Ni Celso Al. Carunungan
SA Honolulu, ay isang babaing Amerikana, kaakbay ang kanyang anak na batang lalaki, ang sumakay sa eroplanong sinasakyan ko patungong Amerika. Siya’y matangkad, patpatin, at ang mga buhok niya’y may kulay tsokolate. Malalaki ang kanyang mga mata, at ang mga ito’y laging kumukurap na tila baga siya’y may puwing. Makakapal ang kilay niya at ang kanyang mga pisngi’y maputla, tulad ng kanyang mga labi.
Dahil sa masikip ang eroplano noon, sila’y magkahiwalay na naupo. Ang batang lalaki’y sa tabi ko lumagay, habang ang ina’y sa pakabila namin umupo. Ang bata’y patpatin din, at ang pisngi niya’y puno ng pekas. Ang buhok niya’y maingat na sinuklay at ang mga mata’y kasinlaki ng sa kanyang ina.
Ang bata’y tumingin sa akin pagkaupong-pagkaupo niya. Siya’y ngumiti.
—Ikaw ba’y Insik? — tanong niya.
—Hindi, — sagot ko. —Ako’y Pilipino.
—Ako’y si Danny, — sambot niya na nakangiti pa rin.
—Kumusta ka, Danny? — wika ko, sabay ang ngiti.
—Mabuti naman, — sagot niya. —Nag-iisa ka ba?
—Oo. Nag-iisa ako buhat pa sa Maynila.
—Matapang ka, — wika ni Danny. —Akala ko’y mag-iisa rin ako. Subali’t sabi ng aking Mama’y hindi raw ako maaaring walang kasama, dahil ako’y sampung taong gulang lamang. Kaya, hayun siya.
Itinuro ni Danny sa kinauupuan ang kanyang ina.
—Saan ang punta mo? — tanong ko. Ako noon ay may labing-apat na taon na, subali’t hindi ako matangkad, kaya’t halos magkasinlaki lamang kami ni Danny.
—Sa Hollywood, — sagot niya.
—Artista ka ba? — tanong ko, habang siya’y mataman kong pinagmamasdan.
—Hindi, — agad niyang sagot. —Doon nakatira ang aking ama. Siya’y isang manunulat.
—Mapalad ka, —wika ko, na nakatingin pa rin sa kanya. —Siguro’y masarap ang buhay sa Hollywood.
—Ewan ko lamang, — sagot niya. Ang tinig niya’y nagbago. —Alam mo, ako’y may bagong ina ngayon.
—Ano?
—Ang Mama, yaong babae sa kabila natin, at ang aking Papa ay nagkahiwalay noong isang taon, — marahang wika ni Danny. —Sa aking Mama ako naiwan. Noong isang buwan ay muling nag-asawa ang aking Papa.
Nangulimlim ang mukha ng batang Amerikano.
—Bakit ka babalik pa sa iyong ama?
—Dahil sa utos ng hukom na ako raw ay dadalaw sa aking ama paminsan-minsan.
—Ano naman ang sinabi ng iyong Mama?
—Amin daw igagalang ang utos ng hukom. — Sandali siyang tumahimik, habang pinipilit niyang pamulasin ang isang buntunghininga. Pagkatapos ay nagwika siyang muli. —Ako’y dadalhin ng Mama ko sa San Francisco. Doon kami sasalubungin ng aking Papa.
Kami’y ilang sandaling hindi nag-uusap. Si Danny ay sa kanyang ina tumingin. Ang babae’y kasalukuyang nag-aayos ng kanyang buhok sa harap ng isang napakaliit na salaming pangkamay.
—Kaawa-awa naman si Mama, — naririnig ko na lamang na wika ni Danny. — Gulung-gulo siya sa aming paglakad. Ako’y maingat niyang binihisan kaya’t nakalimutan na niyang ayusin ang kanyang sarili.
Hindi ako sumagot. Kinalabit ako ni Danny.
—Ikaw ba’y may ina pa? — tanong niya.
—Oo, — sagot ko. —Siya’y nasa Pilipinas.
—Kasing-ganda ba siya ng aking Mama?
—Oo, — sagot ko, kahi’t na alam kong ang aking ina’y higit na maganda kaysa sa kanyang Mama.
—Tingnan mo si Mama, — wika ni Danny. —Naglalagay na naman siya ng make-up.
Bumaling ako sa kanyang ina. Naglalagay siya ng kolorete sa kanyang mga pisngi. Habang pinipintahan niya ang kanyang mga labi, ay sumigaw si Danny. —Hey, Mama! Ipinakikilala ko sa ‘yo ang aking bagong kaibigan. Siya’y taga-Pilipinas.
Lumingon sa amin ang babae. Mariin niyang ipinaglapat ang kanyang mga labi, pagkatapos ay ngumiti siya.
—Kumusta ka? — wika niya habang ipinapasok ang maliit na salamin sa kanyang handbag.
