Weirdo ang tingin ng mga kaopisina kay Ramil. Abnormal. Takusa…
Ni Armando T. Javier
(UNANG BAHAGI)
NAPAKISLOT si Ramil nang maramdaman ang mahinang tapik sa kanyang balikat mula sa kanyang likuran.
“Hoy! Ano’ng iniisip mo?”
Nabalingan niya si Nery, nakangiti sa kanya, tila tumatawa pati matang nakakubli sa malaking salaming may kulay. May bitbit itong paper bag na may pangalan ng department store ng kinaroroonan nilang mall.
“’Ner, ba’t ‘andito ka?”
“Hello, mall ito, ‘no? Wala ba ‘kong karapatang mag-shopping?”
“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin…’K-Kala ko’y um’wi ka sa Quezon?”
“Um’wi nga. Kababalik ko lang kahapon.”
“Bakit?”
“Ano’ng bakit?” Lumuwang ang ngiti nito sa kawalang-saysay ng kanyang tanong, tumabi sa kanyang pagkakaupo sa waiting bench sa labas ng supermarket. Wala-sa-loob na napalingon si Ramil sa pasukan ng supermarket.
“Kumusta ka naman?” malagkit ang pagkakatitig sa kanya ni Nery.
Noon niya napansin na iba na ang kulay ng buhok nito, kulay-hazel naman ngayon. Napaigsian na rin mula sa dating lampas-balikat na haba niyon. Pero gayon pa rin ang mukha: bilugan, singkit ang mga mata at makipot ang labing tila laging alsado–pinaging kaakit-akit pa sa makintab na lipstick. Pumatong ang palad ni Nery sa ibabaw ng palad niya. Napalingon uli si Ramil sa gawi ng supermarket at marahang binawi ang kanyang kamay.
“Na-miss kita,” sabi ni Nery. “Na-miss ko’ng ginagawa natin…” Nagpataas ito ng kilay, nasilip niya sa suot nitong salamin.
Lumiyad si Nery, tila ibig na mapansin niya ang dibdib. Napatingin nga siya roon.
“Lumaki na, ‘no? Tumaba kasi ‘ko.”
Napansin nga niya. Balingkinitan dati si Nery, mukhang laging aburido at problemado pero ngayo’y maaliwalas ang mukha; kuminis din ang balat at gaya ng sabi’y nagkalaman.
Anim na buwan na ba nang huli niya itong makita?
Siguro nga. Tanda niya, nadestino ang misis niya noon sa branch ng pinagtatrabahuhang bangko sa Cagayan at minsanan na lamang sa isang buwan kung makauwi. Si Carlo, ang kanyang nag-iisang anak, ay nagbo-board naman sa Quezon City malapit sa unibersidad na pinag-aaralan nito ng PT. Kaya umuuwi siya mula sa pinapasukang printing office na walang dinadatnang tao sa bahay. Pinalilipas niya ang gabi sa panonood ng series at mga pelikula sa Netflix hanggang sa siya’y antukin. Papasok na naman sa opisina sa umaga, makikipag-agawan sa pagsakay sa sasakyan, uuwi uling pagod sa trabaho’t bugnot sa sinagupang trapik. Nakakasawa na!
Kay Ramil, tila ibig niyang hilahin na ang mga taon para siya’y makapagretiro na, pumensiyon at pumirmis na lamang sa bahay nang hindi na napapagod sa pagbiyahe. Pero ito’y wishful thinking lamang. Kuwarenta’y sais anyos pa lamang siya at may pinag-aaral na anak. Hindi pa rin nila natatapos na hulugan ang tinitirhan nilang bahay na ini-loan nila ni Bella noong nasa high school pa si Carlo.
Nasa supermarket ding iyon siya noon. Kagagaling niya sa opisina, bumaba sa mall (na madadaanan niya pauwi sa kanyang tinitirhan) para bumili ng disposable shaver at shaving cream. Punuan ang booth ng mga cashier kahit na sa express lane. Nakisunod siya sa huling babaeng nakapila, nakakatawag-pansin sa suot nitong shorts; mabibilog pa naman ang mga hita. Sinulyapan niya ang binili nito: isang maliit na lata ng formula milk. Umusad ang pila; nakasunod siya sa babaeng nasa 5’ 3” ang taas. Iniabot nito sa cashier ang isang libong piso matapos na sabihin ng cashier ang halaga ng binili.
“Wala ba kayong eight pesos, ma’m?” tanong ng cashier.
Tinapik ng babae ang bulsa ng shorts nito, saka umiling.
“Para ho mabuo na natin ang sukli n’yo…”
“Wala nga, e,” tila nairitang sabi ng babae.
Maraming barya si Ramil. Sukli sa ipinamasahe niya pauwi. Dumukot siya sa kanyang bulsa, kinalabit ang babae at iniabot dito ang mga barya.
“Huwag na ho…”
“Sige na. Pabigat nga sa bulsa ko ‘yan.”
Tinanggap din at iniabot nito sa cashier.
