Ni ERWIN M. MALLARI
KINUKULAYAN ng mga bahaghari ang kalangitan. Yumayakap ang mapagkalingang init ng araw sa bawat nasisinagan. Dinadalaw ng kapayapaan ang dinadaanan ng nakikipaghabulang hangin. Nakapaligid ang lahat kay Tiya Sera habang naghahanda sa kuwentong pinagmulan ng lahat. Isang diwata ng kalikasan ang aking Tiya.
Ngayong araw, ikinumpas niya ang maliit na sanga para magpalabas ng hiwaga.
Isang kumpas, napalitan ang tanghaling-tapat ng buwang nakasipat.
Dalawang kumpas, sumindi sabay-sabay ang pailaw ng mga alitaptap.
Tatlong kumpas, umawit ang mga kuliglig at lalong nagpailaw ang buwan. Bumulong ang hangin sa aming mga pisngi. Ito na ang senyales na lahat ay dapat makinig.
Katabi ni Tiya Sera ang pinakamatandang duwende dahil kasama niya ito sa pagkukuwento. Nagmamasid naman sa malaking sanga ng narra ang tikbalang at katabi niya ang mangkukulam. Tumatayo ang balahibo ko kapag sabay silang tumatawa kapag masaya ang kuwentuhan. Mabuti na lang ay nasa tabi ko ang mga kaibigang sirena ni Tiya Sera. Kapag ako’y natatakot umaawit sila na sobrang nakahahalina. Nasa likod naman namin ang mga siokoy, iba pang engkanto at mga hayop. Sumasayaw naman sa paligid ang mga kulisap, paruparo at iba pang insekto. Isang salo-salo para sa napakagandang kuwento mula sa aking Tiya Sera. Lahat ay magkakaibigan at nagkakasiyahan. Pati ang buwan nakikitawa habang kayakap ang mga ulap.
Nagsimula sa pagwasiwas ng maliit na sanga na sa lahat ay nagpahanga. Umiindayog ang mga bituin dahil naging isang malaking panoorin ang kalangitan. Sandaling tumabi ang buwan at nakipanood din. Dinakip ng katha ang atensiyon ng bawat kaibigan ni Tiya Sera at maging ako’y napako sa mahiwagang palabas. Isang mahikang kagila-gilalas. Natapos ang palabas sa pumaligong mga munting tala. Inihatid ng hangin ang bawat isa sa kanilang tahanan.
Kumukundap-kundap na ang mga bituin nang kami ay humimbing.
Kinabukasan ay nasa paborito kong puwesto lang ako habang pinagmamasdan si Tiya Sera. Hindi ko siya malapitan dahil kinakausap niya isa-isa ang kaniyang mga kaibigan. Kapag pinapayuhan niya ang mga ibong nawalan ng tirahan ay nagsasalita rin siya na parang ibon.
Kinakampay rin niya ang mga kamay hanggang sila’y magkapalagayan. Nakatatakot naman kapag kausap niya ang mga engkanto lalo na ang mangkukulam. Pinapatinis ni Tiya Sera ang boses niya dahil nasasaktan daw ang mangkukulam kapag ang boses niya ang pinagtatawanan. Kapag naman ang mga insekto ang kausap ay parang silang nagbubulungan. Ayaw raw kasi ng mga insekto na para silang sinisigawan.
Madalas ay hindi ko nakakausap si Tiya Sera dahil napakarami sa kaniya ang nagpapakonsulta. Nagrereklamo na rin siya sa akin dahil lahat na raw ng trabaho sa mundo ay ginagawa niya. Nakatitig lang ako sa napakahabang pila ng mga humihingi ng tulong sa aking Tiya Sera. Hindi naman ito nalalayo sa utos ng aking Inang Reyna, inatasan akong maging tagapag-alaga ng aking diwatang tiya.
Pagkatapos ng araw ay hindi mawawala ang yakap sa akin ni Tiya Sera. Pero minsan hindi niya na ako nakikilala, napagkakamalan niya akong duwende, isda, siokoy, kapatid ng tikbalang at minsan pa nga ay isa sa kaniyang mga kaaway — ang mga bungisngis.
Malakas ang buhos ng ulan, umaapaw ang mga ilog at gumagapang ang baha papunta sa trono ni Tiya Sera. Wala ang kaniyang mga kaibigan, ako lang at siya ang magkasama.
Bumubulong si Tiya na hindi ko sigurado kung may kausap siyang insekto.
“Nariyan na naman ang mga bungisngis. Papalapit na sila sa atin. Mag-iingat ka munting kaibigan.”
Hindi ko muna nilapitan si Tiya. Baka nagkaroon siya ng mga masamang pangitain.
Kinabukasan, may iniutos si Inang Reyna sa akin. Nagpaalam ako upang maagang makaalis. Nagsabi rin ako kay Tiya Sera na mag-iingat habang wala ako.
