Ni Armando T. Javier
INABALA ang pagtulog ni Vir nang masinsing katok sa pinto. Nang bumangon siya, napagbuksan niya ang kanyang kumpareng Primo na may kasamang babae.
“Pare, p’wede bang dito muna kami magpalipas nang gabi?”
Napabuntunghininga si Vir pero pinatuloy rin ang dalawa. “Pasens’ya ka na, pare, naistorbo ko’ng tulog mo,” sabi uli ni Primo.
Nakatungo naman ang kasama nito. Balingkinitan ang babae, kayumanggi, hugis-puso ang mukha at mabalahibo ang mga braso.
Dati niyang katrabaho si Primo. Napilitan lamang siyang mag-early retirement para alagaan ang misis niyang noon ay nagda-dialysis. Limang buwan na ang nakakaraan nang pumanaw si Marissa dahil sa kidney failure.
Malakas ang loob ni Primo na dalhin dito ang hinihinala niyang bago nitong babae; alam na siya’y nag-iisa lamang sa bahay. Ang kaisa-isa niyang anak ay tatlong taon nang nasa Amerika, sa Missouri, at isang nurse.
Kasal pa si Primo sa misis nitong titser bagama’t lagi nitong sinasabi na nagsasama na lamang sila para sa tatlong anak.
“Ni hindi na nga kami nagsisiping, pare. Doon ako natutulog katabi ng bunso kong anak na lalaki.”
Noon pa man, bistado na ni Vir ang kahinaan ng kanyang kumpare. Muntik na rin itong masibak sa trabaho nang mabuntis ang isang trainee. Pinagbitiw nito, binigyan ng pera at pinauwi sa probinsiya ang babae.
Labag man sa loob niyang ipagamit ang silid ng kanyang anak, wala siyang magawa. Naroon na, alangan namang ipagtabuyan pa niya. Saka, may tinatanaw siyang utang na loob kay Primo; ibinenta nito sa kanya nang pahulugan sa murang halaga ang pinaglumaang owner type jeep nang makabili ng segunda-mano pero low mileage pang kotse.
“Bahala na kayo d’yan, pare,” sabi niya at humakbang na palabas ng silid.
“Salamat, parekoy.”
Buhay pa si Marissa, antipatiko na ito kay Primo lalo’t dinadalaw siya kung Linggo para makipag-pusoy.
“Galing-galing at nakapagpapahinga ka haya’t nagsusugal pa kayo,” sasabihin ni Marissa.
“Barya-barya lang naman, pampalipas-oras.”
“Hindi ba n’ya binibigyan ng oras ang pamilya n’ya kung ganitong day-off?”
“War sila ng kumander n’ya.”
“Sabihin mo, nagbubuhay-binata ‘yang kumpare mo. Kaya kabi-kabila ang babae. Mag-ingat ka. Baka mahawahan ka n’yan, magaya ka.”
Nakabalik sa kanyang silid, naalala ni Vir ang tagpong iyon. May punto nga yata si Marissa; tila umaabuso na ang kumpare niya. Kay rami namang motel, bakit dito sa bahay niya dinala ang babae? Napabuntunghininga uli siya at natagalan pa bago muling nakatulog; naglalaro sa gising niyang diwa ang nagaganap sa kabilang silid.
Madilim-dilim pa nang umalis kinabukasan si Primo at ang kasama nito. Nagkape lamang at nagpaalam na.
“Pasens’ya na uli sa abala, pare,” sabi.
“O-Okey lang, pare.”
Nakagayak siya para sa kanyang arawang jogging.
Tumingin sa kanya ang kasama nito, tila nahihiyang ngumiti.
Tumango si Vir.
Hinintay niyang makaalis ang kotse ni Primo saka niya ini-lock ang bahay at nagsimulang tumakbo. Ginawa niyang therapy ang pagdya-jogging para maibsan ang pangungulila kay Marissa at mabaling sa ehersisyo ang kanyang kalungkutan. Naging tapat siya kay Marissa noong nabubuhay pa ito. Bahay at opisina lamang ang ruta niya; tinitiis ang kantiyaw at gumagawa ng dahilan para makaiwas sa kanyang mga kaopisina na lagi siyang niyayayang uminom at gumimik.
“Baka pukpukin ako ni Marissa ng sandok ‘pag ginabi ako ng uwi,” nagpapatawang sabi niya, “makapal pa naman ang sandok n’yon!”
“Napalusutan mo na naman kami, Vir!”