—Mabuti po naman, — sagot ko.
—Anon’ng ginagawa mo, mama? —tanong ni Danny.
—Ano pa? E, di nagpapaganda, — at ilang ulit na kumurap.
Bumaling si Danny sa akin. Tumawa siya nang malakas, na tila ang sinabi ng kanyang ina’y lubhang katawa-tawa. Muli naming narinig ang tinig ng kanyang ina.
—O, ano’ng hitsura ko ngayon, Danny? — habang inilalagay niya ang suklay sa kanyang “handbag.”
—Walang nangyari sa pagpapaganda mo, Mama, — at si Danny ay tumawa na naman nang malakas. Kinalabit niya akong muli. —Sabihin mo sa kanyang walang nangyari. Sayang lamang ang “make-up” niya. Katunaya’y walang nangyari. Dahil sa siya’y maganda ring katulad ng dati. Hindi ba? Hindi ba…? Ano nga pala ang pangalan mo?
—Crispin, — agad kong sagot.
—Crispin, hindi ba tunay na maganda ang aking Mama?
Muling sumigaw ang babae. —Talagang pilyo ka. — At kumurap na naman siya.
Hindi ko malaman kong ano ang aking gagawin. Maliwanag na naiintindihan ko ang bawa’t kataga nila. Subali’t hindi hindi ko tiyak ang tunay na ibig sabihin ng mga yaon sa kanila. At ang isa pa, tila baga sila’y totoong naaaliw ang kanilang mga sinasabi.
Ngayong makita ni Danny ang bagong asawa ng kanyang Papa, maliwanag na sa isip niya kung sino ang lalong magandang ina.

Tinapik ko si Danny sa balikat, at tinanong ko kung nais niyang sila’y magkalapit ng kanyang ina.
—Salamat, “Buddy”, —tugon niya.
Ako’y tumindig, at tinawag ni Danny ang kanyang ina upang kami’y magpalit ng upuan. Ang babae’y tuwang-tuwang nagpasalamat sa akin. Ilang saglit lamang at isinandig ni Danny ang kanyang ulo sa balikat ng kanyang ina. Ang mukha ng babae’y hindi na maputla, subali’t siya’y hindi pa rin maganda sa akin.
Si Danny ay nakatulog. Ako man ay inantok na rin. Habang ako’y nag-aagaw-tulog, ay narinig ko buhat sa “loudspeaker” na kami raw ay malapit na sa San Francisco. Muli akong dumilat, at buong pananabik kong hinintay ang pagbaba namin. Nakalimutan ko si Danny at ang kanyang ina.
Nang kami’y papalabas na sa eroplano, ay kinalabit na naman ako ni Danny. “Bababa ka ba rito?” tanong niya.
—Oo, — sagot ko.
—Sabay na tayo, ha?
Tumango ako. —Sige.
Kumapit si Danny sa kanyang ina. —Mama, ang… ang bagong asawa ng Papa… siya ba’y nandito rin?
—Oo, anak, — wika ng ina. —Sa tingin ko kasama siya ng iyong ama.
—Higit ko pang nais na sa iyo ako sumama, Mama. — Napakalungkot ng tinig ni Danny.
—Huwag kang mag-alaala, — mahinahong wika ng ina. —Hindi magtatagal at makakasama na naman tayong muli. Isa pa, ang iyong ama’y isang mabuting tao. Matutuwa siyang makasama ka ng ilang araw.
—Hindi ako nag-aalala sa kanya, — tugon ni Danny. —Ang iniisip ko’y yaong bagong…
—Sabi ng ama mo’y mabait daw siya, — agaw ng ina. —Isa raw siyang kaakit-akit na babae.
—Higit pa ba sa ‘yo?
—Higit pa, anak.
—Hindi ako naniniwala, — pailing na wika ni Danny.
Marahang kinurot ng ina sa pisngi ni Danny. —Talagang pilyo ka,— buong tamis na wika ng babae.
Nang kami’y nakalabas na sa eroplano, ay hinila ako ni Danny. —Halika, — wika niya. —Sumabay ka sa amin.
Muli akong tumango.
Napakalamig sa “airport,” kaya’t ako’y nangaligkig sa ginaw. Mahigpit ang pagkakapit ni Danny sa kanyang ina na tila ayaw niya itong pakawalan. Patakbo akong nagtungo sa loob ng “terminal.”
Ang malaking “terminal” ay punung-puno ng mga tao.
Ang “loudspeaker” ay napakaingay. Habang hinihintay ko ang aking mga bagahe, ay nauupo ako sa isang mahabang bangko. Si Danny ay katabi ko pa rin. Siya’y umupo rin sa bangko, habang ang kanyang ina’y patanaw-tanaw sa aming paligid. Hinahanap niya marahil ang ama ni Danny.
