Ni FLORO DE JESUS
(Nalathala: LIWAYWAY, Enero 10, 1955)
ANG gabi ng paghihiwalay ng taon ay unti-unti nang iniuusad ng tila nanghihinamad na mga hintuturo ng orasan. Sa pagkakatayo ni Digna sa tabi ng bintana ng kanyang silid ay isang masayang daigdig ang kanyang nakita – aliwalas ang mukha ng langit, paminsan-minsa’y bumabalatay sa kalawakan ang sinag ng gumagalang liwanag ng mga lente, sa daan ay walang tigil ang mga bata sa paglalaro ng mga rebentador.
Nguni’t hindi isang maligayang daigdig ang nakikita ni Digna. Sa kabila ng masayang tanawing nakatambad sa kanyang paningin, ang namamalas niya’y isang magimbal na daigdig na pinagbabantaan ng digmaan, at sa ibang panig, ang digmaang iyo’y sunog nang naglalagablab, hindi na mga batang naglalaro lamang ng rebentador ang kanyang nakikita, kundi matitipunong lalaking humahawak ng mga paputok… mga paputok na pumapatay, sumisira at nagwawasak.
“Diyos ko… saan ba patungo ang buhay na ito?” hindi sinasadyang nasambit ni Digna. Ang isang tanong na iyo’y matagal na niyang isinisigaw sa mukha ng buhay.
Sa mga gunita ni Digna ay sariwa pa ang mga bakas na iniwan ng katatapos na digma. Hindi pa niya nalilimot ang malagim na tagpo na nangyari sa kanilang mag-anak – ang kanilang bahay ay nawasak, patay ang kanyang ina, ang kanyang ama’y sugatan at agaw-buhay. Nakayakap sa kanya ang kanyang batang kapatid na si Elsa – umiiyak sila at kapwa takot na takot.
“Digna, huwag mong pababayaan ang iyong kapatid na si Elsa,” wika ng kanyang ama sa gitna ng pag-aagaw-buhay nito. “Sikapin ninyong mabuhay na magkapatid. Sa kabila ng lahat ay may mga bagay pa rin sa daigdig na kanasa-nasa upang mabuhay…”
Sa kalagiman ng natapos na digma’y pinilit ni Digna na paniwalaan ang sinasabing iyon ng kanyang ama. Ulila sila ni Elsa nang manumbalik ang kapayapaan. Labintatlong taon pa lamang siya noon at si Elsa ay sampu. Dinala nilang magkapatid ang sarili nilang buhay, at kasabay ng pagbabangon ng mga naiwang wasak ay naramdaman nila ni Elsa na sila man ay bumabangon ding kapanabay ng iba.
Nagsimula si Digna sa paglilingkod sa isang restawran, at mula roo’y natuklasan siya ng isang direktor sa pelikula. Inamuki siyang lumabas sa puting tabing. Hindi siya matatawag na isang ganap na bituin, nguni’t sa maraming pelikula’y nakatupad na rin siya ng mahahalagang papel. Nakapagtayo siya ng sariling tahanan nila ni Elsa. Napapag-aral din niya ang kanyang kapatid. Nakatapos si Elsa ng haiskul, at ngayo’y kumukuha ng abogasya, bagaman paminsan-minsa’y sumasama rin kay Digna sa paglabas sa pelikula.
Isang nakatutulig na putok ng rebentador ang nakagulantang kay Digna sa pagkakatayo niya sa tabi ng bintanang iyon. Sinundan pa iyon ng sunud-sunod at mahinang putok.
“Ang mga batang iyon… ano ba ang nahihita nila sa mga paputok?” payamot na nasabi ni Digna na kasabay ang pagtalikod sa bintana.
Sa mukha ng kalendaryo’y
magkasamang nakatitik,
Ang linamnam ng ligaya’t
ang saklap ng dusa’t hapis.
