Apat na Tula ni JP ANTHONY D. CUÑADA

Ang Aking Mga Mata

Napapagod na ang aking mga mata

Sa katitingin araw-araw sa kumot,

Unan, aparador, bentilador, aircon,

Sahig, hagdan, mesa, at pagkain.

Kaya pag oras na ng kainan

At nakapikit sila, nauunawaan ko:

Lunas sa matinding sakit

Ang hanap nila, hindi pagkain
Para maibsan ang gutom.


Dahil wala pang lunas,

Pipikit muna sila.

Pero kailangan ko sila araw-araw.

Kaya araw-araw din, pinapaalalahanan ko

Ang mga mata na ang lahat ng nakikita

At ikinapapagod nila ay mga tao at bagay.

Nandito ang mukha ni Cita

Na limang taon nang nagsisilbi sa amin:

Tagaluto, tagalaba, at tagalinis ng bahay.

Nandito din ang anak niyang si Amek

Na malapit nang matuto para maipagmaneho ako.

Nandito ang tiya na tagahimay ng ulam,

Tagatimpla ng gatas, at tagapagpainom ng gamot.

Ang asawang mas nalulungkot mabalo

Kaysa harapin ang milyon-milyon

Na gastusin sa pagpapaopera.

At noong isang araw lang, dumating ang Nanay

At ipinagrorosaryo ako halos oras-oras.

Sabi ng doktor, hanggang hindi maoperahan

Ang aking utak, hindi lang ang kanang paa at leeg
Ang di susunod sa utos kong manatili.
Darating ang araw, ang buong katawan,

Kasama ang mga matang pumikit-dumilat,
Ay susuway sa ibig.

Kung kayâ, ipinapaalala ko sa mga mata

Na malapit na ang operasyon.

Makaaakyat na ako ulit ng bundok

At makasasakay na sa bisikleta.

Alam ko kasing mahilig din silang manood

Ng ulap sa tuktok ng bundok, at sa mga tanawin

Sa daan habang pawis na pawis ako at nagbibisikleta.

Hindi ko sinasabi ang alam kong maaaring

Di na talaga ako makaakyat ng bundok

At makapagbisikleta. Dahil di nila alam ito,

Tuwang-tuwa sila, sabay dumidilat, nangingislap, 

 Bigla’y nasasabik, para dalhin ako sa mesa.

SA MINAMAHAL KONG MGA TIGULANG

Araw-araw, ipinaaalala

Ng Nanay na maligo ako.

Lumipad siya galing probinsiya

Para maalagaan ako kahit nasa bahay

Na ang tiya. Ganito din dati sa ospital

Nang inoperahan ako sa utak

Para mabawasan o mawala ang sakit

Ng pinipilipit na katawan.

Pinagtulungan nila akong subuan

Dahil na masyadong makagalaw

Ang aking mga kamay.

Kaninang tanghali

Tinahi ng Nanay ang damit kong butás

Habang naririnig ko ang boses ng tiya

Na nagkukuwento sa kusina
At abala sa pagluluto.

Kung may kulang sa gamot

O anumang pangangailangan,

Ang tiya ang susugod sa botika o tindahan.

Ramdam ko na ang paggaling ko

Kayâ ako’y labis na nalulungkot.

Malalaman nilang di ko na sila kailangan,

Kaya’t uuwi na sila, di maglalaon,

Sa kanilang mga bahay.

Kung minsan tuloy, ikinatutuwa ko na rin

Ang bagal ng pag-ayos

Ng mga doktor sa de-bateryang

Nasa aking dibdib para gisingin ang isiningit

Sa naluluoy na mga selyula sa utak.

Marami pa akong butás na damit,

At kahit ang gamot, tila di makasasapat

Sa nakaabang na pangungulilang

Higit sa kaibuturan ng bungo ang sakit.

PINANGGALINGAN

Binubura ng taimtim na sakit ang bukas

Habang pinapaigting nito ang nakaraan.

Ang buhày na nakaraan:

Sayaw sa pasilyo,

Buong gabing hapunan,

Pagsama sa isang hapunan para di kumain mag-isa
Sa paanan ng pinakamataas na bundok sa Luzon,

Paglalakad sa dalampasigan ng malayong lugar;

Mga bundok na kinayang akyatin,

Mga paang sumasakit noong una

Ngunit sa kalauna’y naging palaban,

Mga magagandang litratong di inaasahan.

Alok na samáhan sa mga bundok

Habang kaya pang humakbang,

Mga kuwento at pangarap

Na pinagsaluhan kasama ang mga kaibigan,

Bisikleta at helmet na ipinahiram.

Mga sagot sa tanong para makabuo

Ng sariling masasakyan.

Sundo’t paghatid ng kaibigan,

Pang-isang linggong libreng ulam,

Tákot na mabalo,

Pangakong pagpapagamot.

Paulit-ulit silang sumasagi sa isip,

Sa puwang na iniiwan ng sakit.

Pinapasalamatan sila,

O ang sarili, o ang Diyos

Sa lakas at lakas ng loob.

Walang puwang ang takot

O kamatayan sa aking nakaraan.

TAGAY KAY RAP

Dahil ba iyon

Sa alak

Na tinutungga natin

Hanggang madaling araw

Araw-araw?

Dahil ba iyon

Sa ilaw ng buong siyudad

Na pinagmamasdan natin

Sa ating tinirhan

Habang tulog na ang lahat

Samantalang tinatapos pa natin

Ang mga kuwento at alak

Na di maubos-ubos?

Dahil ba sa isang kaibigan

Na sumunod sa atin

At inilibot tayo sa buong siyudad?

Dahil ba sa banayad na dalisdis

Ng bulkan na palaging nasa likod

Natin sa mga litrato?

Baka naman dahil sa halos tatlong

Oras na lakad natin sa tanghaling tapat

Papunta sa monumento ng Heneral

Sa Leyte kayâ nasunog ang iyong balat?

O dahil kaya sa maririkit na tanawin

Sa napakaraming lugar na pinagsaluhan natin?

Saan ba nabubuo

Ang pagiging magkapatid?

Dugo ang dahilan

Kung bakit bumabalik

At lumilisan ka sa bayan.

Kung bakit dinugtungan mo ang aking buhay

At humaba din ang iyong buhay.

Itataaas ko ang bote

Sa hangin

Sa bawat pagtungga

Hanggang magkita tayong muli.

Tungkol sa May-akda

Si JP ANTHONY D. CUÑADA ay tubong Pilar, Capiz at nanirahan sa Lungsod Pasig nang makapag-asawa. Isa siyang mountaineer at cyclist, at advocate ng dystonia awareness, mula nang tamaan siya ng sakit noong 2016. Nagtrabaho siya bilang pribadong abogado sa loob ng 11 taon at ngayon ay naglilingkod sa pamahalaan bilang Associate Provincial Prosecutor ng Capiz.