Ni Nestor Cuartero
ANG bawat umaga ng aking kabataan ay karaniwang nagsisimula sa isang tasa ng mainit at mabangong kape.
Ang kapeng barako na pinagmulan nito ay inani at pinatuyo sa mismong bakuran ng aming bahay sa Batangas.
Walang nag-atubiling magtanong kung bakit kaming mga bata ay pinahintulutang uminom ng kape noong mga panahong iyon. Uso kasi, at tanggap ng lahat sa kulturang Batangenyo.
Sa Batangas, ang pag-inom ng kape ay araw-araw (at minsan pa ay oras-oras) na parte ng buhay na pinagsasaluhan ng buong pamilya tuwing umaga man o gabi.
Umiinom kami ng kape sa tuwing kumakain kami ng sinangag at tuyong isda sa umaga bago pumasok sa paaralan. Isinasawsaw namin ang pandesal sa kape upang malasahan ang malinamnam na tinapay na may halong kape sa mura naming panlasa.
Noong panahong iyon, hindi namin alam na ang kape ay para sa matatanda gaya ng x-rated na pelikula. Wala kaming kamalay-malay na may epekto ang kape sa aming kalusugan. Ang kape na siguro ang nagbigay-daan sa amin upang manatiling gising sa paaralan, maging active, at makamit ang tagumpay.
Ano nga ba ang mali sa kape? Bakit ang mga magulang sa ngayon na gaya ko ay binabawalan ang mga bata na uminom ng kape?
Ang kape ay sinasabing mas masustansiya kaysa sa ating inaakala, ayon sa pag-aaral ng mga siyentipikong Amerikano. Sinasabi na ang kape raw ay posibleng makapagbigay ng healthy antioxidants na higit pa sa prutas at gulay.

Ano nga ba ang mali sa kape? Bakit ang mga magulang sa ngayon na gaya ko ay binabawalan ang mga bata na uminom ng kape?
Ayon sa pahayag, nasukat ng mga siyentipiko na ang antioxidant content ng kape ay mas mataas ng 100 porsiyento sa iba’t ibang pagkain, kasama na ang prutas, gulay, mani.
Ang mga natuklasan ay isinama sa datos ng US Department of Agriculture.
Natuklasan nila na ang kape ay ang pinakamalaking pinagkukuhanan ng antioxidants. Ito ay sinundan ng black tea, saging, dry beans at mais.
Sinabi ni Prof. Joe Vinson, pangulo ng Scranton University sa Pennsylvania na, “Ang mga Amerikano ay nakakakuha ng mas maraming antioxidants sa kape kaysa sa ibang dietary source.”
Ang antioxidants ay ang mga agent sa katawan na tagapagligtas sa panganib laban sa mga mapinsalang molecules na sumisira sa cells at DNA. Magaling din itong proteksiyon laban sa sakit sa puso at kanser.
Sinabi pa ni Dr. Tan, dating hindi siya umiinom ng kape, pero dahil daw sa mga resulta ng iba’t ibang pag-aaral sa kape na may dagdag benepisyo ito sa mga may diabetes, masaya na niya itong iniinom araw-araw.
Dagdag pa ni Tan, bilang doktor na espesyalista sa mga may sakit na diabetes, ipinapaalala niya na dapat pangalagaang mabuti ang diet at maging aktibo sa gawaing pisikal, laro man ito o trabaho.
Iwasan din ang stress at magkaroon ng hindi mababa sa pitong oras na tulog gabi-gabi. Ang stress at kakulangan sa tulog daw ay mga bagong sanhi sa paglaganap ng diabetes.