Alam ni Vir, sa pagtalikod niya, siya na naman ang pupulutanin ng kanyang mga kaopisina sa pag-iinuman: na siya’y ander, takusa, andres-de-saya. Mahal lamang niya ang kanyang asawa, laging sinasabi ni Vir sa sarili. Ayaw niya itong bigyan ng dahilang maaaring pag-awayan nila.
Naging tapat si Vir sa kanyang asawa noong nabubuhay pa ito. Bahay at opisina lamang ang ruta niya; tinitiis ang kantiyaw ng kanyang mga kaopisina…
HINDI na naulit ang pagdadala ni Primo ng babae sa kanyang bahay. Nabalitaan niya, naghiwalay na ang mag-asawa at si Primo’y tuluyang nakisama sa biyudang alahera na noon pa, magkaopisina pa lamang sila, ay natsitsismis nang kabit nito. Hindi na rin siya dinadalaw kung Linggo para makipag-pusoy. Malayo siguro sa lugar niya ang nilipatang bahay.
Kung tinatamad magluto, pumupunta si Vir sa shopping center sa bayan; doon na kumakain. Nang hapong iyon na siya’y may inaabangang laban ng basketbol sa pagitan ng San Miguel at Ginebra, pinili niyang doon na maagang maghapunan. Alas-singko y medya ang laban ng dalawang koponan, first game sa semi-finals kaya’t alas-kuwatro y medya pa lamang ay naroon na siya sa shopping center at naghahapunan. Pagkatapos, sumaglit siya sa supermarket, bumili ng apat na boteng beer at mapupulutang mani. Sa pagbabayad sa cashier, kasunod siya sa pila ng babaeng iyon na may hawak na lata ng formula milk. Parang pamilyar kay Vir ang babae: sa pangangatawan, sa taas, sa sukat. Nang lumingon nga at makita siya, kapwa sila nagkagulatan.
“‘Oy,” sabi ni Vir. “‘Di ba ikaw si…?”
“A-Ako nga ho…”
“Kumusta? Si Pareng Primo…nagkikita pa ba kayo?”
Umiling, tila umasim ang mukha.
Nakapagbayad na ang kostumer na sinusundan ng babae. Ito naman ang nagbayad sa dalang formula milk. Makabayad, lumingon ito sa kanya at ngumiti. Ipinatong ni Vir sa counter ang apat na boteng beer at ang salted peanuts habang nililingon din ang babaeng hindi pa umaalis; tumitingin-tingin sa salansan ng sari-saring tinapay, pastries at mamon sa kalapit na mini-bakery. Nakapagbayad, kipkip ang supot ng pinamili, nilapitan ni Vir ang babae.
“Muk’ang magmemeryenda ka?” sabi niya.
“S-Sana nga…kaso…kulang na’ng pera ko. Halos pamasahe na lang ho.”
“Sige, kumuha ka ng gusto mo. Ako’ng magbabayad.”
Itinuro nito sa tindera ang ensaymadang ga-plato ang laki at mukhang malinamnam dahil sa maraming hinadhad na keso sa ibabaw.
“Salamat ho,” sabi ng babae.
“Nakakahirin ‘yan, kailangan ng panulak. Me family size pa akong softdrink sa ref. Sumama ka sa ‘kin sa bahay, do’n mo na kainin ‘yan.”
“S-Sige ho.”
Kasabay niya ito palabas ng shopping center; diretso sila sa parking lot na kinapaparadahan ng kanyang owner jeep.
Pasulyap-sulyap si Vir sa kasama habang nananakbo sila. Kalmado ito, tila nagpapatianod lang.
Bahay.
Ipinasok ni Vir sa ref ang biniling beer at inilabas ang family size na softdrink.
“Dito tayo, ano…”
Sa mesang katabi ng ref.
Naupo ang babae sa isa sa mga silya. Inabutan siya ni Vir ng bread knife.
“Tirahin mo na,” sabi niya.
Inalis nito ang balot na plastik ng ensaymada at humiwa. Kinamay na lang nang kainin.
“Kayo ho…”
Kakakain lamang niya, busog pa siya, pero para hindi mapahiya ang babae, humiwa rin siya ng ensaymada. Malinamnam nga nang matikman niya.
Sinasalinan niya ng softdrink ang mga baso nila ay pasimpleng pinagmamasdan ni Vir ang babae: malulungkot ang mga mata nito, malungkot pati ang awra ng mukha; mukhang problemado.
“Pa’no nga pala kayo nagkakilala ni Pareng Primo?”