Ang unang nabalingan ng tingin ni Digna ay ang isang bagong kalendaryo na nakasabit sa tabi ng kanyang tokador. Napatungo ang kanyang paningin doon. Sila ni Elsa ang pinagkunan ng larawan ng kalendaryong iyon. Nakaupo siya at kandong niya ang isang malaking rebentador. Nasa kanyang likuran si Elsa at anyong sisindihan nito ang mitsa ng malaking rebentador nang hindi niya namamalayan. Ang larawan nilang iyon ay nakalagay sa mukha ng isang orasan na ang dalawang hintuturo’y malapit nang mag-abot sa ika- 12:00 ng hatinggabi. Sa gawing ibaba’y may isang batang dumarating habang isang matandang hukluban ang nakatungkod na paalis.
Biglang sumagi sa alaala ni Digna ang huling sulat ni Victor na kanyang tinaggap ukol sa kalendaryong iyon: “…Hindi namin napaglabanan ni Danilo ang mapatawa nang malakas nang makita naming ang larawan ninyong magkapatid sa kalendaryong ipinadala mo sa akin, Digna. Maganda ang kahulugang ipinahihiwatig niyon. Naisip namin na totoong-totoo iyan sa nangyayari sa daigdig – hindi lamang mga batang paslit ang naglalaro ng rebentador. Mga lalaking katulad namin ni Danilo, na nagpapalagay na may sapat nang isip, ang naglalaro ng mga paputok, at isipin mong malalaking paputok. Hindi ba nakatatawa iyan?”
Hindi nakatatawa iyon kay Digna. Ang nangyayari sa kanyang ina, sa kanyang ama, at kay Victor na rin nitong huli’y mga bagay na hindi nakatatawa – ang daigdig na naglalaro ng paputok ay napapaso sa paputok.
Nagunita ni Digna na may apat na taon ang nakararaan nang makilala niya si Victor sa isang sayawan sa estudyo. Sa unang pagkikilala pa lamang nila ni Victor ay hindi isang pangkaraniwang damdamin ang napukaw sa kanyang dibdib, nguni’t pilit niyang ipinagwalang-bahala iyon, pagka’t si Victor ay isang opisyal ng hukbo, isang tenyente. Gayunpaman, hindi lubusang naiwasan ni Digna si Victor nang gabing yaon. Makailang ulit silang nakapagsayaw.
Nang sumunod na araw ng Bagong Taon ay isang kumpol na rosas ang tinanggap niyang padala ni Victor. Isang tarheta ang kalakip at may nakatitik: “Manigong Bagong Taon, Digna. Ang rosas ang ipinalalagay kong pinakamagandang bulaklak, kaya ito rin ang pinili kong maging tanda ng ating pagkikilala. – Victor.”
“Ate, kagabi pang nagsasayaw kayo ng Tenyenteng iyan ay napapansin ko na ang kakaibang kislap ng iyong mga mata,” pabirong wika ni Elsa kay Digna pagkatapos na mabasa ang nakatitik sa tarheta.
Palabing umiling si Digna.
Nagtawa nang malakas si Elsa. “Ang iling mong iyan ay hindi pinatutunayan ng kislap pa ng iyong mga mata ngayon!”
“Hoy, tumigil ka nga! Akala mo ba’y iibig ako upang pagkatapos ay mapabilang lamang sa mga balo ng digma? Mag-aasawa ako kahit kanino, nguni’t hindi sa isang kawal.”
Hindi napanindigan ni Digna ang kanyang paniwalang iyon. Nakilala niyang higit na makapangyarihan ang pag-ibig, at si Victor ay hindi niya naiwasang ibigin. Inibig niya si Victor na kakambal ang takot – takot sa isang daigdig na maya’t maya’y pinagbabantaan ng digma.
“Bakit ka pa kaya naging isang kawal, Victor?” minsan nga’y naitanong ni Digna sa kanyang katipan.

