NI DOMINGO G. VARGAS
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 7, 1960)
KUNG ilang tugtog na ang kanyang nasayawan at lumalalim na ang gabi, datapuwa’t hindi pa nakikita ni Lilian si Oscar. Sa tuwing liliwanag ang ilaw-dagitab ay wala siyang nililinga-linga sa bawa’t sulok ng mga kalalakihan kundi si Oscar. Sa lipumpon ng mga kalalakihang iyon ay madali niyang makikilala si Oscar. Alam ni Lilian na hindi magkakanlong sa dilim si Oscar kung naroroon din lamang.
Napapailing si Lilian at nais niyang pagtawanan ang sarili at itaboy ang pag-asam na kagabi pa nabubuo sa kanyang dibdib. Bakit niya pananabikan si Oscar? Nais nang ipagdumiinan ngayon sa sarili. At bakit makikipagkita pa sa kanya si Oscar? Natuklasan na nito kung ano siya. At, kaipala, nagbibiro lamang si Oscar…tulad ng iba…
Ang tila panlulupaypay ng kanyang damdamin ay sinamantala ng kanyang kasayaw. Hinapit siya nito. Dumikit ang kanyang dibdib sa dibdib ng lalaki. Sumayad sa kanyang pilipisan ang pisngi niyon. Nakaramdam si Lilian ng pag-iinit ng katawan sa nadarama niyang malakas na pitlag ng dibdib ng kasayaw. Marahan nguni’t may pagtutol ang tulak na kanyang isinukli. Nagpupumilit ang lalaki. Matatag naman ang kanyang hadlang…bagama’t may ngiti sa kanyang mga labi. Nagpapakita siya ng giliw kahit nagtutumutol ang kanyang puso!
Ngumisi ang lalaki. Nalantad ang malalaking ngipin niyon sa harapan. Makunat ang laman ng mukha. Namimintog ang mga kalamnan sa bisig. Hindi maayos ang pananamit.
Naiisip ni Lilian: Baguhan sa lugar na ito ang isang tao. Ngayon lamang niya ito nakita at hindi niya nagugustuhan ang mukha.
—Miss, maa’ri bang makilala kayo? —tanong ng lalaki sa garil na pananagalog.
Bumuntunghininga si Lilian at pilit na ngumiti. —A, e…
—Maa’ri? — pilit ng lalaki.
Hindi kumibo si Lilian. Bumitiw siya nang huminto ang tugtog. Inihatid siya sa upuan.
—Sa susunod, Miss, —bulong ng lalaki. Humakbang lamang iyon nang mga ilang dipa sa kinauupuan ni Lilian.
Sa loob ng mga saglit na iyon na siya’y nakaupo na at magliwanag na muli ang buong bulwagan, hindi paglalabanan ni Lilian ang luminga-linga uli. Sinisilip-silip niya si Oscar sa karamihan ng kalalakihang iyon na patingin-tingin sa hanay ng mga kababaihang tulad niya. Mga lalaki iyon na animo’y nakatingin sa eskaparate ng mga damit at pumipili ng maganda. Sila ang mga suking bumubuhay sa munting daigdig na iyon. Nguni’t talagang hindi niya makita si Oscar; sa halip ang waring nakikita niya’y ang katauhan nito sa unang gabi nang kanilang pagkikita, sa hanay din ng mga lalaking iyon.
Ang ilang minutong palugit ay natapos. At kasabay sa unti-unting paglamlam ng ilaw ay pumapailanlang ang tugtugin; bayanad at nag-aanyaya.
—Miss, —mahinang tawag kay Lilian ng lalaking iyon.
Tawag iyon ng hanapbuhay na hindi mapalalampas. Tumindig si Lilian nguni’t walang sigla ang kanyang kalooban. Naiisip niya si Oscar. Gayon din ang tawag nito sa kanya nang lumapit sa kanya. Pagod na rin siya noon, subali’t siya’y tumindig. Lahat ng panauhin sa bulwagang iyon ay hindi mapapahihindian.