“D’yan din ho sa…” sinabi ang pangalan ng shopping center. “Kumukubra siya ng tama sa lotto nang makita n’ya kami ng anak ko. Umiiyak na’ng baby ko, nagugutom na. Wala naman akong pambili ng gatas. Tinatakpan ko na nga’ng bibig para hindi nakakahiya sa mga tao. Nilapitan n’ya ‘ko, tinanong kung bakit iyak nang iyak ang anak ko. ‘Tapos, niyaya n’ya ako sa supermarket at ibinili ng malaking lata ng formula milk. Hindi ko naman alam kung pa’no ko s’ya babayaran. Katatanggal ko rin lang sa karinderya dahil over-vale na ‘ko sa amo ko. Napansin ko, malagkit ang tingin n’ya sa ‘kin. Nang ayain n’ya akong magkita kami kinagabihan, alam ko na. Pangalawang pagkikita namin nang makitulog kami rito.”
“Hmmm…b’yuda ka ba, hiwalay sa asawa, single mother?”
“Me naging boyfriend ako sa Camarines Norte, taga-Daet ho ako. Salesman s’ya, palipat-lipat ng destino. Saleslady naman ako sa bazaar. Sa kade-date namin, nabuntis ako. Nagpalipat siya ng destino nang malaman n’ya. Hindi ko na makontak.”
“Pa’no ka naman nabubuhay?”
“Nakapisan ako ngayon sa ate ko. Kaso, marami rin s’yang anak. Nagsa-sideline-sideline lang ako. ‘Pag walang kita, nakaasa ako sa kanya. Nakakahiya na rin!” Tila ibig maluha ng babae.
Nagpalinga-linga ito sa loob ng bungalow.
“M-Mag-isa lang ba talaga kayo dito?”
“Oo. Nasabi siguro sa ‘yo ni Pareng Primo na b’yudo na ‘ko.”
“E, sino ho’ng nag-aasikaso sa inyo?”
“Ako pa rin. Malakas pa naman ako.”
“Kakapalan ko na ho’ng muk’a ko, b-baka kailangan n’yo ng helper. Wala lang ho akong sideline ngayon, sayang din ho ‘yung kikitain ko.”
Aminado si Vir, nakaluwag na siya sa gastos mula nang pumanaw si Marissa. May buwanang apat na raang dolyar ding ipinadadalang allowance ang anak niyang nurse. Hindi niya kailangan ng katulong pero kinukurot ang kanyang puso sa narinig niyang kuwento ng babae. Ang kaigihan lang na siya’y biyudo na, sarili niya ang desisyon. Hindi tulad noong nabubuhay si Marissa na kailangan niyang ikunsulta rito ang bawat galaw niya.
“P’wede rin. Kada-makalawa lang siguro. Wala namang masyadong gagawin dito. Magluluto ka lang ng tanghalian at panghapunan, maglilinis ng bahay at lalabahan ‘yung maruruming damit, kumot at kobre-kama. Uwian ka rin para maalagaan mo’ng anak mo.”
“P-Payag kayo, sir?”
“Oo. ‘Wag mo ‘kong singilin ng mahal, ha?”
“Hindi ho, sir. Sobrang thank you talaga. Mahahalikan ko kayo!”
Sa katuwaan, bigla nga siyang hinalikan sa pisngi.
Ipinauwi niya rito ang natirang ensaymada; sinamahan pa niya nang ilang de-lata.
“Babalik na lang ho ako bukas.”
“Sige. Medyo magpatanghali ka. Baka nasa jogging pa ako kung maaga ka rito.”
“Okey, sir. A-Ano nga ho pala’ng itatawag ko sa inyo?”
“Vir na lang o Mang Vir.”
“Thank you uli, Mang Vir.”
“Ano nga’ng pangalan mo?”
“Marie ho.”
Nang makaalis si Marie, habang umiinom ng beer at nanonood ng basketbol, napapaisip si Vir: hindi kaya napabigla siya sa desisyon niyang kunin itong helper? Paano kung malikot pala ang kamay? Mapagkakatiwalaan ba niya ito?

NAKAISANG linggo si Marie sa ‘pagtatrabaho’ sa kanya; masipag naman ito. Dumarating doon ng pasado alas-nuwebe, sasamsamin ang marurumi niyang damit; habang nakasalang sa washing machine ang mga labada, magwawalis naman ito sa loob ng bahay, lilinisin ang mga salamin at pasimano pati ang banyo. Matapos maisampay ang mga damit, magluluto naman ito. Kasalo niya sa tanghalian at ipagluluto pa uli siya ng panghapunan bago umuwi.
