Ni Mellodine A. Antonio

SA bandang Antipolo, may lalaking sumabit sa jeep na sinasakyan ko.

Sabi niya, “Hindi po ako masamang tao, nanghihingi lang po ng tulong. Kailangan ng tatlong bag ng dugo ng asawa ko. Premature baby namin. Nasa incubator. Ang nanay ko, inilalakad ang papel sa May Nagmamalasakit Center. Kahit magkano lang. Kahit ‘yong mga barya-barya n’yo lang.”

Hinubad niya ang sumbrero.

Iniumang sa mga pasahero para lagyan ng kahit na magkano.

“Salamat, Ma’am, Sir!” pauna niyang pasasalamat sa inaasahang magbibigay – maghuhulog sa sumbrero niya ng kahit na magkano – ng barya-barya.

Sa labingwalong pasaherong siksikan sa loob ng jeep, may isang nagbigay. Iyong aleng nasa dulo sa kabilang hanay ng puwesto ko. Tipikal ang itsura ng empleyadong retirada. Mukhang palasimba. May pailing-iling pa nang tanawin ang pagpasa ng sumbrero sa mga kahanay niya.

Naghintay pa saglit ang lalaking nakasabit kung may magbibigay pa – kung may susunod pa sa ginawa ng ale. 

May piksi na siya ng pagkainip. Nang matiyak na wala na, maasim ang mukhang bumaba ng jeep.

“Ang kukunat n’yo!” galit na sabi habang inaayos ang suot na malinis na puting sando at shorts na khaki. Litaw ang maskuladong mga brasong pupusta akong alaga sa gym at may adornong tattoo ng sawa na abot hanggang sa leeg niya.

Nasa dulo ako, malapit sa estribo. Halos nakadikit ang kanang braso niya sa akin kanina. Inihatid sa akin ng hanging dumadaan sa pagitan namin ang kakaibang amoy ng kakaibang inuming tiyak akong tinungga niya bago humarap sa amin. 

Naka-mask din siya nang may kanipisan. Hindi ko tuloy matiyak kung isinuot iyon dahil gustong itago ang pagkakakilanlan o para ikubli ang amoy ng hiningang di maitatatwang alkohol ang nilantakan. 

Masama ang tingin niya sa amin habang tila yamot na umiiling bago mabilis na sumampa sa kasunod na pampasaherong sasakyang kasunod namin.

Malayo na ang iniandar namin pero naiwan sa isip ko ang itsura ng lalaki pati ang kuwento niyong bitbit na bumagabag sa aking pag-iisip.

Sino kaya ang kasama ng asawa niya sa ospital? Sino ang nakaalalay habang siya, na asawa, ay narito sa kalsada para sumampa sa jeep at humingi sa mga pasaherong, marahil, tulad ng maraming iba pa – nangangailangan din – kapos sa buhay – iniraraos lamang ang pang-araw-araw.

Kumusta na kaya ang sanggol, na ayon sa lalaki, naka-incubator pa? Ilang taon na ng nanay niyang nakapila sa May Nagmamalasakit Center para makakuha ng diskuwento sa bayarin nila ospital? Bakit ina at hindi siya ang naglakad ng mga papel na iyon? Maliban sa May Nagmamalasakit Center, di kaya niya alam na may iba pang ahensiya ang gobyerno na puwedeng lapitan para mahingan ng tulong kahit panggamot lang? Ano kaya ang ininom niya bago sumampa sa jeep na sinasakyan ko? Pulang kabayo? Gin bulag? Nakailang ilang tagay kaya siya? Litro ba o ilang baso lang ang itinumba niya? Sino ang taya sa inuman? Ito ba o mga nakikisimpatiyang kapitbahay at kaibigan?

Dahil ba sa problemang sinasabi niya kaya siya uminom? Baka naman may ibang selebrasyon kaya ganoon ang kaniyang amoy? Nakakagaan kaya, kung di man nakareresolba ng problema ang ininom niya?

Naalala ko tuloy ang mga Badjao na nagsimulang dumami sa mga kalye noong mag-umpisa ang buwan ng Ber na hanggang ngayong nakalipas na pati ang Pasko ng Pagkabuhay, marami pa rin sa kalye na naglipana. Iyong iba nga, nagbahay na sa tabi mismo ng kalsada. 

Madalas ko silang makitang kumakanta ng kantang di ko maintindihan o kaya naman tinatambol ang basyong lata ng gatas. May pulang sobre na pilit iaabot o isisiksik sa kandungan ng pasaherong nagkukunwang tulog.

