Pamasko ng Isang Halaghag na Ama

“Malamig d’yan, anak,” sabi ng ina. Hindi umimik si Ben; ang tingin niya’y nanuon sa munting Christmas tree na nakapatong sa ibabaw ng mesita. Bali ang ilang sanga niyon; basag ang ilang bolang pelus na naglawit.

Ni Wilfredo Pa. Virtusio

(Nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 23, 1968)

NAPAKALAMIG nang gabing iyon nang Disyembre; ang lamig ay nanunuot sa buto at halos magpanindig sa balahibo ni Ben habang nakaupo’t nag-iisip siya sa kanilang balkonahe. Ang labas ay yakap na ng Kapaskuhan- mga parol at Christmas tree sa mga bahay, mga awiting pamaskong pumapailanlang, yao’t ditong nagkakaroling na mga bata. Nagpapasko na nga ang sandaigdigan nguni’t banyaga, tiwalag kay Ben ang saya at luwalhating hatid ng Kapaskuhan.

Sa pagkakaupo sa madilim na balkonaheng iyon, ang diwa ni Ben ay nakatutok sa anyo ng isang lalaking balbasin, halos nanlilimahid, nanlalalim sa puyat ang mga mata, na nang mga sandaling iyon ay maaaring nasa isang sugalan o sa inuman o dili kaya’y kapiling ng kerida niyon- ang lalaking iyong itinalaga ng Panginoong Diyos na maging ama niya.

Ang kanyang ama. Ang pagkaama ng kanyang ama’y hindi niya madama lalo na sa mga sandaling iyon ng Kapaskuhan. Ilang oras na lamang at tutugtog na ang ikalabindalawa ng hatinggabi, hudyat ng pagsilang ng Dakilang Mesiyas, at nadarama niya, – hindi, hindi lamang nadarama, – natitiyak niya, natitiyak na walang amang babati sa kanila ng Maligayang Pasko.

Napakilos si Ben nang may marinig na yabag sa kanyang likuran. Ang kanyang ina. Binuhay niyon ang ilaw sa balkonahe.

“Malamig d’yan, anak,” sabi ng ina.

Hindi umimik si Ben; ang tingin niya’y nanuon sa munting Christmas tree na nakapatong sa ibabaw ng mesita. Bali ang ilang sanga niyon; basag ang ilang bolang pelus na naglawit. Nanlabo sa luha ang paningin ni Ben at mariin niyang nakagat ang labi.

May isang linggo na ang nakaraan, umuwi ang kanyang ama, lango at waldas ang suweldo para sa kinsenas na iyon at pati na ang taunang bonus.

Gaya ng dati, ang ina niya’y nagsawalang-kibo; parang walang ano mang ipinaghain niyon ang ama. Nguni’t nang nasa silid na ang mga iyon ang dalawa ay narinig niya ang tinig ng ina at siya’y nagtaka; malakas ang boses ng kanyang ina, nang-uusig at nang lumao’y nagtutungayaw. At di-naglipat-saglit, iniluwa ng pinto ang kanyang ama, isinusuot ang polosirt, kasunod ang kanyang ina. At siya’y lalong nagtaka: Nanggagalaiti ang ina, tila tigreng naninibasib habang iniwawasiwas ang tangang postcard. Nang sambitin ng kanyang ina ang katagang kerida, siya’y natigilan at naalaala niya ang natigilan at naalaala niya ang nilalaman ng postcard na iyong ipinadala mula sa Cebu- Best regards, from Mrs. Grecia- at pakiwari niya’y uminog na bigla ang paligid. Sinundan niya ang ina’t ama sa balkonahe, at doon, wari’y sa matinding inis sa katutungayaw ng kanyang ina, dinampot ng kanyang ama ang munting Christmas tree at inihagis sa sahig. Siya’y napatda, tila natuka ng ahas na namasdan ang munting Chritmas tree– ang Christmas tree na buong tiyagang ginawa at pinalamutian nila ang kanyang mga kapatid at ina – sa lapag, at nadama niyang umakyat ang dugo sa kanilang ulo. At siya’y sumigaw, sumigaw nang sumigaw hanggang sa dumapo sa kanyang pisngi ang isang malakas na sampal.

Si Ben ay napapilig, sinalat ang pisngi at may kirot na pumintig doon.