Bigla na lamang nagbago ang anyo ng mukha ng ina ni Danny. “Narito na sila,” paanas na wika niya.
Ang mga mata ng babae’y biglang nanlisik. Ang mga labi niya’y nangatal. —Danny, — muli niyang wika.
—Halika, anak. Narito na sila.
Dahan-dahang lumapit ang ama ni Danny sa amin. Siya’y isang matangkad na lalaki at napakakisig sa kanyang bihis. Habang siya’y papalapit ay humigpit naman ang kapit ni Danny sa kanyang ina.
Nakita ko rin ang babaing kasama ng ama ni Danny. Siya’y napakaganda. Tila baga siya’y isang artista sa sine. Ilang saglit kong pinigil ang aking paghinga, pagka’t hindi pa ako nakakita ng ganitong kagandahan, maliban na lamang sa mga anunsiyo ng mga sine at sabon sa mga pahayagan.
—Kumusta ka, Danny? — bati ng kanyang ama. Ang marikit na babae’y buong gandang ngumiti kay Danny. Subali’t ang mukha ni Danny ay nakatungo; mahigpit pa rin ang kapit niya sa braso ng kanyang ina.
—Sumagot ka, Danny, — wika ng kanyang ina. —Sumagot ka sa iyong ama.
Tumingala si Danny. —Ako po’y mabuti naman, — sagot niya. —Opo, mabuti naman ako.
—At ikaw naman, Mary? — tanong ng lalaki sa ina ni Danny. Ang tinig niya’y mababa at masarap pakinggan. —Kumusta ka?
—Mabuti rin naman, — tugon ng babae. —Pagod lamang kami sa biyahe.
—Marahil nga, — wika ng lalaki. Pagkatapos ay bumaling siya kay Danny. —O, Danny, handa ka na ba?
—Sige na, Danny, — wika ng ina.
—Ayoko! — mariing sagot ni Danny.
—Sige na, anak, — marahang wika ng kanyang ina. Inalis ni Danny ang pagkakahawak niya sa braso ng kanyang ina, habang ang babae naman ay lumuhod upang halikan ang bata. Sila’y matagal na nagyapos, at nang muling tumindig ang ina, ang mga mata niya’y basang-basa ng luha.
—Sige na, anak, — wika ng ina. —Sumama ka na sa kanila.
—Opo, Mama, — pahikbing wika ni Danny. —Opo…
— ‘Yan ang mabuting bata, — masayang wika ng ama ni Danny.
Pinahid ng ina ni Danny ang luha ng bata; at siya’y nagpahid din ng kanyang sariling luha. Pagkatapos, ay humarap siya sa ama ni Danny. Ikaw naman, George, Kumusta ka?
—Pareho rin, Mary, — tugon ng lalaki. —Siya nga pala, ipinakikilala ko sa iyo si Vera.
—Hello! — wika ng ina ni Danny.
—Hi! — tugon naman ni Vera.
Pagkatapos ay iniabot ng ina ni Danny ang kanilang maleta, at ang babae’y marahan nang nagtungo sa pintuan ng terminal.
Habang ako’y matahimik na nakaupo sa aking bangko, ay biglang narinig ko na lamang ang sigaw ni Danny. —Mama! Mama! Huwag mo akong iwan!
Lumingon ang ina ni Danny, at ang bata’y padaluhong na lumapit sa kanya. —Mama! Mama! — paiyak na wika ni Danny. —Siya’y… siya’y hindi kasingganda mo!
Buong higpit na yumakap ang ina kay Danny, at nang siya’y muling tumindig, ay pinilit niyang ngumiti sa anak. —Danny, talagang pilyo ka.
—Tunay, Mama. Tunay ang sinabi ko. —Tumingin sa akin si Danny. At nang magkatama ang aming tingin, ay sumigaw siya. —Hindi ba, Crispin? Hindi ba?
Nangingilid na rin ang mga luha sa aking mata, subali’t pinilit ko pa ring sumagot. —Oo, Danny. Tama ka nga.
—Sige na, Danny, —wika ng kanyang ina. —Sumama ka na. Naghihintay sila sa ‘yo.
Pagkatapos ay hinalikan niya ang bata nang ilang ulit, at marahan niya itong itinulak. —Sige na, anak.
Ang babae’y nagtungo na naman sa pintuan ng terminal, habang si Danny ay unti-unting lumalakad patungo sa kanyang ama. Ang mukha ni Vera’y nag-ibang bigla para sa akin. Maliwanag na makikita ang pagkasuya niya sa mga pangyayari.
Nakalimutan ko ang lahat ng tao sa aking tabi. Hindi ko na rin pinansin ang maiingay na loudspeaker sa terminal. Pinahid ko ang luhang pumatak sa aking mga pisngi. —At naalala ko ang sinabi ni Danny. Tama nga siya. Ang kanyang ina ay tunay na napakagandang babae.