GOOD BOY
"'Oy, Anton."

Ni Armando T. Javier

NAKAPIKIT, kinapa ni Anton ang kanyang cellphone sa side table ng kanyang kama. Napakunot-noo nang mabasa ang pangalan ni Cathy sa caller ID. Bihirang tumawag si Cathy kung ganitong gabi na. Umibis siya at naupo sa gilid ng kama.

“Cathy…”

“Anton…! Ang ninong mo…!”

May panic sa tinig ni Cathy.

“Ano si Ninong Manolo?” Napahikab si Anton.

“Inatake ‘ata o na-stroke!”

“H-Ha?!”

“‘A-Andito kami ngayon sa ospital.”

“Sa’ng ospital ‘yan?”

Sinabi ni Cathy. “‘Intayin mo ‘ko. ‘Punta na ‘ko ngayon d’yan.”

Agad siyang nagbihis at nag-book ng masasakyan. Sakay ng kotse patungong ospital, iniisip ni Anton kung paano sasabihin sa asawa ng kanyang Ninong Manolo ang sinapit ng mister.

BISTADO ni Anton na babaero ang kanyang Ninong Manolo. Sinabi iyon ng kanyang ama nang ipakiusap siya sa kaibigan para bigyan ng trabaho.

“Kahit ano’ng makita o marinig mo, quiet ka lang. Ganyan ang mabuting empleyado.”

Pang-apat na trabaho niya ang pagiging clerk sa imprentang pagmamay-ari ng pamilya ng kanyang Ninong Manolo. Bago ito, naging food server siya sa fastfood resto, naging bagger sa supermarket at dalawa pang trabahong pare-pareho siyang na-end of contract. Nakaisang semestre lamang siya sa kolehiyo.

“Mahalin mo ‘yang trabaho mo. Huwag mo ‘kong ipapahiya sa ninong mo. Matuto kang makisama,” pahabol pa ng kanyang ama.

Ganoon nga ang ginawa niya. Clerk siya roon pero pakiramdam niya, naaabuso naman siya ng kanyang ninong.

“Utusan kita, ‘Ton.” Inilabas mula sa drawer ang isang sobre at iniabot sa kanya. Nakapa niya ang laman. Pera. “Dalhin mo sa address sa sobre. Ibigay mo kay Cathy. Alam n’ya na ‘yan.”

Nakasulat nga ang pangalang Cathy sa sobre pati na ang address. Isang apartment sa Taft Avenue sa Pasay.

Nakakamiseta’t shorts ang babaeng nagbukas ng pinto; natatalian ng rubber band ang buhok. Tila namahika si Anton pagkakita sa babaeng beinte tres anyos siguro, mapuputi ang mga braso’t hita at matikas ang dibdib.

“Ano ‘yon?”

“Cathy?”

“Oo. Bakit?”

“Inutusan ako ni Ninong Manolo–ni Mr. Maniquiz.”

“Tauhan ka n’ya?”

“Oo. Inaanak din–sa kumpil.”

“‘Lika. Pasok ka. Nagluluto kasi ‘ko.”

Ng pananghalian. Naamoy nga niya ang ginigisang bawang.

“Upo. Drinks?”

“Sige.”

Naupo siya sa sopa at sinundan ng tingin si Cathy na patungo sa refrigerator. Seksi talaga. Tila batubalaning hinihigop siya nang umiimbay nitong balakang. Kay suwerte naman ng ninong niya!

Nakabalik na si Cathy. Iniabot sa kanya ang bote ng softdrinks.

“Saglit lang, ha? Baka masunog ‘yung niluluto ko.”

“Okey lang. Take your time.”

“Ano nga pala’ng pangalan mo?” hiyaw ni Cathy mula sa kusina.

“Anton!”

“Dito ka na kumain, ha? Luto na ‘tong ulam. Para me kasabay ako.”

“S-Sige.”

Hinango ni Cathy sa kawali ang niluluto, isinalin sa isang mangkok at inilapag sa mesa.

“Hindi ka naman siguro pihikan. ‘Yung madadaling lutuing ulam lang kasi’ng kaya ko. Hindi talaga ‘ko marunong magluto!”

“Okey lang.”

Nang makita ang uulamin, gusto niyang mag-back-out. Sugpo pala! Malalaking sugpo na niluto sa bawang at mantekilya. Allergic siya sa anumang seafood.

“Huwag kang mahihiya, ha? Kain lang nang kain.”

Nagkamay sa halip na magkutsara’t tinidor si Cathy. Malalaki ang subo. Sarap na sarap. Nakahiyaan niyang magkubyertos, nakigaya siya kay Cathy.

Hindi pa sila katagalang nakakakain, nakaramdam na ng pangangati si Anton: sa leeg, sa mukha, sa mga braso’t likod. Bago pa tuluyang mamantal at mamula ang kanyang balat, inilabas niya ang sobre at iniabot kay Cathy.

“Ipinabibigay nga pala ni Ninong. Alam mo na raw ‘yan…”

Napangiti si Cathy, ngiti ng isang kakutsaba. “A…” Tinanggap ang sobre, tinupi at ipinamulsa.

