi totoong ang ama ni Baby ko ay nasa malayo at naghahanapbuhau. Hindi rin totoong ako’y may-asawa na. Ang katotohanan, ako’y isang sawi sa pag-ibig. Sumilang ang aking anak nang walang amang matatawag. Dahil dito ay minabuti kong magbabagong-buhay. Iiwan ko sa pag-aaruga mo si Baby at si sisikapin kong pag-aralan ang makipagsapalaran sa buhay. Ito na lamang at ipagpaumanhin mo sa akin ang pag-alis nang walang paalam. 

            Ang iyong kaibigan,

NATY

Napabuntong-hininga si Elisa matapos basahin ang liham ni Naty. Hindi sinasadya ay dalawang butil na luha ang gumiti sa kanyang mga mata. Nahabag sa mapait na kapalarang inabot ng kaibigan.

“Diyata’t si Naty ay walang asawa? Diyata’t sawi siya sa pag-ibig?” naitanong sa sarili sa gitna ng pagmumuni-muni.

Nang muling umiyak ang bata ay minarapat ni Elisang ipaghanda ng gatas na masususo. Bagaman walang karanasan sa gayong gawain ay pinagpilitang gawin, sa tulong ng ilang kasama sa bahay, sapagka’t nalalaman niyang gutom na gutom na ang walang malay na sanggol. Siya ang nagtiyagang magpasuso sa bote alang-alang man lamang sa kahilingan ng ina, na iyo’y huwag niyang pababayaan.

Nagunita niya ang naging buhay nilang dalawa.

Magkaibang-makaiba ang kapalaran nila ni Naty. Siya’y nakatagpo ng isang mabait at masunuring binata, si Cesar, na nakahandang maghatid sa kanya sa harap ng dambana, samantalang ang kanyang kaibigan ay nakatagpo naman ng isang lalaking walang puso, na pagkatapos makamtan ang lahat ay hindi natutong magbigay ng pangalan sa banal na supling ng pag-ibig na makasalanan.

Sina Naty at Elisa ay magkababata. Sa iisang nayon sa lalawigan sila isinilang. Nagkasama sa mababang paaralan. Parang tunay na magkapatid kung sila’y magturingan. Magkapanunod halos nang sila’y batiin ng maayang kapanahunan sa pagka-dalaga.

Subali’t ang kanilang pagsasama ay nilambungan ng malungkot na pagkakahiwalay. Napilitang manirahan si Naty sa Maynila. May pinasukang hanapbuhay. Naiwan sa lalawigan si Elisa sapagka’t hindi naman niya kailangan ang magtrabaho. Mabuti ang kanilang buhay kay sa kina Naty.

“Susulatan mo akong madalas, hane?” wika pa ni Elisa bago lumisan si
Naty.

“Oo, Elisa!” Pangako naman niyon at hinagkan ang magkabilang pisngi ng kaibigang uulilahin.

Buhat na nga noon ay nagkalayo na sila. Sa simula ay panay ang padalahan nila ng sulat, nguni’t nang lumaon ay nandalang nang nandalang. Marahil ay sa karamihan ng gawain ni Naty. Kaipala ay hindi naasikaso ni Elisa. Subali’t sa kani-kanilang damdamin ay hindi naglalaho ang pag-aalala sa isa’t isa. Bagaman bihira na silang maglihaman, ang pangalang Naty ay hindi nakakalimutan ni Elisa at ang pangalang Elisa ay hindi nakakalimutan ni Naty.

Pagkalipas pa ng maraming pasikat at paglubog ng araw, sa buhay ni Elisa ay bumati ang kapalarang hindi inaasahan. Isang makisig na binatang taga-lunsod ang kanyang nakilala. Iyo’y dili iba’t si Cesar. Dahil sa kagandahang lalaki nito at sanhi pa rin sa kabaitan at pagkamasunurin ay madaling nagkapitak sa kanyang puso. Ang nakapapanaghili nilang pagkikilala ay nagwakas sa matamis na pag-iibigan.