“Mahiga ka na, anak,” narinig niyang sabi ng ina. “Gigisingin na lang kita pagsimba mam’ya.”

“Di na ‘ko matutulog, ‘Nay,” sabi ni Ben.

Sila’y magkaharap na nakaupo, ina’t anak. Madalas silang nauupo nang gayon sa balkonahe- kung tulog na ang kanyang mga kapatid- at nag-uusap ng kung anu-ano. Mga pang-araw-araw na pangyayari, hinggil sa kanyang mga kapatid o kaya’y tungkol kay Angela, ang magandang kaklase niyang anak ng isang doktor. Nguni’t nang gabing iyon, ang napag-usapan nila’y ukol sa pangarap niya.

“Sa Marso’y tapos na ‘ko ng haiskul, ‘Nay,” sabi ni Ben.

“Haya’n mo, anak,” sabi naman ng ina na wari’y nahiwatigan ang ibig tukuyin niya. “Papasok ka sa kolehiyo.”

“Makapag-aral lang ‘ko, ‘Nay,” patuloy ni Ben na nadadala ng damdamin, “’Ala kayong pagsisisihan. Magkakaro’n kayo ng anak na abogado. At pag-aaralin ko sina Elvira, ‘Nay, pagkatapos ko. Ibibili ko kayo ng telebisyon, ng frigidaire at kotse, ‘Nay.”

Nangislap ang mga mata ng kanyang ina sa pagkakatingin sa kanya.

“Makikita n’yo, ‘Nay, kikilalanin nila tayo rito pagtapos na ‘ko. Ma…”

Hindi na naituloy ni Ben ang sasabihin. Muling napagtuunan ng kanyang tingin ang bali-baling sanga ng munting Christmas tree at karaka’y tila bulang nabasag ang binubuo niyang pangarap. Ang kanyang ama. Isang katotohanan ang kanyang ama. Hindi siya maitataguyod sa pag-aaral sa kolehiyo ng uri ng pamumuhay na tinatahak ng kanyang ama.

Ang kanyang ama. Sa kanya’y banyaga ang katauhan ng ama; isang putikang diyos ang pagkaama niyong hindi niya mayakap, kinapopootan at minsan pa nga’y isinusumpa. Wala siyang maikawing na magandang gunita sa ama; ang lagi nang natatagni sa kanya’y ang kulapol ng putik na isinasaboy niyon sa pangalan ng kanilang pamilya. Naisip niya nang buong kapaitan, sinisira, winawasak ng ama ang lahat ng maganda  sa kanyang buhay- pangarap, pag-ibig…

Si Angela. Maganda si Angela, mabait, busilak, supling ng isang may-sinasabing doktor sa Moninon. Si Angela ang musa ng kanyang musmos ng mga tula. Si Angela’y malapit sa kanya, ngunit may lakas na pilit na lumilikha ng gawang sa pagitan nila ng dalagita- ang kanyang ama.

“Ang ‘Tay, ‘Nay, ba’t gano’n?” hindi niya napigil na itanong.

Siya’y maluwat na natingnan ng ina at nasinag niya ang pagkaawa sa mukha nito. A, ang kanyang ina. Isang napakabuting babae ang kanyang ina at may mga sandaling hindi niya maubos-isipin kung bakit ang dapat maging kapalaran niyon ay isang lalaking tulad ng kanyang ama.

“Magtiis pa tayo, anak,” sabi ng kanyang ina. “Magbabago rin s’ya, anak. Mabuti s’ya sa kabila ng lahat.”

“Kailanma’y di namin s’ya naging ama, ‘Nay.”

“Mahal kayo ng ama n’yo.”

Mahal. Ang pait ay humahalukay sa dibdib ni Ben. Kailanma’y hindi niya nadama ang pagmamahal at pagkalinga ng ama na dapat lamang asahan ng isang anak na tulad niya. Sa halip, pagwawalang-bahala at kalupitan ang idinudulot sa kanila ng ama. Naalaala niyang may suklam sa puso ang umagang iyon noong nasa ikaanim na baytang siya ng mababang paaralan nang pilit siyang pautangin ng kuwarta ng ama sa isang kapitbahay at kailangan niyang lunukin ang likas na pagkamahiyain upang makaligtas sa karahasan ng ama, ang pagkakapagbili niyon ng lumang piyano ni Elvira-isang linggong iniyakan ng kapatid ang pagkawala ng piyano- at ang pagkakabalibag ng ama sa sahig ng munting Christmas tree.

