“Hindi naman pala masyadong malalaki,” sabi nito. Umismid pa nang bahagya. “Daming maliliit.”

Ni JENG GUANSING-DE DIOS

“PAQUING! ‘Nak! Nandito na ‘yong ahente, hanap ka!”

Iniangat niya ang ulo. Bahagyang ipinilig. Ang kanyang Nanay Salud. May ahente raw na naghahanap sa kanya. Bigla siyang napaisip. May usapan nga pala sila ngayon ng ahente ng sibuyas. Magkikita sila mga bandang hapon. Titingnan, sisipatin, saka tatakdaan ng presyo ang tanim niyang isang ektarya. Magtatawaran sila sa itatakdang halaga.

“Upo ka, P’re,” bungad niya sa ahente. “Kape?”

“‘Ge lang. Tara na, P’re, medyo nagmamadali si Madam. Kasama ko sa sasakyan. Luluwas din kasi mam’ya.”

Hindi na siya kumibo. Ito rin naman ang hinihintay niya, ang matawaran na ang kanyang pananim. Kaagad niyang iginiya palabas ang ahente. Natanaw niya sa labas ng bakod na kawayan ang sinasabing ‘Madam’ ng ahente— ang biyahera. Bukod pa ito sa pinaka-financer ng grupo na kahit minsan ay hindi man lang naligaw sa Mindoro ni anino nito.

“Gandang hapon po, Madam.” Lumingon ang babaeng nasa edad kuwarenta’y singko. Bata pa pala, naisip niya. At may itsura. “Kape po?”

No, ‘di na. Sa’n ang tanim mo?”

Masyadong pormal ang biyahera. May pagkasuplada. Ni hindi nakipaghuntahan sa kanya habang naglalakad sa pilapil. Nang marating nila ang kanyang pinitak, yumuko kaagad ito at binuklat-buklat ang nakatindig na mga sibuyas. “Hindi naman pala masyadong malalaki,” sabi nito. Umismid pa nang bahagya. “Daming maliliit.”

“Mas okey nga po ‘pag hindi gaanong malalaki, ‘di ba? Sa kumpare ko d’yan sa katabi, ni-reject ‘yong ibang malalaki. Mahirap daw i-stock. Madaling mabulok.”

Nilingon siya ng biyahera. Tumaas ang kanang kilay. “Sino b’yahera n’ya?”

Hindi siya nakakibo. Ibang ahente kasi ang bumili sa mga pananim ng kanyang kumpare. Ni hindi niya nakita kung sino ang biyahera. “’Di ko kilala, Madam. Basta ang alam ko, taga-Menila rin.”

“’Di namin kagrupo ‘yon. Gusto sana namin mas malalaki. Kinukuha naman namin ang mga gan’to, pero mas mababa,” sagot ng babae, sabay bunot ng isang pirasong sibuyas. Pinili nito ang pinakamaliit.

“Iilan lang naman ang ganyan ang size, Madam. Sa bandang gitna malalaki.” Nagpaliwanag siya. Medyo naiinis na dahil halata namang gusto lang baratin ng babae ang pananim niya. Umaasa pa naman silang mag-ina na titiba sila ngayon sa sibuyas lalo na at nauna silang nagtanim. Iilan pa lang ang umaani tapos wala pang pumapasok na mga angkat mula sa ibang bansa kaya masaya ang mga lokal na magsasaka. Ginto nga kung ituring nila ang mga sibuyas ngayon. Ilang taon din kasi na halos hingiin na lang sa kanila ang mga pananim na sibuyas dahil daw sa over supply. Panay kasi ang angkat ng gobyerno na parang bawang at bigas din. Suwerte ang dating sa mga consumer sa merkado, pero luging-lugi ang mga magsasakang nagpapakahirap magtanim. Tapos heto ang biyahera, mukhang mambabarat na naman.

“Tingnan natin sa gitna, baka mas malalaki.” Ang ahente na ang nagyaya. Inalalayan pa ang biyaherang suplada.

Habang naglalakad sila, panay ang ismid ng babae. Panay ang bulong sa ahenteng lalaki. Patingin-tingin lang naman siya. Nag-oobserba kung anong gustong ipahiwatig ng dalawa.

“Halos pare-parehas naman pala. Iilan lang malalaki.”

Dinig niya ang hirit ng babae, pero nagbingi-bingihan siya. “Malalaki d’on banda, Madam. Saka…”

“Madamo. Inasawa ng damo kaya maliliit. Marami ring bulugan.” Nilingon ang ahente. “’Kano tawad mo rito? Tingin mo? Iawas mo ‘yong sa ‘yo.”