Ibang-iba kay Oscar ang kasayaw niya ngayon. Magaang sumayaw si Oscar. Hindi siya hinahapit ng yakap. Patingin-tingin lamang sa kanyang mukha. Parang nais mangiti. Hindi kumikibo.
Nararamdaman ngayon ni Lilian na masigasig ang kanyang kasayaw na siya’y mahapit ng yakap. Ang malalaking bisig nito sa pakiramdam niya’y katawan ng kobrang lumilingkis sa kanya. Patulak sa balikat nitong humahadlang ang isa niyang kamay. Alam niyang lahat ng nagsasayaw na lalaki ay may gayon ding hangad. At may mga babaing kasamahan niya na nagpapaubaya. Siya man ay nagpaubaya sa maraming pagkakataon; nguni’t hindi na sa ngayon. Matagal nang may piping sigaw ng pagtutol ang kanyang puso!
—Kay ganda mo, Miss, — pabulong na sambit ng kasayaw ni Lilian. At tinangka nitong ibaba ang hawak sa baywang.
—H’wag kayong mambabastos. Iiwan ko kayo! — pigil nguni’t matigas na ganti ni Lilian.
Pumormal ang lalaki.
Napahinga nang malalim si Lilian. Ngayon ay umiiwa sa kanyang dibdib ang hagkis ng alaala sa mga pangungusap ni Oscar kamakailan nang sila’y nagsasayaw.
—Ba’t hindi mo iwan ang lugar na ito?
Napatingin siya kay Oscar. Sa palagay niya’y marahas ang katanungang iyon.
—Ipagpaumanhin mo, —nakaunawa si Oscar, —kung isang panghihimasok ang tanong kong iyon. Nguni’t baka kung saan ka masuong. Ito’y pook na dinarayo ng mga lalaki, iba’t ibang lalaki, at maganda ka Lilian…
Saka lamang niya nawatasan ang ibig sabihin ni Oscar. Napatungo siya. Inaamin niyang may katotohanan ang sinabi ng binata. Maganda nga siya. At sapul nang pumasok siya sa salong iyon, ay siya ang lagi nang pinag-aagawan.
—Salamat sa iyong pag-aalaala, — iniwasan niya ang titig ni Oscar. — Nguni’t paano ko malalayuan ang lugar na ito? Kung gagawin ko…— hindi niya itinuloy. Bigla ang paghinto ng kanyang tinig.
—Bakit, —usisa ng binata. —Bakit hindi mo malalayuan?
—Sa palagay mo kaya, bakit pa ako nagsasayaw? —naitugon ni Lilian. — Bakit marami ang katulad ko na naririto? Hindi naman masama kaming lahat. Bakit kami naririto? —umalunignig sa kanyang tinig ang pinipigil niyang mapait na damdamin.
—A…— tanging nasabi ni Oscar at hindi na kumibo. Pinisil-pisil nito ang kanyang palad at parang nangangarap na nagpatuloy sila sa pagsayaw.
Kung ang mata’y magkamali at ang isip ay maligaw; May paningin din ang puso’t may isip ang pagmamahal…
HUMINTO ng tugtog. Naputol din ang daloy ng guni-guni ni Lilian. Sa liwanag ng idudulot ng dumilat nang mga ilaw-dagitab ay napupuna ni Lilian na nalalarawan sa mukha ng kanyang naging kasayaw ang pagkabigo sa mga pagtatangka nito. Samantalang tatawa-tawa ang karamihan sa mga lalaki na nagsisipaghatid ng kani-kanilang kapareha ang naging kasayaw ni Lilian ay may masamang titig sa kanya.
Nang maupo siya, sinundan niya ng tingin ang lalaki. Saglit siyang tinitigan niyon. Pagkatapos, tuluy-tuloy na tumalikod. Sinilip niya sa pagitan ng mga lalaki kung saan iyo pupunta. Nakita niyang may inakbayang isang lalaki. Binulungan. Bumaling pa sa kanya iyong binulungan.