“Ewan ko,” sagot ni Victor. “Marahil ay sapagka’t iniibig ko ang kapayapaan.”
“Kapayapaan ba iyang palagi kang nakaumang sa labanan…sa pakikipagpatayan?”
Inabot ni Victor ang isang kamay ni Digna at nilukob sa dalawang palad. “Iyan ang kabutihan ng ating Hukbo upang manakop at mang-alipin, kundi upang magtanggol at mangalaga sa kalagayan at kapayapaan ng tao.”
“Nguni’t natatakot ako, Victor…” padaing na nawika ni Digna. “Paano kung ano ang mangyayari sa iyo? O, huwag nawang ipahintulot ng Diyos! Kaya ibig kong iwan mo na ang Hukbo, Victor…”
“Oo, Digna… iniisip ko na rin nga iyan. Pakakasal tayo… magtatayo ng isang magandang tsalet, iyong may malawak na bakuran at mag-aalaga tayo ng mga rosas…”
Nguni’t hindi nila natupad ang pangarap na iyon. Nakabilang si Victor sa pangkat na ipinadala sa larangan ng Korea. Sa isang taong pagkakalayo ni Victor ay parang isang taon nang kamatayan ang dinanas ni Digna. Ang nagugunita ngayon ni Digna na isa sa pinakamaligayang sandali ng kanyang buhay ay ang araw ng pagbabalik ni Victor. Malakas si Victor at walang bahagya mang kapansanan.
Datapwa’t, parang isang patak na ligaya lamang sa dibdib ni Digna ang pagbabalik na iyon ni Victor upang mangalaga sa kapayapaan sa isang lalawigang ginigimbal ng mga mapanligalig. At sa pagkakatitig ngayon ni Digna sa larawan nila ni Elsa sa kalendaryo na naglalaro ng malaking rebentador ay hindi niya makita ang katawa-tawa roon pagka’t nagsipanlabo na sa luha ang kanyang mga mata.
Pagkaraan lamang ng Pasko’y hindi sulat ni Victor ang tinganggap niya kundi sulat ni Danilo. Sa isang bahagi ng sulat ni Danilo ay ganito ang isinasaad: “…ibig ko sanang ako ang makarating sa iyo, Digna, upang maibalita sa iyo ang nangyari sa kanya. Sinamangpalad siya sa pakikilaban. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay ikaw ang nagugunita niya. May ipinadadala siya sa iyo at sisikapin kong maihatid sa iyo ito sa unang pagkakataong ipahintulot sa akin ng panahon. – Danilo.”
Bagong Taon! Sa kabila ng mga kalagimang nagbabala sa hinaharap ng isang Bagong Taon ay tila wala ring hangganan ang kinabukasan – at lagi nang maganda at may pag-asa ang kinabukasan.
Pagkaraan pa ng ilang saglit ay naramdaman niyang may naupo sa kanyang tabi sa kama, at isang kamay ang marahang humawak sa kanyang balikat.
“Ate, may panauhin ka…” ani Elsa.
“Paalisin mo… sabihin mong may-sakit ako o kaya’y wala ako…” wika ni Digna na hindi tumitinag sa pagkakasubsob.
“Nguni’t, Ate,”… si Danilo ang panauhin. “Naghihintay siya sa salas,” sabi ni Elsa.
Biglang napaangat ang ulo ni Digna. Dumating sa Danilo! Marahil ay dala na ni Danilo ang ipinabibigay sa kanya ni Victor. Si Danilo ay hindi na niya nakikita kahit minsan.
Nguni’t parang kilalang-kilala na niya ito, sapagka’t mula pa sa Korea ay palaging nababanggit ito sa kanya ni Victor. “Sa kanya ko lamang naipagtatapat ang lahat ukol sa atin,” sabi pa ni Victor sa isang sulat sa kanya. “Siya’y naging bahagi na rin ng ating mga pangarap.”
“Mag-ayos ka na ng katawan mo, Ate,” wika sa kanya ni Elsa.