Nang makuha ang sukli, lumingon ito sa kanya, nginitian siya bilang pasasalamat at umalis na sa booth. Sinundan ni Ramil ng tingin ang babae.
Nabayaran niya ang biniling shaver at shaving cream, nagmadali siyang makalabas sa supermarket, nagbabakasakaling abutan pa ang babae. Nakarating siya sa lobby sa ground floor, nagpalinga-linga sa mga stall at fastfood resto roon. Hindi niya nakita ang babae.
Sayang, nasabi niya sa sarili, may itsura pa naman!
Nang kumalam ang kanyang sikmura, napagpasyahan niyang maghapunan na para hindi na siya magluto pagdating sa bahay. Pinasok niya ang pinakamalapit na fastfood resto, umorder ng dalawang pritong manok, kanin at softdrink. Punuan ang fastfood, pahirapan uli sa paghahanap ng mauupuan. Tangan ang tray, palinga-linga si Ramil sa paghahanap ng bakanteng mesa hanggang sa makarating siya sa pinakaloob na bahagi ng resto. Linga-linga uli, napansin ang pagtindig ng isang lalaking nakapaharap sa kanya sa mesang pandalawahan. Nang dalhin niyon ang pinagkainan, natukoy ni Ramil na tapos na iyong kumain at hindi na babalik. Pero naiwan sa mesa ang kasama niyong babae, nakatalikod sa kanya. Nagmadaling lumapit sa mesa si Ramil, nag-aalalang baka maunahan pa siya.
“Miss, tapos na ba’ng kasama mo?”
Nag-angat ng tingin ang babae at kapwa sila nasorpresa.
“O, hi, sir!” Nginitian siya ng babaeng pinahiram niya ng barya.
“’Oy, ikaw pala.”
“Upo ka. Hindi ko s’ya kasama. Nakiupo rin lang ako dito.”
Naupo si Ramil sa tapat ng babaeng kumakain ng hamburger at pancit palabok. Naunang natapos kumain ang babae pero hindi pa agad ito umalis; hinintay na makatapos din siyang kumain. At nalaman niya kung bakit.
“P-P’wedeng mahiram ang cellphone mo, sir? Makiki-text lang ako.”
“Sure!”
Dinukot ni Ramil sa bulsa ang cellphone at iniabot sa babae.
Nagsimula itong mag-text at nang makatanggap ng reply, agad ding isinauli sa kanya ang cellphone.
“Nakasangla kasi’ng cellphone ko,” sabing nakangiti, tila nahihiya. At para yata maniwala siya, dinampot ang supot ng formula milk na binili nito kanina sa supermarket at ipinakita sa kanya. Napatango si Ramil. Nagsanla ng cellphone ang babae para makabili ng gatas.
Kanina, habol niya ang babae at kahanapan na ng kanyang mata sa lobby, ngayon namang kaharap niya ito, tila naumid ang dila ni Ramil; wala siyang masabi.
“Me bolpen ka, sir?”
“Meron.”
Kinuha niya sa loob ng kanyang bag at iniabot dito. Dinampot ng babae ang resibo ng kinain nito at sinulatan ang likod ng papel, saka iniabot sa kanya kasama ng kanyang bolpen.
“Eto’ng number ko, sir. At ‘yan ang pangalan ko.”
Nery, nabasa ni Ramil, kasunod nga ang labing-isang numero. Isinilid ni Ramil ang resibo sa bulsa ng kanyang polo. Dinampot din ang resibo niya at isinulat din sa likod niyon ang kanyang pangalan at cellphone number at iniabot kay Nery.
“Ramil,” ulit nito. “I-text kita, sir. Replayan mo ‘ko, ha?”
“S’yempre naman, Nery.”
Sabay silang lumabas ni Nery sa mall at sabay ring tumawid sa kabilang kalsada. Nag-abang ng jeep na biyaheng Dasmarinas si Nery at nang makasakay, saka pa lamang sumakay ng pedicab si Ramil pauwi sa tinitirhang subdibisyon. May hindi siya maipaliwanag na pakiramdam sa kanyang sarili: kilig ba iyon? pananabik? o pag-asam?
Nagbantulot naman siyang maunang mag-text kay Nery. Nag-aalala siyang baka nakasanla pa rin ang cellphone nito at masayang lang ang kanyang text message. Naghintay siya nang ilang araw hanggang sa matanggap niya ang text nito isang tanghali.
‘Musta ka, sir? Kita tayo sa mall mam’ya. P’wede?
Hindi na siya nag-isip sa pagsagot. Gusto nga niyang makita uli si Nery.
Ok.