Naghagilap ang isip ni Lilian kung ano iyon. Nguni’t pinayapa niya ang kanyang loob. May bouncer sa cabaret na iyon.
Sa halip, napatungo siya. Si Oscar ang muling dumalaw sa kanyang diwa. At naalaala niyang muli ang salitaan nila noon.
—Nagtataka ka ba sa akin? — masiglang tanong ni Oscar habang sila ay nagsasayaw.
—Bakit ako magtataka sa ‘yo?
—Kung bakit, simula nang makilala kita, gabi-gabi ay naririto ako?
Napatawa nang marahan si Lilian. Halos nauunawaan na niya ang ibig sabihin ng kasayaw. Alam na alam na niya ang gayong mga pasimula. Nguni’t maging sa binatang ito na kinakikitaan niya ng pagkamaginoo bagama’t hindi pa niya lubusang nakikilala, ay ayaw niyang patangay sa kawalang-malay. Ayaw na niya.
—Kaya ka naririto pagka’t gusto mong maglibang, —nagtatawa niyang tugon nguni’t idiniin niya ang kanyang tinig. —Tulad nila, — at inginuso ni Lilian ang mga nagsasayaw.
—Sa akin ay hindi lamang paglilibang ang pagdalaw-dalaw dito. May iba akong natagpuan.
—May nawawala, ‘kamo, —dugtong ni Lilian.
—Ihahatid kita ngayong gabi, Lilian…—matatag ang tinig ni Oscar.
Napatitig siya sa binata. Naghihintay ang mga mata ni Oscar. May nais sabihin.
Umangat ang mukha ni Lilian nang mamalayan niyang may nakatindig sa kanyang harapan. Nakalahad ang isang palad niyon. Saka niya namalayang nagsisimula na naman ang tugtog.
Kumapit siya sa bisig ng lalaki. Hindi siya hinapit ng yakap niyon. Muling natangay ang kanyang damdamin ng alaala kay Oscar. Ngayon, masisidhi.
Si Oscar ang bumasag sa katahimikan noon.
—Nag-iisa na ako sa buhay na ito, Lilian…May naitayo na akong isang munting bahay…
—Kung gayon payapa na ang iyong kalooban, —patianod niyang sagot.
—May kulang sa bahay na iyon…Meron nang bahay. Wala pang maybahay.
Marahan siyang tumawa. Nakakaunawa ang tawa niyang iyon.
—Hindi ka ba naniniwala?
Bagama’t nauunawaan ni Lilian ang ibig sabihin ni Oscar, ay saglit siyang hindi kumibo. May nasaling sa kanyang puso. May naalala siya. Nakatungo si Lilian. Ang nakapinta sa kanyang balintataw ay larawan ng isang entresuwelo sa loobang babahagya nang matanglawan ng ilaw sa poste ng kalsada. Doo’y naiiwan ang isang walang malay na paslit na binabantayan ng matandang babae, samantalang ang ina ng paslit ay nasa labas, naghahanapbuhay.
—Lil…—pukaw ni Oscar. — Kung mamarapatin mo, ibig kong ikaw ang magpuno sa kakulangan ng bahay na iyon.—At tinangkang gagapin ni Oscar ang kanyang kamay.
Umiwas si Lilian. Hindi nagpilit si Oscar.
Pasikut-sikot ang mga kalyeng tinatahak ng taksi. Hindi sila nagkikibuan ni Oscar hanggang sa ang taksi ay huminto sa bungad ng isang makipot na kalyehon.
—Hindi na tayo makakapasok diyan, — wika ng tsuper.
—Hanggang dito na lang ho, — ani Lilian.
Bumaba siya. Sumunod si Oscar. Humarurot ang taksi.
—Lil.