Nakaramdam na naman siya ng pangangati at nagpigil na magkamot.

“‘Alis na rin ako, Cathy, babalik pa kasi ‘ko sa opis. Thank you sa lunch.”

Anytime.

Nang makalayo sa apartment, saka pa lamang kinamot ni Anton ang umaaling kati sa kanyang balat.

Namumula at namamantal ang kanyang mukha’t leeg, pati ang mga braso nang dumating siya sa opisina. Napansin agad ng kanyang Ninong Manolo ang kanyang mukha.

“Ano’ng nangyari sa ‘yo?”

Ikinuwento niya.

“Sugpo ba ‘kamo? At me allergy ka sa seafoods?”

“Oho, ‘Nong.”

“Um’wi ka na. Bumili ka ng gamot sa allergy.” Dumukot sa bulsa at binigyan siya ng dalawandaang piso. “Sabihin mo sa guard na pinag-undertime kita.”

Nasa may pinto na siya ay natatawang-naiiling pa rin ang ninong niya.

MULA noon, tila lagi niyang gustong makita si Cathy. Minsan nga’y tila siya nangangarap nang gising habang nasa kanyang mesa. Lihim niyang nahihiling na sana’y utusan siya uli ng kanyang Ninong Manolo para magkita uli sila ni Cathy.

Minsan, maagang umaalis sa opisina ang ninong niya. Sasabihin nito kay Luz, ang sekretarya: “Me lunch meeting ako sa kliyente, Luz, baka tumawag ang ma’m mo.”

“Oho, sir. Ako na ho’ng bahala.”

Ang ma’m na tinutukoy nito, ang misis, si Ninang Rita. Bistado rin siguro ni Luz, na matagal na nitong sekretarya, ang kahinaan ng kanilang boss. Inalis niya sa isip na baka si Luz ay naging girlfriend din nito. Papalapad na ang katawan ni Luz na dalawa na ang anak. Hindi na sing-sariwa ni Cathy. Tinanguan siya ng kanyang Ninong Manolo nang mapatapat sa mesa niya. Sumisipol, nagtuluy-tuloy palabas ng opisina. Kay Cathy siguro ang punta. Suwerteng matanda talaga!

Nang sumunod na buwan, inutusan uli siya ni Ninong Manolo na maghatid ng ‘sobre’ kay Cathy. Nasa jeep pa lamang, iniimadyin na niya ang daratnan niyang hitsura nito.

Naka-hanging shirt si Cathy at naka-cycling shorts, pawisan ang mukha, leeg at balikat; pumapailanlang ang magaslaw na tugtog ng dance exercise video sa DVD player na nakakabit sa telebisyon.

“‘Oy, Anton.”

“‘Oy, Anton.”

Iniluwang ang bukas ng pinto at pinapasok siya. Hininaan ang volume ng TV at inilagay sa PAUSE ang video. Dinampot ni Cathy ang tuwalyang nakapatong sa armrest ng sopa.

“‘Lika, dito tayo.”

Sa mesa sa kusina. Naglabas ito ng malaking bote sa ref, may lamang likidong kulay kamatis. Siya, inabutan nito ng light beer. Lumagok si Cathy, tila uhaw na uhaw.

Sorry, naabala ko’ng pag-e-exercise mo,” sabi ni Anton.

“Okey lang, patapos na rin naman ako. Kanina pa nga ako hinihingal.”

Lumagok uli sa botelya ng juice.

Pasimpleng dinukot ni Anton sa bulsa ng kanyang pantalon ang sobreng para rito at inilapag sa ibabaw ng mesa. Nagkatinginan sila, tila ibig umiwas ng tingin ni Cathy, tumango at nag-thank you.

“‘Bigay ko nga pala sa ‘yong number ko. Baka kasi mat’yempuhan mong nasa school ako, sayang ang punta mo dito. Pahiram ng cell mo…”

Iniabot niya rito ang kanyang cellphone; inilagay roon ni Cathy ang numero nito. Pinatunog niya ang cell ni Cathy.

“Nag-aaral ka pala?”

“Oo. Third year na. Konting kembot na lang, ga-graduate na.”

Nakaramdam ng pagkainggit si Anton.

“Matagal ka na bang nagtatrabaho kay Nolo?”

Sa ninong niya.

“Ilang months pa lang.”

“Kaya pala, iba na’ng naghahatid dito nito.” Itinaas ang sobre. “Dati, matandang lalaki.”

“Baka ‘yung company driver, si Mang Inggo. Inabot ko pa ro’n. Retired na ngayon.”

Napatango si Cathy.

“Hindi ka naman nagtataka kung bakit hinahatiran mo ‘ko ng sobreng may lamang…”

“Labas na ‘ko ro’n. Inutusan ako ni Boss, sumusunod lang ako.”

Napangiti si Cathy. “Good boy.

Lumalaon, naging palagay ang loob ni Cathy sa kanya.

“Hindi mo itinatanong sa ‘kin, ‘Ton, kung pa’no kami nagkakilala ni Nolo?”

“Pa’no nga ba?”

