PARAISONG BABALIK-BALIKAN

Ni SONNY ELCHICO

KARAMIHAN sa atin, kapag nakararanas ng anxiety at stress, kalikasan ang nagiging solusyon upang maiwasan ang masamang epekto nito.

Ako man, sa tuwing nakararanas ng pagkabalisa ay kalikasan ang aking takbuhan. Tulad na lamang ng madalas kong puntahan na malaparaisong talon sa Majayjay Laguna, ang Tatay Falls na nasa paanan ng bundok Banahaw.

Mula sa town proper ng Majayjay, mga 20 hanggang 30 minuto ang biyahe patungo sa talon. At mula sa entrance, may 10 hanggang 15 minutong lakaran naman patungo sa falls. Nakalilibang ang paglalakad sapagkat malamig ang hangin habang nakatambad ang luntiang kabundukan at makakapal ng puno. Maririnig din sa kapaligiran ang huni ng mga ibon.

Mararamdaman din ang mga mumunting wisik ng tubig mula sa talon.

Napakaganda ng talon sa malapitan. Kay lakas ng pagbagsak ng tubig. Napakalinis, kay linaw, at sinlamig ng yelo.

Hindi pahuhuli ang ating bansa pagdating sa ganda ng kalikasan. Isa na nga rito ang kamangha-manghang Taytay falls.

Nawa’y maging bahagi rin tayo sa pangangalaga ng ating kalikasan upang mapanatili ang malaparaisong ganda nito. Hindi lamang para sa turismo, kundi para na rin sa mga may dinaranas na naghahanap ng lunas sa kalikasan.