Madilim ang kalyehon. Ang liwanag ng ilaw sa poste sa kalsada ay hindi umaabot sa dulo ng kalyehon. Sa dulo ng kalyehon ang kanilang entresuwelo. Tahimik na ang kanilang mga kapitbahay sa mga oras na iyon.
—Lil…
—Utang na loob, umalis ka na…—inaalon ng kaba ang kanyang dibdib.
—Hindi ka ba naniniwala sa akin?
Sa dilim, hinawakan siya sa bisig ni Oscar. Mahigpit.
Nagwala siya.
—Hindi ako karapat-dapat sa iyo, — lumuluha na siya. —Hindi mo ako nakikilala, — at nagtatakbo siya hanggang sa pintuan ng entresuwelo.
—Tiyang, tiyang…
Narinig niya ang bahaw na ungol sa loob. Pagkatapos ay iyak ng bata.
—Lilian, —pabulong na tawag ni Oscar. Nararamdaman niya sa kanyang batok ang mainit na hininga ng binata. Parang nais madarang at matupok ang kanyang kaluluwa. Hinawakan siya sa magkabilang balikat. Mahigpit.
—Utang na loob, —pigil niyang saway.
Ipinihit siya. At naramdaman na lamang niyang nag-aapoy ang mga labi ni Oscar.
Bumukas ang pintuan. Pahapay na nakatayo ang kanyang tiyang sa loob. Sa tanglaw ng liwanag gasera ay naaanyuan niya ang pagkamangha niya sa mukha nito.
—Magandang gabi po, — wika ni Oscar na parang walang nangyari.
Hindi kumibo ang matanda maliban sa bahagyang ungol. Tumalikod iyon at painut-inot na pumasok sa isang kuwarto.
Tumuloy si Lilian. Sumunod si Oscar.
Sa kabahayan, nakabitin ang duyan. Sa duyan ay isang kakawag-kawag na sanggol. Dinampot iyon ni Lilian.
—Kapatid mo? — tanong ni Oscar.
—Anak ko! — basag ang tinig ni Lilian.

UMIIYAK kayo, Miss? — bulong ng kasayaw ni Lilian.
Parang naalimpungatan si Lilian. —A, …e hindi. Napuwing lang ako, —pagkakaila niya.
Ang totoo’y naluluha siya sa pagsapit ng kanyang gunita sa tagpong iyon. Ang natuklasan ni Oscar ay siyang patotoo ng kanyang pagkakamali nang siya’y magtiwala sa matatamis na pangako ng isang lalaki. Huli na nang malaman niyang yao’y may pananagutan sa buhay. Datapuwa’t ang tanging nadarama niya noon ay isang pag-asam na magkaroon din ng isang tahanan ng isang nagmamahal; ng isang gabay sa karukhaan.
At si Oscar, kaipala’y tulad din ng lalaking una niyang nakilala. Nagbibiro lamang marahil si Oscar; hindi tapat ang mga pangungusap niyon.
Isang sayaw na lamang at uuwi na siya, naisaloob ni Lilian. Palalim nang palalim ang gabi. Simula nang isilang niya ang kanyang anak, hindi na siya nagpapaabot ng alas-dose.
Nang huminto ang tugtog at maupo si Lilian, gayon na lamang ang kanyang pagkamangha nang lumingon siya sa pintuan. Dumalas ang pitlag ng kanyang puso. Nakita niyang pumasok si Oscar.
Sa mga saglit na iyon ay may bumangong katanungan sa kanyang isip. Bumalik si Oscar, para ano? Upang ipagpatuloy ang ano mang binabalak nito?
Sa muling pagtugtog ng oskestra’y magkasabay na lumapit kay Lilian si Oscar at ng lalaking may matipunong pangangatawan at may mukhang hindi nagugustuhan ng dalaga…Naglipat-lipat ang kanyang tingin sa dalawang lalaki. Nakikiusap ang titig ni Oscar. Nananakot ang sa lalaki.