Kaya siguro iyong isa sa kanila, napabalitang nakaipon ng isang milyong piso dahil sa ganoong trabaho. Nakabili ng bahay at lupa — brand new!

Mayroon ding ibang grupo na kumakatok sa bintana o pinto ng mga sasakyan. May kalalakihan at kababaihan na iba-iba ang itsura at laki ng katawan maging ang edad. May matanda, bata, may asawa o kahit dalaga at binata, na sasabit o sasampa bigla sa mga bus at jeep at magsasalita na tila may mabuting balitang ipinakakalat pero ang sasabihin, tila may padron na iskrip at tonong gamit.

Makailang ulit kong narinig iyong: “Pasensiya na po, mga ate, mga kuya, Ma’am at Sir. Ayoko pong gumawa ng masama. Ang inyong mahahalagang gamit ay di ko nanakawin. Ako lamang po ay kumakatok sa inyong mabubuting puso. Ang nanay ko po ay may cancer. Kasalukuyan po siyang nasa ospital. Hindi po siyang makapagpa-chemo dahil kulang po kami sa pera. Ang nanay ko po ay mabuting ina. Siya ang nag-aalaga sa aming pitong anak niya pero ngayon, kaming mga anak naman ang dapat na mag-alaga sa kaniya…

May kasama iyong naka-laminate na larawan at dokumentong nakaplastik din habang ang may hawak, de kulay ang buhok, may suot na bling-bling at may nakasuksok na cellphone sa bulsa ng suot na pantalon o short na mas maayos pa at di gastado kumpara sa mga suot naming pasahero.

Mayroon ding hindi naman estudyante pero nagpapanggap na estudyante. Minsan, nakauniporme pa ng kung anong eskuwelahang di naman nila pinapasukan habang nagtitinda ng kuwintas na sampaguitang puro naman dahon ng ilang-ilang ang laman. Sila na madalas, kaaway ng mga guwardiya dahil kahit paalisin, magmamatigas at magmamatapang pa.

Mayroon din namang may dalang plastic bag na may kung ano-anong paninda. Pandagdag baon daw nila ang kita. Niluto raw nila iyon gamit ang puhunang inutang sa patubuan.

Naitatanong ko tuloy sa sarili kung kultura na bang matatawag ang panlilimos sa sasakyan, kalsada at kung saan pa? Ano ang parametro at hangganan ng kawanggawa, awa, o pagtulong sa kapuwa? Kasama ba ang umiiral na ito sa pag-unlad at pag-asenso ng mundo?

May buntis pa nga na may kilik na maliit na anak habang kumakatok sa bintana ng mga sasakyan para abutan. Hindi rin magpapahuli ang tatay na nakasumbrero, naka-mask, nakamahabang manggas na polo pero ang kargang anak, hubo’t hubad, walang kahit na anong takip kahit pa pandong sa ulo habang umuulan, na bitbit niya sa kalsada habang nakikipagpatintero sa mga sasakyang humaharurot at sumasalisi kapag pula ang ilaw trapiko para ipalahad ang kamay ng bata.

Naisip ko lang kung hindi kaya pang-aabuso sa anak ang paggamit sa kanila ng mga magulang sa anumang porma para mas mabisa ang paghingi ng awa? Wala kayang krimen o salang nagawa sa kanilang ginagawa? Wala kayang dapat panagutan sa batas ang tulad nila?

Naninikip ang dibdib ko. Malayo kasi ang pinanggalingan ko ngayong araw na ito. Naghahanap ako ng trabaho. Dalawang buwan na kong nagbabakasakali. Naghahanap. Iniaalok ang kakayahan para magkaroon ng tiyak na pagkakakitaan.

Galing ako sa probinsiya namin. Suko na rin ako sa buhay namin doon na pitong kahig, kalahating tuka kaya sumusubok ako sa lugar na malayo sa amin pero sabi ng marami, malapit sa kaunlaran.

Ilang araw ko na ring ginagalugad ang buong Rizal para mamasukan kahit sa pabrika o kahit na bilang kasambahay pero mailap sa akin ang kapalaran.

Naisanla ko na noon pang isanlinggo ang cellphone ko. Sim card na lang ang nasa bulsa ng bag ko kaya di ko makumusta man lang ang pamilyang iniwanan ko ng pangakong hindi ako uuwing bigo.

Iyong huling biskuwit na katas ng sanla ko, naubos na kahapon pa nang umaga. Puro tubig na ang laman ng tiyan ko. Hindi ko tuloy alam kung paano ko matutupad ang matigas kong pangako sa mga iniwan ko na magpapadala ako ng pera basta makasuweldo ako.