Nilingon ng ahente ang biyahera. “One-twenty, straight. May pangkape na tayo n’on.”

Hindi siya makapaniwala. One hundred eighty pesos kada kilo, lahatan, ang kalakaran ngayon. Walang sakian o pagka-classifying lalo na kapag maganda naman ang pananim. May nakita lang na iilang pirasong bulugan sa mga sibuyas niya, marami na raw ang bulugan at maliliit. Tapos sa one hundred twenty pesos kada kilo, may pangkape na raw. Ibig sabihin, naliliitan pa sa kikitain ang ahente. Pangkape lang? Samantalang ibabagsak nila ito sa merkado ng halos apat na raang mahigit kada kilo. Kaya naman hindi nakapagtatakang ang mga ahente ng sibuyas sa lugar nila ang nakapagpapatayo ng malalaking bahay sa halip na silang mga magsasaka. Alam naman niyang kani-kanya ng diskarte sa buhay ang bawat tao, pero minsan, hindi na rin makatarungan ang ganito.

“Lugi naman ‘ata ‘ko sa one-twenty. One-eighty nga ang kalakaran ngayon kapag may ahente. May tumatawad pa nga’ng one-ninety hanggang two hundred kapag direkta sa buyer. Hindi ko na muna ‘to bibigay. Lalaki pa ‘to, sanlinggo lang.”

Bumuntong-hininga ang babae, saka umismid. “Sige,” sabi sa kanya. “Tara na. Sayang gas natin dito,” sabi naman sa ahente. Walang lingon-likod na binagtas ang mga pilapil. Iniwan siya nang wala man lang paalam. Suplada talaga, naisip niya.

Pagbalik niya sa bahay, sumalubong kaagad ang kanyang Nanay Salud. “‘Kanong tawad, ‘Nak?”

“‘Di ko binigay, ‘Nay. Mababa.”

“Magkano nga kasi?” Hinampas siya ng hawak na bimpo.

“One-twenty.”

“Tanga, binigay mo na sana. No’ng ‘sang taon nga otso lang kuha manginig-nginig ka pa, e. Ngayon one-twenty tumanggi ka pa? ‘Pag umulan, bababa ‘yan. ‘Di mo hawak ang panahon ngayon, ‘di tulad dati.”

Summer na summer, ‘Nay, pa’no uulan? Tsaka, mas okey nga ‘yon, tipid sa krudo. Magpapatubig pa ‘ko. ‘Sanlinggo lang naman. Baka lumaki pa.”

“Aywan!” Padabog na tumalikod ang ina. May punto naman ito, alam niya. Pero magsasaka siya kaya kaya niyang sumugal sa kapalaran. Kaya niyang makipaglaro. Taon-taon naman siyang sumusugal at nakikipaglaro dito. Bagyo, baha, tagtuyot, mga peste. Ano pa ba? Ano ba naman iyong maghintay sila ng isang linggo kung makukuha naman nang mataas ang pananim niya. Kahit bente pesos man lang sana ang itaas, maganda na. Bente mil na iyon sa isang tonelada.

Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay nasa bukid na siya. Hatak-hatak ang mga PVC pipe na gagamitin sa pagpapatubig. Mabuti na lang, uso na ang ganitong sistema kaya hindi na siya naglilinis ng mga kanal na katulad noong araw. Mas madaling patakbuhin ang tubig sa pinagdugtong-dugtong na mga pipe, wala pang nasasayang na tubig dahil sa pagsipsip ng lupa sa mga kanal. Wala silang pampublikong irigasyon kaya kani-kanya ang mga magsasaka rito sa pagpapahukay ng deep well o shallow tube well. Daang libo nga ang ipinuhunan nilang mag-ina para lang sa pagpapahukay. Siyempre, utang. Kaysa naman ‘ika maghintay ng biyaya ng ulan. Mas lamang ang pagkalugi kaysa kumita.

Isang beses na lang niyang patutubigan ang mga pananim, tiyak na lalaki pa ang mga ito. Mas tataas din ang presyo. Ang kaso, bago pa matapos ang maghapon, kumulimlim, saka umulan nang malakas. Natuwa siya dahil kahit papaano ay nakalibre ng krudo. Pero kinabahan dahil ang ulan ay marunong maglaro ng presyo.

Makalipas ang tatlong araw matapos ang malakas na ulan, bumulas ang kanyang mga sibuyas. Kumapal ang mga damo, pero hindi na naging sagabal sa mga pananim. Natuwa siya. Malamang, matatawaran ng two hundred ang sa kanya.

