ni Bimbo Papasin
Nag-iisang anak lang si Biboy. Siya rin ang pinakaunang apo. Kaya naman lahat ng pagmamahal ay ipinadama sa kaniya ng mga magulang lalung-lalo na ng kaniyang mga lolo’t lola. Lumaking mabait na bata si Biboy. Masayahin at napakalambing kaya kinagigiliwan siya ng lahat.
Anim na taon ding siya lang ang bata sa kanilang tahanan kaya biglang nagbago ang mundo ni Biboy nang magsilang ng anak na babae ang kaniyang tiyahin. Sinundan pa ito ng isa pang anak na babae… at isa pa… at isa pa.
Noong una ay nasisiyahan si Biboy dahil sa isip-isip niya ay may makakalaro na siya. Pero nang lumaki na ang apat na pinsan niyang babae, nagsimulang magbago ang kaniyang ugali. Naging iyakin siya at bugnutin kapag hindi niya nakukuha ang kaniyang gusto. Naging matampuhin din siya lalo na kapag hindi siya ang pinapansin at pinupuri.
Kahit saan magpunta si Biboy, parating nakabuntot sa kaniya ang apat niyang bulinggit na pinsan. Magkakahawak pa ng kamay sina Yomi, si Yiyah, si Yarquisse at si Yara habang sumusunod sa kanilang Kuya Biboy.
“Huwag nga ninyo akong sundan!” bulyaw ni Biboy sa kaniyang mga pinsan. Pero sunod pa rin ng sunod ang mga bata sa kaniya.
Inis na inis si Biboy dahil pati ang mga gamit niya’y pinapakialaman ng kaniyang maliliit na pinsan. Kapag sinasaway naman niya ang mga ito, kinagagalitan siya ng mga magulang at sinasabihan na matuto siyang magpahiram ng mga gamit sa mga pinsan. Kaya ganoon na lamang lungkot ni Biboy.
“Dati, ako lang ang mahal nila. Ngayon, lagi na lang nila akong pinagagalitan…” may pagtatampong ibinulong ni Biboy sa sarili.
Isang araw, nagtungo sa probinsya ang buong pamilya ni Biboy kasama ang kaniyang mga pinsan.
Tuwang-tuwa ang mga bata lalo na si Biboy dahil ngayon lang sila makakapunta sa probinsya. Madalas kasing ikuwento ng mga magulang niya na napakaganda ng mga tanawin doon. Maraming puno sa gubat kaya presko ang hangin at may malinis din na sapa rito. Halos hindi nakatulog sa biyahe si Biboy sa kakaisip ng mga gagawin niya pagdating sa probinsya.
Pagdating pa lang sa bahay ng kaniyang Lolo Rolly, isang napakagandang saranggola ang agad na isinalubong nito kay Biboy. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa sobrang tuwa.
“Lolo, turuan mo po akong paliparin ang saranggola ko ha?” sabik na sinabi ni Biboy sa kaniyang lolo.
“Bukas na bukas din, apo. Magpahinga ka muna.” Malambing na sagot ng kaniyang lolo.
Kinabukasan, maagang nagising si Biboy dahil sa sobrang sabik. Agad niyang tinungo ang pinaglagyan niya ng saranggola pero laking gulat niya dahil wala na ito roon.
“Naku, saan na napunta ‘yon? Dito ko lang inilagay ang saranggola ko kagabi ah?!”
Tanging ang naroon ay isang bubwit na nakasiksik sa gilid na sa tingin niya ay parang lumuluha. Ipinagwalang-bahala na lang niya ang kaniyang nakita. Ang mahalaga ay mahanap niya ang saranggola.
Kinakabahan na si Biboy. May kutob siyang ginalaw na naman iyon ng kaniyang mga pinsan.
“Wag naman sana…” usal ni Biboy.