“Malamig d’yan, anak,” sabi ng ina.
Hindi umimik si Ben; ang tingin niya’y nanuon sa munting Christmas tree na nakapatong sa ibabaw ng mesita. Bali ang ilang sanga niyon; basag ang ilang bolang pelus na naglawit.

“Sige, anak,” pagkuwa’y sabi ng ina, “papasok na ‘ko. Baka makalimot ako’y pakigising mo ‘ko pagkalembang. Sabay-sabay tayong sisimba.”

Pagkatalikod ng ina’y tumindig si Ben at naupo sa palabahan ng balkonahe. Natanaw niya sa bukas na bintana ng silid ng kapitbahay ang pagbibihis ng kaklaseng si Ver. Dadalo iyon sa sayawang idaraos ng Kapisanan ng Kabataan sa Moninon. Tiyak na naroon din sa sayawang iyon si Angela. Nguni’t siya’y hindi makadadalo: wala siyang ternong maisusuot.

WALANG anu-ano, ginambala ang kanyang pag-iisip ng pagtawag sa kanyang pangalan. Nabanaagan niya sa kalsada ang kababatang si Ele. Mabilis, halos patakbo siyang nanaog.

“Galing ako sa bayan,” sabi ni Ele, “at nakita ko’ng tatay mo. Gusto ka raw makausap. Hihintayin ka raw sa tindahan ni Tiong Lay.”

“Bakit daw?”

“’Ba, ewan ko. Pero kabilin-bilinan sabihin ko raw sa ‘yo. Muk’ang importante ang sasabihin sa ‘yo, e.”

Ibig siyang makausap ng ama. Bakit? Bahagya na niyang natugon ang pagpapaalam ni Ele.

Muli siyang pumanhik ng bahay. Ginising ang ina.

“Lalabas lang ho ‘ko sandali.” sabi niya sa ina.

“Sa’n ka pupunta?”

“D’yan lang ho.” Aywan kung bakit bigla niyang naipasiyang ipaglihim sa ina ang gagawing pakikipagkita sa ama.

“O, sige, pero babalik ka bago mag-alas-dose. Sabay-sabay tayong sisimba.”

“Oho.”

Maya-maya pa’y tinatahak na ni Ben ang lansangang patugpa sa kabayanan. Nasa kabilugan ang buwan at ang sandaigdigan ay naliligo sa mahinhin niyong liwanag.

Nakapamulsa ang dalawang kamay na nagpatuloy ng paghakbang si Ben; animo siya isang talunang kawal na nagmula sa isang larangan. Nilampasan niya ang gusali ng mababang paaralan, ang simbahan, ang subdibisyong kinatitirikan ng mga bahay ng mga may sinasabing angkan sa Moninon. Ang kabuuan ng bunggalo nina Angela ay namumutiktik sa mga bombilyang iba’t iba ang kulay. Sa gitna ng madamong lawn ay  nasilip niya ang isang malaking punong pinong ginawang Christmas tree, na puno ng magagandang palamuti.

SA wakas ay narating niya ang plasa. Maraming taong naggala roon, Ang malaking bilog na orasan sa may ulunan ng rebulto ni Dr. Jose Rizal ay nagsasaad na ikasampu na ng gabi. Batbat ng liwanag ang lahat ng panig ng liwasan. Mabilis na tinungo ni Ben ang tindahan ni Tiong Lay sa may kanto.

At siya’y natigilan nang makita ang ama. May kung anong naantig sa kanyang damdamin nang mamasdan niya ang pasukut-sukot at wari’y nahihiyang paglapit ng ama sa maliwanag na bahagi ng tindahan. Inaasahan na niya ang marungis, halos nanlilimahid na anyo ng ama, ngunit ang tumawag ng kanyang interes ay ang paghihirap, anaki’y matinding pagdurusa ng kaluluwang nasinag niya sa payat na mukha ng ama.

Ngayo’y magkaharap na sila sa gitna ng kaingayang nakapamamayani sa paligid.

