SALITA
May gumagamit ng salita na pinatatahimik
Ang kapuwa gumagamit ng salita, inuutusan
Ang dagat at mga bundok, ang mga bagyo’t
Sari-saring makapangyarihang sumpa
Na kainin ng lupa ang pinakamatanda sa daigdig,
Siyang sa gitna nila ay bukod-tanging ngumangata
Ng ngangà ng mga salita, nilalanghap ang pitas
Na dahon ng ikmó, itinatala ang nasaksihang
Kasaysayan at pagtitimbang ng ulirat, binibiyak
Ang bunga at dinidikdik ang nangunguyakoy
Na mga utak ng nanlilibak, pinapahiran ng apog,
Sinusubok ang matatapang, nililigwak ng pahayag
Ang sariling pahayag, ang kanilang inaasahan
At ipinananalangin, na halos pagsusumamo,
Na magbalik ang espiritu sa katawan, sa liwanag.
Ang matanda’y patuloy lamang sa pagnguya
Sa mga salita–ang kaniyang bantayog at anino
Kapuwa–nakatanaw sa di nakikita ng lapastanga’t
Nanginginaing kuyog na punong-puno ng ligalig at libog.
Ang matanda’y tumatanda lalo bawat araw,
Di tumitigil sa pagngangà, paakyat-pababa
Sa hagdan, sa ospital, sa munting aklatang
Nagpapatulóy sa mga panauhin, kaibigan at kaaway.
Kung sumidhi ang pait sa dila, idinudura ang ngangà,
Pasirit sa lupa–ang lapot ng pulang kumapit sa ngipin
At balintataw, pinipiga ang kapalaluan ng mga bansot
Na alingawngaw sa almires na sila-sila ang nagdidikdikan.
Pinapatay ang ngumangangà ay muli’t muling nabubuhay.
Alam ng mga ninuno at sila’y nagpupugay:
Mahiwaga ang ngangà, ang nganga’y mahiwaga.
KABUTIHAN
Sa pagitan ng paudlot-udlot na ugnayan,
Sa pagitan ng malapit at malayo,
Sa pagitan ng mga paghintong iniilagan
Sa panahong ito ng mga pagkapugto,
Inaalala ng mundo ang iyong karunungan,
Matimyas na guro ng mga kabataan
Sa unibersidad at sa lansangan,
Matatas na dila sa sariling wika at mga wika
Mulang lupain na hanggang pangarap
Kung tutuusin para sa karaniwan.
Ikaw ang magiting na rebolusyonaryo
Para sa ganap na kalayaan ng isip at loob,
Hindi naiipit, hindi nanggigipit, hindi nakapiit
Sa hanggahan ng tao at mundong kay lupit.
May nagpupugay sa iyong mga aklat,
May lumuluha sa iyong pagkaratay,
Nagagalak sa muling pagbangon
At pagbabalik ng lakas, ng tibok ng puso.
Iyan ang iyong pinaalala sa mga umaalala:
May lagda ng pakpak ng paruparo
Sa iyong panulat, naririnig ng daigdig
Ang iyong halakhak, mataimtim na ganting
Pakikinig sa mga kaibigan, mainit na pagyapos
Sa iyong apo at anak, pagsambit ng pinakadakilang
Obra maestra sa iyong liyag saksi ang lahat,
Walang urong-sulong, ganap at hubad:
Ganoon ang magmahal nang walang wakas.
Para kay Mario Miclat
ANG MABUHAY SA PILING
Nang ituro sa atin na mahalin mo ang iyong kaaway,
Kasama ba doon ang hindi nakikita ngunit naririyan,
Pumapasok sa mga bahay nang walang pahintulot,
Pumapasok sa mga opisina, sa mataas na gusali,
At sa ilalim ng lupa, nasa hangin o laway,
Sumusuot sa ilong, bibig, balat, kamay?
Nakikipagkuwentuhan na parang isang kaibigan
O kaanak, nakikikurot sa pritong manok,
Bagong saing na bigas, sa pilíng ng saging,
Sa isang basong tubig na pantulak sa hirin?
Paano mo mamahalin ang nakatingin sa iyo’t
Nakaabang sa iyong bawat paggalaw,
Nag-aanyong walang muwang habang iginugupo
Ang mga bansa, ginugutom ang mga komunidad,
Tinutukso ang mga bata na lumabas at maglaro,
Pinatitirik ang tren at barko, tinutuya ang saranggola’t
Eroplano, pinasusuko sa pagod ang mga doktor
At nag-aalaga ng maysakit, nagtatawa sa mga nagdarasal?
Hindi iyon maling salita, na labis o kulang,
Hindi iyon loob na hindi humihingi ng patawad,
Hindi iyon kumpas ng kababalaghan o nauupos na biro.
Paano mamahalin ang kaaway na sumasagad sa katinuan?
