Ni FRANCISCO G. SIGUA
KAMI iyon—si Doy, si Miso, at ako—na pag piyesta sa amin sa Tabing Sapa (itinatapat sa Bagong Taon, pagka’t kaaani) ay nangunguna sa langkay ng mga kapwa bata sa unahan ng banda ng musiko, habang lumalakad ang paseo, sa pagsunod—oo, pagsunud-sunod lamang—sa mga dalaginding na kay-gaganda at kay-puputi sa maikli’t pulang kasuotan, na pagka’t di namin alam ang panga-pangalan ay tinatawag naming si medyoret kahit sinong majorette ng banda. Kami iyong pag hagok na sa kalalakad ay magpapauna na at maghahanap ng maaakyatang puno, at doon, sa pagdaraan ni medyoret ay sisipol at papalakpak nang katakut-takot mapansin lang ng maputi na’y maganda pa’t makendeng na dalaginding.
Sa isa sa mga pag-akyat-akyat na iyon sa puno, minsan, pasalampak akong nahulog at bumagsak sa rampa ng kalsada, yakap pa ang nabangal na sanga ng punong sinigwelas sa may hilera ng mga pondahan. Manhid ang pakiramdam ko at ako’y hilung-hilo.
Nahimasmasan ako sa pondahan nina Doy, at ang damit na balutan ng gadgaring yelo sa halu-halo ay nakasaklob sa aking ulo. Sina Doy, na naghatid sa akin doon, ay nakaalis na raw uli, kasama ng parada.
“Buti nga sa ‘yo!” nakalabing sabi ni Lora, batang kapatid ni Doy, habang inaalis ang basang damit sa bumbunan ko. “Muk’ang medyorit kasi!”
“Teng-kyu na lang, ha?” Ako’y bumalikwas sa papag. “Teka’t nalalamangan ako nina Doy, a.”
Binatilyo na kami, huwag kaming makababalita na sa gano’n o sa ganitong lugar ay magpipiyesta, matag-ulan o matag-araw, at salita agad kami; maglalakad kami ng kilu-kilometro kung tiyempong walang pamasahe; babalda kami sa klase kung ang bisperas ng piyesta, na araw ng parada, ay hindi matapat sa Sabado o Linggo. A, ang maganda na’y maputi pa’t seksing mga majorette sa maigsi’t makulay na gayak…
Ang malungkot na parte, sa di-mabilang sa daliring mga medyoret na aming kinalokohan at sinamba sa tingin, at pinangarap na karomansa sa isang mabituing gabi, ni isa’y wala kaming nakilala. Aywan kung sa kalikutan ng katawan ni Doy, o pagkiling-kiling ni Miso, o sa katorpehan ko.
“‘Yang medyoret,” minsa’y nagmamakatang sabi ni Miso, tangan ang isang komiks, “e paris din ng bituin… maaa’ri mong tingnan lang at pangarapin, pero hindi uubrang angkinin.”
“Luko mo,” kontrang nayayamot ni Doy. “Tingnan nga natin.”
Tinotoo nga ni Doy. At isang umaga, Bagong Taong di-rasal, siya’y piniyansahan namin sa istaked sa bayan pagka’t nagtangkang mangyapos ng medyoret nang gabi ng prusisyon. Idinimanda si Doy.
ANG pangyayaring iyon, maliit man, ay mangyayari pang mariing sampal sa aming kahangalan. Bakit, sino ka ba?… A, sino nga pala kami para mabaliw sa magaganda na’y mapuputi pa’t seksing mga majorette? Sila na pagka’t sikat at hinahangaan ay madaling makadiyakpat ng mga de-kotse, mga may-sinasabi.
Hindi pa tapos ang sentensiya ni Doy—wari’y anim na buwan at kung ilang araw—ako’y nagpaalam na sa kanya sa istaked.
“Parang gusto ko pang mag-aral, ’tso,” sabi ko sa kanya. “Kakayod ako sa araw… baka makapasok sa gabi.”
“Milagro, ‘tso,” nakatawang sabi ni Doy, “pero alam ko na ang dahilan… Kung papayagan, baka sumunod ako sa ‘yo. Teka, nasabi rin ba sa ‘yong balak nang mag-asawa ng lintak na si Miso?”