“Kailan tayo pakakasal, Elisa?” minsan ay naitanong ng binata.

“Wala sa akin ang bagay na iyan,” malambing na pakli ng dalaga, “kung nais mong matupad agad ang ating pangarap ay may mga magulang akong dapat mong kausapin.“

Kinausap nga ni Cesar ang ama at ina ni Elisa. Pinanuyuan. Pinaglingkuran. Sa kabutihang palad naman ay hindi siya nabigo. Natamo niya ang pagsang-ayon ng matatanda. Itinakda ang araw ng kanilang kasal. Malayo pa’y naghanda na si Cesar. Nagtipon ng salaping magugugol, palibhasa ay mabuti naman ang kanyang hanapbuhay at malaki ang sinasahod bilang ahente ng isang kilala at tanyag na bahay-kalakal sa Maynila.

Dalawang linggo bago dumating ang pinakahihintay na araw ay naisipan ni Elisang sulatan si Naty. Ibinalita ang nalalapit niyang pakikipag-isang dibdib, kalakip ang mapilit na pag-aanyaya.

Anang isang bahagi ng liham ni Elisa kay Naty:

Nais kong masaksihan mo ang pagharap ko sa dambana. Ibig kong katabi kita sa sandali nang pinakamaligayang araw ng aking buhay… Masipag at ipagkakapuri mo ang magiging asawa ko. Pagdating mo na rito saka ko siya ipakikilala sa iyo.

Nang tatatlong araw na lamang ang nalalabi at idaraos na ang maringal na kasal, si Naty ay dumatal. Subali’t gayon na lamang ang pagtataka ni Elisa nang makitang may kalong na sanggol.

“Anak mo na ba, iyan?” nananabik na tanong ni Elisa sa kaibigan.

“Oo,” masayang pakli naman ni Naty.

“Bakit hindi mo man lamang ako kinumbida nang ikaw ay ikasal?” pagtatampo wari ni Elisa.

“Biglang-bigla ang nangyari. Susulatan nga sana kita ay nawalan na ako ng panahon. Pasensiya na, hane?”

“Nguni’t bakit hindi mo kasama ang asawa mo?”

“E, paano ko bang maisasama, nasa malayong lalawigan at naghahanapbuhay!” makatuwid ng tinanong. “Kung hihintayin ko pang dumating ay hindi marahil ako makadadalo sa araw ng iyong kasal. Kaya’t kahi’t hindi niya nalalaman ay pinangahasan ko nang umalis. Pareho rin iyon, pagdating na niya ay saka ko sasabihin ang lahat.”

Inilinga ni Eliza ang mga paningin niya sa loob ng silid, subali’t si Naty, ang ina ng batang umiiyak, ay hindi natagpuan…



Inihatid ni Elisa si Naty sa isang silid. Pinagsabihang magpalit ng damit upang makapagpahinga naman dahil sa pagod na tinamo sa malayong paglalakbay.

Sa buong maghapong iyon ay napansin ni Naty ang pagdatal ng iba-ibang handog kay Elisa ng mga kaibigan, kakilala at kamag-anak. Hindi naman matigil ang ibang mga kasama sa bahay, laluna ang mga magulang ng dalagang ikakasal, dahil sa paghahanda ng mga kailangan.

“Elisa,” wika ni Naty nang sila’y magkasarilinan, “tanging ako lamang ang dumating na walang handog sa iyo!”

“Maano iyon? Basta’t ikaw ay nakarating dito,” matamis na sagot naman ni Elisa.

“Maalaala ko pala,” hadlang ni Naty sa pangungusap ng kaibigan, “sino ba ang mapalad na magiging asawa mo?”

“Siya nga pala,” pakli ng tinanong, “ngunit sabihin ko man sa iyo ay hindi mo makikilala. Ang matitiyak ko sa iyo ay hindi natin ikahihiya. Maganda rin namang lalaki!”

“Totoo?”

“Oo.” At tumindig si Elisa. Tinungo ang kanyang album at ipinagparangalan ang larawan ng lalaking makakaisang palad, “Eto, tingnan mo kundi magandang lalaki!”