Habang papalabas siya ng bahay, may natapakan siyang mga papel de hapon na kakulay ng nakalagay sa kaniyang saranggola. Nagkalat ito sa salas ng bahay kaya sinundan niya kung saan ito nagmumula. At sa likod ng upuan, nakita ni Biboy ang kaniyang saranggola o ang mga piraso ng kaniyang saranggola.
Hawak-hawak pa nina Yomi at Yiyah ang mga tangkay habang ang mga piraso ng papel ay kagat-kagat ni Yarquisse at ni Yara. Napasigaw si Biboy sa galit.
“Ano’ng ginawa n’yo sa saranggola ko?!”
Nagulat ang apat na bulinggit sa sigaw ng kanilang Kuya Biboy kaya sabay-sabay na umiyak ang mga bata.
Napaiyak na rin si Biboy sa sobrang galit sa mga pinsan. May sinasabi pa si Yomi sa kaniya pero hindi niya na ito pinansin. Tumakbo siya pabalik sa kuwarto at padabog na isinara ang pinto nito.
“Ayoko na silang makita! Ayoko na silang makita!” Paulit-ulit na sinasabi ni Biboy hanggang sa makatulog siya sa kakaiyak.
Nagising si Biboy sa huni ng mga ibon at lagaslas ng tubig sa sapa. Hindi niya natatandaan kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Bumangon siya’t nagtungo sa sapa upang maghugas ng kamay.
Isang maliit na tinig ang narinig ni Biboy. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang tinig. Nagulat siya sa nakita! Ang bubwit na nakita niya sa bahay ng kaniyang lolo, nalulunod sa sapa!
“Tulong! Tulong! Parang awa n’yo na!” sigaw ng bubwit habang inaanod ito ng malakas na alon ng sapa.
Agad namang lumusong si Biboy sa tubig para sagipin ang nalulunod na bubwit.
Pagdating sa pampang ng sapa, nagpasalamat ang bubwit kay Biboy.
“Maraming salamat sa iyo, kaibigan! Maraming salamat sa pagkakaligtas mo sa akin!”
“Walang anuman iyon, kaibigang bubwit. Paano ka nga pala napunta sa sapa, hindi ka naman pala marunong lumangoy?”
“Tumakas kasi ako sa bahay namin eh. Pinagalitan ako ng nanay ko dahil ayaw kong makipaglaro sa mga kapatid kong makukulit. Lahat kasi ng gawin ko, gusto nilang gayahin. Lahat ng laruan ko, pinapakialaman din nila. Kaya umalis ako sa amin at napunta nga ako dito sa sapa. Kaya lang, nadulas ako at nahulog sa tubig. Mabuti na lang at narito ka — kung hindi walang magliligtas sa akin.”
“Ako nga pala si Buboy. Ikaw, ano’ng pangalan mo, kaibigan?”
Hindi agad nakasagot si Biboy. Naalala niya ang kaniyang mga pinsang makukulit at kung ano ang ginawa nila sa kaniyang bagong saranggola. Muling nangilid ang luha sa kaniyang mga mata.
“Kaibigan, may problema ba?” muling pagtatanong ni Buboy.
“Ha, ano nga pala ang sabi mo?! Pasensya ka na ha, may naalala lang kasi ako sa ikinuwento mo kanina.”
Muling nagpakilala ang bubwit kay Biboy. “Ako nga pala si Buboy, kaibigan. Ikaw, ano’ng pangalan mo at paano ka napunta sa lugar na ito?”
“Ako naman si Biboy, hindi ko nga alam kung papaano ako napunta rito eh. Ang huling natatandaan ko, umiiyak ako sa aking kuwarto at…” Biglang natigilan si Biboy sa kaniyang sasabihin.
Nakatingin lang sa kaniya si Buboy, tila naghihintay ng karugtong sa sasabihin ni Biboy.
Pero nang makita niyang parang napahiya ang bagong kaibigan, iniba na lang niya ang usapan.
“Halika, Biboy, manguha na lang tayo ng prutas sa gubat.”
