Higit pa sa 99 na Taong Paglilingkod ng Liwayway

Ni EFREN R. ABUEG, PhD
Mga larawang kuha ni Wilson Fernandez

Sa halos sandaang taong paglilingkod ng Liwayway sa publiko (2022), taas pa rin ang noo nito sa gitna ng impeksiyon ng COVID-19 virus. Mula nang itatag ang Liwayway bilang Photo News noong Hunyo 15, 1922 at ginawang magasing pampanitikan ito noong Nobyembre 18, 1922, sinikap na nito ang lahat ng mga paraan para mabasa pa ito (sa online rin) sa Pilipinas at sa ibang mga bansa.

Hindi nalalayo ang pakikitunggali ng Liwayway sa pag-imbento ng imprenta ng Alemang si Gutenberg noong 1450. Pagkapalit sa mga tipo sa kahoy na ginagawa ng mga Intsik, pinalaganap na nito sa kasaysayan ang produksiyong pangmasa ng mga kaalaman. Mula noon, dumami na ang mga pamplet, almanak, mga materyal na panrelihiyon, lalo na ang paglilimbag ng mga Bibliya. Humantong iyon sa paglalathala ng unang magasin ng teologo at makatang Aleman na si Johan Rist noong 1663, ang “Erbaulixche Monaths-Unterredung” o “Pagpapaunlad sa Buwanang Diskusyong Pangkaisipan”. Mula noon, kumalat na rin ang popular na paglalathala ng mga balita, awit, maiikling berso, pati mga tsismis. Noong 1731, inilathala ng Ingles na si Edward Cave ang unang magasin (mula sa Arabong makhazin) na pinamagatang “The Gentleman’s Magazine.”

Nakitunggali ang Liwayway sa loob ng halos isang daang taon at kung sino-sinong mga taong dakila ang tumiyak na mabubuhay ito sa matagal na panahon. At sari-sari rin ang mga krisis na pinagdaanan nito hanggang sa panahon ngayon.

Ang mga Roces mula sa Espanya
NANGGALING sa Asturias, Espanya ang negosyanteng si Filemon “Moy” Roces, ang ama ni Don Alejandro Roces, Sr. Noong 1916, binili nito ang magsasara nang Taliba-La Vanguardia sa may-ari nitong si Don Martin Ocampo. Matatandaang kamag-anak ng La Vanguardia ang El Renacimiento, ang diyaryo noong unang dekada ng mga Amerikano sa Pilipinas na pinamatnugutan ni Teodoro M. Kalaw na natalo sa libelo ni Dekano Worcester. Gayunman, tinawag na “Makabagong Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas” si Don Alejandro Roces, Sr. dahil idinagdag nito ang Manila Tribune kaya naging monopolyo nito ang peryodismo nang panahong iyon.

May isa pang anak si Alejandro Roces, Sr.—si Don Ramon Roces. Hindi ang pangangalakal ng mga tabla at iba pang produktong komersiyal ang kinahiligan nito noong una. Noong 1922, naisipan nito na sumunod sa mga yapak ng ama, ngunit hindi ang peryodismo ang “pinasukan” nito. Dahil namamaibabaw ang mga wikang Tagalog at Kastila at dumating pa ang mga Amerikano, itinatag nito ang Photo News—isang diyaryo sa tatlong wika. Ilang pahina ng mga balita nito ang may katugmang mga litrato, ngunit pagkaraan ng ilang labas nito, natuklasang malaganap na tinatangkilik ng bayan hindi ang mga balita kundi ang maikling mga salaysay, tula at iba pang maiikling lathalain. Pagkaraan ng ilang labas, naglathala na ito ng linggguhang serye ng mahahabang salaysay na tinawag na nobela.

Mula noong 1922, naging popular na ang Liwayway kaya inilathala pa ang Bisaya Magasin noong Agosto 15, 1930 na binansagang malaon ng Cultural Center of the Philippines na “pinakamatagumpay na babasahin sa Cebuano”. Naging pinakapopular na manunulat nito ang Pangulong Carlos P. Garcia at tumanggap pa ito ng Diamond Cultural Awards noong Disyembre 12, 2008 sa Baguio. Noon namang Nobyembre 3, 1934, isinilang ang Magasing Bannawag na tinawag na “Bibliya ng Hilaga” dahil nag-iisa itong magasin sa dakong hilaga ng Pilipinas. Isinilang naman noong 1934 ang Hiligaynon para sa Panay, Aklan at iba pang isla ng Iloilo. Naging daan ang magasing Liwayway para maging popular ang mga kapatid nitong babasahin, pati na industriya ng komiks sa mga Pilipino. Mababanggit na mga halimbawa ang Ang mga Kabalbalan ni Kenkoy ni Tony Velasquez, Huapelo at Pamboy at Osang ni J.M. Perez, Kulafu ni Francisco Reyes, at Isang Dakot na Kabulastugan ni Deo Gonzales.