Magtatago ka ba, magkukulong sa gabi at araw?
O mangangahas pagsapit ng bukangliwayway–
Bagong bihis, mag-aantanda, tatandaan ang bawat bagay
Sa paligid na parang di iyon mababalikan, magtatakip
Ng mukha at hihinga nang mataimtim:
Magkikita tayo, sa takdang oras at lugar.
Walang pag-iimbot o paghihiganti, sintang kaaway,
Sa ngalan ng lahat ng di nakikita, higit sa aking buhay,
Alang-alang sa kaligtasan at ginhawa ng lahat ng nagdurusa.
ANG MGA PINIPILI NATIN
Ang mga pinipili natin ay nakabatay sa mata at kaluluwa.
Hindi libre ang mga pinipili, hindi laging magaan,
Kundi may pasubali. Kakainin mo ba ang lahat ng nakalatag
Sa hapag, masasarap na pagkain na laging hanggang pangarap,
Kung alam mong ang kapalit ay ang buhay ng iyong mag-anak?
Itatapon mo ba ang sako ng mga papel para maging maaliwalas
Ang mga sulok ng silid, kung naligaw doon ang titulo
Ng lupang pamana sa iyo ng magulang? Tatakbo ka ba
Tulad ng sabi ng humuli, o hindi kukurap at hihinga nang malalim
Para tandaan ang mukha ng mga salaring tutók sa iyo ang baril?
Itutumba ba ang batas dahil may nagsasamantala,
Itutumba ang mga kasamang umastang kaaway,
O sasaksihang walang laban ang nag-aapoy, pinasabog na lungsod?
Sasagipin ba ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho
Samantalang nakasagpang sa kanilang leeg at sa maraming
Walang kalaban-laban, ang mga pangil ng halimaw
Na inakala ng lahat ay mga bituin? Kahit harap-harapan
Ay naliligaw ang mga mata, lumiligwak sa kinalalagyan.
May mga matang naluluha sa galak dahil sa tagumpay,
Gayong may mga nawawala bigla, at ni hindi ipinagluluksa;
May mga matang nagpipinid ng pinto at bintana
Kahit may kumakalampag nang walang tigil sa tarangkahan;
May mga matang mulagat na saksi nang masakop
Ang kaloob-looban ng bahay, pati ang matatandang kalansay.
Ibang planeta ang pamilya at ibang pamilya ang planeta.
Kung maaari lang na magkatulad tayo ng pinipili,
Ngunit nag-iibang anyo sa paningin ang mga bagay at ang araw.
Kung nalulupig ka sa paghinga, iinumin mo ba ang sambasong
Tubig na iaabot sa iyo, gayong nakalutang sa hangin? Paumanhin
At iyan lang ang abot-kaya kong matagal nang namayapa,
Pagkat di nakayanan, ang di ka maniniwalang hilakbot at panimdim.
PARA SA NAGLULUKSA’T NAULILA
Kipkipin mo ang munti,
Kupkupin ang mga sandali,
Ang hiyaw na, hintay, sandali!
Ang matagal nang naisiksik na mga tagpo,
Mga matang nakangiti, ang payak, tahimik
Na salusalo, limang pirasong tinapay at dalawang
Isda, taos na panalangin, susundan ng nag-uunahang
Mga kuwento kahit paulit-ulit, halakhakang
Parang binibiyak na mga buko, sariwang uhog,
Manamis-namis, at sa isang iglap, ang milagro
Ng mariwasang hapag, ang tigib na berde sa gitna
Ng tag-init, ang paroo’t paritong kaibiga’t kaanak.
Umaawit ang buong paligid, nakasindi ang lahat
Ng ilaw, nagsasayaw ang mga anino, nagbabatian,
Labi sa labi, ang mga kopitang punô ng alak.
Ang malayo at malapit, palad sa palad,
Ang loob ng kasing-kasing, pinakaloob,
Kaloob-loobang lipos na kaloob, kayapos.
Kung may hinahalughog at nahuhulog,
Sinasamsam, sama-sama, walang pagod,
Walang tuldok ang pagmamahalan,
Walang pagitan ang langit at lupa,
Walang namamaalam na mga namaalam.
Si Rebecca T Añonuevo ay makata, guro, tagasalin, at awtor ng mga aklat ng tula, sanaysay, at kuwentong pambata. May 10 beses na siyang nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, bukod pa sa mga gantimpala mula sa National Book Awards at Gawad Balagtas mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Tinanggap niya ang pagkilala mula sa Southeast Asian Write Awards (SEAWRITE) sa Bangkok, Thailand noong 2013. Ang Dungól mula sa MBMR Publishing ang kaniyang ikapitong aklat ng tula. Kasalukuyan siyang namamahala bilang pangulo ng Navotas Polytechnic College sa Lungsod ng Navotas