Napatulin si Digna sa pagbibihis. Ang namumugtong mga mata niya ang tanging nagkakanulo sa kanyang pagdaramdam. Nang lumabas sila ni Elsa ng silid ay nakita nila si Danilo na nakatayong papatalikod sa kanila. Pinagmamasdan ni Danilo ang isa pang kalendaryo na nakapahiyas sa salas.
Marahang pumihit si Danilo nang maulinigan ang mga yabag nina Digna at Elsa. Napatitig si Danilo kay Digna. Napilit ni Digna ang kanyang ngiti at kinamayan ang batang kawal.
“Kahit man pala hindi kita nakita sa larawan ay makikilala rin kita, Digna,” wika ni Danilo na nakatitig pa rin sa kanya. “Nailarawan kang mabuti sa isip ko ni Victor…”
“Maupo ka, Danilo…” sabi ni Digna at nagpauna siyang lumakad na patungo sa magandang set nila sa tabi ng bintana ng salas.
“Dito ako mauupo…” wika ni Danilo at naupo sa likmuang nasa tabi ng bintana. “Dito nauupo si Victor kung dumadalaw sa iyo, ano?” at sandaling luminga-linga si Danilo. “Pati ang kabuuan ng salas na ito, ang pagkakaayos ng mga kasangkapan, ay parang nakita ko na pagka’t nailarawan din sa akin ni Victor.”
Napakagat-labi si Digna. Saka lamang napansin ni Digna ang isang maliit na kahong nakapatong sa mesita sa pagitan nila nang abutin iyon ni Danilo.
“Ipinagbilin niya sa akin na ibigay ito sa iyo…” sabi ni Danilo at iniabot kay Digna ang kahon.
Marahang inalis ni Digna ang balot ng munting kahong iyon. Inangat niya ang takip. Isang sariwang rosas ang nakita niya roon na may kasamang sulat. Hindi napaglabanan ni Digna ang panginginig ng kanyang mga daliri nang damputin niya iyon at basahin: “Digna, nasa ospital ako nang pagpilitang gawin ang sulat na ito. Alam kong hindi ko na magagawa ang tsalet na iyon na may malawak na loobang pag-aalagaan natin ng mga rosas. Huwag mong damdamin ang nangyari sa akin. Sikapin mong makalimot. Nawala man ako’y naiwan sa iyo ang isang magandang pangarap – maaaring maipagpatuloy mo pa iyan at makakita ng katuparan sa iba. Hindi ko kasamang nawala ang lahat ng magagandang bagay sa buhay…magpapatuloy ang buhay na taglay ang lahat ng magagandang bagay na hindi mapananaigan kahit ng kalupitan ng digma. Hinahangad ko ang iyong ligaya. – Victor”.
Napayuko si Digna sa isang palad niya. Hindi niya napaglabanan ang kanyang mga luha. Naghari sa kanila ni Danilo ang katahimikan.
“Ang sabi niya sa akin ay dalhan kita ng rosas,” ibinasag ni Danilo. “Naging bahagi ako ng mga pangarap ninyo, Digna. Sa pagkakasama namin sa mga larangan ay naging pangarap ko rin iyan, at sa aming dalawa’y ako ang nakabalik. Naniniwala si Victor na magpapatuloy ang buhay, at ibig niyang makitang kasama tayo ng buhay sa pagpapatuloy…”
Bagong Taon! Sa kabila ng mga kalagimang nagbabala sa hinaharap ng isang Bagong Taon ay tila wala ring hangganan ang kinabukasan – at lagi nang maganda at may pag-asa ang kinabukasan. Nang umaga ng Bagong Taong iyon ay isang pumpon ng rosas ang tinanggap ni Digna. Sa isang tarhetang kalakip ay ganito ang kanyang nabasa: “Digna, ang mga rosas na ito’y sariling handog ko na, – Danilo.”