“Oo. Ke Miling na pinsan ko.”
MAGKALAPITBAHAY kami nina Doy, at nang madaling-araw na ako’y luluwas, nagulat ako nang paglabas ko sa aming tarangka ay lumalabas din sa pultahan nila si Lora.
“Hoy, Omeng,” tawag niya, at ako’y huminto, “siya nga ba’t luluwas ka?”
Nakalapit na si Lora at may bitbit siyang basket.
“Ang aga mo,” sabi ko.
“Ngayon kasi gigiikin ang mandala namin. Hahatdan ko ng salabat si Tatang.”
Nagsimula kaming lumakad, patumpa sa kamino probinsiyal.
“Kung di pa ke Kuya Doy ko, di ko malala’an,” sabi niyang may ibang himig ang boses. “Sabi pa ni Kuya Doy ko, mag-aaral ka raw para magkakotse… at makapag-asawa ng magandang medyoret.”
“Lukong Doy ‘yon, a.” At ako’y natawa. “Ano, gusto mong sumama?” biro ko.
“Talaga?”
Malakas akong napahalakhak. Saka pinagmasdan ang dalagita.
Hindi maipaliwanag ni Omeng kung bakit sapul sa pagkabata ay hinangaan niya ang mga “majorette” ng banda, at ang kinauwian nito. Sa dakong huli, siya’y….
“Kung… kung medyoret din siguro ‘ko, maniniwala ‘ko!” Saka siya’y padabog na lumiko sa landas na patumpa sa patyong mandalaan. Lumingon. “Baka pagpaalaman mo rin ako!”
Umiiyak ba si Lora? Pinara ko ang dumaang bus, at malayo na kami, ako’y nakalingon pa rin sa mandalang pinuntahan ni Lora. Sinadya kaya niyang sumabay ng labas? Sa edad niyang disisais, mukhang dalaga na si Lora. At maganda. Pinawi ko ang isipin sa marahang tawa.
SA tulong ni Ka Idyong, amain kong karpintero, ako’y natanggap na piyon sa isang konstruksiyon. Trabaho sa araw, aral sa gabi. Kayod, aral. Ilang Pasko’t piyesta’t Bagong Taon ang tiniis kong huwag umuwi sa Tabing-Sapa. A, babalik lamang ako sa Tabing-Sapa kung may maipagmamalaki na sa isang maganda na’y maputi pa’t seksing medyoret. Sige, kayod.
Nagpiyesta uli kahapon at di ka man lang napakita dine sa atin, minsa’y sulat sa akin ni Doy, sa dating tono: nasasabik tulad ko, o naghihinanakit. Nagmamalaki ka na nga o tinototoo mo ang pag-iipon ng puhunan para hindi maidemanda ng isang medyoret. At sa isang parte ng sulat: Alam mo bang si Lora namin ay medyoret na rin ngayon? Kinuha siya ni Kabesang Anong, me-ari ng “Banda 87” ng San Roque. Piyesta rito’y umasiste sila at nagkakanghahaba ang leeg sa pagbabaka-sakaling dumating ka…
Sandaling parang bumilis ang inog sa akin ng mundo. Si Lora… medyoret? Pumikit ako at si Lora ay nakita ko sa balintataw na nakasuot ng maigsing-maigsi at sa kanyang paligid ay ang mga tila hayok na nagsasamantala sa pagtingin sa kanya at ako’y nagalit at nanipa.
Sumunod na Linggo, ako’y nasa Tabing-Sapa, sa pagtataka nina Inang: Laking milagro ng pag-uwi mo, a!
Hoy, Omeng! Si Miso, dumaraan sa tapat, sakay ng kanyang damulag at sa kanyang likod ay nakayakap ang angkas na siguro’y aapating-taong batang lalaki. Hoy, Miso! sigaw ko rin. Anak mo na ba ‘yan? Daan muna kayo. Panganay, sagot ni Miso; hamo’t bubuwelta ‘ko.
