Tinatangkilik pa ba ang Telebisyon ng Pamilyang Pilipino?

Dahil parehong nurses na nagtatrabaho sa ospital at nursing home sa Amerika, inirerekord ng mag-asawang Leah at Bill ang paborito nilang palabas sa 'The Filipino Channel' at pinanonood na lang pag-uwi ng bahay.

Ni Luis P. Gatmaitan

NANGGALING ako sa Amerika kamakailan kung saan popular pa rin ang paggamit ng telebisyon. Nagpapaligsahan ang mga TV screens sa laki ng sukat at sa mga taglay na features. Kung gustong manood ng mga tradisyunal na palabas sa TV, nandoon ang TV para rito. Kung gusto namang gamitin ang TV screen bilang streaming platform (hal. manood ng Youtube, Netflix, atbp) habang nakakonekta ito sa internet, nandiyan pa rin ang pisikal na TV.

Ang aking kapatid at bayaw, parehong nurses, na naninirahan na sa Amerika ay laging nakatutok sa TV pagkagaling nila sa trabaho. Bukod siyempre sa mga local news sa Amerika, paborito nilang manood ng mga TV programs na galing dito sa atin. Mayroon silang TFC (The Filipino Channel) at naire-record nila ang mga paboritong Pinoy TV shows habang wala sila sa bahay. Ilan sa nakita kong madalas nilang pinapanood ay ang ‘It’s Showtime,’ “Eat Bulaga’, ‘Family Feud,’ ‘Batang Quiapo,’ at ‘24 Oras.’ Napapanood nila ito sa panahong free ang iskedyul nila mula sa duty sa ospital – sa pamamagitan ng on-demand service sa broadband.

Paanong malalaos ang telebisyon?    

Ilang beses na akong natanong sa kung gaano pa ka-relevant ang telebisyon sa buhay ng pamilyang Pilipino. Maski sa Senate budget hearing ay minsan na ring naitanong ito sa akin ni Senator Sherwin Gatchalian (pati na ng iba pang senador) kung gaano pa kahalaga ang telebisyon sa ngayon. Ayon sa kanya, ang mga pamangkin niya ay halos sa Youtube na at sa iba pang social media platform nanonood. Halos tablet at cellphone na ang bitbit ng mga bata’t kabataan ngayon.

Pero marami pa rin bang nanonood ng TV dito sa bansa?

Ang mag-asawang Fil-Am na sina Bill Bernardo at Leah Gatmaitan-Bernardo habang nakatutok sa isang Pinoy noontime show.

Sa isang forum na idinaos sa College of Mass Communication ng UP Diliman kung saan naanyayahan akong magsalita, napag-usapan din ang kalagayan ng mga palabas na pambata sa telebisyon ngayon. May isa pa ngang estudyante na nangahas magtanong sa amin ng mga kapwa kong panelista noon na sina Augie Rivera (dating headwriter ng ‘Batibot’) at Ruby Roan Cristobal (dating headwriter ng ‘Sineskwela’) tungkol sa “kung ano ba’ng mayroon sa TV na wala sa social media kung kaya’t dapat nila itong tangkilikin.”

Panahon na nga ng tinatawag na ‘digital age’ at marami nang mga bagong plataporma kung saan puwedeng maka-access ang mga tao upang manood ng mga content o palabas. Ang tanong tuloy ay kung nananatili pa ring relevant ang telebisyon sa nagbabagong panahon? Ang atin bang mga anak, pamangkin, o apo ay sa TV pa rin ba nanonood? 

Upang malaman natin kung relevant pa ang TV at kung nakaangkla pa ang mga programa ng NCCT sa katayuan ng industriya, nagsagawa ang aming ahensiya – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – ng survey nitong nagdaang taon sa mahigit isandaang magulang o guardian na may mga anak na may edad labimpito at pababa (17 and below). Sinagutan ng mga magulang ang mga tanong na may kinalaman sa television viewing habits ng kanilang mga anak. 

Ang survey ay inilabas sa official Facebook page ng NCCT.  Sinagutan ito ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Walang araw na hindi nabubuksan ng pamilyang Bernardo ang kanilang TV sa bahay – para manood ng local shows (sa Amerika at sa Pilipinas), Youtube, at Netflix – sa on-demand service ng broadband. 

Unang inalam sa survey ay kung may TV set sa kani-kanilang mga tahanan. Ayon sa survey, 89% ng mga magulang ang nagsabing mayroon silang TV. Kay rami pa rin!