“Huwag kang umalis munting kaibigan, maraming bungisngis sa labas ng ating kaharian.”
“Kaya ko po ang sarili ko, hindi po ba, ako ang tagapag-alaga ninyo?”
Napatitig sa akin si Tiya Sera. Balot ng takot ang kaniyang mukha. Hindi rin niya ako gaanong makilala.
Paglabas ko ay may malaking pista sa labas ng kaharian. Dumadagundong ang kalabog ng malalaking tambol kasabay ng mga hiyawan. Nakapaligid ang banderitas. Nagkakasiyahan ang mga tao. Tuloy-tuloy ang lakad ko hanggang makarating sa tapat ng simbahan. Sa rebulto ng malaking anghel may mga sigaw na pumaibabaw.
Nakatitig lang ako sa napakahabang pila ng mga humihingi ng tulong sa aking Tiya Sera. Hindi naman ito nalalayo sa utos ng aking Inang Reyna, inatasan akong maging tagapag-alaga ng aking diwatang tiya.

“Munting kaibigan! Nariyan na sila!” sigaw ng pamilyar na boses. Ang aking Tiya Sera.
Tumatakbo siya papunta sa akin. Sumisigaw at hinahawi ang karamihan ng mga nababangga. Humahangos. Itinutok ang espada sa paligid. Buong tapang makikipaglaban.
“Mga bungisngis lumayo kayo!”
Ngunit unti-unti, nawala ang kaniyang ganda’t liwanag. Ang kumikislap na kasuotan ay naging nakapalupot na kumot. Ang korona na yari sa mga rosas ay naging pulang balabal na hanggang bewang ang haba. Ang mga umiikot na alitaptap na nagpapaliwanag ng kaniyang paligid ay naging polbo sa mukha at hindi na siya nakakalutang. Lumitaw ang sugatang paa na walang suot-suot na tsinelas. Napahinto ako’t hindi makapagsalita.
Niyakap niya ako.
“Proprotektahan kita Sariel dahil ako ang iyong diwatang tiya,” bulong niya. Nakilala na ako ni Tiya Sera.
Hindi nagbago ang kaniyang mapagkalingang yakap pero nagsimula ang hagikgikan hanggang mapunta sa halakhakan.
“Si Serang baliw narito na naman,” sigaw ng isa naming kapitbahay.
Kilala ko ang mga tumatawa, hindi sila mga bungisngis pero habang tumatagal ay nagbabago ang kanilang itsura. Ang mga kalaro ko, naging bungisngis. Ang mga kapitbahay namin, naging bungisngis. Hindi ko na sila makilala dahil sa kanilang tawa. Gusto kong protektahan ang aking tiya pero mahigpit ang yakap niya sa akin. Siya ang pumoprotekta sa akin.
“Huwag kayong lalapit sa amin! Mga bungisngis!” habang winawasiwas ang walis tingting na kanina ay espada.
Sumaklob ang isang anino sa amin.
“Tumigil na kayo! Walang nakakatawa!” sigaw ni Mang Lito. Sinundan din ito ni Aling Fe. Tinangay ng hangin ang malakas na tawanan. Para silang mga kabalyerong anghel katulad ng malaking rebultong anghel na nilalabanan ang mga halimaw sa tapat ng simbahan. Mainit din ang kanilang mga yakap at akbay. Mapagkalinga.
Inakay nila kami papauwi. Sa parada ng pangungutya ay hindi naman lahat nakikisaya.
Hindi naman lahat tumatawa, iilan lang ang bungisngis. May ilang nakatingin lang at nagmamasid parang ang kaibigang tikbalang ni Tiya Sera. May ilan ding nagbabawal at nagtatanggol, mga anghel din kaya sila?
Naiuwi namin si Tiya Sera. Sa kaniyang silid at paboritong upuan, naglaho ang kaninang takot at pangamba. Nakausap ko si Inang Reyna o ang aking Nanay Celi.
“Sa mundong ito, marami ang mga anghel na nagtatago. Minsan hindi nila alam na anghel pala sila pero alam nila ang misyon nila sa mundo,” paliwanag ni Nanay.
Tulad nina Mang Lito at Aling Fe na kay bubuti. Tulad ni Tiya Sera na sinubok ngunit hindi nagpagapi. Malinis ang puso at hindi gumagawa ng masama. Tulad ng mga may kapansanan sa katawan ngunit pinili paring maging mabuti. Tulad nating buo ang regalo’t hindi nagpapatukso.
“Ituring natin lahat bilang isang biyaya at maging biyaya sa lahat,” dagdag ni Nanay Celi.
Binukadkad ko ang aking kamay, lumapit at yumakap kay Nanay at Tiya Sera.
Ako rin pala ay isang anghel at isang biyaya.