Kapag nag-iisa na lamang siya sa gabi at nanonood ng TV, napapangiti si Vir. Para na rin siyang may asawa, sa loob-loob niya, maliban sa isang bagay. Hindi naman sa naghahanap siya, pero may mga gabing inaalihan siya ng init, ng pangangailangan ng katawan. Mula nang magkasakit si Marissa, nahinto na rin ang pagsisiping nila; nangangamba siyang baka mapagod ito ay makasama pang lalo sa kalusugan ng kanyang asawa. Tiniis niya ang lahat alang-alang kay Marissa.
Iba na nga ang sitwasyon ngayon. Bagama’t hindi pa siya lubusang nakakabangon sa pagkamatay nito (lingguhan pa rin niyang dinadalaw ang puntod ni Marissa at dinadalhan ng bulaklak), malaya na siya. Kung noon, binabawalan niya ang sarili na maglibang, ngayo’y wala nang pipigil sa kanya. Nagbihis siya, sumakay sa owner at tinungo ang hilera ng mga videoke bars sa highway. Uminom siya, nagtebol ng GRO at inabot na ng madaling-araw roon. Mabuti’t nakapagmaneho pa siya kahit lasing.
Masakit na sa mata ang sikat ng araw nang magising siya kinabukasan. Masakit din ang kanyang ulo at para siyang masusuka. Naparami yata talaga ang inom niya kagabi. Nagkakape, bigla niyang naalala si Marie. Baka kanina pa ito naghihintay sa labas. Binuksan niya ang pinto at inalam. Wala. Saka pa lamang niya naalala na bukas pa pala ito pupunta roon.
Kamala-mala niya, nakaisang buwan na palang ‘nagseserbisyo’ sa kanya si Marie.
Gamay na ito roon: nakakakilos nang parang doon na nakatira. Pakanta-kanta habang nagluluto, habang naglalaba at naglilinis ng bahay. At minsan, may dala pang kurtina na ipinatahi raw sa kapatid. Ipinalit nila sa kupasin, manipis at makutim nilang kurtina. Minsan naman, dinatnan siya nitong may trangkaso. Inabot siya ng malakas na ulan sa pagdya-jogging at nakaratay pa rin, mabigat ang katawan at masakit ang ulo nang dumating ito kinamakalawahan.
Dinama nito ng palad ang kanyang noo.
“Naku, Mang Vir, mainit pa nga kayo. Teka’t ipaglulugaw ko kayo.”
Pinakain siya nito sa kuwarto. Gusto pa ngang subuan siya.
“Ako na.” Kinuha niya rito ang tasa at kutsara.
Hindi umuwi si Marie nang gabing iyon. Binantayan siya. Paulit-ulit na sinisilip sa kanyang silid.
Nang gumaling siya pagkalipas ng ilang araw, gusto niyang bumawi kay Marie bilang pasasalamat sa pag-asikaso sa kanya.
“Huwag ka nang magluto ng pananghalian, sa labas na lang tayo kumain. Sunduin natin ang anak mo para maisama natin.”
“Talaga ho?”
“Oo. Halika na.”
Nag-ayos lang ito at sumunod sa kanya palabas ng bahay.
Ipinarada niya ang owner jeep sa kanto ng kalyeng papasok sa inuuwian ni Marie. Hinintay niya roon ang mag-ina. Ilang minuto pa, lumabas si Marie karga na ang anak.
Nagdiretso si Vir sa may restorang resort sa kabilang bayan. Kinuha niya kay Marie ang bata at ito ang pinaorder. Sa simula’y tila naiilang sa kanya ang bata, pumipiglas, pero kalauna’y kumalma rin. Hinahawakan nito ang kanyang pisngi, pinanggigigilan; nananampal din ang maliliit na mga kamay. Gumigibik ito kapag kanyang kinikiliti. Nahuli niyang nakatingin sa kanila si Marie, natutuwa pero tila pinangingiliran din ng luha.
“O, bakit?” tanong ni Vir.
Umiling. “Nasasabik siguro sa daddy si baby. Ganyan s’ya kapag may humahawak na lalaki.”
Muling binalingan ni Vir ang hawak na bata; muling nilaru-laro. Tila nagbalik sa kanyang alaala’t damdamin ang karanasan niya nang maging isang ama.