Si Doy, wala. Nasa Kalyos daw, sa ibayo, badigard na lagi ni Lora. A, piyesta ngayon sa Kalyos at naroon ang banda nina Lora. Malapit lang ang Kalyos at ako’y maaaring sumaglit doon. Pero bakit? Para makita si Lora? A, siya’y hindi na ang dating Lora noon, tiyak.
Ako’y dinaig ng isang bahagi sa aking kaibuturan, at bago humapon, nasa Kalyos ako. Mag-uumpisa ang parada, sa tapat ng bisita. At si Lora… a, hayun si Lora, nakagayak na paris ng isang marino: puting jeans, puting blouse na mahaba ang manggas at may palikpik na asul: gora, baston, silbato.
Sa magkabilang tagiliran niya, ang dalawa pang majorette na nangakapula at maigsing kasuotan na kung seksi o ano ay hindi ko pinansin. Kay-ganda ni Lora sa kanyang gayak!
Siya sana’y lalapitan ko, makakamay man lang, nang may pumaradang isang pulang kotse at bumaba si Doy at isa pang di naman kagulangang lalaki. Matagal na sinipat-sipat ng lalaki ang gayak ni Lora; inayos pa mandin ang kuwelyo at gora. Sa malas ay siyang-siya naman si Lora. Tiim-bagang, tumalikod akong mandi’y wakwak ang puso.
“Hoy, Omeng! Omeng!”
A, ang sigaw ay hindi maaaring kay Lora, nangangarap lang ako. Nagpatuloy ako sa pagsiwang sa kakapalan ng tao, sumakay sa dumaang dyip na pagawi sa kamino at lumulan sa unang bus na paluwas. Pumikit ako at nag-init ang mga talukap ko.

KUNG Linggo, kami (dalawang Bisaya, isang Bikolano, isang Ilokano) na magkakasama sa isang maliit na entresuwelo (iisa ang aming pinagtatrabahuhan) ay nagkakayayaang lumabas. Primero’y kaunting inuman muna sa isang restawran ng beho, saka kami papasyal at magpapahangin sa Luneta. Doon, liban kay Ilokano, ay mawawalang isa-isa ang tatlo naming kasama at hindi na kami mag-uusisa pa.
Espesyal ang isa sa mga hapon ng Linggong iyon, bisperas ng Bagong Taon, pero nagdalawang-loob ako kung gagawi sa tabing-dagat o uuwi sa Tabing-Sapa. Ako na lang ang naiwan sa madilim na entresuwelo at sa pagkakahiga, tangan ko ang isang imbitasyon sa konsiyerto ng mga banda sa Luneta, galing kay Lora.
‘Langya ka rin namang makabirada ng sulat, ano? Parang tunay, saad ng kalakip na sulat. Parang nakikita kong umaatungal ka nga ng iyak, a. Pero bilugin mo’ng ulo kong haba! Oo, natanawan nga kita noon sa Kalyos at ako’y nasabik (mahigit na apat na taon ba namang di kita nakurot, e!) at sinisigawan kita, pero di mo ‘ko napansin… o pinansin pagka’t nagmamadali kang tumalikod. Siguro ‘ka ko’y di mo nagustuhan ang ayos ko. A, iyon ba? Anak ni Kabesang Anong, me-ari ng banda, at manedyer namin. Medyo me edad na pero komporme ka bang sagutin ko na siya? Binata ‘yon. A, oo… talagang galit sa ‘yo si Kuya Doy; komo nga ba naman nag-aaral ka’t me tarbaho pa at siya’y pabadi-badigard lang sa akin. Kung siya lang e talagang di ka padadalhan ng imbitasyon, e. ‘Kaw raw ba namang laging laman ng… Luneta ba ‘yon?… at siguro’y laging me kasama kahit atsay. (Biro lang, ha?… Sigurado, mga bigatin!) Di kami makakaasiste sa piyesta sa atin dahil nga sa konsiyerto. Pupunta ka, ha? Alam mo bang ito ang kauna-unahan kong pagluwas ng Menila, Omeng?