“Paquing! Quing! Anak!” Humahangos ang kanyang ina.

“Ba’t, ‘Nay?”

“Lang’ya, ‘sandaan na lang daw tinawaran ang kay Temyong, a!” Hingal na hingal ang kanyang ina. Parang kagagaling lang sa tindahan nina Aling Ising, ang pondohan ng mga marites na pinakamalalakas ang signal sa kanilang lugar. Doon nasasagap ang maiinit na balita sa buong sambayanan. Daig na daig ang signal ng radyo at telebisyon.

“Sino nagsabi?”

“Si Jeremy, ‘yong boy ni Temyong. ‘Yong ahenteng kausap mo raw ‘yong nakakuha. Bumaba na naman, jusmiyo!”

“Kalma lang, ‘Nay. Tsismis lang ‘yan. Hindi naman nakaharap ‘yang si Jeremy n’ong nagkabayaran, pa’no n’ya malalaman?”

“S’yempre binibida ni Temyong, ‘no ka ba? Bumubula nga raw ang bibig sa kangangawa. May magagawa pa ba’ng pagngangawa n’ya?” Naweywang pa ang ina sa harap niya. Para bang may gustong ipahiwatig. Gusto yata siyang sisihin dahil hindi pa niya ibinigay sa one-twenty iyong sa kanya.

“’Yaan mo lang, ‘Nay. Tingnan mo, tataas pa ‘yan mga ilang araw.” Sa totoo lang, pinalalakas lang naman niya ang loob ng ina. Pinakakalma nang bahagya. Pero sa likod ng kanyang utak, malamang, bababa pa ito nang mas mababa sa kanyang inaasahan. Mukhang nilalaro na siya ng tadhana at pagkakataon.

Lumipas pa ang apat na araw. Saktong isang linggo pagkatapos niyang tanggihan ang alok na presyo ng ahente at biyahera, may dumating na namang masamang balita galing sa pondohan ng mga marites. Ang ilang sibuyasan daw sa kanilang baryo, inatake ng mga harabas. Dala ng ulan, ‘ika ng iba. Ang mga pesteng uod pa namang ito, kayang sirain ang mga pangarap sa buhay ng mga magsasaka sa loob lang ng isang gabi.

“Parang dinaanan daw ng bagyo ang sibuyasan ni Martin, ‘Nak,” sabi ng ina niya. “Kakaawa din ang kumag. Laki’ng ginastos no’n. Ilang litrong krudo’ng nilaklak ng sibuyasan no’n. Tapos mapepeste lang. Sabi nga namin ke Mila bantayan ang asawa. Baka kung anong gawin.”

Hindi siya makakibo. Tumatakbo sa isipan ang posibilidad na liparin ng hangin ang mga pesteng uod patungo sa kanyang bukirin. Hindi nga niya maintindihan kung papaano sumisibol sa mundong ibabaw ang mga ito. Parang mga kuto sa ulo ng mga batang madalas maglaro sa labas. Hindi maipaliwanag kung saan nanggaling. ‘Ika ng matatanda, galing sa araw.

Sa isiping iyon, kinuha niya ang cellphone, ibig nang magtawag ng mga ahente para makipagtawaran. Ipabubunot agad-agad ang mga pananim kung sakaling magkaayos sa presyuhan. Marami namang ahente rito sa kanilang bayan. Dito na nga nagsiyaman.

Tinawagan niya ang ahenteng kausap noong nakaraan, si Nestor.

“P’re, puntahan n’yo na ‘tong akin.”

“‘Ge, mam’ya.”

Naghintay siya ng mamaya. Hindi maliwanag kung anong oras, basta mamaya. Sa pagkakataong ito, siya ang nakikisuyo at nangangailangan. Siya ang kinakabahan. Kaya siya ang kailangang mag-adjust. At alam iyon ng ahente.

Ikalima na ng hapon nang dumating ang ahente kasama ang amo nitong biyahera. Nakapostura si Madam. Mapulang-mapula ang nguso, maging ang magkabilang pisngi. May nakakabit pang pekeng pilikmata. Nakatali nang pataas ang buhok, may bitbit na pulang maliit na bag, at nakataas ang kanang kilay.

“Hindi naharabas?”

“H-hindi pa, Madam. S’werte ko nga kasi…”

“Malas ka pa rin, Paquito. Bumaba na presyuhan, pa’no ba ‘yan?”

Namutla siya. Iyon ang isang bagay na ayaw niyang marinig sa panahong ito. Isang linggo lang ang lumipas. Isang linggo lang.

