Ni Claire Andres
“SINING ang naging paraan ko para maipahayag ang aking damdamin, mga alaala, at mga kuwentong hindi ko mailarawan sa salita.”
Ito ang malalim na pahayag ni Dante Enage, isang full time visual artist ng Brgy. 77 PC Village, Marasbaras, Tacloban City, Leyte. Dala ng kakapusan sa buhay, hanggang haiskul lamang ang kanyang natapos sa Leyte National High School. Ngunit pinatunayan niyang hindi ito hadlang upang matupad ang kanyang pangarap, ang maging pintor.
Wala mang pormal na pag-aaral sa pagpipinta, pinaghusay naman niya ang talentong sa simula pa’y bahagi na ng kanyang pagkabata. Sa murang edad pa lamang, mahilig na siyang gumuhit. Dala ng kawalan ng sapat na gamit, minsan ay kumukuha siya ng mga sobrang pintura na ginamit sa pagpintura sa bahay. Sinubukan niya ito kahit hindi pa niya alam ang tamang paraan ng paggamit nito. At dito, naramdaman niya ang kakaibang saya ng paglalaro ng kulay.



“Pero no’ng nasa haiskul ako, unti-unti ko nang natutuhan ang iba’t ibang medium tulad ng watercolor, acrylic at oil paint. Nag-eksperimento rin akong gumamit ng tuba o coconut wine bilang medium,” kuwento pa niya.
Bilang laking probinsiya at salat sa pagkukunan ng reperensiya, pinaghugutan niya ng inspirasyon ang kalikasan, mga taong na sa kanyang paligid, at sariling karanasan.
At sa pagtuloy niyang pagsisikap, lalo pang lumawak ang kanyang kaalaman sa sining dahil na rin sa impluwensiya ng mga iniidolo niyang pintor tulad nina Pablo Picasso, Salvador Dali at Max Ernst.
“Sa mga lokal na mga pintor, gustong-gusto ko sina Botong Francisco at Fernando Amorsolo dahil sa kanilang mga likhang malapit sa ating kasaysayan at kultura ng Pilipino,” aniya pa.
Kahanga-hanga ang adhikain ni Dante bilang pintor. Hindi lamang siya nagpipinta upang ipakita ang mayaman nating kultura at kasaysayan, kundi nais din niyang magsilbi itong tulay ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, kapayapaan, at magbibigay-boses lalo na sa mga karanasang hindi mailahad ng mga salita.
“Nagtuturo ako nang libre sa mga bata kapag umuuwi ako sa Leyte. Gusto ko kasing gamitin ang sining para maipahayag ang mga isyung panlipunan. Katulad ng kalikasan, pagkakapantay-pantay at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Para sa akin, ang sining ay hindi lang personal na ekspresyon. Ito ay isa ring tungkulin at ambag sa ating lipunan,” sabi pa niya.
Gamit ang acrylic paint sa canvas bilang pangunahin niyang medium, niyakap ni Dante ang istilong kumbinasyon ng abstrak-ekspresyonismo, simbolismo at reyalismo. Gumagamit siya ng iba’t ibang hugis, patterns, motifs, at mga detalye. Gayundin ang kumbinasyon ng kulay at komposisyon bilang paraan ng pagsasalaysay. Sa ganitong paraan, impresibong naipaparating niya ang mahahalagang mensahe na kadalasan ay nauugnay sa kalikasan at koneksiyon ng tao sa kapaligiran.