Saan ako kukuha ng ipadadala, wala pa nga akong nahahanap na trabaho?

Umuklo ako nang tumunog ang tiyan ko. Parang may mga halimaw na nag-aaway sa loob.

Nakakahiyang marinig ng katabi ko.

Niyakap ko ang tiyan kong ayaw paawat ang pagmamarakulyo.

Idinaan ko sa paglunok ng laway ang panunuyo ng lalamunan ko.

Iyon lang, kakaunti ang nalunok ko, halos ubos na rin kasi maging ang laway ko.

Nakiinom lang ako kanina sa karinderyang nadaanan ko.

Isang baso lang.

Masama kasi ang tingin sa akin ng tindera. Akala siguro, ibubulsa ko ang baso nila.

Kumakalam na talaga ang tiyan ko.

Hindi makuha sa pakiusap kong tumahimik muna habang wala pa akong napapasukang trabaho.

Sinipat ko ang lahat ng bulsa ng bag ko – wala talagang laman!

Iyong ilalim, dinukwang at kinapa ko rin. Baka sakaling may naligaw, may nahulog o kaya, mayroon akong nailaglag noon — wala rin!

Kahit alam kong wala dahil ilang araw ko na ring halos baliktarin, tinangka ko pa rin. Baka kasi may naipit na sa sobrang ipit, kapit-kapit. Binulatlat ko. Inisa-isang laman. ID lang naman ang laman at ilang tiket ng bus na sinakyan ko.

Wala akong makapang pera sa bag ko. Parang nagprotesta rin ang laman ng wallet ko kaya nag-walk out ang mga ito.

Napabuntonghininga ako. 

Mabuti pa iyong lalaki kanina, may sampung pisong nakuha mula sa isang pasahero sa jeep na sinasakyan ko. Siguro, sa kabilang jeep, higit sa isa ang magbibigay lalo na kapag binago niya ang style niya dahil nakita niyang di iyon umubra sa amin kanina.

Saka ko naalala iyong mga Badjao na may kani-kaniyang inspiring na kuwento ng pag-angat sa buhay.  Katas ng kalabit-penge. Bunga ng pulang sobre. Produkto ng pagkanta, pagtugtog ng basyong lata ng gatas, pagkilik sa musmos na marusing at marami pang iba na kumukuha ng habag at nagpapabaha ng awa. Mahina raw kasi ang isanlibo kada araw. Iyon lang, kailangang maglagay ng sun block para di mangitim sa init ng araw. Pati iyong babaeng bigla na lang lumabas mula sa isang imburnal, dinalaw ako sa isip. Instant otsenta mil ang ang ibinigay sa kaniya para makapagsimula siya ng kabuhayan.

Dumaan din kaya ako sa kanal?

Kahit di buong otsenta mil. Kahit di ganoon kalaking halaga. Kahit konti lang. Hindi naman ako gahaman.

Naisip ko lang naman.

Napasana-all kasi ako nang mabalitaan ko iyon

Ano nga ang sabi ng lalaki kanina?

A, iyong: Hindi ako masamang tao. Wala akong gagawing makakasakit sa inyo. Ang nais ko lang po, humingi ng tulong. Kahit iyong barya-barya ninyo…

Sa mga sumasampa sa jeep at bus na kung anong papel at larawan pang dala, ang dayalog naman: “Ayoko pong gumawa ng masama. Hindi ko po gustong mabilanggo dahil sa nagnakaw ako kaya kumakatok po ako sa mabubuting puso ninyo na sana po, matulungan ninyo ako. Iyon pong sobra ninyong barya sa inyong bulsa o pitaka, malaking tulong na po sa akin at sa nanay kong may sakit. Ang tatay ko po’y nasa bilangguan dahil nahuli po siya matapos mangholdap ng pampagamot ng nanay ko…

“Salamat, Ma’am, Sir!” pauna niyang pasasalamat sa inaasahang magbibigay – maghuhulog sa sumbrero niya ng kahit na magkano – ng barya-barya.

Inabala ako ng mas malalang pag-aalburoto ng tiyan ko.

Parang nag-aaway na ang malaki at maliit na bituka na inaawat ng lapay ko.

Mahapdi na pati sikmura ko.

Mapait na ang tuyo kong laway.

Nagwawating-wating na ang tingin ko sa paligid.

Malapit na ring maging ulam at kanin ang tingin ko sa mga kapuwa ko pasahero.