“Kumusta ka, anak?” Ang tinig ng ama’y mababa, banayad, nagtatangkang maging pangkaraniwan.

Si Ben ay hindi umimik; patuloy niyang matiim na pinagmamasdan ang ama. Kailanma’y hindi pa sila nagkakausap na mag-ama nang sarilinan – iyong usapang ama sa anak, anak sa ama- at ngayo’y nadarama niyang magaganap ang bagay na iyon.

“Ang Inay at mga kapatid mo, di ba sila nagkakasakit?”

Ang kanyang ama’y isang linggo nang hindi umuuwi, kaipala’y nagbubumabad sa mga sugalan o kaya’y sa kerida niyon kung umuwi na ito buhat sa Cebu.

“Di ka namin naging ama kailanman, ‘Tay,” sabi ni Ben, at nadama niyang ibig niyang umiyak.

Ang ama’y maluwa’t na napatingin sa anak. Si Ben. Malaki na nga pala si Ben, hindi na isang musmos. Sa magkaharap na pagkakatayo, natuklasan niyang higit na mataas sa kanya ang anak.

Walang anu-ano, buhat sa isang bahay ay pumailanlang ang isang pamaskong awitin, ang Silent Night, Holy Night. Ang ama’y napakagat-labi.

“Ben…”

Napakaraming gustong sabihin ng ama, nguni’t tila may bikig ang kanyang lalamunan. Ngayo’y kalong siya ng damdaming iyong sumakanya kanginang ipasya niya ang pagbabagong-landas. Aywan niya kung paano niya nayari ang kapasiyahang iyon. Naglalakad siya kangina, nag-iisa sa gitna ng kasayahang namamalas sa paligid, nang maalaala niya ang kanyang mag-anak at bigla siyang antigin ng pagsisisi at malabis na pagkahabag sa mga iyon. Iyon nga kaya ang mensaheng ibig ihatid sa kanya sa kapaskuhang iyon? A, aywan niya, ngunit ipinangako niya sa sarili nang gabing iyon na magbabagong-buhay siya.

“Sa unang pagkakataon, Ben,” maya-maya’y nakuhang sabihin ng ama, “nangangako ‘kong magkakaroon ka ng bagong ama.”

Napansin ni Ben, malambot ang mukha ng ama, wala ang kabagsikang naikawing na niya roon. Napuna rin niyang may pagpapaulap sa mga paningin niyon.

“Ben, paglaki mo, mauunawaan mo kung ba’t ang ‘sang amang gaya ko’y nakagagawa ng mga bagay na nagawa ko.”

Napagpakuan ng tingin ni Ben ang kipkip ng ama. Nababalot ang kabuuan niyon ng diyaryo.

“Siyanga pala, Ben,” sabi ng ama, “binili ko ‘to kangina sa konti pang pera kong natira. Iuwi mo.”

Kinuha ni Ben ang iniabot ng ama, binuksan. At siya’y natigilan. Isang munting Christmas tree iyon. Napapalamutian.

“Sige, Ben,” pagkuwan ay sabi ng ama, “umuwi ka na. Baka nag-aantay na’ng inay mo.”

“’Tay…” Taglay ng boses ni Ben ang pinakakahulugan ng katagang iyon.

“Di pa ‘ko makakasama sa ‘yo ngayong gabi, Ben,” sabi ng ama. “Notse Buwena mam’ya at di ko matitiis na makita kayong ‘alang ano mang pinaghaharapan. Pero bukas, Ben, uuwi ‘ko. Naiintindihan mo ‘ko, di ba anak?”

Si Ben ay napayuko, matagal. Saka lamang siya nag-angat ng mukha nang pisilin siya sa balikat ng ama at maramdaman niya ang papalayong yabag niyon. Sinundan niya ng tingin ang nakayuko, patpating anyo niyon hanggang sa lagumin ng kawalan. At nakipkip niya nang mahigpit ang munting Christmas tree na ipapalit sa sirang Christmas tree sa kanilang bahay. Naramdaman niyang nabuwag, nawasak, ang sagka ng tinitimpi niyang damdamin at siya’y napaluha. Nguni’t siya’y hindi na tiwalag, hindi na nawawalang bahagi ng lahat ng kayahan at kaluwalhatiang iyong nakapamamayani sa kapaligiran.