Ni Fernando B. Sanchez
NAPAKAHALAGA sa mga mamamayan ang kalayaan. Ang gumawa ng nais gawin na naaayon sa kanilang paniniwala at paninindigan. Ang mamuhay ng naaayon sa kanilang karapatan batay sa mga batas, o Saligang-Batas, na ipinaiiral ng kanilang gobyerno o pamahalaan. Na walang nakikialam, walang nanghihimasok at walang sumusupil nito.
A, likas sa mga tao ang maghangad ng kalayaan. Galit ang karamihan sa mga taong mapanupil at mapagsamantala sa kapuwa. Ipinaglalaban ito sukdulang magbuwis ng sariling buhay. Nagiging bayani ang mga taong nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaang ipinagtatanggol at iniingatan. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang demokratiko na nagsusulong ng kalayaan para sa kanyang mga mamamayan. Mahirap man o mayaman, nakapag-aral man o mangmang, parehas o pantay lamang ang pagtamasa nila sa biyaya ng kalayaan, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang-Batas. Ito rin ang matibay na dahilan kung bakit nilikha ang Komisyon para sa Karapatang Pantao (Commission on Human Rights) upang itaguyod at isulong ang karapatan ng lahat ng mamamayan, partikular ang kalayaang mamuhay batay sa kanilang paniniwala at paninindigan, ano man ang kalagayan nila sa buhay.
Ngunit kung susuriing mabuti, may iba o kabilang mukha ng kalayaan. Sa totoo lang, kung positibo ang pananaw ng marami ukol dito, di maikakaila na mayroon din itong kakambal na negatibong bagay na di kayang iwasan ninuman.
Ang negatibong taglay ng kalayaa’y masasalamin sa librong “Letters from a Skeptic” na isinulat ni Dr. Gregory Boyd na inilathala ng David C. Cook Publishing House noong 2008. Dito, sinasabi ng may-akda na ang kalayaan (free will o freedom of choice) ay ipinagkaloob ng Diyos sa tao matapos Niyang lalangin ang langit at lupa. The rest is history, wika nga ng kasabihan, kung saan ginamit ng unang tao ang pansariling kagustuhan sa halip na sundin ang kagustuhan ng Diyos na lumikha sa kanya. Sinasabing ang pagsaway ng tao sa utos ng Diyos ay bunsod ng ‘absolute freedom’ na ipinagkaloob Niya sa kanya. Ibig sabihin, di siya ginawang robot na sunod-sunuran lamang. Ang tao’y may sariling utak na gumagawa ng sariling desisyon, ng sariling disposisyon, masama man ang ibubunga nito sa kanyang buhay.
Sabi ni Boyd: ”Di kailan man pinanghimasukan ng Diyos ang kalayaang ibinigay Niya sa tao. Ibinigay Niya ito ng buong-buo. Absolute. Walang labis, walang kulang. Ni di Niya inisip na kontrolin ang takbo ng isip ng tao mula’t sapul. Pag sinupil Niya ang kagustuhan ng tao, di na ito matatawag na kalayaan, ng lantay na kalayaan.“
Tama rin naman, di ba?
Ang siste, likas o bahagi ng pagiging tao ng tao ang pagiging makalaman o makamundo. Lustful. Isang bagay na ikinalungkot at ikinagalit ng Lumikha kalaunan. Kaya naisipan Niyang puksain ang sangkatauhan sa pamamagitan ng dilubyo. (Gen. 6: 6-7)
Maging si Pablo ay nagpahayag ng pakikiayon tungkol sa likas na kasamaan o ng pagiging makalaman ng tao. Aniya: “Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lang magawa ang ninanais ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin.” (Roma 7: 18-20)
Matibay ang paniniwala ni Boyd na ang tao’y malayang gumawa ng sariling desisyon, magdulot man ito ng mabuti o masama sa bandang huli. Bukod sa kahinaan niya’y nakapalibot din sa kanya ang puwersa ng Diyablo at ng mga kampon nito- patuloy na nagbubuyo at umaakay sa kanyang gumawa ng masama at tumalikod sa Panginoong Diyos. Ang mga ito’y nagtataglay rin ng kalayaang magsabog ng lagim at kasamaan sa buong daigdig.
Masakit aminin ngunit ang kalayaang taglay ng tao’y nagdudulot din ng kapahamakan at ligalig sa kanyang buhay, kung minsan. Ang maling paggamit nito ay nagbubunga ng karahasan, paghihirap at pagdurusa ng tao noon at ngayon. Kayang supilin at bawiin ng Makapangyarihang Diyos na nagkaloob nito sa tao. Ngunit ayaw Niyang saklawin ang ipinaubaya Niyang karapatan kung saan sisibol ang panahong maiintindihan din ng tao ang ganda at lantay na kahulugan ng kalayaang magpapanumbalik sa dating ugnayan niya sa Diyos na lumalang sa kanya. Ang Diyos na lumalang sa kanya, ayon sa Kanyang wangis, at nagmamahal sa kanya ng walang katapusan.