NI EDEN PEDRAJAS CONCEPCION
KUMUSTA na ba ang mga nakapagtapos ng Senior High School (SHS) ngunit hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo? Kumusta na ba ang mga nakapagpagtapos ng kolehiyo na dumanas din ng dalawang taong dagdag sa buhay-hayskul mula nang ipatupad ang K to 12 kurikulum?
Balik-tanaw
Marami mang negatibong pananaw sa implementasyon ng SHS bilang bahagi ng K to 12 kurikulum ng DepEd, hindi matatawaran ang magandang layunin nito—na nakadisenyo ang kurikulum bilang napapanahon, praktikal, upang maihanda ang mga mag-aaral sa mga pangangailangan ng modernong panahon, matamo ang mga kasanayan sa 21st century.
Kaya naman may mga pagpipiliang track ang mga estudyante sa SHS–depende sa interes, kakayahan at sa gustong tahakin ng mga estudyante pagdating sa kolehiyo at propesyong nais. Sa loob ng halos walong taong (mula SY 2016-2017 nang ipatupad ang SHS) implementasyon nito, nagpakita na ang mga kinatatakutang multo; kailangang magising sa nakamamatay na bangungot; hilahin ang isa paang nasa hukay!
Kaya naman…
Sa unang buwan pa lamang ng 2025, umingay na ang isyu ng maaaring pagbabago sa SHS. Nagsagawa ang DepEd ng online consultations na bukas sa publiko at na may mahigit 2000 kalahok mula sa 14 na rehiyon. Dito nagbahagi sila ng mga pananaw upang mapaigting ang SHS kurikulum.
Naging palaisipan na naman ito sa mga guro sa SHS lalo na nang mapabalitang ipatutupad ang paunang implementasyon nito ngayong SY. 2025-‘26 (na dapat sana sa SY 2026-’27 pa). Nanatiling ‘drowing’ sa isipan ang mga tanong na paano at ano? Hanggang sa ipalabas ng DepEd noong Abril ang mga mungkahing pagbabago na bunga ng mga isinagawang konsultasyon. Marami pa rin ang nagtatanong: May senior high pa ba ngayong school year? Matunog na sagot: Mayroon pa rin.
Mararanasan pa rin ng mga estudyanteng ‘nag-move on’ mula sa Junior high school (kaya nga Moving-up ang seremonya nila) na umakyat sa dalawang taon ng SHS–na medyo kaiba naman sa naging danas ng mga nakapagtapos sa SHS. Mula sa apat, dalawang track na lamang ang pagpipilian nila– Academic ba o Technical Professional (TechPro)? Bukod dito, mula sa 15 core subjects na ibinibigay, magiging lima na lamang ito na dadanasin nila sa loob ng buong taon ng grade 11. Ang mga bagong core subjects ay ang sumusunod: Effective Communication/Mabisang Komunikasyon, Life Skills, General Mathematics, General Science at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino. Sa grade 12 sa unang semestre naman, nakatuon na ang mga asignatura sa kung ano ang pinili nilang track—Academic o TechPro. Sa pamamagitan ng mga asignaturang ito, lalong malilinang ang kakayahan at kasanayan ng mga estudyante na magagamit nila sa larangang kanilang napiling tahakin. May mga elective rin na nahahati sa Academic at TechPro clusters. Malaya ang mga estudyante na pumili ng kanilang elective. At ang buong huling semestre ng grade 12, batay sa inilatag na bagong iskedyul ay nakalaan sa work immersion. Ito ang nakapaloob sa ipinalabas ng DepEd na Strengthened Senior High School Program Consultation Packet (As of April 4, 2025).
Panibagong danas na naman sa bagong taong panuruan 2025-’26. Gaya ng dati, asahang mabilis na makaaagapay ang mga guro sa mga pagbabago, lalo na sa SHS.

Abot-Tanaw
Hindi mapasusubaliang napakaganda ng mga layuning inilatag ng DepEd sa pagpapalakas ng programang SHS—’ika nga para sa bata, para sa bansa. Ngunit sa isang banda, may mga maaapektuhan naman sa panig ng mga guro at asignaturang kanilang itinuturo. Gaya ng ilang naging isyu noon sa pagsisimula ng implementasyon ng SHS, na mawawalan ng load ang ilang propesor sa kolehiyo na nagtuturo ng mga batayang asignatura at pagtatanggal/pagbabawas naman ng units ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, ang maaaring ‘pag-aagawan’ ng departamentong English at Filipino sa kolehiyo, muling binubuhay ng Pinaigting na Programang SHS ang ‘kompetensya’ sa pagitan ng dalawang wika at departamento gaya na lamang sa core subject na ibinibigay sa buong taon ng G11 na Effective Communication/Mabisang Komunikasyon. Bagama’t nasa listahan ng electives (sa grade 12) sa ilalim ng Academic clusters ang mga asignaturang Filipino na dati’y kabilang sa applied subjects, sa napakaraming mapagpipilian, tiyak na mabibilang sa daliri (o baka wala pa) ang magkakainteres na ito’y piliin kumpara sa iba pang elective na kaugnay sa kanilang larangan.
Abot-tanaw na rin ang maaaring kakulangan ng load ng mga guro sa SHS. Paano na kaya? Hindi naman uso ang ‘floating’ teachers sa hayskul. Tiyak na tatawirin ang Junior high school (JHS) para maging sapat ang load? Habang sinusulat ang artikulong ito (Mayo 14), abot-tanaw na ang pagsisimula ng klase ngunit hanggang sa panahong ito, wala man lamang ‘paramdam’ mula sa kinauukulan kung ano ba ang deskripsyon ng ilang kabilang sa core subjects partikular ang Effective Communication/Mabisang Komunikasyon (paghahatian din ba ito ng dalawang departamento?). Dahil iba ito sa dating Oral Communication (1st sem), Reading and Writing Skills (2nd sem), Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino (unang semestre), at Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik (ikalawang semestre). Gayundin ng asignaturang Life Skills.
Panibagong danas na naman sa bagong taong panuruan 2025-’26. Gaya ng dati, asahang mabilis na makaaagapay ang mga guro sa mga pagbabago, lalo na sa SHS. Sana kung gaano kabilis ang pag-a-adjust ng guro sa agarang implementasyon, gayundin kabilis ang papel ng promosyon ng mga guro sa SHS na hindi na umusad mula nang maimplementa sa SHS.