“Pinipili ko ang aking mga subject. Madalas itong nakaugat sa mga alaala, damdamin, o mga obserbasyon ko sa kalikasan at sa buhay ng tao. Inspirasyon ko rin ang mga simpleng bagay na may tagong ganda o simbolismo—tulad ng bulaklak, mga dahon, paruparo, bubuyog at ibon,” aniya pa.
Nagsimula sa pangarap, at sa patuloy niyang pagpupunyagi, matagumpay siyang nakaguhit ng pangalan sa larangan ng sining. Patunay rito ang mga nakamit niyang parangal at pagkilala mula sa GSIS National Painting Competition, NCCA Bagong Biswal Grantee, DILG Tacloban City, Local Government Month Celebration DOT 8, Pagkilala ngan Pagpasidungog, “SANGYAW AWARDEE For Visual Art”, An Waray Oktubafest Kawit Painting Contest, 71st Leyte Gulf Landings Anniversary ART INSTALLATION CONTEST at napakarami pang iba.
“Sa mga kabataang nais maging pintor, kailangang maging matapat sa kanilang damdamin at patuloy na magpinta mula sa puso. Palaging magsanay. Huwag matakot magkamali dahil bahagi ito ng proseso ng pagkatuto at paglago…”


Matagumpay rin siyang nakapag-solo eksibit. Ilan sa mga ito ang “Earth Tapestry”, “Patterned Paradise”, “Hugna”, “Dayuday”, “Aghat”, “Tagok 3”, “Hiyum”, “Sulibangko” For the Love of Leyte, Taboan han ginsiyaman.
Bukod sa solo eksibit, naging tampok din siya sa mga group exhibit sa iba’t ibang lugar. Kabilang sa mga ito ang “Bastedor Fundraising Cevio Art Gallery”, “Projekt Capitol”, “Limitless”, “Rampag”, “Art Tag Christmas”, “Visayas Art Fair”, “Manila Bang”, “GSIS National Art Competition Exhibit of Entries.
Nakasama na rin siya sa mga internasyunal na group exhibit tulad ng “Sinner & Saints” sa Dubai, “Sengkuni 6” sa Indonesia, “OlympicArt” sa Paris, France, “Intangible Cultural Heritage” at “#ArtMismo” sa Italy, “Big Apple Project” sa New York, “Arte Postal” sa Spain, “Art & Collectible Auctions” sa Malaysia, at ang “Free Arts” at “116th Philippine Independence Day” Philippine Embassy sa Kuwait.
Makikita naman ang kanyang mga painting sa Department of Tourism, Regional Office 8, City Hall ng Mandaue City, at sa Hotel Lorenza, Tacloban City.
Noong nanalasa ang bagyong Yolanda, kinomisyon siya ng kanilang local tourism na gumawa ng obra na magsisilbing token sa malalaking taong bibisita sa kanilang lugar. Isa na rito si dating Pope Francis.
Hindi na nga matatawaran ang tagumpay ni Dante sa larangan ng pagpipinta. At dahil dito, nais naman niyang makatulong sa mga kabataang nagnanais pasukin ang mundong ito.
“Sa mga kabataang nais maging pintor, kailangang maging matapat sa kanilang damdamin at patuloy na magpinta mula sa puso. Palaging magsanay. Huwag matakot magkamali dahil bahagi ito ng proseso ng pagkatuto at paglago. Mag-obserba, mag-eksperimento, at huwag ihambing ang sarili sa iba. Mahalaga rin ang disiplina, sipag, tiyaga, at bukas na isipan,” pagbibigay-payo pa niya.
Nais din niyang mabigyan ng mas malawak na pagkilala at suporta ang mga lokal na alagad ng sining, lalong-lalo na iyong mga nasa probinsiya. Hangad din niyang makita ang isang lipunang pinahahalagahan ang sining bilang mahalagang bahagi ng ating kultura.
“Sana magkaroon din ng artist village o murang pabahay sa mga kapos na artist na tulad ko na nagrerenta lamang hanggang ngayon. Pangarap ko rin na magkaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang artista, mga espasyo para sa paglikha, art gallery. Sa pamamagitan nito, umaasa akong patuloy na uusbong ang sining na tunay na sumasalamin sa damdamin, karanasan, at pangarap,” pagtatapos pa niya.
Sa kasalukuyan, abala si Dante sa paghahanda ng paparating pang mga eksibit. Isa na rito ang HARAMPANG 2, isang kolaborasyon ng Baguio at Leyte artists.