Komiks, Mula sa Liwayway
SA pagdadala sa Pilipinas ng mga babasahing nakalarawan ng mga kawal-Amerikano noong Liberasyon, hindi na Liwayway lamang ang publikasyong pinagmulan ng bagong libangan ng mga Pilipino. Naisip ni Don Ramon Roces sa pamamagitan nina Tony Velasquez, Ramon Marcelino at Pablo Gomez na gawing korporasyon ang Graphic Art Service. Ito naman ang magpapasimula ng Atlas Publications na magsilabas ng mga komiks. Ihahabol na lamang sa huli ang Affiliated Publications ni Joe Lad Santos.

Sinasabing sa ituktok ng popularidad ng komiks, nagtayo ng may 100 babasahing komiks si Don Ramon Roces na milyon-milyon ang sirkulasyon hanggang noong 1960. Bago ideklara ang martial law noong 1972, nakapaglathala pa ang Atlas Publications ng mga kolum nito sa Pilipino Komiks, Tagalog Klasiks, Darna Komiks at Hiwaga Komiks tungkol sa pulitika, ideyolohiya at mga tunggalian sa lipunan noong panahong iyon. Naging dahilan ito upang maging makabuluhan ang mga publikasyong ito sa paglalathala. Ngunit hindi na maitatangging dumating na rin ang maraming set ng telebisyon at mga dayuhang palabas mula nang mapatalsik si Presidente Marcos ni Gng. Corazon Aquino noong 1986.

Nang aprubahan ang batas ng pagpapaalis ng mga base-militar ng mga Amerikano noong 1992, sinarhan din ang mga base militar sa Subic kaya nawala rin sa buong Gitnang Luzon ang maraming mambabasa ng komiks. Nang maipagbili ng mga Roces ang Atlas Publications sa National Bookstore, tumigil ito ng publikasyon na tuluyang nagtaboy sa mga mambabasa ng komiks.

Si Hanz Menzi at ang Manila Bulletin
PAGDATING ng 1965, nagpahayag si Don Ramon Roces ng pagreretiro bilang publisista ng Liwayway Publications. Kahit katulong ang mga anak at ilang apo, mabigat pa rin ang pamamahala nito ng mga komiks at tanging ang Liwayway lamang ang ipinagbili nito kay Hanz Schilling Menzi. Isang brigadier general sa hukbong Pilipino, naging ehekutibo ito ng U.S. Automotive Company, bukod sa negosyo nito sa agrikultura at industriya sa Mindanaw. Ipinagbili ni Don Ramon Roces ang Liwayway sa matandang heneral. Nagkataong namang may mayoryang bono (share) ito sa U.S. Automotive bukod sa malawak na negosyo nito sa agrikultura at industriya sa Mindanaw. Umeedad na rin, ipinagbili naman nito kay Don Emilio Yap noong 1986 ang Manila Daily Bulletin. Nakalista sa Philippine Stock Exchange noong 1990, may bago itong pasilidad na computerized saka pinalitan pa bagong pangalan–Manila Bulletin. Tiniyak ng mga namamahala nito na magiging makabago ang Liwayway at mga babasahing kapatid nito.

Naging ganap ang pagmamay-ari ni Emilio T. Yap sa Liwayway nang mabili na rin nito mula sa Liwayway Publishing, Inc. ang Balita at ang mga magasin nito sa bernakular tulad ng Bisaya, Hiligaynon, at Bannawag. Sa pagbabagong-bihis ng Liwayway at iba pa nitong babasahin bilang pagsisikap na mabago ang format nito, gagamitan ito ng makabagong teknolohiya. Tulad ng dati, maaari pa rin na mag-imprenta ng mga kopya ang Liwayway at iba pa nitong babasahin, ngunit mula ngayong pandemik na nangyayari ngayon, palalaganapin ang subskripsiyon nitong digital—tutunghayan na ang Liwayway at iba pa nitong babasahin sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Sa nalalapit na sentenaryo ng Liwayway sa Hunyo 2022, malaki na ang kabuluhan sa matagal nitong pagkabuhay.