Anthony Palo: Dalisay sa Daloy ng Pinta

Ni Raymund Magno Garlítos

Sa sining ngbatang pintor na si Anthony Palo, hayag ang kaniyang pagkahilig sa mga imahen ng mga bata, at hindi niya ito itinatatwa. “Mahilig kasi ako sa cartoons, anime, CG (computer generated) animated movies tulad ng mga pelikula ni Tim Burton, videogame graphics at sprites,” ani Anthony. “Iyon ang mga gusto kong idrowing noon, mga ganoong child-like proportions, character designs – simplified, compact, at cute – ‘chibi’ kung tawagin sa kulturang Hapones, mga miniature versions.”


Dagdag pa ng pintor mulang Antipolo City, malaki ang impact ng imahinasyon o pantasya sa kaniyang isip noong bata pa siya. “Ganoon ang naiimagine ko – isang lugar kung saan ang mga bata ang nagiging hari at reyna, mga prinsesa at prinsipe, mga dragon, knights, toy soldiers, monsters, robots. Iyong mga kuwentong maaaring likhain nila sa kanilang isip, iyon ang gusto kong ma-capture sa art ko.”

Ang pop culture tulad ng mga TV cartoon, comics, at teks (mga collectible card na gawang Pilipinas at sikat noong ‘70s hanggang ‘90s) ang naging unang inspirasyon ng kaniyang sining bilang isang batang visual artist. Ito ang humimok sa kaniya na seryosohin ito mula elementarya at hayskul hanggang matanggap siya sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Ganoon pa man, malayo sa isip niya ang maging pintor sa simula.


“Hindi ko naman pinili na maging painter sa simula [kasi] ang gusto ko nga noon e magdrawing ng cartoons,” sabi ni Anthony. “Pinili ko iyong painting as major kasi naintriga ako kay Juan Luna at sa painting niyang Spoliarium – kung paano ang isang artist ay naging bayani at ang obra niya ay naging mahalaga sa kasaysayan at kultura natin. Naisip kong gusto ko ring matutuhan kung paano iyon ginawa.”

Nang mabigyan ng oportunidad na makapag-eksibit ng sarili niyang show sa isang art gallery, nagdesisyon siyang seryosohin ang pagpipinta. “Nag-full time ako kasi naisip ko na dapat payabungin ko ang binigay sa akin na talento.”


Ilan sa mga nagsilbing mentor niya ang mga kasamahan sa Saturday Group of Artists kung saan siya kabilang. “Sina Roel Obemio, Buds Convocar, Omi Reyes, to name a few –nakikiking ako sa mga input nila. Inoobserbahan ko kung paano nila inaatake iyong art nila, tapos ina-apply ko sa sarili kong gawa.”

Bilang pintor, pangarap ni Anthony ang makapagtanghal pa ng kaniyang sining sa pamamagitan ng mga one-man show o group exhibit. Ganoon pa man, naroon pa rin ang kaniyang pagpupursige na matuto pa at mapaganda pa ang kaniyang sining at makapagbahagi pa ng mga kuwento sa mga sumusunod na henerasyon ng mga visual artist.


“Ang layon ko bilang isang artist ang ipaalala sa lipunan ang pagkadalisay ng pagkabata gamit ang sining,” paalala ni Anthony. “Ipaalala natin kung ano ba ang goal natin bilang lipunan, bilang sariling indibidwal, bilang bahagi ng isang kabuuan. Ipaalala natin sa mga sarili natin na dapat nating abutin ang pagkadalisay na iyon at gawin ang nararapat upang makamit ito. Ang gawing realidad ang isang ideyal na mundo – iyon ang purpose ko sa aking sining.”