Tinanong din sa survey kung ano ang source ng TV programs na pinapanood ng kanilang mga anak. Mahigit kalahati  (52.6%) ng mga sumagot ang nagsabi na sa internet (partikular sa YouTube, at mga Online Streaming Platforms gaya ng Netflix, Disney+, at HBO Go) nanonood ang mga bata. Lumabas din sa survey na 84% ng mga magulang ang nagsabing nanonood pa rin sa TV ang kanilang mga anak.

Halos lahat  (94.1%) naman ng mga magulang ang nagsabing kasama sila ng kanilang mga anak tuwing nanonood sila sa TV. Pero talaga nga kayang nakasubaybay sila sa pinanonood ng kanilang mga anak? Nang suriin kung gaano ito kadalas nangyayari, 52.5% sa mga magulang ang nagsabing paminsan-minsan lamang! Halos 30% ang nagsabing palagi silang kasama; at 17.5% naman ang bihira pala!

Tinanong din sa survey kung sa tingin nila ay may sapat na pambatang palabas sa kasalukuyan. Batay sa survey, 42.4% ng mga magulang ang naniniwalang hindi sapat ang bilang ng mga palabas na pambata sa TV. Samantala, 29.4% naman ang naniniwalang may sapat na dami ng mga palabas na angkop sa mga bata ang napanonood ngayon sa TV. Sa kabilang banda, 28.2% naman sa mga magulang ang nagpahayag na hindi sila sigurado.

Sinamantala rin ng NCCT ang pagkakataon upang makuha ang pulso ng mga magulang tungkol sa ibang gadgets o devices maliban sa TV na ginagamit ng mga bata sa panonood ng mga media content.

Mahigit kalahati ng mga sumagot (55.8%) ang nagsabing ‘smartphone’ (o cellphones) ang pinakamadalas na ginagamit ng mga anak nila sa panonood. Pangalawa lamang ang TV na may 23.9%. Sumunod dito ang tablet na may 15% at laptop/computer na may 5.3%.

Kung pagkukumparahin, sinasabing isa hanggang dalawang oras (1-2 hours) ang ginugugol ng mga bata sa panonood sa mismong TV. Samantalang sa smartphone/cellphone, inaabot sila ng dalawa hanggang tatlong oras (2-3 hours) sa maghapon. Patunay talaga na mas accessible sa kanila ang mga gadgets kaysa sa mismong TV set.

Upang mas maintindihan ang media consumption ng mga bata, ginanap din ang ang Child-Friendly Media Huddle, isang online dialogue sa pagitan ng mga magulang at content creators mula sa ilang broadcast networks sa bansa. Layunin ng dialogue na ito na malaman ang media consumption ng mga kabataan ngayon. Maaari itong gamiting gabay ng mga content creators at ng mga TV stations sa paggawa ng mga palabas na pambata. 

Tinalakay rin dito kung nanonood pa ba sila sa telebisyon at kung ano ang gusto nilang mapanood ng kanilang mga anak sa TV. Matutunghayan ang highlights ng nangyaring Child-Friendly Media Huddle sa FB page ng NCCT. Dito’y malalaman natin ang opinyon ng mga magulang at content creators sa kasalukuyang media consumption ng mga kabataan.

Naniniwala ako na hindi malalaos ang telebisyon sa Pilipinas. Bawat bansa naman ay magkakaiba. Hindi lahat ng tahanan sa Pilipinas ay may internet connection lalo na sa malalayong barangay at mga isla. Alam kong magtatagal pa ang paggamit natin ng telebisyon dahil sa ganitong kalagayan.

Kung pinag-uusapan daw sa mga developed countries ang sinasabing ‘death of television,’ naniniwala pa rin akong magtatagal ang TV sa mahaba pang panahon. Ang radyo ay hindi naman nawala kahit sa modernong panahong ito.

Ngayon, habang nandito pa ang telebisyon, at habang tinatangkilik pa natin ito, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang magkaroon tayo ng maraming palabas na child-friendly at family-friendly.

Hindi lamang ang NCCT ang nangangarap ng ganitong maayos na media landscape. Kaagapay rin natin ang ‘Anak TV’ at iba pang child-friendly institutions sa pagtataguyod ng isang makabata at pampamilyang panoorin. Umaasa akong katuwang din natin ang mga magulang, guro, at iba pang nakatatandang miyembro ng pamilya pagdating sa usaping ito.