Umalon ang kanyang dibdib. Nanikip nang bahagya. Para siyang aatakehin sa puso. “Hindi naman ito naharabas, Madam. Gumanda pa nga, saka lumaki kaysa dati. Tingnan po kasi muna ninyo.”

“Kahit pa, Paquito. Mababa na’ng tawaran ngayon, alangan namang mataas ko pa rin bibilhin ‘yang sa ‘yo? E, baka malugi naman ako n’yan.”

Nang mameywang at mandilat ang mga mata ng kaharap, naisip niyang seryoso ito. Hindi nito tatawaran nang mas mataas ang kanyang mga sibuyas. At hindi siya handa sa ganitong senaryo. Hindi yata niya kayang makipaglaro ngayon. Umasa na kasi siya. Nangarap ng kung ano-ano. Sila ng kanyang ina.

“Otsenta, straight. Una’t huling tawad, Paquito. Kung ayaw mo, no problem. Marami namang ibang buyers d’yan, ‘di ba?”

Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Gusto niyang magwala, pero wala naman siyang magagawa. Alam niyang ang kaharap ang may hawak ng bola. “H-hindi po ba kaya ng ‘sandaan?”

“Hindi. May ahente pa,” mariin ang pagkakasabi ng babae. Nakatingin sa kanya nang diretso. Walang kakurap-kurap.

“Ayos na ‘yan, P’re. ‘Pag pinatagal mo pa ‘to, baka maransak pa ng mga uod, baka mabaliw ka lalo. ‘Pag okey sa ‘yo, bukas pabunot na natin.” Buka naman ang kilikili ng ahente. Hindi niya mawari, pero parang nang-iinis pa ito. O, baka naman talagang sensitibo lang siya sa mga pagkakataong ganito kaya hindi kaagad nakakibo. Bahagya siyang natulala. Iniisip kung ano ang sasabihin sa ina at kung ano-ano ang sasabihin nito sa kanya. Ngayon lang sana sila makababawi sa ilang taong pagkalugi. Ngayon lang sana makababayad sa mga inutang noong mga nagdaang sakahan, pero mukhang mapupurnada pa. Malamang sa hindi, balik-gastos lang na naman ito. May maipambayad man, hindi sasapat. Ganoon naman kasi ang buhay ng mga pangkaraniwang magsasaka. Mangungutang kapag sakahan. Magbabayad tuwing anihan. Kapag nalugi sa mga pananim, ikakarga sa susunod na sakahan ang mga natirang utang. May patong pang sandamukal na interes.

“P’re!”

Nagulat pa siya sa pagsiko ng ahente. “Sige, P’re. Pabunot na natin bukas.”

Laglag ang kanyang balikat nang umuwi. Dumiretso sa kusina. Nagtimpla ng matapang na kape. Binitbit ang umuusok na tasa sa sariling kuwarto na may dingding na sawali. Wala ang kanyang ina. Iyon ang ipinagpasalamat niya.

Pagkaupo sa katre, humigop siya ng kape. Napaso, pero hindi ininda. Lumilipad ang kanyang isip sa nangyaring tawaran kanina. Bumabalik din sa alaala ang tawaran noong isang linggo. Kung ibinigay na niya sa unang tawad, mas panalo kaya siya roon? Hindi naman siya masyadong mapaghangad. Gusto lang naman niyang makuha kung ano ang tama at nararapat. Pero, isa lang ang napatunayan niya. Ang mga biyahera’t kapitalista ang nagdidikta ng kapalaran nilang mga magsasaka. Hindi silang nagbabanat ng buto. Hindi silang nagpipiga ng pawis. Hindi sila…

Kinabukasan, mabilis na natapos ang anihan at bayaran. Maraming dalang tao ang ahente. Panay ang bangka sa kuwentuhan. Paikot-ikot habang naglalatag ng mga korning joke sa mga kasamahan. Basang-basa ang gilagid sa katatawa. Masayang-masaya. Habang siya, walang kakibo-kibo nang mga sandaling iyon. Katulad ng kanyang ina.

Kinahapunan, humahangos na dumating ang kanyang ina. Nanggaling ito sa pondohan.

“‘Nak!” Humihingal. “‘Nak, mag-asawa pala ‘yong ahente mo at biyahera? Nagpanggap lang na hindi magkaano-ano para mas makatawad sa mababang presyo. Presyong direkta, otsenta? Wala na dapat parte ang ahente, lokong mga ‘yon! Hindi na sila makakaulit dito! Isa pa, wala naman daw masyadong epekto ang ulan at harabas sa presyuhan sa labas ng bayan.”

Natigilan siya. Nanggigil nang mapagtantong pati siya ay naharabas.