Tiningnan ko ang suot ko, dugyot na dugyot na ako sa layo ng biyahe. Nanlalagkit ang buhok kong kulot. Wala na rin ako kahit na bahagyang bango. Amoy ng usok ng tambutso ang nakadikit na sa balat ko.

Luminga-linga ako.

Bahala na, sabi ng isip ko bagaman tutol ang katinuan ko.

Walang mawawala, pangungumbinsi ng utak kong tila gustong sumira sa paninindigan ko.

Pikit-mata iyong desisyon.

Sige na! Sige na nga! Bumigay ang marupok ko nang prinsipyo.

Mabilis kong hinaltak ang tali ng buhok ko.

Masakit ang mga hiblang umikot sa tali at kasamang nahablot sa ginawa ko.

Mahihiya si Sisa sa gulo ng buhok kong bumuhaghag sa pagkakalaya sa pagkakatali.

Lumingon pa ako sa kaliwa’t kanan.

Wala naman sigurong makakakilala sa akin. Hindi naman ako tagarito. Tagaroon ako sa malayong lupain.

Hindi ko naman siguro kailangan ng mask o ng kahit na anong pantakip sa mukha. Sapat na siguro ang makapal na buhok ko para pagtakpan ang napipintong panibagong karera ng buhay ko.

Isang tungo sabay ang mabilis na paghaltak sa gawing leeg ng suot kong t-shirt na naging abuhin sa dungis na taglay. Makatutulong ang pagluwag niyon para magmukha akong payat – gutom – kailangan ng pagkain dahil ilang araw na hindi kumakain – walang makain kahit gustong-gustong kumain!

Pasado naman na siguro lalo pa’t lalamlaman ko ang mga mata ko at ikikibot-kibot ang mga labing tuyot na sa uhaw at gutom sanhi ng mahabang paglalakbay ng mahabang paglalakad at tipid na tipid na pagsakay.

Sinipat ko ang paligid.

Maraming sasakyang sarado ang bintana pero aninaw ang mga nakasakay. Mukhang maaawain naman.

Sunod-sunod din ang bus at jeep na sala-salabat ang pagkakapila sa trapik. Punong-puno ng pasahero pero tiyak kong kaya kong isingit ang sarili ko. Iyong liit ko ba namang ito.

Huminga ako nang malalim kasabay ng napakatinding pagkulo ng tiyan kong nagdedeklara ng giyera kanina pa, nagdesisyon ako.

Isinukbit ko ang bag sa leeg ko.

Bahagya ko pang ginulo ang napakagulo kong buhok.

Ikinalat ko ang pawis sa buong mukha ko.

Pinalamlam ko ang mga mata ko.

Isinibi ang labi bago iyon ikinibot-kibot na tila may nais sabihin na hindi masabi-sabi.

Ngayon lang naman, ‘kako sa sarili.

Konti lang naman, sang-ayon ng katwiran ko.

Kailangan lang ng panlaman sa tiyan kong tila nagrerebolusyon ang mga lamanloob. Kinumbinse ko nang maige ang sarili. Sumusunod na ang katawan pero may matindi pa ring pagtutol ang konsensiya at katwiran.

Diyos ko! nahihiyang usal ko. Patawarin po Ninyo ako!

Kunsabagay, iyong iba nga nagkukunwaring may kapansanan. Iyong ilan naman, nagluluka-lukahan. Pagpapalakas ko sa aking loob.

Inayos ko ang sarili o mas tamang sabihin, ginulo ko para makumbinse ko sila na dapat akong tulungan dahil kahabag-habag akong nilalang.

Puwede naman akong lumahad lang o kaya magdala ng kahit na anong puwedeng paghulugan nila ng barya sakaling ayaw nila akong madaitan man lang.

Maaari din namang kumatok sa mga bintanang nakasara ng mga sasakyan.

Susubukin ko lang naman.

Bakasakali.

Kahit kaunti.

Pero sana makarami ako.

Malay natin, yumaman ako.

Baka kasi sa dinami-dami ng trabahong sinubukan kong pasukin, ito pala ang nakalaan at sadyang itinakda para sa akin.

Humugot ako ng isang malalim na hininga.

Konting alis ng hiya, ang kapalit, maraming biyaya.

Tiningnan ko ang palad ko. Walang laman sa ngayon pero mamaya, malamang sa malamang, kukumusin niyon ang mara-raming barya na sobra at di kailangan ng iba pero kailangang-kailangan ng tulad ko at sa gaya ko ay napakahalaga.