Kumapit si Lilian sa bisig ni Oscar. Halatang nasaktan ang isa. Tinangka nitong agawin si Lilian nguni’t lumapit ang bouncer.
—Matatagalan ka pa ba? — patag ang tinig ni Oscar.
—Uuwi na ako pagkatapos ng tugtog na ito.
Hindi umimik si Oscar. Sa sarili’y pinapanaig ni Lilian ang katatagan ng damdamin.
—Bumalik ako, Lilian, —sa di-kawasa’y sambit ni Oscar. — Nais kong patunayan.
Hindi kumibo si Lilian.
Nang lumabas si Lilian pagkakuha ng kanyang porsiyento sa gabing iyon, naratnan niyang naghihintay si Oscar sa tabi ng taksing tinawag nito.
—Sakay na, —wika ni Oscar. — Ihahatid kita.
Napatingin siya kay Oscar. Naitatanong niya sa sarili: Ano ang binabalak nito?
—Huwag kang mag-alaala, — dugtong ng binata.
Napahinuhod si Lilian, at habang tumatakbo na ang taksi, wala silang kibuan ni Oscar. Si Oscar ang nagtuturo sa tsuper ng kalyeng daraanan at nalalaman ni Lilian na hindi iyon patungo sa kanila.
—Saan mo ako dadalhin? — nagsimulang umahon ang kanyang dibdib.
Hindi tumugon si Oscar.
—Mamang tsuper, ipara ninyo, — utos niya.
—Ituloy ho ninyo, — wika ni Oscar.
Mangiyak-ngiyak na si Lilian. Ngayon nabubuo sa kanyang dibdib ang lahat niyang pinangangambahan sa binata. Ang munti at lihim niyang pag-asam ay ganap na natabunan.
—Ito lamang ang paraan, Lilian, — wika ni Oscar. — Pagkatapos nito’y ikaw na ng bahalang magpasiya.
Huminto ang taksi sa tapat ng isang bahay na may katamtamang laki at nakatindig sa maayos na looban. Walang ilaw ang bahay na iyon. Lalong nag-ulol ang kaba ng dibdib ng dalaga.
Pilit siyang pinababa ni Oscar at pinaalis ang taksi.
—Oscar, — nagsusumamo ang tinig ni Lilian, —ano man ang binabalak mo…maaari kang magtagumpay, nguni’t ipinauuna kong yaon ay katumbas ng aking buhay…
—Alam ko, —matatag na tugon ng binata, —at upang malubos ang iyong tiwala, narito ang punyal…Magagamit mo sa akin, — at iniabot ni Oscar kay Lilian ang isang balaraw.
Tinitigan ni Lilian ang punyal pagkatapos ang mga mata ni Oscar. Hindi nag-iiwas ang titig ng binata.
Napatiim-bagang siya. Hindi niya inabot ang patalim.
—Bahay ko iyan, — wika ni Oscar sa patag na tinig. — Sa loob ng tatlong gabi ay napaglimi kong iyan lamang ang paliwanag ng maipagkikita ko sa iyo. Tayo nang umakyat.
Bantulot na sumunod si Lilian. Binuksan ni Oscar ang ilaw. Natambad sa paningin ni Lilian ang maayos na salas. Magaganda ang kagamitan. Natawag ang kanyang pansin sa isang larawan ng babae sa dingding.
—Siya’y si Myrna, ang asawa ko.
Napatingin si Lilian kay Oscar.
—Patay na siya…dalawang taon na… Ito ang bahay na inihandog ko sa kanyang pagtitiwala sa akin. Pinagpala niya ang tahanang ito. Nguni’t siya’y namatay sa panganganak…kasama ang sanggol…Nawalan ng ligaya ang bahay na ito…—nabasag ang tinig ni Oscar, — hanggang sa makilala kita…
—Nguni’t…
—Wala nang nguni’t nguni’t, — salo ni Oscar, —kukunin natin ang tiyang at si baby.
—Kung iyan ang pasiya mo, —nasabi na lamang ni Lilian.