Sinabi niya ang oras na inaasahan niyang makararating doon. Pinangilabutan ng balat si Ramil pagkatapos at natawa sa kanyang sarili: para siyang tinedyer na may kakatagpuing date. Napailing siya. Kung malalaman lamang ni Bella… May pagkamataray pa naman ang kanyang misis palibhasa’y sinisisi siya sa maaga nitong pag-aasawa. Nabuntis niya si Bella sa minsang pagsisiping nila sa college reunion nito ng mga kaklase sa Matabungkay. Tsaperon siya ni Bella, at siguro’y para rin may maipakilala itong boyfriend sa mga dating kaklase. Pangalawang boyfriend pa lamang siya ni Bella. Siya ang nakauna sa napangasawa.
Nang nagsasama na sila, tuwing sila’y nag-aaway, malimit na isumbat ni Bella sa kanya ang kapangahasan niya.
“Ayoko pang mag-asawa, hindi pa ‘ko sawa sa pagkadalaga. Napuruhan mo lang ako!”
Nakapisan pa sila noon sa mga magulang nito, at para hindi na humaba ang usapan (nahihiya siya sa kanyang mga biyenan), tatahimik na lamang siya at palilipasin ang galit ng kanyang misis. Ganoon nang ganoon. Inakala ng mga kasama nila sa bahay (lalo na ng mga magulang ni Bella) na ander siya nito. Binayaan lamang niya ang kanilang paniwala. Ayaw niya ng away; nakakahiya sa kanilang mga kapitbahay. Kaya para hindi na magtataray si Bella, iniiwasan niyang gumawa ng mga bagay na alam niyang ikaiinit ng ulo nito. Mula sa opisina’y diretso siya nang uwi sa bahay. Maliban kung nagpapasundo si Bella sa pinapasukang bangko, may bibilhin at kailangan ng tagabitbit. Tiniis niya ang kantiyaw ng kanyang mga kaopisina dahil sa malimit niyang pagtangging sumama sa mga ito na mag-videoke. Weirdo ang tingin ng mga ito sa kanya. Abnormal. Takusa.
NATURAL lang na mauna sa kanya sa mall si Nery. Wala silang partikular na usapan kung saan sa loob niyon sila magkikita; inakala lamang niya na baka may bibilhin uli ito sa supermarket kaya roon siya nagtuloy. Naroon na nga si Nery, nakaupo sa waiting bench sa may bungad ng supermarket; may kinukukot na sitsiryang kropek. Napangiti ito nang matanaw siya, itinaas ang kanang kamay. Napangiti rin si Ramil, tila nga pumitlag ang kanyang puso. Nagmadali siya sa paglakad palapit kay Nery.
“’Kala ko, sir, iind’yanin mo ‘ko, e?”
Bahagyang humihingal, tinabihan niya sa pagkakaupo si Nery. Inalok siya nito ng kropek; umiling siya. Nakapantalon ito ngayon, napansin niya, naka-blouse na walang manggas, murang berde ang kulay at kapansin-pansin ang mababang cut sa tapat ng dibdib; litaw ang kapiraso ng magkabilang dibdib.
“Sexy mo naman,” sabi ni Ramil, hindi napigilan ang sarili.
Tinapik siya ni Nery sa braso. “Tinitingnan mo, e!”
“Hindi maiwasan, kapansin-pansin kasi!”
Ngumiti uli ito: humarot ang bukas ng singkit na mga mata.
“Me bibil’in ka ba?” Lumingon si Ramil sa loob ng supermarket.
“Wala. Walang pambili…”
Gatas siguro ang tinutukoy ni Nery.
“–Pero gusto mo sanang bumili?”
“Sana…”
“’Lika, bumili tayo.” Tumindig na si Ramil.
“Nakakahiya ‘ata?”
“Ako naman ang nag-alok…”
“Okey.”
Tumindig na rin ito. Magkasabay silang pumasok sa supermarket. Ang salansanan kaagad ng mga formula milk ang tinungo ni Nery. Nakasunod lamang si Ramil, ninanakawan ng sulyap ang mahubog na balakang ng bagong kakilala. Dumampot si Nery ng isang maliit na lata at ipinakita sa kanya.
“’Yan lang ba? Wala ka na bang bibil’in?”
“Okey na ‘to. Dyahi na nga ako sa ‘yo. Baka isipin mo pang inaabuso kita, e, ke-bago-bago nating magkakilala.”
Nagkibit-balikat si Ramil. “Okey lang. Minsan-minsan lang naman…”
Inabutan niya ng pera si Nery; ito na lamang ang nagtungo at nagbayad sa cashier. Naghintay sa di-kalayuan si Ramil, hinahagod pa rin ng tingin ang katawan ni Nery. Napalunok-laway siya.
Heto na uli si Nery, nakabayad na, nakasupot na ang biniling formula milk at nakangiting iniabot sa kanya ang sukli.
“Thank you, sir, ha?”
Umingles si Ramil. “Don’t mention it. O, sa’n tayo pupunta ngayon?”
Nag-angat ng tingin si Nery, tila may sinasalamin sa kanyang mukha. Ngumiti. Nagpakawala nang malalim na buntunghininga, saka sinabing, “Ikaw? Sa’n mo ba gusto?”
Muling napalunok-laway si Ramil.
(MAY KARUGTONG)