Minasdan ni Naty ang larawang tinukoy ng kaibigan. Subali’t sa unang pagkamasid pa lamang ay parang sinaksak na ang kanyang puso. Kamuntik na siyang mapasigaw. Salamat at napaglabanan ang kabiglaanang iyon, na labis na nagpatahip sa kanyang dibdib.

“Ano ang pangalan?” naitanong na lamang niya kay Elisa. “Taga-saan siya?”

“Cesar Medinilla! Taga-Maynila siya! Kilala mo ba?”

“Hindi…” lumunok ng laway si Naty sapagka’t kaunti nang hindi lumabas sa kanyang bibig ang katagang iyon, na kahahalataan ng pagkakaila. “Kailan siya darating dito?”

“Marahil ay bukas,” tugon ni Elisa at tumanaw sa malayo. “Dala na ang aking damit pangkasal!”

Kaya lamang sila nagkahiwalay sa pag-uusap ay nang marinig ni Naty ang iyak ng kanyang anak sa loob ng silid.

Kinagabihan, samantalang ang lahat ay tahimik na sa tahanang iyon upang minsan pang pakandong sa sutlang dibdib ng lumatag na karimlan, si Naty ay hindi mapalagay sa kanyang himlayan. Ang mga mata ay hindi mapikit. Ayaw siyang dalawin ng antok. Sa halip, sa mga pisngi’y malimit gumawa ng liku-likong landas ang mapapait na luhang dugo ng kanyang pusong naluluray sa hinagpis. Diyata’t si Cesar, ang lalaking nanlinlang sa kanya, ang magiging asawa ni Elisa? Diyata’t si Cesar, ang ama ng kanyang anak, ang maghahatid sa kanyang kaibigan sa dambana ng Diyos?

Ibig-ibig na niyang lumabas sa silid at ipagtapat ang lahat kay Elisa, nguni’t pinigil ng masaklap na alalahanin sa buhay. Bakit kaya pipilitin ang isang lalaking umiiwas at lumalayo na? Ano ang mangyayari sa kanyang kaibigan kung sakali’t hindi matuloy ang kasal?

Laban man sa damdamin ay minabuti na ni Naty ang magtikom ng bibig. Sarilinin ang kasaliwaang-palad sapagka’t sa palagay niya’y naroroon lamang ang kanyang katahimikan at kaligayahan naman ni Elisa. Nang umiyak si Baby, ang kanyang anak, ay nabuo sa isipan ang isang balak. Yayamang ang kanyang bunso ay talagang wala nang amang matuturingan ay minabuting iwan na sa kandili ni Elisa, una’y ang ama niyon ay walang iba kundi si Cesar at ikalawa’y natitiyak niyang hindi pababayaan ng kanyang kaibigan. Kaya’t noon din ay gumawa ng isang mahabang liham…

Kinaumagahan, si Elisa ay ginising ng walang lubay na iyak ng bata. Nang pasukin sa silid at pagkaraang patahanin iyon ay natagpuan nga ang kalatas na iniwan ni Naty, na mandin ay basa pa sa luha.

Dakong tanghali na nang dumating si Cesar buhat sa Maynila. Taglay ang isang malaking kahong kinapapalooban ng damit-pangkasal ni Elisa. Kaagad napuna ng binata ang tila pagiging ina kaagad ng kanyang makakaisang-puso sapagka’t inabutan niyang hawak ni Elisa si Baby at kasalukuyang pinasususo a bote.

“Kanino anak iyan?” tanong na nagugulumihanan ni Cesar.

“Anak ko!” pagbibiro naman ng tinanong.

“Ano?”

“Anak natin?” ulit na biro ni Elisa at pinamilaylay sa labi ang matamis na ngiti. “Ayaw mo bang ikaw ay magkaanak agad?”

At isinalaysay ni Elisa ang lahat ng mga pangyayari. Ipinabasa kay Cesar ang liham na iniwan ng kanyang kaibigan.