“Sige!”
Masayang namitas ng prutas ang bagong magkaibigan. Habang kumakain sila ng mga napitas na prutas ay panay ang kuwentuhan nila. Hanggang sa mapadako ang kanilang usapan sa problema ni Buboy.
Ikinuwento ni Buboy ang nangyari sa kanilang lungga nang umagang iyon at kung paano siya napagalitan ng kaniyang nanay dahil ayaw niyang makipaglaro sa mga nakababatang kapatid at magpahiram ng laruan sa kanila.
Bigla namang nagbago ang tono ni Buboy. May lungkot sa kaniyang tinig habang ikinukuwento niya kung paano niya napagalitan ang bunsong kapatid dahil nasira nito ang paborito niyang laruan. Umiiyak kasi ito habang nagtatanong kung bakit palagi na lang siyang nagagalit sa kanila.
“Hindi mo ba ako mahal, kuya?” pabulong na nasabi ni Biboy.
Narinig ito ni Buboy at nagtaka siya kung paano nalaman ni Biboy ang sinabi ng bunso niyang kapatid sa kaniya.
“Iyan din kasi ang itinanong sa akin ng pinsan kong si Yomi nang mapagalitan ko sila kaninang umaga…”
“Kagaya mo, Buboy, lagi ko ring pinagagalitan at pinagdaramutan ang mga pinsan ko. Hindi ko naman sila gustong awayin kaya lang bakit kaya patuloy ko pa rin itong ginagawa? Mahal ko naman sila, hindi ko nga lang alam kung paano ito ipapakita sa kanila.”
Napaluha si Biboy. Gusto na niyang umuwi at humingi ng paumanhin sa kaniyang mga pinsan pati na rin sa kaniyang mga magulang.
“Siguro dapat na nating baguhin ang ating ugali. Hindi na tayo dapat magalit at mag-selos sa kanila kasi tayo ang mga kuya nila. Dapat tayo ang nagtatanggol sa kanila imbes na tayo ang nang-aaway…” dugtong pa ni Buboy.
“Tama ka, Buboy. Panahon na para ipakita ang pagmamahal natin sa kanila.”
“Magmula ngayon, magiging mapagbigay at mapagkumbaba na ako sa mga pinsan ko.”
“Maraming salamat, Biboy! Marami akong aral na napulot ngayong araw na ito. Nagkaroon pa ako ng bagong kaibigan.”
“Salamat din, Buboy!”
Nagkamayan ang dalawang magkaibigan at sabay na nagpaalam sa isa’t isa.
“Biboy…Biboy…” marahang tawag ni Aling Shane kay Biboy habang kumakatok sa pinto.
Nagising si Biboy sa boses ng kaniyang ina at pinagbuksan niya ng pinto si Aling Shane. “Kakain na tayo, anak. Halina sa kusina.”
Naalala niya bigla si Buboy Bubwit at ang mga napag-usapan nila sa gubat. Bago pa man makatalikod si Aling Shane, niyakap siya nang mahigpit ng kaniyang anak sabay hingi ng tawad sa kaniyang mga pagkakamali.
Mahigpit ding niyakap ni Aling Shane ang anak.
“Naiintindihan ko ang pinagdaraanan mo ngayon, anak. Alam ko naman na mabait kang bata, at matututo ka sa iyong mga pagkakamali. Kuya na talaga ang anak ko!” Buong pagmamalaking sabi ni Aling Shane sa anak.
Mula noon, naging malapit na si Biboy ng kaniyang mga pinsan. Hindi na rin siya nagagalit sa kanila at pinapahiram na niya ang kaniyang mga laruan sa mga bata. Masaya na rin siyang nakikipagbiruan sa apat na bulinggit.
At kung papakinggan ninyong mabuti, tanging tawanan at kantahan na lang din ang maririnig sa lungga nila Buboy. Nanumbalik na muli ang dating masayang pagsasamahan nilang mag-anak.