Lumulubog ang araw nang dumating ako sa Luneta. Sa harap ng grandstand, anim na banda ang nakapormasyon, may kanya-kanyang pangalan sa iba’t ibang kulay ng triyanggulong bandera sa unahan. Pangatlo sa mga iyon, ang buong pansin ko ay pokus sa majorette na nakaputing jeans at puti ring blouse na may dekorasyong palikpik na bughaw; puting bota at guwantes; sumbrerong tulad ng sa kadete sa Baguio, de-baston at silbato. A, ibang-iba na ang Lorang nakikita at hinahangaan ko… Ang dalawa pang kaagapay niya magkabila, maging ang mga majorette ng ibang banda, ay waring malalabong anino lamang na aywan kung gaano kaputi at kaseksi o kaigsi ng gayak.
Sa mikropono sa entablado, ang mga banda’y isa-isang ipinakilala; sinabing sila’y paparada ng isang ligid bago pumanhik sa entablado. Sa gilid ng maluwag na kalsada, abala ang mga mobile unit ng telebisyon.
Dumidilim, naghugusang paitaas ang mga kuwitas at lusis at ang mga iyon ay sumambulat at nag-ulan ng iba’t ibang kulay na liwanag, kasabay ng mga silbato at barada at tambol, saka ang masiglang tugtuging martsa. Ang mga tao’y waring hinigop, at ako’y nakipaggitgitan upang makatanaw.
Lumakad ang mga banda, at ako’y humabol, at ako pala’y sigaw nang sigaw ng Lora! Lora! At sa isang kurbada, napansin niya ako at siya’y nakatawang kumaway. Saka ako muntik nang madagil ng isang komboy na motorsiklo kung hindi nakalihis. Ako’y parang natauhan at matagal na napatulos sa pagkakatayo, naiwan ng hugos ng tao. Bakit ako humahabol? Hindi ba’t iyon ay pagbabalik sa isang nakaraang ngayo’y magandang gunita na lamang ng isang kasibulan? Malayo na. Ang isang Lora ay hindi na ang dating Lora: siya’y isang majorette na pagka’t sikat at maganda at hinahangaan ay Komporme ka na bang sagutin ko siya? sa sulat niya sa akin.
Lumakad-lakad ako, may pabigat wari sa damdamin. Sa tagiliran ng grandstand, kinapaparadahan ng mga sasakyang bus ng banda, tumigil ako. Doon, kita ang mga musikong isa-isang pumapanhik sa magkabilang hagdan ng entablado, patuloy ang tugtog. Gusto ko pang masulyapan — oo, kahit sulyap — si Lora. Hihintayin ko kaya ang pagpanaog nina Lora? tanong ko uli sa sarili ko at sasagutin ko na sanang, Bakit hindi mo siya batiin kahit isang masayang Bagong Taon, bago kayo maghiwalay na lubusan? nang mapuna kong ako pala’y nakatayo sa may unahan ng isang kotseng pula at sa bungad ng bukas na pintuan ay nakatayo ang sinasabi ni Lora, sa sulat, na manedyer nila — at si Lora ba ang kausap na iyon? Si Lora nga. At nakatanaw sa aking gawi si Lora at ako’y hindi tinatawag ni Lora.
May kung anong matinding gumurlit sa aking dibdib, at pagkaraan ng isang mahabang sulyap kay Lora, yuko-ulo na akong tumalikod.
Omeng! Omeng! A, maaari kayang si Lora iyon? Hindi, pagka’t siya’y kausap ng kanyang manedyer at kangina’y hindi niya ako tinawag. Lakad.
“Omeng sabi, e!”
Lingon ako. “L-lora?”
A, ito’y parang tagpo sa pelikula
Pagkalapit, kapit sa aking bisig si Lora, nanlalamig.
“Pinipilit ako ni Mr. Lansing, Omeng… ‘yong manedyer namin.” Nanginginig ang kanyang boses. “Ihatid mo na ‘ko! Tinakbuhan ko lang siya!”
“Saan?”
“Kahit saan, Omeng”
“Kahit saan, Lora?”
“Hinahabol ako ni Mr. Lansing. Omeng!” Humigpit ang kapit sa akin ni Lora. “O, ayan na siya!”
Itatanong ko sana. Si Doy, badigard mo? nang malingunan kong hangos ngang dumarating si Mr. Lansing. Tangan sa braso si Lora, sugod kaming palayo at sinalta ang natiyempuhang nagbababang taksi. Dali, ‘adre! Me habol! Tanan ‘to!