“Kontesera kasi ‘ko. Lahat na lang ‘ata ng beauty contest nasalihan ko na. Kung p’wede nga lang, pati gay beauty pageant salihanko !” Natawa. “Anyway, matindi talaga’ng pangangailangan ko no’n. ‘Yung kaibigan kong beki, isinali ako sa bikini contest. Si Nolo, guest ng isa sa mga judges. Hindi man ako nanalo, nilapitan ako ni Nolo, nakipagkilala at humingi ng date. Do’n nagsimula–hanggang sa alukin n’ya ‘kong ano…maging scholar n’ya. S’yang magpapaaral sa ‘kin, sagot n’ya lahat ng gastos. Kinuha rin n’ya’ng apartment na ‘to. Hikahos din kasi kami. Broken family pa nga. E, gusto kong makatapos? Kapit-sa-patalim kaya sumige na ‘ko. Mabait naman sa ‘kin si Nolo.”

Natural, sabi ng isip ni Anton, naikakama ka niya.

NASA labas ng ICU si Cathy nang datnan niya sa ospital. Nakaupo sa mahabang bangko, nakatungo at tila malalim ang iniisip.

“Cathy…”

Nag-angat ng tingin. “Buti’t dumating ka na. Si Nolo…”

At doon, hindi na nito napigil ang emosyon, napaiyak na; yumuyugyog ang magkabilang balikat. Inakbayan ni Anton, inalo.

“A-Ano’ng sabi ng mga doktor?”

Under observation pa…”

Naisip na ni Anton, habang patungo roon, na tawagan si Ninang Rita pagdating sa ospital at akuing siya ang kasama ng mister nang mag-collapse ito kahit pa sinasabi ngayon ni Cathy ang totoo. Nakaisang round sila sa kama, bumangon si Nolo para mag-CR at doon natagpuan ni Cathy na nakahandusay sa baldosa.

Inaalo pa rin niya si Cathy na walang tigil sa pag-iyak.

“Kailangan mo nang umalis. Tatawagan ko’ng misis n’ya. Ako na’ng bahala dito. Babalitaan na lang kita.”

Nakaalalay pa rin, sinamahan niya palabas ng ospital si Cathy. Hinintay na makasakay ng taksi saka niya tinawagan si Ninang Rita, ipinaalam ang nangyari at sinabi kung saang ospital naroon ang asawa.

Humahangos na dumating doon si Ninang Rita at ang anak na babaeng matanda pa si Cathy. Nakapagtahi na siya ng istorya na magkasama silang mag-amo na nagpapamasahe nang mangyari ang insidente. Kung naniwala sa kanya o hindi ang misis nito, hindi na mahalaga. Mas prayoridad nito ang kalagayan ng asawa.

Ngiwi ang kaliwang pisngi, tikom ang mga daliri ng kaliwang kamay, laglag ang kaliwang balikat ni Ninong Manolo. Daraan daw sa mahabang physical therapy. Iyon ang ibinalita niya kay Cathy.

Si Ninang Rita ang namahala sa imprenta habang nagpapagaling ang asawa. Indirekta man, naramdaman ni Anton na malamig ang pakikitungo sa kanya ng misis ng kanyang ninong. Naghihinala sigurong kasapakat siya ng mister sa pambababae nito at pinagtatakpan niya ang dating amo.

Makalipas ang isang buwang paghahanap sa classified ads ng malilipatang trabaho, nag-resign siya matapos matanggap na inventory clerk sa isang trading company sa Caloocan. Nilisan na rin ni Cathy ang apartment sa Taft Avenue. Iyon ang huling balita niya rito.

MAKAPANDEMYA, nag-enroll siya muli sa kolehiyo; pailan-ilang units sa accountancy. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho. Isang araw ng Linggo, binabaybay niya ang kahabaan ng Recto para maghanap ng segunda-manong libro sa accounting nang malingunan niya ang fastfood house na iyon. Ang nakatawag ng kanyang pansin, ang babaeng store manager na pinagsasabihan ang isang food server. Sinipat niyang mabuti, baka namamali siya. Pero hindi, si Cathy nga. Tumaba nang kaunti pero seksi pa rin sa unipormeng pulang palda at puting blusa. Hinintay niyang matapos ito sa kausap saka siya pumasok.

“C-Cathy…?”

Lumingon ito. Napatda sa pagpunta sana sa counter.

“‘Ton!”

“Hi.” Kinamayan niya si Cathy na halatang masaya rin na nagkita uli sila. “‘Musta? Dito ka na?”

“Oo. Maganda ang pay, nakakabayad ako sa renta. Nakakabayad din sa bill ng credit card!”

“Wow!”

Tila biglang naumid, pinaglunoy na lamang niya ang mga mata sa babaeng dati’y pinapantasya lamang niya.

“Nagmamadali ka ba?”

“Hindi.”

Good. Try mo’ng bestseller namin: honey glazed chicken with mashed potato and corn. Treat ko.”

Pumihit si Cathy patungo sa counter.

Sinusundan ng tingin, napangiti si Anton. Sa loob-loob niya, mapapadalas ang pagpunta niya sa kainang iyon.