“Naty!…” Nabigkas ng binata nang wala sa loob matapos tunghayan ang liham. “Sinong Naty?”

“Ang kaibigan kong inanyayahan. Umalis na. Kilala mo ba siya?”

Hindi nakasagot si Cesar. Napaupo sa likmuan at minasdan ang maamong mukha ni Baby. Matapos masinag ang larawan ng babaing nilinlang at pinaasa niya ay hindi na naikubli ang panghihilakbot. Para siyang inusig ng sariling budhi. Nang hindi na makatiis ay hinawakan si Elisa sa kamay.

“Elisa, ito’y aking anak!”

“Anak mo?”

Nagtapat siya. Alam niyang walang ibang Naty kundi iyon. Hindi mamakailang nasabi sa kanya noong araw.

Kamuntik nang mabitawan ni Elisa ang bata. Nguni’t nang magunita ang kahabag-habag na kalagayan ng kaibigang lumisan nang hindi man lamang nagtapat dahil sa katotohanang ayaw nang hadlangan ang maligayang kasal, ay nagbuka ng bibig. Nagtaas ng noo at tumalaga sa masaklap na kapalaran.

“Cesar,” wika niya, “hindi tayo maaaring maging maligaya at matahimik kung may pusong lumuluha at nagdurusa! Kung talagang iniibig mo ako ay sundin mo ang aking huling kahilingan. Limutin mo ako at kay Naty ka pakasal. Bigyan mo ng pangalan ang anak mong,” hindi pa halos natatapos ang pangungusap ni Elisa ay inilapag na sa kandungan ng binata ang batang taglay niya. Hinugot sa nagsisikip na dibdib ang isang mahabang buntonghininga bago magpatuloy sa pagsasalita. “Huwag kang mag-aalaala sa akin, gayundin sa aking mga magulang. Ako na ang magpapaliwanag sa kanila.”

“Subali’t… Elisa!”

“Cesar,” agaw ng dalagang lumuluha, “para ka nang nakasal sa akin kapag pinakasalan mo si Naty. Kami’y iisa, kaya’t para mo nang awa, hahanapin natin siya ngayon. Sa kanya mo ihandog ang damit-pangkasal na binili mo bilang ganti sa paghahandog niya ng kanyang anak sa akin. Nariyan ang aking tunay na kaligayahan!

Sumang-ayon si Cesar sa huling kahilingan ni Elisa. Lumuwas sila sa Maynila, taglay si Baby at ang damit-pangkasal. Hinanap nila si Naty. Hindi naman sila nakagugol ng maraming panahon sapagka’t alam ni Elisa ang direksiyong patutunguhan.

Parang mga batang musmos na nag-iyakan ang magkaibigan. Nagyakap nang mahigpit sa harap ng lalaking kapuwa nila iniibig.

“Naty,” wika ni Elisa, “Kung ang bagay na inihandog mo sa akin ay mahal mo nang higit sa iyong buhay, ang bagay na ihahandog ko sa iyo ay mahal ko nang higit sa aking buhay. Narito si Cesar, ang ama ng iyong anak, at narito ang rin ang damit-pangkasal. Higit sa lahat ay ikaw ang dapat magsuot nito, hindi ako!”

“Elisa, napakabuti mo, nguni’t…” lumuluhang tugon ni Naty, “nasa iyo ang kaligayahan ni Cesar.”

“Hindi, Naty, kailan man ay hindi siya liligaya sa piling ko kung ikaw ay nagdurusa.” Binalingan pagkatapos ni Elisa si Cesar, “Hindi ba totoo?”

“Naty,” katlo naman ng binata, “patawarin mo ako!…”

Sa harap ng isang alagad ng Diyos sa Maynila, sina Cesar at Naty ay pinag-isang-dibdib. Matamis sa kalooban at walang anumang sama ng loob na sinaksihan ni Elisa ang pagtatali ng mga puso ng dalawang kaluluwang ang suliranin ay nalutas dahil sa sanggol na handog ni Naty kay Elisa at dahil din sa damit-pangkasal na handog ni Elisa kay Naty.