Humabol kami sa ultimo biyaheng trak pauwi sa Tabing Sapa. Si Lora ay sisiguk-sigok na nakahilig sa balikat ko. Kaya lang ako nagmedyoret, sinasabi niya dahil mahilig kayo sa medyoret at baka ako’y mapansin mo na. Kaya lang ‘ko pumayag na sumama sa Menila dahil kasama nga… hindi pala, dahil naririto ka nga. Di mo ‘ko pababayaan kahit wala si Kuya Doy ko dahil me trangkaso nga. Pababayaan mo pala ‘ko sa hayup na Mr. Lansing na ‘yon.
May ikinilos ba akong hiwatig na siya’y pababayaan sa kapahamakan? Hinalukay ko sa isipan ko. Wala, a. Tuloy ang biyahe.
“Lora,” gising ko, “malapit na ang inyo.”
“Ha?” Nagmulat si Lora. “Sa lagay, uuwi pa pala ‘ko? Di ba’t sabi mo kangina sa drayber ng taksi…”
Ako naman ang napa-ha?
Bubugbugin ako ng Kuya Doy ko, sige ka, iyak ni Lora, at kami’y lumampas sa kanilang bahay at pagdaan namin sa tapat ng bisita na matao at maliwanag na maliwanag ay nagpakatagu-tago kami. Pinara ko ang bus sa tapat ng bahay nina Tininte Memen.
PAGBANGON ko — a, hindi ko na namalayan ang kalampagan at putukan nang hatinggabi! — tulog na tulog pa si Lora. Ang kanyang maamo, maganda’t maputing mukha’y paris ng maayang umaga. Hinagkan ko siya sa noo.
Lumabas ako para maghilamos.
“Tuwalya mo, amang,” bungad ni Tininte Memen, sabay abot ng tuwalya. “Muk’ang himbing pa ang diyasking bata.”
May biglang tumigil na kotseng pula sa may tarangkahan at ako’y muling napatakbo sa loob.
“Nabanggit ba n’yo, Tata Memen, kahit kaninong narito kami?”
“Hindi, a. Teka, ako’ng ba’ala. Relak ka lang.”
Kasamang pumanhik si Doy ng grupong dumating.
“Tredor ka, bayaw!” Ako’y inakmaan niya ng kadyot pero siya’y nakatawa. “Iniintay kong magsabi ka sa ‘kin pagka’t ako’ng badigard niya.”
Hinarap ni Tinente Memen sina Mr. Lansing at si Doy ay hinila ko sa isang sulok.
Alam mo bang pinagtangkaan ng masama ng Mr. Lansing na ‘yan si Lora kaya’t kami’y natuloy rito nang di oras? bulong ko kay Doy. Luko mo, sabi ni Doy; e sa nagpapaalam pa raw ang linsiyak na Lorang ‘yan ke Mr. Lansing, pero ayaw payagpayagan ni manedyer pagka’t sagutin niya ‘yan, anak ang turing sa amin niyan, a… Usapan n’yo, sabi pa raw ni Lora ke Mr. Lansing, na magtatanan nga. Ako naman e nasa tabing dagat no’n at nanggagaya ng mga partner-partner kasama ang bata kong medyoret din, pero ang ibang bandang hindi kasama ro’n. Iyan palang nagsasama ka sa matigas-tigas, patuloy ni Doy at alam kong kami’y napapalayo na sa takbo ng usapan, gaya ni Mr. Lansing e madali ang medyu-medyuret pagka’t kebigan ng mga anak ni Manedyer… Anak ba ‘ka mo, Doy… a, Kuya Doy? Oo, anak bakit? Pero, hindi ang anak ang…ang gulo mo, bayaw, a!
Ako sana’y susugod sa silid subali’t sa pintuan ay nakaharang si Lora, bagong gising.
“No bang gugulo n’yo?” Saka sumilbato.
Ang Bagong Taong iyon ay umpisa ng isang bagong umaga —Para sa akin, sa amin ni Lora — sa Tabing-Sapa.









